Nalathala sa Liwayway (Dis. 3, 2012)
For an English version of this essay, please click here.
MATAGAL nang nakatubog ang akademya ng Pilipinas sa teorya o haka na ang mga unang tao raw na tinawag na Pilipino ay hindi ang mga sinaunang katutubo ng Pilipinas kundi ang mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa (1565-1898). Kayâ, ang mga Espanyol na iyon daw ang mga orihinal na Pilipino, at hindi ang mga sinaunang katutubo. Ang mga katutubo naman daw ay sinimulang ituring ang kanilang mga sarili bílang mga Pilipino noon lámang 1898, nang naghihimagsik na sila laban sa Espanya.
Taliwas
sa mga talâ ng kasaysayan ang teoryang ito.
Ang mga Katutubo
Ang mga
sinaunang katutubo ng Pilipinas ay hindi nagmula sa iisang bansa. May
kanya-kanya silang lahi at wika, at ang bawat lahi ay tinatawag ang kanilang
sarili batay sa kung ano ang kanilang wika. Ang pagkakakilala at tawag ng mga
sinauna sa kani-kanilang mga sarili ay gaya ng mga ito:
“Iluko
ako.”
“Ibanag
ako.”
“Ipugaw
ako.”
“Kapampangan
ako.”
“Panggalatok
ako.”
“Tagalog
ako.”
“Bikol
ako.”
“Waray
ako.”
“Sugbuanon
ako.”
“Hiligaynon
ako.”
“Bukidnon
ako.”
“Maranaw
ako.”
“Magindanawon
ako.”
“Tausog
ako.”
Felipinas
Noong
1543, nakarating sa mga pulo ng Samar ang ekspedisyong Espanyol na nása
pamumunò ni Ruy Lopez de Villalobos. Pinangalanan nila ang mga pulong iyon ng Felipinas
bílang parangal kay Prinsipe Felipe, ang tagapagmana ng trono ng kaharian ng
Espanya. Sa kalaunan, iyon na rin ang naging pangalan ng kapuluang tinatawag na
ngayong Pilipinas. Naluklok si Felipe sa trono ng Espanya bílang si
Haring Felipe II noong 1556. Pagkaraan ng tatlong taon, nagpalabas ito ng utos
na ganap nang sakupin ng Espanya ang Felipinas.
Las Islas Filipinas
Ang Felipinas
ay isinusulat din nang Phelipinas o Philipinas, ngunit Filipinas
ang naging opisyal nang baybay sa kalaunan. Dahil ang Filipinas ay
pangalan nga ng isang kapuluan (isang pook na binubuo ng maraming pulo),
kailangang dagdagan iyon ng las (ang mga) at islas (mga pulo).
Kayâ, ang Filipinas ay naging las Islas Filipinas (Kapuluang
Pilipinas).
Ang mga
awtoridad na Espanyol sa las Islas Filipinas ay palagiang nagpapadala ng mga
ulat sa hari ng Espanya tungkol sa kapuluan, at ang mga misyonerong Espanyol ay
palagian ding naglalathala ng mga aklat tungkol naman sa mga pangangaral nila
sa kapuluan din. Ang pangalan ng kapuluan na inilalagay nila sa pamagat ng
kanilang mga ulat at aklat ay las Islas Filipinas, gaya ng mga sumusunod:
Relación de las Islas Filipinas (Cebu, [Walang petsa]) ni Miguel Lopez de Legazpi.
Relación de las Islas Filipinas (Maynila, 1576) ni Francisco Sande.
Relación de las Islas Filipinas (Roma, 1604) ni Pedro Chirino.
Sucesos de las Islas Filipinas (Mexico, 1609) ni Antonio de Morga.
May mga
pagkakataon na dahil marahil sa mahaba ang las Islas Filipinas,
isinusulat o binibigkas ito nang las Filipinas o Filipinas na
lámang.
Indio
Dahil ang
kapuluan ay tinatawag nang las Islas Filipinas, las Filipinas, o Filipinas,
ang mga katutubo nito ay dapat na ring tawaging Filipino, anuman ang
lahi at wika nila.
Subalit
hindi tinawag ng mga Espanyol ang mga katutubo na Filipino. Tinawag nila
ang mga ito na Indio, na ang payak na kahulugan ay “táong taga-Silangan.”
Ang mga katutubo nga naman ay nása silangang bahagi ng daigdig. Samantalang ang
mga Espanyol ay mga taga-Europa o taga-Kanluran. Nakasulat sa mga nabanggit na
ulat at aklat ng mga Espanyol ang taguring Indio.
Sa
paglipas ng panahon, binigyan na ng mga Espanyol ang Indio ng masasamang
kahulugan: mga táong walang saysay, tamad, pangit, unggoy, walang pinag-aralan,
marurumi, at iba pang panlalait.
Ang mga Orihinal na Filipino
Si Pedro
Chirino ay isang Heswitang Espanyol na inutusan ng kanyang Orden na magtungo sa
Filipinas upang tumulong sa pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. Dumating
siya sa bansa noong 1590.
Naging
palaisipan para kay Chirino kung bakit Indio ang tawag nilang mga
Espanyol sa mga katutubo. Dapat tawaging Filipino ang mga ito, dahil ang
pangalan ng kapuluan ay las Islas Filipinas nga. At hindi rin lámang
naman ang mga tao sa kapuluang ito ang mga Indio o taga-Silangan. Ang
mga Indian, Tsino, Hapones, Indones, Malayo, Siames, Biyetnames, at iba pa ay
mga Indio rin. Dapat ay may sariling pamansag ang mga Indio sa
kapuluang ito.
Nang
magsulat na si Chirino ng aklat tungkol sa pangangaral niya sa kapuluan,
tinawag din niyang Indio ang mga katutubo sa kapuluang ito, dahil ganoon
nga ang tawag nilang mga Espanyol sa mga ito. Subalit, may labindalawang
pagkakataon sa kanyang aklat na tinawag niyang Filipino ang mga
katutubo. Ang mga iyon ay ang mga sumusunod:
“Ginagamit
ng mga Filipino ang mga [dahon ng balete] para sa kanilang pagluluto.”
“Ang mga
[Ati] ay higit na barbaro at hindi pa napaaamo kaysa mga Bisaya at karamihan sa
mga Filipino.”
“Tungkol
sa pagpipitagan, paraan ng paggalang, at mabubuting asal ng mga Filipino.
Kabanata XVI.”
“Sa
kanilang mga kilos, ang mga Filipino ay hindi kasingkiyas ng mga Tsino at
Hapones; subalit mayroon silang sariling mga akda ng pagkamagalang at
mabubuting asal, lalo na ang mga Tagalo na kaygagalang sa salita at kilos.”
“Ang mga
Titik [Alpabeto] ng mga Filipino. Kabanata XVII.”
“Tungkol
sa mga huwad na paganong relihiyon, idolatriya, at pamahiin ng mga Filipino.
Kabanata XXI.”
“Tungkol
sa pag-aasawa, bigaykáya, at diborsiyo ng mga Filipino. Kabanata XXX.”
“Ang una
at huling paraan ng paglutas ng mga Filipino sa mga suliranin ng pagkakasakit
ay, gaya ng atin nang nabanggit, ang paghahandog ng mga alay sa kanilang mga anito
o divata, na siyang mga panginoon nila.”
“Tungkol
sa mga kasiyahan at paglalasing ng mga Filipino. Kabanata XXXIV.”
“Tungkol
sa pagpapautang at pang-aalipin ng mga Filipino. Kabanata XXXXVI.”
“Hindi
kailanman nagkaroon ang mga Filipino … .”
“Ang mga
paraan ng pagbibigay ng pangalan ng mga Filipino. Kabanata LXXX.”
Para kay
Chirino, ang mga Tagalog, Bisaya, Ati, at lahat ng iba pang katutubo sa
kapuluan ay dapat ding tawaging Filipino, hindi lámang Indio.
Ang aklat
na iyon ni Chirino, na pinamagatang Relación de las Islas Filipinas (Tungkol sa Kapuluang Pilipinas), ay natapos niya noong
1602 at nalathala sa Roma, Italya, noong 1604. Naitalâ sa aklat na iyon na ang
isang pangkat ng mga tao ay tinawag na Filipino
sa unang pagkakataon, at ang mga táong iyon ay mga katutubo ng Filipinas. Kayâ,
malinaw na ang mga orihinal na Filipino—o ang mga táong unang tinawag na
Filipino—ay walang iba kundi ang mga katutubo ng Filipinas.
Ang iba pang Espanyol na tumawag sa
mga katutubo hindi lámang ng Indio
kundi ng Filipino rin ay si Francisco
Colin, isa pang Heswita, sa kanyang aklat na Labor Evangelica (Banal na Gawain)
na nalathala sa Madrid, Espanya, noong 1663; at ang Pransiskanong si Juan
Francisco de San Antonio, sa kanyang Descripción de las islas Philipinas
(Paglalarawan sa Kapuluang Pilipinas) na inakda sa Maynila noong 1738.
Subalit dahil talagang mapanlait ang
mga Espanyol, higit nilang pinili na tawaging Indio ang mga Filipino sa loob ng 333 taóng pananakop nila. Hindi
naman matawag ng mga katutubo ang kanilang mga sarili na Indio, dahil nga sa masasangsang na kahulugan nito. Tinawag na
lámang nila ang mga sarili batay pa rin sa kung ano ang kani-kanilang lahi at
wika.
Españoles Filipinos
Bukod sa
Filipinas, sinakop din ng mga Espanyol ang maraming bansa sa gitna at timog
Amerika at ilang teritoryo sa Aprika. Maraming Espanyol ang isinisilang sa mga
kolonyang iyon. Upang magkaroon ng wastong pagkakakilanlan ang mga Espanyol,
gumamit sila ng kanya-kanyang mga pamansag batay sa mga sinilangan nilang pook.
Ang ilan sa mga pamansag na iyon ay ang mga sumusunod:
Peninsulares o mga taga-peninsula—ang mga
Espanyol na isinilang sa Espanya. Ang Espanya ay isang peninsula o
lupain na nakausli papuntang dagat.
Insulares o mga taga-kapuluan—ang mga
Espanyol na isinilang sa Filipinas. Ang Filipinas ay isang insular o
kapuluan.
Españoles Filipinos o mga Espanyol na isinilang sa
Filipinas—ang isa pang tawag sa mga insulares.
Españoles Americanos—ang mga Espanyol na isinilang sa
gitna o timog Amerika.
“Mga Filipino Kami!”
Simula
naman noong dekada 1880, marami nang mayayamang katutubong pamilya ang
nagpapadala ng kanilang mga anak sa Espanya upang doon magkolehiyo. Iba’t iba
ang lahi ng mga katutubong mag-aaral na iyon. May Iluko, Tagalog, Bisaya, at
iba pa. Upang magkaroon sila ng sarili at iisang pagkakakilanlan habang nása
ibang bayan, tinawag nila ang kanilang mga sarili na Filipino, na ang
kahulugan ay “taga-Filipinas.” Iyon ang payak at tangi nilang layunin kung
bakit nila tinawag ang mga sarili nang gayon. Ayon nga kay Jose Rizal sa isang
liham na may petsang ika-13 ng Abril 1887, sila ay:
“… mga
binata sa Filipinas, isinilang ng mga magulang na Kastila, mga mestisong Intsik
at Malayo; datapuwa’t ang itinatawag namin sa isa’t isa ay Filipino.”
Ang mga
mag-aaral na iyon ang mga katutubo na nagpasimuno sa pagtawag at pagturing sa
kanilang mga sarili bílang mga Filipino.
Filipinas at Filipino
Ang karamihan sa mga katutubong
alpabeto sa Filipinas ay may limang patinig at 15 katinig. Walang titik F ang mga ito.
Sa panahon ng pananakop ng Espanya,
naging Romano ang palatitikan o ortograpiya ng mga katutubong alpabeto. Kayâ,
bagama’t walang titik F ang mga
alpabetong iyon, tinawag na ng mga katutubo ang kanilang kapuluan na Filipinas mula nang mag-umpisa ang
pananakop ng mga Espanyol noong 1565, at ang kanilang mga sarili na Filipino mula noong dekada 1880.
Noong
1896, naghimagsik sila laban sa mga Espanyol. Nang sumunod na taon, nagtatag
sila ng isang pamahalaan na tinawag nilang Republica de Filipinas. Noong
ika-23 ng Hunyo 1898, pinalitan nila iyon ng Gobierno Revolucionario nang Filipinas.
Tumagal ito hanggang noong ika-23 ng Enero 1899, nang pasinayaan nila ang Republica
nang Filipinas. Tinawag na rin nila ang kanilang mga sarili na Filipino.
Subalit
ipinagbili ng mga Espanyol ang kapuluan sa mga Amerikano noong Disyembre 1898.
At hindi kinilala ng mga Amerikano ang republikang itinatag ng mga Filipino.
Nauwi ito sa digmaan sa pagitan ng mga Filipino at Amerikano noong 1899-1901.
Dahil nanaig ang mga Amerikano, binuwag ng mga ito ang republikang itinatag ng
mga Filipino, at ang pangalang las
Islas Filipinas ay ginawa nilang The Philippine Islands.
Pilipinas at Pilipino
Sa
panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang Filipino ay ginawa nang Pilipino
ng mga katutubo, dahil wala ngang titik F ang mga katutubong alpabeto.
Ang The Philippine Islands, na dating las Islas Filipinas, las
Filipinas, o Filipinas, ay ginawa naman nilang Kapuluang
Pilipinas o Pilipinas.
Kayâ,
kung ang mga katutubo ay tinawag na Filipino ng ilang Espanyol sa
panahon ng pananakop ng mga ito, at tinawag na ang kanilang mga sarili na Filipino
mula 1880 hanggang 1901, tinawag naman na nila ang kanilang mga sarili na Pilipino
sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Tinawag naman sila ng mga Amerikano
na Filipino, ang katumbas ng Pilipino sa Ingles.
Pagbabalik sa Filipinas at
Filipino
Noong
ika-4 ng Hulyo 1946, lumaya na ang Pilipinas mula sa mga Amerikano. Dahil
diyan, ang Kapuluang Pilipinas ay opisyal nang naging Republika ng Pilipinas.
Ang ikli nito ay Pilipinas. At ang mga mamamayan nito ay tinatawag pa
rin ang kanilang mga sarili na Pilipino.
Noong
1959, ipinag-utos ng pamahalaan na ang Tagalog, na siyang wikang pambansa, ay
tatawagin nang Pilipino simula sa taóng iyon. Sa ilalim naman ng bagong
Saligang-Batas ng bansa na nagkabisa noong 1987, ang wikang Pilipino ay tinawag
nang Filipino.
Sa
ngayon, marami ang nagsusulong na ang pangalan ng bansa na Pilipinas ay
gawin nang Filipinas, at ang mga mamamayan nito, ang mga Pilipino,
ay tawagin nang Filipino. Isa itong hakbang na pagbabalik sa mga
orihinal na opisyal na baybay ng pangalan ng bansa at ng mga katutubong
mamamayan nito.
TALASANGGUNIAN
Cartas Entre
Rizal y Otras Personas, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Comisión
Nacional del Centenario de José Rizal, 1961.
Chirino, Pedro, Relación de las Islas Filipinas, Roma, 1604. Ang salin sa Ingles,
“Relation of the Philippine Islands,” The
Philippine Islands 1493-1898, Tomo 12 at Tomo 13, Cleveland: The
Arthur H. Clark Company, 1903. Emma Helen Blair at James Alexander Robertson,
mga patnugot.
Colin, Francisco, Labor Evangelica, Madrid, 1663. Ang salin sa
Ingles, “Evangelical Labor,” The
Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.
“Expedition of Ruy Lopez de Villalobos—1541-43,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo
2, 1903.
Mga Akdang Pampulitika at Pangkasaysayan ni Jose Rizal, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang Komisyon ng
Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
Pagsusulatan
nina Rizal at Blumentritt, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang
Komisyon ng mga Bayani, 1963.
San Antonio, Juan Francisco de, Descripción de las Islas Philipinas, Maynila, 1738.
Ang salin sa Ingles, “The Native People and Their Customs,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.
The Laws of the First Philippine Republic 1898-1899, Maynila: National Historical Institute, 1994. Sulpicio
Guevarra, patnugot. ●