Maikling Kuwento Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Mayo 19, 2008)
NANG tumunog ang alarm clock, dahan-dahang nagmulat ng kanyang mga mata si Kim. Tiningnan niya ang kanyang relo. Ikaanim na ng umaga. Eksaktong walong oras ang naging tulog niya.
Nasiyahan siya. Kung kukulangin kasi sa oras ang kanyang tulog, baka lumaylay ang mga talukap ng kanyang mga mata. At magmumukha siyang matanda na.
Nag-unat-unat siya, umupo, at hawak ang isang salamin, sinuri-suri ang kanyang mga pisngi. Mamula-mula. Napakakinis. Wala ni anumang pekas. Hinaplos-haplos niya ang mga ito. Napakalambot. Wala ni anumang kulubot. Nasiyahan na naman siya, at napangiti sa sarili.
Mahuhumaling talaga sa kanya si Marie, naisip niya. Kasintahan niya ito. Kaopisina. Kapwa sila mga graphic artists sa isang tanyag na kompanya ng mga patalastas.
Kaedad din niya si Marie, 23 taon. At maganda ito. Ang ayaw lamang niya rito ay may ugali itong ipinagwawalang-bahala minsan ang mga problemang bumabagabag sa kanya. Parang walang malasakit para sa kanya.
Mag-isang nakatira si Kim sa isang kondominyum yunit, na regalo ng kanyang mga magulang nang magtapos siya sa kolehiyo. Masarap ang buhay niya. Nagsasarili na. Buhay-binata. At solo ang sinusuweldo.
Hindi pa bumabangon si Kim mula sa kanyang kama. Sinusuri-suri pa niya sa salamin ang sarili. Nasalat ng mga daliri niya ang losyon na hindi lubusang naipahid sa kanyang mukha. Isang mahalagang ritwal niya ang pagpapahid ng losyon sa mukha at buong katawan tuwing matatapos maligo o bago matulog.
Sinuklay-suklay niya ang kanyang buhok. Pangiti-ngiti siya habang nakatitig sa sarili sa salamin. Hanggang sa nagulat siya sa isang nakita.
Tagiyawat!
Nasa bandang itaas iyon ng kanyang noo. Maliit na pula pa lamang. Kabisado na niya ang ganyang uri ng tagiyawat. Nag-uumpisa na maliit, pero sa mga darating na araw, nagiging sinlaki ng butil ng bigas, namimintog, at kung hindi titirisin ay nahihinog. Kung hinog na, matigas na, nakaluwa pa, at kung kusang natatanggal na ay nag-iiwan ng butas.
“Nakakahiya!” sabi niya.
Hinding-hindi niya titirisin iyan. Magkakabutas kasi. Dagli siyang nagbangon at tumuloy ng banyo. Nagsepilyo siya.
Naghilamos din siya nang ilang ulit. Nang mapatuyo na ang kanyang mukha, pinahiran niya ang tagiyawat ng ointment. Dapat, patayin agad ang mikrobyong nasa loob nito para hindi na ito tuluyang lumaki.
Kung mag-iiwan iyon ng butas, sasailalim na naman siya sa dermabrasion. Kahit isang butas lang, gusto niyang paremedyuhan agad iyon, nang manatiling makinis ang kanyang mukha. Ayaw na ayaw niyang makikitaan ito ng anumang uka, kahit maliit lang.
Matapos maghilamos, humarap siya sa salaming sintaas ng tao. Pinaumbok niya ang mga masel ng kanyang mga bisig at dibdib.
Ang vital statistics niya ay 36-28-34. Matipuno na iyon para sa edad niya. Gusto niyang maging 38 ang kanyang dibdib, para maging sampung pulgada ang agwat ng laki ng dibdib at ng tiyan niya. Iyon kasi ang perpektong agwat ng laki ng dibdib at ng tiyan ng lalaki.
Nag-ehersisyo si Kim sa loob ng halos tatlumpong minuto rin. Nakagawian na niya iyon tuwing gumigising sa umaga. Sandaang pushups. Sandaang sit-ups. At pabanat-banat ng mga masel. Kailangang mapanatili niya ang magandang hubog ng kanyang katawan.
Pagkatapos niyon, naligo na siya. Likidong sabon ang gamit niya, iyong hindi makasisira ng balat. Piling-pili rin ang shampu niya. Iyong hindi rin makasisira ng balat.
Pagkaligo, nag-ahit siya. Piling-pili rin ang shaving cream niya. Iyong hindi mahapdi at hindi makatutuyo ng mga pisngi niya.
Sumunod, naghilamos siyang muli at nagpahid na ng losyon sa mukha at buong katawan. Ang para sa mukha ay panlaban sa anumang nagbabantang kulubot o pekas. Ang para naman sa katawan ay upang mapanatiling makinis ang balat nito.
Sa pagkain, tinapay na ang pinakakanin niya. Pampalaki kasi ng tiyan ang kanin. Iniiwasan din niya ang sobrang matatamis. Pampalobo rin kasi ng tiyan ang mga iyon.
Hindi rin siya nagluluto ng pagkain niya. Bukod sa wala siyang hilig magluto, takot siyang matilamsikan ng mantika ang kanyang mukha o katawan. May restoran naman sa ibaba ng kanyang kondominyum. Doon siya nag-aalmusal, nagtatanghalian, o naghahapunan. Kung may pasok siya, sa kantina ng kanyang opisina siya nagtatanghalian.
Tinapay, keso, tocino, at adobo ang madalas niyang kainin. Sinasalitan niya iyon ng nilagang baboy, ginisang gulay, pinangat, inihaw na bangus, o sinigang na laman-dagat. Tubig at kola ang inumin niya.
Wala siyang mga bisyo, kagaya ng alak (pantunaw ng atay at pampalaki rin ng tiyan), sigarilyo (pambutas ng baga at pampatanda agad ng mukha), o kabaret (pampabawas sa oras ng tulog at sa gayo’y pampatanda rin agad ng mukha).
Mahilig siya sa mga prutas, katulad ng lansones, langka, rambutan, mangga, guyabano, saging, at iba pa. Habang nagpapaantok sa pagbabasa ng libro o panonood ng isang pelikula sa DVD player, nilalantakan niya ang mga iyon.
“MASAMA yata ang timpla ng mukha mo?” bati sa kanya ni Marie nang magkita na sila sa kanilang opisina nang umagang iyon.
Ngumiti lamang si Kim nang bahagya sa kasintahan, at tumuloy sa kanyang mesa.
“Ano na naman kaya ang sumira sa araw mo?” tanong ni Marie. Magkatabi lamang ang kanilang mga mesa.
Hindi pa rin sumasagot si Kim. Alam na ni Marie iyon. May kung anong nambuwisit na naman sa kanya. Ilang minuto pa bago mag-umpisa ang oras ng kanilang trabaho, kaya’t inusisa siya nito. Tiningnan-tingnan ang kanyang mukha. May kung anong nais makita.
“Wala namang ano, a,” sabi ni Marie. “Ba’t masama ang timplada ng mukha mo?”
Nagsuri pa si Marie. Hahawakan na sana nito ang kanyang panga, pero iniilag niya ang kanyang mukha. Sumimangot si Marie.
“Malinis ang kamay ko, ha!” sabi nito.
“Baka kung saan mo na naihawak ‘yan,” katwiran ni Kim.
“Galing ako ng banyo, naghugas ako ng mga kamay roon, at gumamit ako ng tissue paper nang hawakan ko ang doorknob.”
“Kahit na. Baka may nahawakan ka nang ibang bagay, tapos ihahawak mo sa mukha ko. Nakakatagiyawat ang maruming kamay.”
Inirapan siya ni Marie. “Ano na naman ba kasi ang ikinasisimangot mo?”
Hinawi ni Kim ang maikling bangs niya. Ipinakita ang tagiyawat.
“Iyan lang!” sabi ni Marie.
Uminit ang mukha ni Kim. Wala talagang malasakit sa kanya ang kasintahan niya. Nila-lang lang ang tagiyawat na posibleng makabutas ng balat niya sa noo.
Sumama agad ang kanyang loob. Kaya’t hindi niya ito kinausap sa buong umaga. Sa tanghalian din. Hanggang sa uwian nila sa hapon.
Hindi agad umuwi si Kim. Naitext na niya kasi kaninang umaga ang isang pakikipagkita o appointment kay Dr. Malaya, ang siruhano kosmetiko niya.
Ipakokonsulta niya ang kanyang tagiyawat. Gusto niyang malaman kung bakit sa edad niyang iyon, tinatagiyawat pa siya. Hindi na siya tin-edyer, at hindi na siya nagkakakain ng malalangis na pagkain, pero bakit tinutubuan pa siya ng tagiyawat?
Nang tin-edyer siya, madalas niyang itanong kay Dr. Malaya kung bakit tinatagiyawat ang mukha ng tao. Kung ano-ano lamang ang nakukuha niyang mga tugon mula rito.
“KAHIT naman hindi na tin-edyer, puwede pang tagiyawatin,” paliwanag sa kanya ni Dr. Malaya nang siya’y nasa klinika na nito.
“Ano ho kaya ang mga dahilan?” tanong niya. “Iniiwasan ko na ho ang mga oily food.”
“Malakas ka naman sa prutas, di ba?”
“Opo.”
“Palagian naman ang exercise mo?”
“Opo.”
“Stress? Sa trabaho, halimbawa?”
Wala naman siyang anumang stress o bigat sa kanyang trabaho. Masaya nga siya roon. Alam na alam at gustong-gusto niya kasi ang kanyang ginagawa.
“Problema sa pamilya?” tanong pa ni Dr. Malaya.
“Wala po. Masuwerte po ako sa mga magulang at kapatid.”
“Sa love life mo? May pressure ba mula sa girlfriend mo?”
Teka muna, nag-isip ni Kim. Si Marie? Madalas na siyang naiinis dito kasi parang wala man lamang malasakit sa kanya.
Inilahad niya kay Dr. Malaya ang ugaling hindi niya nagugustuhan kay Marie, at ang mga naiipon nang sama ng loob niya rito.
“Mag-usap kayo,” payo ni Dr. Malaya. “Nakaka-pressure din kasi ang relationship.”
HABANG nakaupo sa kanyang kama at nagpapahid ng losyon sa kanyang mukha at buong katawan, malalim na nag-iisip si Kim.
Maganda at seksi si Marie. Kaibig-ibig. Pero parang walang malasakit sa mga idinaraing niya. Mabigat o stressful para sa kanya ang gayon. Kung mabibigatan siya, mahirap na. Ang stress ay nakapagpapatanda agad ng mukha.
Tumayo siya’t humarap sa malaking salamin. Sinuri-suri niya ang kanyang mga pisngi. Hinahanapan kung may mga kulubot na roon, na bunga ng stress. Wala pa naman. Hinding-hindi niya mapapayagan kung magkakaguhit-guhit ang kanyang mukha.
A, hihiwalayan na lamang niya si Marie. Hindi na rin siya makikipagrelasyon pa. At lalong hindi na rin siya magpapamilya pa. Perwisyo ang mga lumalaking anak, lalo na iyong mga sutil at suwail. Kukulubot agad ang kanyang mukha dahil sa mga ito!
Hindi bale nang wala siyang asawa at mga anak, basta ba mananatiling sariwa ang kanyang mga pisngi, ang kanyang mukha, at ang kanyang katawan.
Napatingin siya sa kanyang relo. Ikasampu na. Matutulog na siya. Dapat gumising siya bukas ng ikaanim, para eksaktong walong oras ang tulog niya. Kung makukulangan kasi ng oras ang tulog niya, baka magkakulubot ang kanyang mga pisngi.
Dali-dali niyang tinapos ang pagpapahid ng losyon. Saka nagpatay na siya ng mga ilaw, at halos tumalon papunta sa kanyang kama. Mayamaya lamang, himbing na himbing na siya. ●