Kuwentong Pambata Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Abril 24, 2006)
NARASANAN mo na bang bumili ng karayom kung gabi sa isang tindahang sari-sari at sinabihan ng nagtitinda na naubusan na sila niyon?
Walang mabibiling karayom sa mga tindahang sari-sari kung gabi. Hindi dahil sa naubusan na ng mga iyon ang mga tindahan. Ang totoo ay mayroon sila, ngunit hindi sila magtitinda kahit isa. Ang hindi pagtitindang ito ng karayom ay nangyayari lamang sa gabi. Sa araw, mabibili naman agad ang mga ito.
Bakit? Ito’y dahil sa paniniwala na kung magtitinda ng karayom sa gabi, lahat ng iba pang karayom sa tindahan ay kinalawang na pagsapit ng umaga. Kaya, ang mga may-ari ng mga tindahang sari-sari ay hindi kailanman nangangahas magtinda ng mga karayom nila kung gabi.
Bakit may ganitong paniniwala? At totoo ba ito? Ang mga sagot ay matatagpuan sa isang kuwento na nangyari noong sinaunang panahon o mahigit isang libong taon na ang nakararaan. …
SI Liwanag ay isang mananahi na nakatira sa labas ng isang nayon, na nakaririwasa dahil may mga sakahan. Mag-isa siyang namumuhay; walang nakaaalam kung bakit. Wala ring nakaaalam kung paano siya dumating sa labas ng nayon. Nakita na lamang isang araw ng mga taganayon na may nagtayo ng isang munting bahay roon.
Natuklasan nila na si Liwanag ang may-ari niyon at mag-isa lamang siya. Napag-alaman din nila na nagtatahi siya ng mga matitibay na damit at salawal para sa mga lalaki, at mga magagandang baro at saya para sa mga babae. Iyon ang ikinabubuhay niya.
Agad naibalita na isa siyang magaling na mananahi. Kaya’t ang mga maharlika (mga nakatataas na tao), timawa (mga malalayang tao), at alipin (mga katulong ng mga maharlika at timawa) ay naging mga suki niya.
Sinadya siya mismo ng mga pinuno ng iba’t ibang mga bayan at ng mga maybahay ng mga ito. Humiling ang mga pinuno ng mga kapansin-pansing damit at salawal upang lalo silang maging mukhang kagalang-galang at maharlika. Humiling din ng mga maririkit na damit ang mga maybahay nila.
Nang mga panahong iyon, napakahirap gawin ang mga karayom. Nangangailangan ng lubhang husay, tiyaga, at pagod sa paggawa ng mga ito. Kaya, kakaunti lamang at napakamahal ng mga ito. May dalawang karayom lamang si Liwanag, kung kaya’t iniingatan niya talaga ang mga iyon.
Dahil sa pananahi, yumaman si Liwanag. Nakapagpatayo siya ng isang bagong bahay na gawa sa mga maiinam na kahoy. Napapalibutan din ng mga nakagagamot na bulaklak at halaman ang kanyang hawan.
Lingid sa kaalaman niya, may naging lihim siyang kaaway sa nayon: si Dimakulangan, isang mangangalakal na naiinggit sa kanya. Nagtitinda si Dimakulangan ng mga damit, palayok, kawali, banga, hikaw, kuwintas, laruan, kumot, banig, unan, karayom, at marami pa. Dahil iba-iba ang mga ipinagbibili niya, tinawag na sari-sari ang kanyang tindahan.
Mabili dati ang kanyang mga damit. Ngunit mula nang dumating si Liwanag, hindi na pumupunta sa tindahan niya ang mga tao upang bumili ng mga ito dahil napag-alaman nila na mas maiinam ang mga tinatahi ni Liwanag.
ISANG araw, ipinahayag ng pinuno nilang si Lakan Magiliw na magkakaroon sila ng isang piging sa susunod na kabilugan ng buwan upang ipagdiwang ang mga masasaganang ani nila sa taong iyon, na lalo pang nagpayaman sa kanila.
Inanyayahan niya ang lahat ng mga taganayon na dumalo sa piging, na gaganapin sa malawak niyang bakuran. Sila ay magkakainan, mag-iinuman, mag-aawitan, at magsasayawan.
Natuwa si Liwanag na inanyayahan siya ng lakan mismo. Nais niyang dumalo sa piging sapagkat gusto rin naman niyang makapagsaya dahil sa mga biyayang natatanggap niya.
NAGPATAHI ang mga taganayon kay Liwanag ng mga damit, salawal, baro, at saya na isusuot nila para sa piging. Sa loob ng ilang araw, naging abalang-abala siya sa pagsusukat at pagtatahi ng mga kasuotang iyon.
Nang gabing bago sumapit ang piging, bumaluktot na ang dalawa niyang karayom dahil sa matinding paggamit. Hindi niya matapos-tapos ang huling damit na tinatahi niya. At iyon mismo ang damit na isusuot niya para sa piging.
Agad siyang pumunta sa tindahan ni Dimakulangan upang bumili ng karayom. Gabing-gabi na noon. Sinabi niya na kailangang-kailangan niya ng isa para sa isusuot niya kinabukasan.
Lihim na ngumiti si Dimakulangan. Pagkakataon na niya iyon upang makaganti rito.
“Wala na akong karayom,” sabi nito.
Subalit nakababasa ng isip ng tao si Liwanag. Kaya niyang alamin kung ano ang iniisip ng iba. Dahil isang mangkukulam, kaya rin niyang saktan ang mga tao sa pamamagitan lamang ng pagsasalita sa isang lumang wika na siya lamang ang nakauunawa.
Kaya nga, mag-isa siyang namumuhay. Kung may mga kapitbahay siya, maaaring makaaway niya ang ilan sa mga ito at baka makapagbitiw siya ng mga nakapipinsalang pangkukulam sa mga ito. Ayaw niyang makasakit ng mga tao; kaya, nakatira siya sa labas ng nayon, malayo sa pamayanan.
Nang gabing iyon, nabatid niya agad na nagsisinungaling si Dimakulangan. Pinagkaitan siya ng karayom, kaya’t nagalit siya nang lubha at hindi napigilan ang kanyang sarili. Umungol siya ng isang pangkukulam:
“Mula ngayon, hindi ka na makapagbibili ng karayom sa gabi! Dahil kung magbibili ka, kakalawangin sa magdamag ang lahat ng mga karayom mo!”
At tumakbo papunta sa kadiliman si Liwanag. Hindi na siya nakita pang muli ng mga taganayon.
Ipinagkibit-balikat lamang ni Dimakulangan ang sinabi ni Liwanag.
Isang gabi, may bumili sa kanya ng mga karayom.
Kinabukasan, nasindak siya dahil ang lahat ng mga karayom sa tindahan niya ay kinalawang! Nalugi siya nang malaki.
ANG kuwentong ito ay nagpalipat-lipat na sa mga sumunod na salinlahi. At ito na nga ang naging pamahiin na hindi mabuti ang magbili ng karayom sa mga tindahang sari-sari kung gabi. Kaya, walang tindahang sari-sari ang nangangahas na magtinda ng karayom sa gabi sa pangamba na pagdating ng umaga, lahat ng mga karayom nila ay kinalawang na at hindi na maipagbibili. …
Upang mapatunayan mo ito mismo, bakit hindi mo subuking bumili ng karayom sa isang tindahang sari-sari kung gabi? ●