Maikling Kuwento Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Marso 1, 2010)
“KAILANGAN ba talagang sumali?” tanong ni Lee.
“Kailangan,” sagot ni Gary. “Para maging kapatid ka. Brad. Brother.”
Magkaklase sila sa ilang asignatura ng kanilang kursong pre-law o pang-abogasya. Dati, kapwa sila nasa Talaan ng Dekano o Dean’s List, pero sumabit si Gary nang magkaroon ng mga markang 2.75. Sanhi ang ganoon upang matanggal ito sa talaang iyon at upang hindi na magkamit ng ano mang karangalan. Dapat 2.5 pataas ang lahat ng mga marka. Nananatili si Lee sa talaang iyon, at malakas ang pag-asa niya na magkamit ng karangalan sa araw ng pagtatapos.
“Iba na ang nasa kapatiran,” sabi ni Gary. “Kung tapos ka na, sigurado na agad ang trabaho. Kasi ang mga tinatanggap ng mga law firms, mga ka-brad nila. Kung magkakaso ka, marami rin ang tutulong sa iyo. Mga koneksiyon sa gobyerno. Mga ka-brad sa frat.”
“‘Yan nga ang napagdidinig ko,” sabi ni Lee.
“Kaya, sali ka na. Ako, last year pang sumali. Hindi ko na tuloy intindihin pa ‘yan.”
“Paano ‘yan? May hazing.”
“Ganoon talaga sa fraternity. Kailangang dumaan sa initiation bago maging miyembro.”
“Nakayanan mo ang pahirap doon?”
“Hataw-hataw at palo-palo lang naman sa hita at likod.”
“Masakit?”
“Siyempre. Pero dapat indahin mo.”
Hindi nakaimik sa Lee, halatang niyayapos ng mga agam-agam.
“Huwag kang mag-alala. Naro’n ako pag hiniheysing ka na. Mababantayan kita.”
Bahagyang lumuwag ang kalooban ni Lee dahil sa paniniyak na iyon ng kaibigan. May magbabantay sa kanya. Maaaring umawat sa iba kung sakaling hindi na niya mababata pa ang mga pahirap. Maaaring pakiusapan ang mga nagheheysing na huwag naman siyang masyadong saktan, hatawin, paluin.
Ganyan daw sa mga fraternity. Kung may kaibigang tagaloob, hindi sasaktan nang labis sa oras ng initiation rites o ang ritwal ng pagtanggap sa isang nais maging kasapi.
“Kailan ba?” tanong ni Lee.
“Sekreto ‘to,” sabi ni Gary. “‘Wag mong basta-basta sabihin kung kani-kanino. Gagawin ang taunang initiation rites ngayong Huwebes.”
“Martes ngayon,” sabi ni Lee. “May dalawang araw pa ako para makapaghanda.”
Nangiti si Gary. Papayag na rin si Lee na umanib sa frat nila. Natampal nito ang balikat ni Lee. “Ayos!”
Natigil ang pag-uusap nila nang lumapit si Joyce, na isang kaklase rin nila sa maraming asignatura.
“Mamaya raw ang announcement ng mga candidates for honor,” pabatid nito. “I’m sure, Lee, kasama ka ro’n.”
Ngumiti lamang si Lee. “Para sa akin, may honor o wala, basta makatapos. Iyon ang mas mahalaga.”
“Pero, iba pa rin ang makatapos na cum laude, magna cum laude, o summa cum laude,” giit ni Joyce. “Ano sa tingin mo, Gary?”
Inabot ng ilang sandali bago sumagot si Gary. “Oo. Iba na ang graduate with flying colors.”
“Pagbutihan mo, Lee, para maging cum laude ka,” sabi ni Joyce. “Kaya, huwag ka munang maghanap ng girlfriend. Baka kasi masira ang pag-aaral mo. Pero kung gusto mo na, narito lang naman ako.”
Pumugik si Joyce, pero parang totoo na rin ang tinurang iyon. Lumulukso ang puso ni Lee. Kung puwede lang sanang maging kasintahan niya ito. Kaso, may mga nagkakainteres na rito na mga miyembro ng frat na sasalihan niya. Tataluhin ba naman niya ang kanyang magiging mga masters at magiging mga ka-brad?
“‘Yang tipo mo pa naman ang hinahanap ko,” tukso pa ni Joyce. “Iyong guwapo na, pogi pa.”
Napatingin si Lee kay Joyce. “Magkaiba ba ang mga iyon? Ang guwapo sa pogi?”
“Oo.”
“Paano?”
“Parehong guwapo ang guwapo at pogi. Kaso lang, ang guwapo, mas mataas sa pogi. Kaya ikaw, masuwerte, kasi guwapo na, pogi pa.”
Napangiwi si Lee, hindi maintindihan ang paliwanag ni Joyce.
“Pati ngiwi mo, pampogi pa rin,” sabi pa ni Joyce, na kinurot-kurot na siya sa pisngi.
Iniiwas ni Lee ang kanyang mukha; hindi kasi siya sanay na makipagharutan sa isang babae kung nasa isang mataong pook sila, gaya ng kanilang kampus. Bagama’t gustong-gusto niya ang malalambot na daliri ni Joyce.
“Sana,” sabi pa ni Joyce, “tayong dalawa na pag nakatapos na tayo.”
Tumikhim si Gary.
Naalala nina Lee at Joyce na naroroon pala ito. Gayon na lamang ang pagkaaliw nila sa isa’t isa dahil nakalimutan nilang may iba pa pala silang kaharap.
“Nar’yan ka pala, Gary,” pabirong sabi ni Joyce.
“Kanina pa. Natanong mo na nga ako,” sagot ni Gary.
“Sori. ‘Sensiya na, ampogi kasi nitong crush ko,” pabiro pang sabi ni Joyce. “Sige, may klase pa ako.”
Nakamasid ang dalawa sa papalayong si Joyce, hinahagod ang kabuuan nito, ang ganda, ang alindog, ang likuran. Maganda si Joyce. Habulin ng tingin, pero walang makapagtangkang digahan ito dahil nga may mga fratmen nang umaaligid dito.
“Ganda talaga n’ya,” sabi ni Lee.
“Ingat ka,” payo ni Gary. “Mahirap makabangga ang mga masters natin.”
TANGHALI ng Huwebes. Nakahanda na si Lee. Masigabo ang kanyang pakiramdam. Para kasing humuhugos ang mga biyaya sa kanya nitong mga dumaang araw.
Una, nanatili siyang pampito sa Dean’s List. Pampito sa mahigit 500 mag-aaral sa kanilang kolehiyo. Ikalawa, kandidato na siya sa pagka-cum laude. At ikatlo, nadarama niyang totoo ang mga sinasabi at ikinikilos ni Joyce para sa kanya.
Kahit panay pabiro ang mga iyon, iba pa rin, e. Pinipisil ba naman ang mga kamay niya. Kung nag-uusap sila. Kung nagkakasalubong sa koridor. Kung nasa kantina. Gagawin ba naman iyon ng isang magandang babae sa isang lalaki kung wala itong kakaibang pakay? Hinahayaan na lamang niya iyon. Makatatanggi ba naman kasi siya?
“Faye, pakisabi kina Mama, may outing kami,” sabi ni Lee sa nakababatang kapatid.
“Nakapagpaalam ka na ba?”
“Naitext ko na. Sabi ni Mama, hintayin ko raw ang uwi nila galing opis. E, gabi pa ang uwi nila.”
“Kaya?”
“Basta, alam na nila na para sa iskul ang outing namin.”
Hindi na umimik si Faye.
NAUNANG dumating si Lee sa itinakdang tagpuan. May ilang dumating din na sasailalim din sa initiation rites. Hindi kilala ni Lee ang mga iyon. Tahimik silang naghintay.
Nang dumating si Gary, sakay ito ng isang van at may dalawang kasama, na sa taya ni Lee ay hindi na mga estudyante. Maaaring mga frat masters ang mga ito.
Ipinakilala sila ni Gary sa dalawang kasama. “Master Roel, Master Jim, sila ang mga rekrut ko.”
Tumango lamang ang dalawa at hinudyatan silang pumasok na sa van. Bago sila umusad, piniringan sila nina Gary.
“Unang batas,” sabi ni Master Roel, “walang magsasalita ng kahit isa sa inyo kung hindi tinatanong. Naintindihan n’yo?”
Napatango lamang sina Lee.
“Ganyan ba ang tamang pagsagot sa inyong magiging master?” tanong ni Master Roel. “Sumagot kayo gamit ang bibig n’yo, hindi ang ulo!”
“Opo,” atubiling sagot nina Lee.
“Lakasan ninyo ang sagot n’yo! At laging gamitin ang salitang master sa dulo ng bawat sagot n’yo! Naintindihan?”
“Opo, master!” sabay-sabay na sagot nina Lee.
Mga ilang oras din ang kanilang nilakbay. Dinala sila sa isang malayong lugar. Siyempre, nang umayon sa gagawin sa kanila. Hindi akma kung gagawin iyon sa isang lugar na marami ang mga gusali o tao.
Nang madala na sila sa pagdarausan ng initiation rites, na isang malaking bulwagan, saka na ipinatanggal ang kanilang mga piring. Nalaman nila na bukod pala sa kanila, may iba pang mga rekrut na galing sa iba-ibang lugar.
Nagsuri si Lee. May mga nakilala siyang mga seniors at juniors ng kanilang kolehiyo. Nangakaupo sa dulo ng malaking bulwagang iyon. Hinanap niya si Gary. Hindi niya makita, samantalang kanina’y inaakay pa yata siya nito papunta sa bulwagang iyon.
Mayamaya, nagsalita ang isa sa mga nakaupo sa dulo ng bulwagan. “Kayo pala ang mga gustong sumali sa frat namin.”
Tumango sina Gary.
“Siya si Master Chris; isa siyang senior master,” sabi ni Master Roel. “Sumagot kayo sa kanya ng tama!”
Halos napasigaw ang mga rekrut. “Opo, master!”
May binulungan si Master Chris. Umalis ang binulungan, at hinihintay ang muling pagsipot nito. Nang makabalik na ito, may mga kasama na. Nagtayuan ang lahat.
Napanganga ang mga rekrut. Mga tanyag kasing tao ang pumasok. May mga mambabatas, mga tanyag na negosyante, mga taong-pamahalaan, at mga batikang manananggol o abogado de campanilla. Ang nakagugulat, may isang mahistrado ng Korte Suprema.
Nagsiupo ang mga ito sa luklukang laan para sa kanila. Pangiti-ngiti lamang ang mga ito. Kampanteng-kampante. Walang pagmamadali o pag-aatubili.
“Magandang hapon po, elder masters,” bati ni Master Chris. Ipinakilala nito sina Lee. “Sila po ang mga rekrut.”
Ganoon pa rin ang tugon ng mga tinitingalang taong iyon. Pangiti-ngiti. Kampanteng-kampante. Parang hawak ang pag-inog ng mundo.
Muling nagsalita si Master Chris. “Magandang hapon sa inyong lahat. Naririto tayo sa taunang initiation rites para sa mga gustong umanib sa ating dakilang samahan. Pero bago ang lahat, magsitayo tayo upang awitin ang ating imno.”
Nagsitayo ang lahat. Itinapat ng mga ito ang kanilang mga nakatuwid na kanang kamay sa dibdib. At sabay-sabay na nag-awitan. Seryosong-seryoso. Sinisisid ang taimtim na seremonyang iyon. Muling nagsiupo ang mga ito nang tapos nang awitin ang imno.
Nakatingin lamang sina Lee. At nananatiling nakatayo. Wala kasi silang mauupuan habang nakatayo sa gitna ng bulwagan.
“Mga ka-brad,” sabi ni Master Chris, “ipinakikilala ko sa inyo si Senador Alberto De los Reyes!”
Palakpakan at tayuan muli.
“Magandang hapon sa inyong lahat,” panimula ni Senador De los Reyes. “Nakatutuwa dahil patuloy na lumalaki ang ating organisasyon. Kayong mga gustong maging miyembro, hindi kayo magsisisi.”
Mahaba ang talumpati ng senador. Tinalakay ang mga biyayang matatamasa sa pagsali sa organisasyong iyon, at ang kanilang mga adhikain, alituntunin, at balak para sa hinaharap.
Sinimulan na ang initiation rites nang tapos nang magtalumpati ang senador. Ang mga rekrut ay muling piniringan, pinaglayo sa bawat isa nang tig-iisang dipa, at saka pinaharap sa isang pader ng bulwagan.
“Gusto mong sumali sa frat namin?” tanong ng isang master sa isang rekrut.
“Opo, master!”
Isang mahina-hinang hataw sa likod ng hita ang sumunod sa tanong na iyon. Pak!
Humiyaw ang hinataw. Isa-isang ginawa ang gayon sa iba pang rekrut.
“Gusto mong sumali sa frat namin?”
“Opo, master!” sagot ni Lee.
Napahiyaw din si Lee nang mahataw na. Masakit, pero kaya niya.
Sumunod pa ang mga tanong at mga hatawan.
“Kaya mong ipagtanggol ang mga ideals ng frat namin?”
“Opo, master!”
Pak! Pak! Pak!
“Kung ininsulto ang frat namin, ipagtatanggol mo ba?”
“Opo, master!”
Pak! Pak! Pak!
“Kung may ka-brad na inagrabyado, sasama ka sa pagtatanggol sa kanya ng frat?”
“Opo, master!”
Pak! Pak! Pak!
Pagkaraan ng isang oras, pinagpahinga sila pansamantala. Unang bugso pa lamang daw iyon. Masakit na ang mga hita ni Lee, pero lalo siyang ginaganahan.
Pinayagan silang alisin ang kanilang mga piring. Napapangiti sila sa isa’t isa nang magkakitaan. Maganda ang karanasang iyon. Kaya naman pala nila. Napansin nilang wala na roon ang mga nakatatandang pinuno o elder masters.
IKALAWANG bugso. Ganoon pa rin. Tanong. Hataw. Iba-ibang tanong, at hataw din sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang paisa-isa, padala-dalawa, at patatlo-tatlong hataw sa likuran ng kanilang hita ay naragdagan at napunta na sa mga braso at likod.
Pagsapit ng gabi, gutom na sina Lee. Pero hindi kasama sa pagpapahirap na iyon ang pakainin sila. Patuloy ang mga tanong at ang mga hatawan.
“Magsasakripisyo ka ba para sa frat namin?!” tanong kay Lee.
Nangiti si Lee. Pamilyar sa kanya ang tinig ng nagtatanong sa kanya ngayon. Kilalang-kilala niya kung kanino ang tinig na iyon. Sa tuwa niya, naging mahina ang sagot niya.
“Opo, master.”
Hindi niya sukat akalain ang sumunod. Malalakas na hataw sa kanyang likod.
“Ano ang sagot mo?!” pasigaw na tanong ng nanghataw.
Sa matinding gulat ay napahiyaw sa pagsagot si Lee.
“Opo, master!”
“Kung sabihin ko sa ‘yong huwag kang manligaw sa isang babae, gagawin mo?”
“Opo, master!”
Malalakas na hataw ang muling lumatay sa likod ni Lee.
“Huwag mong liligawan si Joyce kahit kailan, ha?”
“Opo, master!”
Pak! Pak! Pak!
“At tigilan mo na ang paghahangad mong maging honor graduate, ha?”
“Opo, master!”
Ilang ulit pa siyang tinanong at hinataw. Sa mga sumunod pang hataw sa kanya, wala na siyang naitutugon. Wala na kasing madama ang namamanhid at lamog na niyang katawan.
PAGKARAAN ng isang buwan, nagising na si Lee, sa isang ospital. Ligtas na siya mula sa kamatayan. May diwa na.
Ipinayo ng mga manggagamot na huwag munang usisain ang tungkol sa nangyari sa kanya. Kaya’t hinayaan siyang magpagaling ng mga ilang buwan pa.
Nang maiuwi na sa kanila, nakasakay na siya sa upuang de-gulong. Baldado na. Gulay na ang katawan. Mabuti na lamang at hindi naapektuhan ang kanyang pag-iisip.
“Anak, sino ang may gawa nito sa iyo?” Paulit-ulit na ang tanong na iyon ng mga magulang ni Lee. “Sabihin mo, anak. Maawa ka naman sa sarili mo.”
Hindi. Hinding-hindi magsasalita si Lee. Wala siyang sinumang ituturo. Hinding-hindi niya ilalagay sa alanganin ang kanilang fraternity. Ang kanilang kapatiran. Ipagtatanggol niya ito habang siya’y nabubuhay. ●