Kuwentong Pambata Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Disyembre 25, 2006)
ILANG araw na lamang, Pasko na. Nakikita, nalalanghap, at naririnig na ito ng bawat isa. Nakasabit na sa mga durungawan ang mga parol na may iba’t ibang hugis, kulay, at laki. Nilulugod ng puto bumbong at bibingka ang mga nanggagaling sa Simbang Gabi. Pinababango ang simoy ng panahon ng mga espesyal na tinapay, malalaking keso de bola, inihaw na baboy, at piniritong manok. At may mga awiting pampasko na inaawit kahit saan. Noo’y 1873, at gaya ng buong bansa, naghahanda ang Lungsod ng Maynila para sa papalapit na pagdiriwang.
Kasama ang mga magulang nila, nagsisimbang-gabi sina Andres at ang mga kapatid niya sa Simbahan ng Tondo mula pa nang mag-umpisa ito noong ika-16 ng Disyembre. Si Andres ang panganay, at nagsampung taong gulang lamang siya nitong Nobyembre 30.
Pagkatapos magsimbang-gabi para sa araw na iyon, hindi siya bumalik sa higaan; nais niyang makapagtinda nang maaga upang makaipon ng malaki-laking salapi. Nagtitinda siya ng mga kawayang tungkod at papel na pamaypay sa tabi ng Escolta, ang daan na tanyag dahil sa mga tindahan nito. Kapwa namamasyal o namimili roon ang mga mayayaman at mahihirap.
Ibibili ni Andres ang mga kikitain niya ng mga regalo para sa kanyang mga magulang at kapatid. Gugulatin niya sila sa Araw ng Pasko. Siya mismo ang humubog ng mga tungkod mula sa mga maliliit na puno ng kawayan na pinutol niya sa kanilang bakuran, at siya rin ang gumawa ng mga pamaypay mula sa mga matitigas na kulay lupang papel. Nang banggitin niya sa kanyang tatay ang ukol sa pagtitinda, tumutol ito.
Ngunit nagpumilit si Andres. “Bakasyon naman po para sa Pasko,” aniya. “Walang pasok sa paaralan, at nais ko po talagang kumita.”
“O, siya,” patianod ng kanyang ama. “Basta huwag ka lamang magpapaaraw nang labis sa Escolta.”
“Opo, tatay.”
SA isang paupahang bahay sa Daang Magallanes sa loob ng napapaderang purok ng Intramuros, gumising din nang maaga si Jose para sa Simbang Gabi. Isa siyang 12-taong-gulang na mag-aaral na nasa ikalawang taon sa Ateneo Munisipal, isang mataas na paaralang pinangangasiwaan ng mga matatalasik na paring Heswita.
Nagliwaliw siya pagkatapos dumalo sa Simbang Gabi sa siglo-siglong tanda nang Simbahang San Agustin. Gusto niya ang maalikayang oras bago mag-umaga habang minamasdan ang muling nagkakabuhay nang purok. Paroo’t parito ang mga karwahe; nagmamartsa ang mga guwardiya sibil; inihahatid ang mga imbak na pagkain; nakadaong, pumapasok, o umaalis ang mga sasakyang pandagat sa may bukana ng bughaw na Ilog Pasig; at talagang kaaya-aya ang hininga at lamig ng lungsod. Kadalasang nagbubuhat sa Dagat ng Maynila ang mga umiihip na hangin.
Sa ngayon, si Jose ay dapat nasa Calamba na, ang sinilangan niyang bayan sa lalawigan ng Laguna. Subalit nasa lungsod pa rin siya dahil abalang-abala ang tatay at kuya niya sa pag-aasikaso ng mga tubuhan nila. Tumanggap siya ng sulat mula sa nanay niya noong nakaraang linggo, ipinaaalam sa kanya na may susundo sa kanya sa hapon ng araw na ito.
Nang nakapag-almusal na, ipinasya niyang bumili ng mga regalo para sa kanyang mga magulang, kuya, at mga kapatid na babae. May ipon siya mula sa kanyang buwanang panggugol na palaging ipinadadala ng kanyang nanay. Nakasuot siya ng itim na amerikana, puting kamisadentro, itim na kurbata, itim na pantalon, itim na sapatos, at itim na telang sombrero (iyon ang paborito niyang pananamit).
Pumara siya ng isang karwahe, na tumawid sa Tulay ng Espanya at naghatid sa kanya sa Escolta. Binayaran niya ng dalawang sentimo ang kutsero para sa biyaheng iyon.
Hitik ang Escolta sa mga mamimili at kasiglahan. Naakit si Jose sa mga magagandang gamit, bagay, damit, at laruan na nakatanghal sa mga tindahan, at yaong maingay na iniaalok ng mga nagtitinda sa tabi ng daan.
Maya-maya lamang, namataan niya ang isang batang lalaki na nagtitinda ng mga tungkod at pamaypay. Tamang-tama, naisip niya, tungkod para kina tatay at kuya, at pamaypay para kay nanay at sa mga kapatid kong babae.
“Magkano ang mga tungkod na ito?” magalang na tinanong ni Jose ang nagtitindang bata, kumuha ng isa upang subukin. Itinuktok niya iyon sa sementadong daanan.
“Limampung sentimo bawat isa, senyorito,” masayang sagot ni Andres.
“Matitibay ang mga ito, hindi ba?” tanong ni Jose, na nalulugod dahil makabibili siya sa bata, na kinaaawaan rin niya dahil sa luma na nitong damit at sapatilyo.
“Opo, senyorito,” sabi ni Andres. “Ako mismo ang gumawa ng mga iyan. Niliha ko pa po ang mga iyan nang maging mainam sa mga kamay. At ang mga espesyal na ito, akin pang nilagyan ng pampakintab.”
“Talagang iyong pinaghirapan ang mga ito, hindi ba?”
“Opo, senyorito!”
“Magkano ang mga pamaypay?”
“Limang sentimo bawat isa.”
Ngumiti si Jose. “Gusto kong bumili ng dalawang espesyal na tungkod at pitong pamaypay. Magkano lahat?”
Nasiyahan si Andres habang nagbibilang sa kanyang isip. “Piso at tatlumpo’t limang sentimo lahat, senyorito.”
Dumukot ng pera si Jose sa kanyang bulsa, kinuha ang nasabing halaga, at ibinigay iyon. “Heto. Pakiusap, huwag mo akong tawaging senyorito. Ang ibig sabihin niyan ay munting ginoo. Ako si Jose Rizal, at ako’y katulad mo rin lamang. Maaari mo akong tawagin sa aking palayaw, Pepe.”
“Pepe,” ulit ni Andres habang kinukuha ang bayad at iniaabot kay Jose ang mga tungkod at pamaypay na inilagay niyang lahat sa isang malaking supot na papel.
“Paano naman kita tatawagin?” tanong ni Jose, tangan ang supot at hindi pa umaalis.
Nanliit si Andres. Nasa harap niya ang isang mayaman at magalang na batang lalaki na nais makipagkaibigan sa kanya. “Ako si Andres Bonifacio, senyo—Pepe. Maaari ninyo akong tawaging Andres.”
Ngumiti sila sa isa’t isa. Muling sumakay ng karwahe si Jose upang bumalik sa Intramuros. Mamayang hapon, uuwi na siya sa Calamba para sa kanyang bakasyong pam-Pasko, na may dalang mga handog para sa kanyang pamilya. Uuwi rin si Andres sa bahay nila sa Tondo, na may sapat na salaping ipambibili ng mga handog para rin sa kanyang pamilya.
Malapit na ang Pasko. Naiisip na nila ang mga espesyal na tinapay, malalaking keso de bola, inihaw na baboy, at piniritong manok na ihahanda sa kani-kanilang notse buwena; ang mga regalong ibibigay at tatanggapin nila; at ang kanilang mga tawanan at pagsasama-sama. Kapwa nila naiisip na magiging isang maligayang Pasko iyon para sa kanilang lahat. ●