Sabado, Nobyembre 10, 2012

Kaganapan

Maikling Kuwento Ni Jon E. Royeca

(Nalathala sa Liwayway, Pebrero 22, 2010)


PAGKAUWI ni Karen mula sa paaralan, naratnan niyang nakatiukong ang kanyang ina sa isang upuan ng kanilang sala, tila may iniindang pananakit ng katawan.

“‘Nay, manganganak na po kayo?” bulalas ni Karen.

“Hindi pa,” sagot ni Aling Minda.

“Bakit po kayo nagkakaganyan? Ano po ang masakit sa inyo?”

“Napagod lang ako, medyo nangalay ‘tong likod ko.”

“Ay, naku, ‘Nay, nagtraba-trabaho na naman kayo dito sa bahay.”

“Nagwalis-walis lang ako.”

“Baka kung mapa’no kayo n’yan.”

Inilapag ni Karen ang kanyang mga gamit sa katangang nasa isang sulok at sinimulang hilut-hilutin ang likod ng ina. Kayrupok ng bahaging iyon ng katawan nito. Ilang diin lamang niya, lumulubog na ang kanyang mga kamay. Kabuwanan na ng kanyang ina, at anumang oras ngayon ay manganganak na ito. Ang matinding paghilab na lamang ng tiyan ang kanilang hinihintay.

“Nasa’n ho si Diday?” tanong ni Karen, tinutukoy ang kanilang katulong.

“Pinabili ko sa groseri,” sagot ni Aling Minda.

“Wala tuloy kayong kasama rito. Paano kung napaanak na kayo?”

“Sa tingin ko, hindi pa. Kaya, pinabili ko na muna.”

Para kay Karen, hindi dapat mangyaring nag-iisa lamang sa bahay ang nanay niya. Maselan ang pagbubuntis nito. Dalawang ulit na itong nakunan, at kung nanganganak nama’y halos ikamatay na nito. Kung ano-anong kumplikasyon kasi ang umaatake.

Nang huling nanganak si Aling Minda, apat na taon na ang nakararaan, muntik nang magkaimpeksiyon ang dugo nito, at wala nang buhay ang isinilang. Napaghulo na ni Karen na dahil sa gayong kaselan ng pagbubuntis nito, dadalawa lamang sila ni Jason na magkapatid. Wala tuloy siyang iba pang kasamang magbabantay rito.

Kung bakit naman kasi naisipan pa ng tatay niya ang bumalik ng Saudi? Kung kailan pa nagbubuntis muli ang kanyang ina. Siguro naman, sapat na ang naiipon nito sa ilang taon nang pagtatrabaho roon. Ano’t bumalik na naman? At sana, ito na ang maging huling pagdadalantao ng kanyang ina.

“Ba’t n’yo na naman pinaggroseri si Diday?” tanong ni Karen. “Puno pa ho ang mga aparador ng mga de-lata at kung ano-ano pang pagkain.”

“Mas mabuti na ang maraming istak,” sagot ni Aling Minda.

“Hindi ho natin mauubos ang mga ‘yan sa susunod na dalawa o tatlong buwan.”

“Mabuti na ang may nakaimbak d’yan, kung sakaling mawala na ako.”

Napakislot si Karen. Iyan ang ayaw na ayaw niyang maririnig mula sa ina. Gusto niyang sawayin ito kung nagsasalita nang ganoon, ngunit napapahibik na lamang siya.

Kung sakaling mawala na ako. Madalas na itong mabanggit ng kanyang nanay ngayong kaganapan na nito. Hindi. Hindi mangyayari iyon, salag ni Karen.

“Masakit pa ho ba?” tanong niya, minamasahe pa rin ang likod ng nanay niya.

“Nawawala na,” sagot ni Aling Minda. “O, kumusta’ng eskuwela?”

“Okey naman po.”

“Sana makatapos ka, ano?”

“S’yempre naman ho.”

“Sana nga, makita kong gagradweyt ka, ‘yong maglalakad ka sa entablado.”

“Natural po, kayo ni Tatay, pati na si Jason, nandoon kayo sa araw na ‘yon.”

“Kung sakaling mawala na ako, sayang naman, hindi ko na makikita.”

Hayan na naman ang nanay niya. Lalong nagpapahindik kay Karen ang himig ng tinig nito. Iniwas niya ang kanyang mga mata, na nag-uumpisa nang managana ng mga luha. Tumayo siya’t nagtungo sa kanyang silid upang makapagpalit na ng damit.

Pagkarating ni Diday, napagsabihan niya ito. Huwag na raw uulitin na iwan nang mag-isa si Aling Minda. Kung anuman daw ang mangyari, tiyak na may pananagutan din ito.


“BUKAS, Sabado, wala kayong pasok, di ba? Mamimili tayo ng mga damit n’yo,” sabi ni Aling Minda nang naghahapunan na sila.

“Mamimili na naman po tayo?” tanong ni Karen.

“Para marami kayong damit.”

“Marami na po akong pantalon at damit, e,” sabi ni Jason.

“Kung mas marami, mas maganda.”

“Baka lakihan ko pa po ang mga ‘yan,” sabi pa ni Jason.

“Oo nga, tumatangkad pa ‘tong si Jason,” sabi ni Karen.

“Sayang nga po ‘yong isang pantalon ko. Nilakhan ko na.”

Napatingin si Aling Minda kay Jason, waring sinusukat ang mabilis na pagtangkad nito. “Nagbibinatilyo kang lalo, ano?”

“Nagbibinata na po,” ani Jason.

“Binatilyo. Trese ka pa lang,” sabi ni Aling Minda.

“Mas maganda kung nagbibinata na,” sabi ni Jason.

“Heh,” gahi ni Karen. “Wala ka pang buhok sa kili-kili. Binatilyo ka pa lang.”

Ngumiti si Jason. “Ikaw, Ate, nagdadalaga ka na?”

“Siyempre. Dalaga na, hindi na dalagita,” sagot ni Karen.

“Sa darating na Mayo na pala ang debu mo, ano?” paalala ni Aling Minda.

Tumango si Karen.

“O, siya, bukas, hindi na muna tayo mamimili ng mga damit,” pasya ni Aling Minda. “Magpapatahi ka na lang, Karen, ng bestidang pandebu mo.”

“‘Nay, matagal-tagal pa ho iyon.”

“O, ano? Mas maigeng naghahanda nang maaga,” sabi ni Aling Minda. “At ikaw, Jason, sumama ka na rin nang mapatahian ka na ng isusuot mo sa debu ng Ate mo.”

“Matagal pa nga ‘yon, e,” tutol pa ni Karen. “Baka tumaba ako at hindi na magkasya sa ‘kin ang bestida.”

“Ilang buwan na lang. Siguro naman, hindi ka tataba nang ganoon kabilis. Basta, bukas, magpapatahi tayo.”

“‘Nay, masyado pang maaga.”

“Mas mabuti kung nar’yan na ang isusuot mong pandebu, sakali mang mawala na ako,” sabi ni Aling Minda.

Naulos na naman si Karen. Ayaw na talaga niyang naririnig pa iyon mula sa nanay niya. Nakakikilabot. At napansin niyang maging si Jason ay natigilan din. Nagitlang lalo si Karen. Maging si Jason ay alam din pala ang bagay na iyon.

Nanaig ang pasya ni Aling Minda na patahian si Karen ng bestidang ipandedebu niya. Tututol pa sana siya, ngunit nang makitang hindi matitinag ang ina, umayon na lamang siya. Kung nakikipagtagisan kasi ito ng katwiran, namumula ang buong mukha nito at hindi pagagapi, lalo’t sa tingin nito’y tama naman ang ipinagdidiinan.

Pagkatapos nga nilang maghapunan, binigyan siya nito ng isang gintong kuwintas na may rubi at isang pares ng mga gintong hikaw, na may maliliit na butil ng diamante. Iyon daw ang mga mamahaling alahas na isusuot niya sa espesyal na araw na iyon.

Matagal na palang nabili ni Aling Minda ang mga iyon. Sa araw na sana ng debu niya ibibigay, pero ngayon na. Ingatan daw niya; pamana na raw sa kanya ang mga iyon. Baka ang mga iyon na raw ang mga mamahaling bagay na huling maipamamana sa kanya.


“JASON, tin-edyer ka na,” sabi ni Aling Minda habang sakay sila ng taksi patungo sa patahian kinabukasan. “Maging maingat ka na sa sarili mo.”

“Opo,” sagot ni Jason.

“Maligo ka araw-araw. Alam mo naman ang katawan ng lalaki, kung nagtitin-edyer na, malakas mangamoy.”

Nakita ni Karen na pangiti-ngiti lamang si Jason. Dama niyang hindi ito naririndi sa mga paulit-ulit na sinasabi ng nanay nila.

“Ang hinubad na ay ‘wag na ulit isusuot kung hindi pa nalalabhan, ha?”

“Opo,” sagot ni Jason.

“Araw-araw, magpapalit ka ng suot, ha? Kadiri kung ilang araw nang suot, ha?”

“Opo.”

“Gumaya ka r’yan sa Ate mo, ayaw na ayaw ng marumi, ha?”

“Opo.”

“May tig-iisang dosena na kayo ng mga damit na pambahay at mga damit na panlakad. Sa ibang araw, mamimili pa tayo.”

“Pati mga sapatos at iba n’yo pang gamit,” patuloy ni Aling Minda. “At ‘yong mga deposito n’yo sa bangko, dadagdagan pa ang mga ‘yon. Do’n kasi kinakaltas ng bangko ang mga taunang hulog para sa pangkolehiyo n’yo.”

Gusto nang patigilin ni Karen ang ina. Hindi dahil sa paulit-ulit nang binabanggit ang mga iyon. Hindi dahil sa nasusuya na siya sa ganoon. Ngunit dahil sa nakadarama na siya ng kakaibang himig ng pananalita nito.

“Ikaw, Jason, maging mabuti kang lalaki,” sabi ni Aling Minda. “Maging maginoo ka. Gayahin mo ang tatay mo. Hayun, kayod-kalabaw sa Saudi para sa atin. Kung may pamilya ka na, ‘wag na ‘wag mong pababayaan, ha?”

“O-opo,” sagot ni Jason, na napaluha na.

“Umiiyak na naman,” sabi ni Aling Minda, kinusuot-kusot ang buhok ni Jason. “Paalala lang naman ang sinasabi ko.”

Pinigil ni Jason ang susunod pa sanang mga iyak. Pinaglagutok na lamang nito ang mga buko ng kanyang mga daliri.

“Ikaw, Karen,” sabi ni Aling Minda, “babae ka, mas maging maingat ka.”

“Opo,” sagot ni Karen.

“Dalawang taon na lang, gagradweyt ka na,” sabi ni Aling Minda. “Tulungan mo sanang makatapos din itong si Jason, ha? Sakaling mawala na ako, ha?”

“‘Nay!” napataas ang tinig ni Karen. “Tama na po!”

Hindi pinansin ni Aling Minda ang biglang pagtaas ng tinig ni Karen. Nahirati na kasi ito sa gayong itinutugon ni Karen sa tuwing nagagawi sila sa ganoong usapan.

“Tama na po,” ulit ni Karen. “Hindi po kayo mawawala. Makikita n’yo po akong gagradweyt.”

Walang isinasagot si Aling Minda.

“At pag nagkaboyprend na ako, makikilala n’yo siya.”

Wala pa ring tugon si Aling Minda.

“Makikita n’yo ang mga apo n’yo,” sabi pa ni Karen. “Apo n’yo sa ‘kin, apo n’yo kay Jason. At ang Jason na ‘to, tayong tatlo nina Tatay ang susubaybay dito. Kadiri pa ‘to sa katawan minsan, e.”

Tatawa-tawa si Jason habang kinukusot ang mga mata. Ang mga tawa nito’y may malalim na pagsang-ayon sa mga sinasabi ni Karen.

“E, manganganak ako, paano kung mawala na ako?” tanong ni Aling Minda.

“’Nay, hindi po! Hindi po kayo mawawala!” sabi ni Karen, na tumangis at napayakap na lamang sa ina.

Habang pahikbi-hikbi si Karen, bigla na lamang humilab ang tiyan ni Aling Minda. Hindi na sila nakarating ng patahian at sa ospital na tumuloy.


MAG-IIKATLO ng hapon nang dumating sila sa ospital, ngunit lumawig pa ng hanggang kalaliman ng gabi ang paghilab ng tiyan ni Aling Minda. Paimpit ang mga ungol nito, at halos patang-pata na agad ang katawan.

Hindi umaalis ng ospital sina Karen at Jason. Nagpadala agad si Karen ng text sa ama, na agad namang tumawag na uuwi agad ng bansa.

“Kailangang sesaryan ang panganganak,” sabi ng doktor sa kanila. “Iyon ang nakikita naming tamang paraan. Nasaan ang tatay n’yo?”

“Nasa Saudi po,” sagot ni Karen.

“Wala ba kayong ibang kamag-anak. Lola, lolo?”

“Nasa probins’ya po. Kaming dalawang magkapatid lamang po ang mga kamag-anak n’ya rito.”

“Kailangan kasing ipaalam sa tatay n’yo o sa mga magulang ng nanay n’yo ang gagawin naming operasyon.”

Hiningi ng doktor ang numero ng telepono ng tatay nila. Sa sinabi ng manggagamot, nataho ni Karen na mabigat ang kinakaharap na pangyayari. Napatingin siya kay Jason, na wala nang kaimik-imik sa kinauupuan nito.

Tumawag si Karen kay Diday. Dalhin daw sa ospital ang mga kakailanganin ng nanay nila at nilang magkapatid habang naroroon. Inayos niya ang maliit na silid na gagamitin nila ni Jason doon. Mananatili sila sa ospital hangga’t nakaratay roon ang kanilang ina.

Sa mga sumunod na oras, habang inooperahan ang kanyang ina, hindi mapakali si Karen. Nakaupo lamang silang dalawa ni Jason sa mahahabang upuang nasa labas ng silid ng operasyon. Mayamaya, nakatulog na roon si Jason. Hinayaan na lamang ito ni Karen na makatulog doon.

Napasuri si Karen sa sarili. Hindi pa pala siya bihasang maglipstik gayong dalaga na siya. Wala pa rin siyang sapat na kaalaman tungkol sa wastong pananamit. Panay maong at tesert o blusa ang naipanggagayak niya kung pumapasok sa paaralan o may lakad.

Sa pagluluto naman, adobo pa lamang ang alam niya. Ni hindi pa nga niya lubusang gamay iyon. Inilalagay lamang naman kasing lahat nang sabay-sabay sa kawali ang karne at ang mga sangkap. Hahayaan na iyon na kumulo, at saka unti-unting patutuyuin ang sabaw. Hindi dapat tuluyang matuyo kasi pampakulay sa karne ang natitirang sabaw. Kung masarap ang luto niya, hindi pa niya masabi. Tatango-tango lang naman kasi ang nanay niya tuwing tinitikman ang mga niluluto niya.

Tungkol naman sa lalaki, ayaw pa muna niyang magkaroon ng kasintahan. Mag-aaral pa muna siya. Pangako niya iyon sa mga magulang.

Si Jason, nagtitin-edyer pa lang. May mga bakas pa ng pagkabata; amoy-araw pa minsan. Napatingin si Karen sa natutulog na kapatid. Kailangan pa talaga nila ng ina, kailangang-kailangan pa. …


“NAHIHIMBING pa ang nanay n’yo,” sabi ng doktor nang magising sila kinaumagahan. “Nalampasan n’ya ang mga peligro, pero kailangan pa s’yang obserbahan.”

“Ma…maayos po ang lagay ni Nanay?” pahagulhol na tanong ni Karen.

Tumango ang manggagamot. “Ligtas na siya. Inoobserbahan din ang bago n’yong kapatid, isang sanggol na lalaki.”

Nagkatinginan sina Karen at Jason, at sabay na nagngitian.

“Salamat po, salamat po,” sabi ni Karen, na tuluyan nang napahagulgol at napayakap na lamang sa kapatid. ●