Ang
Pambansang Aklatan ng Pilipinas, na nása Liwasang Rizal, Daang T. M. Kalaw,
Ermita, Maynila, ay hindi lámang isang aklatan kundi isa rin itong imbakan ng
mga kasulatan o dokumento na lubhang mahahalaga dahil may kinalaman sa
kasaysayan ng ating bansa. Kabílang na sa mga dokumentong iyon ang mga
sumusunod:
1.
Ang mga manuskrito ng Noli Me Tangere
at El Filibusterismo na sinulat-kamay
mismo ni Jose Rizal.
2.
Daan-daang liham sa pagitan ni Rizal at ng kanyang mga magulang, kapatid,
kamag-anak, kaibigan, kakilala, tagahanga, at kaaway.
3.
Acta de la proclamación de independencia del pueblo Filipino
(Akta ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng mga Mamamayang Pilipino), na binása
noong Linggo, ika-12 ng Hunyo, 1898, sa Kawit, Cavite, bílang bahagi ng mga
seremonya ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya.
4.
Mga talâ ng paglilitis kay Andres Bonifacio.
5.
At libo-libong mga talâ ng Himagsikan ng Pilipinas.
Dahil
ang Pambansang Aklatan ang tapapag-ingat ng mga dokumentong iyon, isang
napakahalagang ahensiya ito ng pamahalaan. At bílang isang mahalagang ahensiya,
dapat ay dalubhasa ang mga tauhan nito tungkol sa pag-iingat ng mga ganoong
dokumento.
Pero,
alam ba ninyo kung ano-ano ang pinaggagagawa ng mga tauhan ng Pambansang
Aklatan sa mga naturang dokumento? Masdan ang ilan:
1.
Nilagyan ng masking tape ang
napipilas nang sub-title page ng
manuskrito ng El Filibusterismo.
Kahit
sinong bihasa sa pag-iingat ng mahahalagang dokumento ay hindi papayag na
malagyan ng anumang tape ang mga
ganyang dokumento, dahil makasisira ang ganoong tape. Dapat ay hinayaan na lámang ang napipilas na pahina na
manatili sa kinalalagyan nito, sa pagitan na pahinang nauuna at sumusunod dito.
Pero dahil walang alam tungkol sa pag-iingat ng mga dokumento ang mga
taga-Pambansang Aklatan, hayun, walang pakundangan na nilagyan ng masking tape ang naturang pahina!
2.
Tinatatakan ng kung ano-anong selyo ang bawat pahina ng mga dokumento, gaya ng
“Property of the National Library.”
Hindi
ba puwedeng ikatalog na lámang ang bawat dokumento at hindi na tatakan pa ng
kung ano-ano?
3.
Nawawala o ninanakaw ang ilang mga dokumento mula sa mga vault o taguan ng Aklatan. Isang klasikong halimbawa nito ang mga
talâ ng paglilitis ni Bonifacio. Nawala ang mga iyon noong mga huling bahagi ng
dekada 1990, subalit dahil sa kung anong himala ay nabawi rin.
Sino
kayâ ang nagnakaw? At bakit nang mabawi na ay hindi man lámang nadakip ang
nagnakaw?
4.
Matapos mabawi ang isang ninakaw na dokumento, tinatatakan ng panibagong mga
selyo ang bawat pahina ng mga iyon, gaya nito: “Retrieved by the National Library, Date: _____________; Doc. No.:
_____________; Certified by: _____________.”
Nabababoy
na nang todo ang dokumento. Tinatatakan ng kung ano-ano at pinipirmahan ng kung
sino-sino. At ang ipinampipirma pa ay simpleng bolpen na kulay itim o asul
(mapusyaw na blue)! Susmaryosep!
Sana
naman, magising na ang mga taga-Pambansang Aklatan. Ang mga hinahawakan nilang dokumento
ay mga yaman ng sambayanan. Huwag na sana nilang tatakan, sulatan, at pirmahan
ng kung-ano-ano ang mga iyon. Gumawa na lámang sana sila ng isang sistema kung
saan mabibigyan ng mga kaukulang dokumentasyon ang mga kasulatang nása
pag-iingat nila.
Itigil
na sana nila ang pambababoy sa mga kasulatang pambayan. Pakiusap po.
At
sana rin, i-displey o itanghal na nila sa publiko ang kahit man lámang ilan sa
mga kasulatang iyon, partikular na ang mga manuskrito ng Noli at Fili at ang Acta. Sa ngayon kasi, ang mga manuskrito
ng Noli at Fili at ang Acta ay
nakatago lámang sa isang vault na
nása sa tanggapan ng Direktor ng Pambansang Aklatan. At dadalawang tao lámang
ang nakaaalam sa kombinasyon ng vault:
ang Direktor at ang punò ng Sangay Filipiniana ng Aklatan. Silang dalawa lámang
ang may akses sa mga manuskrito ng Noli
at Fili at sa Acta. Samantalang ang milyong-milyong Pilipino ay hindi makatunghay
sa mga ito. Ipinagkakait nila sa madla ang maririkit ang mahahalagang
kasulatang pambayan na ito!
Sana,
gumawa sila ng isang patanghalan sa unang palapag ng Pambansang Aklatan kung
saan maipamamalas sa publiko ang mga manuskrito ng Noli at Fili at ang Acta. At ang patanghalan ay hindi dapat
basta-basta lámang, kundi dapat gawing ligtas mula sa ulan, baha, sunog,
lindol, at pagnanakaw. Halimbawa, ilagay ang mga iyon sa mga kahon na
de-salamin, hindi tinatablan ng bala, hindi mapapasok ng tubig, at hindi agad
matatanggal ng kung sino. Lagyan din ang mga paligid ng mga iyon ng mga CCTV,
alarma, at awtomatik na rehas, upang kung may nais dumukwang sa mga iyon ay
agad matitiklo.
Maaari
ring maningil ang Aklatan mula sa mga tao na nais makakita sa tatlong
kasulatang iyon. Kahit pasampu-sampung piso lámang bawat tao, ay di may
kikitain pa ang ahensiyang ito.