Maikling Kuwento Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Marso 10, 2008)
“O PREND, nakahanda na ba’ng bestida mo?” tanong ni Wahdgi.
Natibo ang puso si Karen. Iyon lang talaga ang turing sa kanya ng kaklaseng si Wahdgi. Friend, kaibigan. Kailan ba niya masasabi rito na ito ang una niyang pag-ibig?
“Oo,” sagot ni Karen. “Yari na nang bilhin namin para hindi na magpatahi pa. Ikaw, ang amerkana’t pantalon mo?”
“Nakaarkila na kaming mga boys. Iisang paarkilahan lang ang pinuntahan namin, kaya’t pare-pareho ang mga suot namin.”
“Mabuti naman.”
“Sige, uuwi na ‘ko.”
Malapit na ang kanilang JS Prom, na gaganapin sa bulwagang sosyal ng kanilang hay-iskul. Sina Karen ang mga juniors, kaya’t ngayon pa lamang sila makadadalo sa isang pasayaw para sa mga mag-aaral. Hinding-hindi nila mapalalampas ang okasyong ito.
Sa tagpuan ni Karen at ng mga kaibigan niyang babae, iyon ang usapan nila.
“Makakahawak-kamay ko na rin ang mga crush ko,” sabi ni Karmella.
“Si Jeff?” tanong ni Elaine.
“At saka si Simeon, si Anatoly, si Nelson.”
“Anatoly Tapel? Nelson Lacsamana Jr.? Di ba, 4th year na ang dalawang ‘yon?” tanong ni Sarrah.
“Oo.”
“E, ‘yong crush mo no’ng Grade 6 tayo, si John Alecx?”
“Ay, hindi ko na s’ya crush.”
“Bakit naman?”
“Kasi, parang hindi tumatangkad. Hanggang tenga ko lang. Ang gusto ko sa boys, ‘yong mas matangkad sa ‘kin.”
“Malaking problema mo ‘yan,” sabi ni Ronnelene. “Kasi ikaw ang pinakamatangkad na babae sa batch natin. At marami sa mga boys ang hanggang tenga mo lang.”
Tawanan, tawanan. Maliban kay Karen.
“Ako rin, makaka-holding hands ko na rin si Michael, si Mark, si Jason,” sabi ni Elaine. “Iyan naman e, kung yayayain nila akong makasayaw sila.”
“Ako, kung ayaw akong isayaw ng mga crush ko, hihilain ko silang makipagsayaw sa akin,” sabi ni Sarrah.
“Sino nga pala ang mga crush mo?” tanong ni Elaine. “Wala ka pang nababanggit.”
“Malalaman n’yo sa JS natin,” sagot ni Sarrah. “Kung sino ang mga hihilain kong makasayaw, sila na ‘yon.”
Tawanan na naman. Maliban pa rin kay Karen.
Si Karen, na kanina pa tahimik, ay walang karingat-dingat na nagbitaw ng isang tanong na pambihira: “Paano ba sasabihin ng babae sa lalaki na siya ang first love n’ya?”
Umasim ang mga mukha ng mga kaibigan. Ang babae ang unang magpapahayag ng pag-ibig sa lalake? Teka muna. Kahit moderno na ang panahon ngayon, hindi pa rin yata tama iyon. Maaaring magpakita ng motibo ang babae, pero kung manliligaw gaya ng lalaki, mali.
“Hindi patas sa babae ang ganoon,” sabi ni Karen. “Maghihintay na lang kung kailan s’ya lalapitan ng lalaki. Paano na kung ayaw niya sa lumalapit sa kanya?”
“Oo na, pero ako, hindi ko kayang sabihin ‘yon sa isang boy,” sabi ni Sarrah. “Halimbawa, kay Lawrence, tatanungin ko s’ya kung puwede kong maging boyfriend. Yak.”
“Pero, paano kung gusto mo talaga ang isang boy?” tanong pa ni Karen.
“E, di, daanin mo sa ligaw-tingin,” sabi ni Ronnelene.
“Paano?”
“Iyong … ano … iyong titingnan mo siya nang palihim, at siguraduhin mo na mahuhuli ka niyang patingin-tingin sa kanya nang palihim.”
Tawanan, tawanan. Maliban kay Karen.
“Sa gano’n, malalaman na ‘yon ng boy na crush mo siya,” sabi pa ni Ronnelene.
“Paano kung hindi ma-gets ng boy?” tanong ni Karmella.
“Tange ang boy na iyon.”
Tawanan na naman. Maliban pa rin kay Karen.
“Hindi naman siguro tange,” sabi ni Sarrah. “Paano kung may ibang iniisip lang ‘yong tao, at hindi mapansin ang mga palipad-hangin mo?”
“Sabagay,” sabi ni Ronnelene.
“Bakit, mayroon ka bang gustong pagsabihan?” tanong bigla ni Elaine kay Karen. Isang malaking sino ang nanaig sa mga mukha nila.
“Wala naman,” pakli ni Karen. Ang himig ng tinig niya ay iba sa sinasabi niya.
“Sinoooo?” pilit ni Elaine.
“Wala.”
“Ayoko ng ganyan, ha,” sabi ni Elaine. “Wala tayong lihiman.”
“Ayoko munang sabihin sa inyo … kung si…sino siya,” nahihiyang sabi ni Karen.
Tawanan, tawanan. Kasama na si Karen ngayon.
“Sino nga?”
“A, basta, saka na lang.”
“Sige, pagbiyan natin,” sabi ni Karmella. “Ang tanong: Alam ba n’ya na crush mo s’ya?”
Tumahip muna ang dibdib ni Karen, bago umamin: “Hindi.”
“Ngek!” sabi ni Sarrah.
“Kailan mo pa s’ya naging crush?” tanong ni Elaine.
“Mga dalawang taon na ang nakararaan,” sabi ni Karen. “Isang araw iyon, nag-uusap kami, ang kyut-kyut niya noon. Habang may ikinukuwento, bungisngis siya nang bungisngis.”
“Tapos?” tanong ni Ronnelene.
“Habang bungisngis siya nang bungisngis, may maliliit siyang laway na tumatalsik,” patuloy ni Karen. “Iyon, doon na ako nagka-crush sa kanya.”
“Dahil may maliliit siyang laway na tumatalsik?” tanong ni Sarrah.
Tumango-tangong parang maamong bata si Karen.
“Ano naman ang kinalaman ng maliliit niyang laway na tumatalsik?”
Lalong umamo si Karen. “Doon na ako may nadama para sa kanya.”
Dahil sa laway? Tumatalsik na maliliit na laway?
Rumehistro ang mga tanong na ito sa mga mukha ng mga kaibigan ni Karen. Ngayon lang sila nakarinig ng ganoon.
“Ganyan talaga ang puso,” sabi ni Elaine, “parang sira.”
Tawanan, tawanan na naman. Maliban na uli kay Karen.
“Ano ba ang gagawin ko para masabi ko sa kanya?” tanong ni Karen. “Wala pa naman akong balak makipag-boyfriend. Gusto ko lang masabi sa kanya na siya ang first love ko. Ambigat na kasi sa dibdib. Lalong bibigat kung hindi ko pa sasabihin.”
“May girlfriend na ba s’ya?” tanong ni Ronnelene.
“Wala pa. Ayaw pa rin yata n’ya,” sagot ni Karen.
“Kung talagang mabigat sa ‘yo, kausapin mo na,” sabi ni Elaine. “Hindi ka naman siguro tatawanan o aasarin ng boy na ‘yon kung may aaminin ka sa kanya. Siguro maginoo naman siya at hindi makitid ang ulo.”
Napilitan ngang gawin iyon ni Karen. Pero nag-ipon muna siya ng sapat na lakas-ng-loob at tamang tiyempo para roon. Ang tiyempong iyon ay sa gabi na mismo ng kanilang JS Prom, bago nagsimula ang naturang pasayaw.
“ANO ka ba? Magkaibigan lang tayo,” asiwang-asiwang sabi ni Wahdgi kay Karen nang masabi na nga iyon. “Mula nang magkakilala tayo, kaibigan na ang turingan natin sa isa’t isa.”
Humikbi si Karen. “Hindi mo man lang ako binigyan ng chance.”
“Anong chance?”
“Kaibigan na agad ang turing mo sa akin,” sabi ni Karen. “Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na ituring ka nang higit pa sa kaibigan.”
“Sori, kung ganoon na agad ang turing ko sa ‘yo.”
May namamalisbis nang luha sa mga mata ni Karen.
“Maganda ka, Karen, mabait,” sabi ni Wahdgi. “Pero may napupusuan na akong iba. At may sumpaan na kami. Kapag nakatapos na kami sa kolehiyo, kami nang dalawa.”
Ikinagulat iyon ni Karen. Parang inulos ng isang pagkatalim-talim na punyal ang kanyang puso. Humulagpos na ang mga sinusupil niyang luha. “Ngayon ko lang nalaman ‘yan.”
“Inililihim lang kasi namin,” paliwanag ni Wahdgi.
“Gaano na katagal kayong dalawa?”
“Mga isang taon na.”
Napakagat-labi si Karen.
“Pasensiya na talaga, Karen. Sana, manatiling magkaibigan na lang tayo.”
Napakasakit niyon para kay Karen. Napakapait. Ngunit kailangan niyang huminahon, magpakatatag, at sumang-ayon nang wagas. Pinahid niya ang kanyang mga luha.
Inialok ni Wahdgi ang kamay nito kay Karen. “Kaibigan?”
Kinuyom ni Karen ang iniaalok na kamay. “Kaibigan.”
Ngumiti si Wahdgi.
“Pakiusap,” sabi ni Karen, “huwag na huwag mong masasabi ito kahit kanino. Pag nalaman kasi ng iba, baka pagtawanan ako.”
“Kaibigan kita; hindi ko mapapayagan iyon,” sabi ni Wahdgi. “Tayong dalawa lang ang may alam tungkol sa bagay na ito. Asahan mo, ‘yan, prend.”
Magkasabay silang dalawa nang pumasok sa bulwagang sosyal ng kanilang paaralan para sa kanilang JS Prom. Magkasabay, ngunit bilang magkaibigan na lamang. ●