Kuwentong Pambata Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Hulyo 7, 2008)
KAHARAP ni Ligaya ang kan yang takdang aralin sa Filipino: Kumatha ng isang tula tungkol sa sariling lahi. Nasa Ikaanim na Baitang siya.
Wala pang maisip si Ligaya, kaya’t ibinaba niya ang kanyang sulatan at namintana na muna. Nakita niyang dumaraan ang ilang tin-edyer na babae na nagpakulay ng buhok. Kulay buhok ng mais. Bumaling siya sa kan yang Lola Tinay na naggagantsilyo.
“Lola, maganda ba’ng magpakulay ng buhok?” tanong niya. “Iyong kulay buhok ng mais.”
“Bakit mo naman gustong maging kulay buhok ng mais ang buhok mo?” sabi ni Lola Tinay.
“Gusto ko lang pong subukin.”
Ibinaba ni Lola Tinay ang ginagawa. “Hindi babagay ang kulay buhok ng mais na buhok sa kulay ng balat mo. Kahit magpaputi ka pa, hindi pa rin iyon babagay sa mga mata, ilong, at bibig mo.”
“Ano po ang ibig n’yong sabihin, Lola?”
“Ang ibig kong sabihin, may kanya-kanyang katangian ang bawat tao, siya man ay taga-Silangan o taga-Kanluran.”
“Ano po ba ang taga-Silangan at taga-Kanluran?” tanong ni Ligaya.
“Ang mga taga-Silangan ay ang mga tao na nakatira sa Asya at Aprika. Ang mga taga-Kanluran ay ang mga tao na nakatira sa Europa at Amerika.”
Mahaba ang mga dagdag na paliwanag ni Aling Tinay.
Ang karamihan sa mga taga-Silangan ay kulay itim ang buhok. Gayundin ang mga mata, iba-iba nga lamang ang mga hugis: singkit, mabibilog, o malalaki. Iba-iba rin ang mga kulay ng balat. May mamula-mula, kagaya ng mga Arabe. May manilaw-nilaw, kagaya ng mga Tsino. May itim, katulad ng mga Aprikano. At may kayumanggi, kagaya ng mga Pilipino.
Ang mga taga-Kanluran naman, kagaya ng mga Ingles, Pranses, Aleman, Espanyol, Ruso, at Amerikano, ay mapuputi ang balat. Iba-iba ang mga kulay ng buhok: ginto, buhok ng mais, pula, o itim. Iba-iba rin ang mga kulay ng mga mata: bughaw, luntian, asukal na pula, o itim.
Ang karamihan sa mga taga-Kanluran ay matatangkad, matatangos ang mga ilong, at maninipis ang mga bibig. Ang karamihan naman sa mga taga-Silangan ay maliliit, katamtaman ang laki, o malalapad ang mga ilong, at malulusog ang mga bibig.
“Bigay ng kalikasan ang mga iyan,” sabi pa ni Lola Tinay, “kaya dapat tanggapin at pagyamanin ng bawat isa ang kung anuman mayroon siya.”
Kay-inam daw tingnan ang isang taga-Silangan na hindi binabago ang kulay ng kanyang buhok, dahil ang buhok niyang iyon ay bumabagay sa kanyang mga mata, ilong, at bibig.
Kaysagwa naman daw kung ang isang taga-Silangan ay nagpapakulay ng kanyang buhok, kasi hindi naman siya mukhang taga-Kanluran. Hindi bagay ang bagong kulay ng kan yang buhok sa kanyang mga mata, ilong, at bibig.
“Para tuloy siyang kalabaw na ang mukha ay mukha ng baka,” sabi ni Lola Tinay.
Natawa si Ligaya.
“Tayong mga Pilipino ay itim ang mga mata at buhok, at karamihan sa ati’y kayumanggi o mapupusyaw ang balat,” sabi ni Lola Tinay. “Marami rin ang mapuputi sa atin, pero ang pagkaputi nila ay hindi katulad ng pagkaputi ng mga taga-Kanluran, na sobrang puputi.”
“Hindi po dapat baguhin ang mga iyan?”
“Oo. Kasi, bigay nga ng kalikasan. Pero, maaari namang may baguhin. Kung sobrang laki ng ilong, maaaring bawasan. Gawain na ang ganyan ng mga taga-Kanluran. O kung maputi ka, at may ilang bahagi ng mukha o katawan mo na maitim, puwedeng paputiin ang mga bahaging iyon para magpantay ang kulay ng balat mo.”
“Hindi po masama ang gayon, lola?”
“Sa paningin ko, hindi. Ang mga sungki-sungking ngipin, kung puwedeng ituwid, di ituwid. Ang pingas, kung puwedeng tahiin, di tahiin.”
“Kung may hindi maganda, iyon po ang puwedeng baguhin?”
“Oo. Pero, hindi ang kulay ng buhok, mata, at buong katawan. Ano, magpapakulay ka pa ng buhok mo?”
“Hindi na po, Lola. Itim na buhok po ang bagay sa kayumanggi kong balat, at sa aking mga mata, ilong, at bibig. Hindi po ang buhok na kulay buhok ng mais o ginto.”
“Tama.”
“Lola, may naiisip na tuloy ako para sa takdang-aralin ko. Pinasusulat po kami ng tula tungkol sa ating lahi. Sige po, gagawin ko na.”
MULING binalikan ni Ligaya ang kan yang takdang-aralin sa Filipino. Nabubuo na niya ang isusulat na tula .
Siya ay Pilipino. Taga-Silangan. Ang kan yang mga magulang at ninuno ay mga Pilipino. Ang kulay ng kanyang balat, buhok, at mga mata, at ang hugis ng kanyang ilong at bibig ay para lahat sa isang Pilipino.
Ganito ang pagkakasulat ng kan yang tula :
Ako ay Pilipino
Ang kulay ko’y mayro’ng angkin:
Kayumanggi sadyang akin;
Ang buhok ko’y kulay itim;
Mga mata ay gayundin.
Lahat sila’y katangian
Ng lahi kong pinagmulan;
Bigay nitong kalikasan;
Hindi ko po tatalikdan.
Natuwa si Ligaya sa nagawa niyang tula . At hindi lamang isang takdang-aralin ang tulang iyon. Tutuparin niya ang mga nakasulat doon. ●