Biyernes, Agosto 3, 2012

Super Solar Flare: Ang Wakas ng Mundo?


Kahapon, napanood ko sa telebisyon ang balita tungkol sa solar flare, o ang pagbuga ng eherhiya ng Araw. Ang gayong pagbuga ng enerhiya (na binubuo ng mga electrons, ions, at atoms) ay biglaan at walang anumang babala. Mabuti na lámang at ang mga naibugang apoy ay hindi lubhang malawak. Hindi nadilaan ng mga iyon kahit man lang ang planetang pinakamalapit sa araw, ang Mercury.

 

Nakapagpapangalisag ng balahibo ang solar flare dahil, bukod nga sa nangyayari ito nang biglaan at walang anumang pasintabi, maaaring ito'y maging super solar flare at umabot sa Daigdig at sa iba pang planeta. Kapag nagkaganyan, aba'y ang lahat na ng nasa ibabaw ng lupa ay matutupok. O kayâ, ang mga mahahagip na planeta ay maaaring tuluyan nang lamunin, durugin, at gawing abo. Samakatuwid, ang super solar flare ang maaaring maging sanhi ng katapusan ng mundo at ng iba pang mga planetang umiinog sa araw.

 

Ang bagay na ito ang siyang paksa ng pelikulang Knowing, na pinagbidahan ni Nicolas Cage. Sa pelikulang iyon, nagkaroon ng super solar flare, na pumugnaw sa mga nilalang at iba pang nasa ibabaw ng Daigdig. Posible nga kayâ ito?

 

Pagkatapos kong mapanood ang balitang iyon kahapon, muli kong binalik-balikan sa alaala ang mga napag-aralan ko na sa Bibliya mula nang bata pa ako. Ganito ang mga mangyayari sa mga huling araw sa iba't ibang panig ng mundo, ayon sa Bibliya:

 

1. Magkakarooon ng mga digmaan, taggutom, salot, sakit, lindol, at ugong ng mga dagat;

 

2. Maglilipana ang mga bulaang propeta;

 

3. Aahon sa dagat ang halimaw na may pitong ulo at sinasakyan ng isang lasing na babae;

 

4. Lilitaw ang lalaking mukhang maamo ngunit may dalawang sungay at may numerong 666;

 

5. Magaganap ang Armageddon;

 

6. Susunod ang Dakilang Kapighatian;

 

7. At magaganap ang huling tanda ng katapusan ng mga kapighatian: Iitim ang araw at pupula ang buwan;

 

8. Saka na darating si Cristo upang maghari sa lupa sa loob ng 1,000 taon.

 

Ganoon daw ang mga mangyayari sa hinaharap. Pero paano na kung bukas ng umaga ay biglang magkaroon ng super solar flare na káyang tunawin ang ating planeta? Paano kung napulbos na ang ating kaisa-isang Daigdig at naglaho na ang lahat ng naririto? Wala nang babalikan pa si Cristo.

 

Sa akin naman, bagama't hindi ako nagpapakabanal, mas paniniwalaan ko pa rin ang Bibliya.

Ang mapagbagong sandali para sa Kristiyanismo: Ang Krus sa langit noong ika-28 ng Oktubre 312


Ang Kristiyanismo ang pinakamalaking relihiyon sa buong mundo. Ayon sa isang tala ng Wikipedia, umaabot sa 2.1-2.5 bilyong tao ang mga kasapi nito (31-35% ng 6.8 bilyon na populasyon ng mundo). May kasaping 1.6 bilyon (23%) ang Islam, 900 milyon-1 bilyon (14%) ang Hinduismo, 500 milyon (5.9%) ang Budhismo, at 1.1 bilyon (16%) ang kabilang sa iba pang mga relihiyon.1

           

Ang Kristiyanismo ay binubuo ng Iglesia Katolika, na pinamumunuan ng Papa sa Roma; ng mga Protestanteng gaya ng mga Anglikano, Luterano, Adventista, Sabadista, at Baptista; at ng iba pang mga kaugnay na relihiyong umusbong sa iba’t ibang bansa, gaya ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas.

 

Ang mga makabagong kabihasnang Kanluranin, Latino Amerikano, at Pilipino ay hinubog ng Kristiyanismo. Ang mga sistema ng ating lipunan, pamahalaan, edukasyon, pagamutan, sining, agham, at iba pang mga disiplina ay naimpluwensiyahan nang malaki ng relihiyong ito.

 

 

Ang Pinagmulan ng Kristiyanismo

 

Bagama’t ang Kristiyanismo ang siyang pinakamalaganap at pinakaimpluwensiyal nang relihiyon sa buong mundo, ito naman ay nag-umpisa bilang isang maliit na kilusan lámang, at pinag-uusig pa nga ito sa mga unang siglo nito.

 

Noong 30 A.D., itinatag ni Jesus ang isang bagong pananampalataya sa Judea (bahagi na ngayon ng mga bansang Israel at Palestina). Dahil sa bagong pananampalatayang ito, si Jesus ay inusig at ipinako sa krus ng mga otoridad sa Judea.

 

Nang makaakyat nang muli sa langit si Jesus, ang relihiyong itinatag niya ay ipinalaganap ng kanyang mga tagasunod, mula sa Judea hanggang sa iba pang bahagi ng Gitnang Silangan, sa hilagang Aprika, at sa Europa. Ang mga nananampalataya sa relihiyong ito ay unang tinawag na Kristiyano sa Antioquia, isang bayan sa Anatolia (ang bansang Turkey na ngayon).

 

Nakarating at yumabong ang Kristiyanismo maging sa Roma, ang kabisera ng Imperyo Romano. Ang imperyong ito ang pinakadakilang imperyo na umiral sa matandang kasaysayan ng daigdig. Itinatag ito noong 27 B.C. at tumagal hanggang 476 A.D. Nasakop nito ang halos buong Europa, ang hilagang Aprika, at ang Syria, Lebanon, at Judea.

 

Ang mga Romano noon ay matagal nang sumasamba sa Araw bilang “Ang Kadaki-dakilang Diyos.” Sumasamba rin sila sa napakarami pang ibang diyos. At ang emperador (kataas-taasang pinuno) ng Imperyo Romano ay itinatangi at sinasamba rin bilang isang diyos. Kayâ, nang mapadpad sa Roma ang Kristiyanismo, itinuring ito bilang kakatwa at tahasang sumasalungat sa pananampalataya ng mga Romano.

 

 

Pang-uusig sa mga Kristiyano

 

Noong 64 A.D., ang nakaupo sa trono bilang emperador ay ang baliw na si Nero. Ang emperador na ito ang nagpasimula ng mga pang-uusig sa mga Kristiyano. Ipinag-utos niya ang mga pang-uusig, dahil sa kakaibang pananampalataya ng mga ito. Ang mga Kristiyano ay ipinakukulong, ipinalalapa sa mga leon, ipinapako sa krus, sinusunog, o sinasamsaman ng mga ari-arian.

 

Subalit sa halip na layasan ang relihiyong ito dahil sa mga pang-uusig na iyon, lalong tumibay ang pananampalataya ng mga Kristiyano. Kinamanghaan tuloy sila, dahil kumakapit pa rin sila sa kanilang relihiyon kahit ang kapalit ng pagkapit na iyon ay ang kanilang mga búhay na mismo. Dahil sa ganoong marubdob na pananampalataya, maraming Romano ang naakit na umanib sa kanila. Unti-unting nararagdagan ang mga Kristiyano, hanggang sa umabot na sa libo-libo ang bilang nila.

 

Subalit nagpatuloy pa rin ang mga pang-uusig sa kanila sa loob ng sumunod na 250 taon. Ang pinakamalagim na pang-uusig ay naganap nang ang emperador ay si Diocletiano noong 284-305. Libo-libong Kristiyano ang pinagpapatay at sinasamsaman ng mga ari-arian.

 

 

Krus sa Langit

 

Noong 312, dalawa ang magkaagaw sa trono ng imperyo: si Constantino at ang bayaw niyang si Maximiano. Binalak ni Constantino na digmain at gapiin si Maximiano upang mapasakanya na ang trono. Nang lumulusob na siya at ang kanyang mga hukbo patungong Roma, si Constantino ay biglang may namalas na pangitain sa kalangitan:

 

Isang Krus na nag-aapoy, at sa itaas niyon ay ang mga salitang

In Hoc Signo Vinces!

(Sa ilalim ng tandang ito, manlupig ka!)

Naganap ito noong ika-28 ng Oktubre 312. 2

 

Pagkatapos makita ang pangitaing iyon, tumulak na patungong Roma sina Constantino. At naganap ang Labanan sa Tulay ng Milviano (sa hilaga ng Roma), kung saan ginapi nila nang buong husay si Maximiano at ang puwersa nito.

 

Pagkatapos ng labanan, agad na tumuloy sina Constantino papunta sa tirahan ni Miltiades, ang Obispo noon ng mga Kristiyano sa Roma. Nang matanaw sina Constantino, ang akala ni Miltiades ay huhulihin at ikukulong siya ng mga ito. Subalit isinalaysay ni Constantino ang nakita nitong pangitain. Ang Krus, na siyang pangunahing simbolo ng Katolisismo, ay binibigyang-halaga ng susunod na emperador ng Imperyo Romano. Halos hindi makapaniwala si Miltiades.

 

Nang maluklok na bilang emperador si Constantino, ipinahayag niyang isa nang legal na relihiyon ang Kristiyanismo, at ang mga Kristiyano sa buong imperyo ay malaya nang maisasagawa ang kanilang pananampalataya. Hindi na sila pag-uusigin. Pagkaraan pa ng 12 taon, o noong 324, idineklara ni Emperador Constantino na ang Kristiyanismo ang opisyal nang relihiyon ng Imperyo Romano. Hindi na sinasamba ang Araw bilang “Ang Kadaki-dakilang Diyos.”

 

Pagsapit ng 394, ipinagbawal na ng emperador noon na si Theodosius ang pagsamba sa lahat ng iba pang mga diyus-diyusan ng imperyo.

 

 

Ang Kahalagahan ng Krus sa Langit

 

Ano kaya kung walang nakitang pangitain si Constantino noong ika-28 ng Oktubre 312?

Maaaring nagpatuloy ang mga pang-uusig sa mga Kristiyano, at maaaring tuluyang nalipol at naglaho ang Kristiyanismo. Kung nagkagayon, ibang uri ng kabihasnan mayroon tayo ngayon. Maaaring sinasamba pa rin ang Araw at iba pang diyus-diyusan. O kaya ay bihag na ang buong mundo ng ibang relihiyon na maaaring mabagsik at walang pagpapahalaga sa dangal at kaunlaran ng bawat indibiduwal na tao. Sa pangkalahatan, maaaring hindi nalinang ang mga bunga ng Kristiyanismo, gaya ng modernong demokrasya, karapatang sibil, Panahon ng Pagkamulat, industriyalisasyon, makabagong medisina, telepono, radyo, kotse, eroplano, telebisyon, kompiyuter, at Internet. Sa mga lupaing Kristiyano nagbuhat ang mga bagay na ito na lubhang kapaki-pakinabang at tinatamasa natin ngayon.

 

Kaya, salamat sa pangitain na namalas ni Constantino noong ika-28 ng Oktubre 312, o ngayong ika-28 ng Oktubre ng taóng ito, 2012, ay eksaktong 1,700 taon na ang nakararaan.

 

 

Talasanggunian