Kuwentong Pambata Ni Jon E. Royeca
(Nalathala sa Liwayway, Nobyembre 19, 2001)
(Nalathala sa Liwayway, Nobyembre 19, 2001)
— Nagsalaysay si Dr. Jose Rizal sa kanyang mga pamangkin ng isang kuwento tungkol sa isang matatakutin at nangangamoy na batang lalaki —
NAGTIPON-TIPON ang mga bata sa asutea sa itaas dahil magkukuwento na naman ang kanilang Tiyo Jose nang hapong iyon. Nais nilang makarinig ng isa na namang kuwento mula sa kanya. Nitong Agosto 1887, kababalik pa lamang niya sa Pilipinas mula sa Europa. Natapos na niya ang mga pag-aaral doon, at isa na siyang manggagamot ngayon.
“Gusto ko ang mga kuwento ni Tiyo Jose,” sabi ni Emilio sa mga kapatid niyang sina Angelica, Leoncio, at Antonio, at mga pinsang sina Delfina, Concepcion, Alfredo, Adela, Aristeo, at Cesar.
“Ako rin,” sang-ayon ni Delfina. “Nang huli niya tayong kuwentuhan, tungkol iyon sa isang nakatatakot na tikbalang na nanghahablot ng mga batang naglilibot sa gabi.”
“Oo!” natatakot na sabi ni Angelica.
Lumabas ang lola nilang si Doña Teodora sa pintuang patungo ng asutea na may dalang mga lalagyan na may sabaw ng buko, nilutong saba, at ginatan. Inaalalayan siya ng isang katulong.
“Magmeryenda muna kayo mga bata,” sabi nito na ikinatuwa nila.
“Salamat po, lola,” sagot nila.
“Ayaw ng lolo ninyo ng ingay dito sa bahay kaya magpapakabait kayo,” sabi ni Doña Teodora.
“Opo, lola,” sumagot silang lahat. “Nagpipirmi po lamang kami.”
Pumasok si Jose sa asutea. “Magandang hapon!” bati niya sa lahat.
“Tiyo Jose!” sigaw ng mga bata na nangagtakbuhan patungo sa kanya.
“Siya, mga bata,” sabi ni Doña Teodora. “Maupo’t makinig na kayo sa inyong Tiyo Jose.” Umalis na ito at ang katulong.
Kanya-kanyang upo ang bawat isa. Habang nginunguya ang meryenda nila, nakinig na sila sa kanilang Tiyo Jose. Umupo si Jose sa harapan nila. Tumingin muna siya sa kanilang halamanan, na hitik sa mga nagbubungang puno, tanim, bulaklak, ibon, at hayop.
“Ang kuwentong ito ay tungkol sa isang maliit na batang lalaki na nagngangalang Uté,” sinimulan na ni Jose ang kuwento. “Isang hapunan, ayaw niyang kumain, kaya’t sinabi sa kanya ng kanyang yaya na kung hindi siya kakain, lalantad nang biglaan ang isang nakatatakot na aswang sa may mesa at hahampasin iyon, o isang nuno sa punso ang biglang lalabas mula sa tinitirhan nito at kukunin siya.”
Ipinagpatuloy ni Jose na nang dahil sa mga kuwentong iyon, natakot na si Uté na kumain sa asutea, sa ilalim ng sinag ng buwan, lalo na kung umiihip ang hangin at nagsasayawan ang mga puno. Naging mapamahiin na rin siya—o iyong naniniwala sa mga bagay na nakatatakot ngunit katha-katha lamang.
Nang marinig niya sa isa nilang kapitbahay, na isang huklubang matandang babae, na masamang maligo kung Martes at Biyernes dahil iyon daw ang mga araw kung kailan naliligo ang mga maligno, hindi na nga siya naliligo sa mga ganitong araw. Idinagdag pa ng matandang bungal na iyon na kung palaging naliligo ang isang tao kung Martes at Biyernes, tiyak na magiging isa na rin siyang kinatatakutang maligno.
Narinig din niya na kung namumula ang mga bulaklak ng puno ng dapdap, gagala ang mga dambuhalang talangka sa buong bayan at sisirain ang mga bahay. Nalaman din niya na kung nangingitim at nanlalaki ang mga mata ng pusa, aahon mula sa mga dagat ang mga sirena at siokoy upang manguha ng mga bata at dalhin sa kaharian nila sa kailaliman ng karagatan. Nakarinig din siya ng mga kuwento na kung umaambon kahit maaraw naman, naglalabasan daw ang mga maligno, aswang, kapre, tikbalang, at nuno upang maligo sa “maaraw na ulan.”
Nang dahil sa lahat ng mga kuwentong iyon, naging matatakuting bata na si Uté. Ayaw na niyang lumabas ng kanilang bahay. Paano nga naman kung may mga sirena at siokoy na naroroon at kunin siya? O mga dambuhalang talangka at durugin siya? Nangangamoy siya kung Martes at Biyernes dahil ayaw na niyang maligo sa mga araw na ito dahil iyon nga raw ang mga araw na naliligo ang mga maligno. Ayaw niyang maging maligno.
“Uté, tinatawag ka ng mga pinsan at kaibigan mo sa labas,” banggit ng kanyang nanay isang hapon.
“Nanay, hindi po ba ninyo nakikita na umaambon?” wika ni Uté sa may bintana.
Tumingin sa labas ang kanyang nanay. May kaunting ambon at maaraw. “Ngayon?”
“Ang mga maligno, aswang, kapre, tikbalang, at nuno po!” nahihintakutang sabi ni Uté. “Nangaglabasan na po sila at naglalaro na ngayon sa ‘maaraw na ulan’!”
Natawa sa kanya ang kanyang nanay. “Hindi totoo iyan, Uté, kuwento lamang iyan.”
Hindi pinansin ni Uté ang sinabi. “Tingnan po ninyo, nangingitim at nanlalaki ang mga mata ng aking pusa! Baka umahon na ang mga sirena at siokoy! At ang mga puno ng dapdap,” itinuro ni Uté ang mga punong iyon sa liwasan, “may mga pulang bulaklak na po ngayon. Paano na po ang mga dambuhalang talangka?”
“Uté, namumutla ka na kasi hindi ka na lumalabas ng bahay. Huwag mo ngang paniwalaan ang mga kuwentong yaon. Ngayon, gusto kong lumabas ka at makisali sa mga pinsan at kaibigan mo. Hindi mo ba sila nakikita? Tuwang-tuwa sila’t naglalaro sa ambon!”
“Ngunit, nanay—”
“Yao!” itinulak siya.
“Ngunit, nanay—”
“Yao! Maligo ka sa ambon. Sabagay, Biyernes naman ngayon!”
Naitulak palabas ng bahay si Uté. Ipininid ng kanyang nanay ang pinto. Dahan-dahang naglakad si Uté papunta sa kanyang mga pinsan at kaibigan. Tumingala siya sa langit. Kaaya-aya ang mga patak ng ulan sa pisngi at balat; malamig at sariwa ang mga iyon.
Natuwa ang mga pinsan at kaibigan niya na makalaro siyang muli. Nakalimutan na ni Uté ang tungkol sa mga maligno, aswang, tikbalang, kapre, at nuno. Masayang maligo sa ambon. Ayaw na niyang maniwala sa mga dambuhalang talangka. At magaganda naman ang mga puno ng dapdap kung namumula ang mga bulaklak ng mga ito. Tungkol naman sa mga sirena at siokoy, natawa na lamang siya sa mga ito.
“Magmula noon,” tinatapos na ni Jose ang kuwento, “naliligo na siyang palagi araw-araw at hindi na nangangamoy. Tapos.”
Nagtawanan ang mga bata.
“Nakatatawa po iyon, Tiyo Jose,” sabi ni Angelica. “Hindi po naliligo kung Martes at Biyernes, naka!”
Sumali sa kanila si Doña Teodora. “Nakikinig ako sa kuwento sa may pintuan. Mga bata, kilala ba ninyo kung sino ang maliit na batang iyon na nagngangalang Uté?”
Umiling ang mga bata.
“Aba ay sino pa kundi ang inyong Tiyo Jose!” malakas na sagot ni Doña Teodora.
Gulat na gulat na nagbulanghitan ang mga bata. “Ikaw pala iyon! Ikaw pala iyon!’ sabi nilang nangagtatawanan at itinuturo ang kanilang Tiyo Jose. ●