Miyerkules, Nobyembre 28, 2012

Sino ang mga Orihinal na Pilipino?

Sanaysay Ni Jon E. Royeca
Nalathala sa Liwayway (Dis. 3, 2012)
For an English version of this essay, please click here.


MATAGAL nang nakatubog ang akademya ng Pilipinas sa teorya o haka na ang mga unang tao raw na tinawag na Pilipino ay hindi ang mga sinaunang katutubo ng Pilipinas kundi ang mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa (1565-1898). Kayâ, ang mga Espanyol na iyon daw ang mga orihinal na Pilipino, at hindi ang mga sinaunang katutubo. Ang mga katutubo naman daw ay sinimulang ituring ang kanilang mga sarili bílang mga Pilipino noon lámang 1898, nang naghihimagsik na sila laban sa Espanya.

Taliwas sa mga talâ ng kasaysayan ang teoryang ito.

 

Ang mga Katutubo

Ang mga sinaunang katutubo ng Pilipinas ay hindi nagmula sa iisang bansa. May kanya-kanya silang lahi at wika, at ang bawat lahi ay tinatawag ang kanilang sarili batay sa kung ano ang kanilang wika. Ang pagkakakilala at tawag ng mga sinauna sa kani-kanilang mga sarili ay gaya ng mga ito:

“Iluko ako.”

“Ibanag ako.”

“Ipugaw ako.”

“Kapampangan ako.”

“Panggalatok ako.”

“Tagalog ako.”

“Bikol ako.”

“Waray ako.”

“Sugbuanon ako.”

“Hiligaynon ako.”

“Bukidnon ako.”

“Maranaw ako.”

“Magindanawon ako.”

“Tausog ako.”

 

Felipinas

Noong 1543, nakarating sa mga pulo ng Samar ang ekspedisyong Espanyol na nása pamumunò ni Ruy Lopez de Villalobos. Pinangalanan nila ang mga pulong iyon ng Felipinas bílang parangal kay Prinsipe Felipe, ang tagapagmana ng trono ng kaharian ng Espanya. Sa kalaunan, iyon na rin ang naging pangalan ng kapuluang tinatawag na ngayong Pilipinas. Naluklok si Felipe sa trono ng Espanya bílang si Haring Felipe II noong 1556. Pagkaraan ng tatlong taon, nagpalabas ito ng utos na ganap nang sakupin ng Espanya ang Felipinas.

 

Las Islas Filipinas

Ang Felipinas ay isinusulat din nang Phelipinas o Philipinas, ngunit Filipinas ang naging opisyal nang baybay sa kalaunan. Dahil ang Filipinas ay pangalan nga ng isang kapuluan (isang pook na binubuo ng maraming pulo), kailangang dagdagan iyon ng las (ang mga) at islas (mga pulo). Kayâ, ang Filipinas ay naging las Islas Filipinas (Kapuluang Pilipinas).

Ang mga awtoridad na Espanyol sa las Islas Filipinas ay palagiang nagpapadala ng mga ulat sa hari ng Espanya tungkol sa kapuluan, at ang mga misyonerong Espanyol ay palagian ding naglalathala ng mga aklat tungkol naman sa mga pangangaral nila sa kapuluan din. Ang pangalan ng kapuluan na inilalagay nila sa pamagat ng kanilang mga ulat at aklat ay las Islas Filipinas, gaya ng mga sumusunod:

Relación de las Islas Filipinas (Cebu, [Walang petsa]) ni Miguel Lopez de Legazpi.

Relación de las Islas Filipinas (Maynila, 1576) ni Francisco Sande.

Relación de las Islas Filipinas (Roma, 1604) ni Pedro Chirino.

Sucesos de las Islas Filipinas (Mexico, 1609) ni Antonio de Morga.

May mga pagkakataon na dahil marahil sa mahaba ang las Islas Filipinas, isinusulat o binibigkas ito nang las Filipinas o Filipinas na lámang.

 

Indio

Dahil ang kapuluan ay tinatawag nang las Islas Filipinas, las Filipinas, o Filipinas, ang mga katutubo nito ay dapat na ring tawaging Filipino, anuman ang lahi at wika nila.

Subalit hindi tinawag ng mga Espanyol ang mga katutubo na Filipino. Tinawag nila ang mga ito na Indio, na ang payak na kahulugan ay “táong taga-Silangan.” Ang mga katutubo nga naman ay nása silangang bahagi ng daigdig. Samantalang ang mga Espanyol ay mga taga-Europa o taga-Kanluran. Nakasulat sa mga nabanggit na ulat at aklat ng mga Espanyol ang taguring Indio.

Sa paglipas ng panahon, binigyan na ng mga Espanyol ang Indio ng masasamang kahulugan: mga táong walang saysay, tamad, pangit, unggoy, walang pinag-aralan, marurumi, at iba pang panlalait.

 

Ang mga Orihinal na Filipino

Si Pedro Chirino ay isang Heswitang Espanyol na inutusan ng kanyang Orden na magtungo sa Filipinas upang tumulong sa pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. Dumating siya sa bansa noong 1590.

Naging palaisipan para kay Chirino kung bakit Indio ang tawag nilang mga Espanyol sa mga katutubo. Dapat tawaging Filipino ang mga ito, dahil ang pangalan ng kapuluan ay las Islas Filipinas nga. At hindi rin lámang naman ang mga tao sa kapuluang ito ang mga Indio o taga-Silangan. Ang mga Indian, Tsino, Hapones, Indones, Malayo, Siames, Biyetnames, at iba pa ay mga Indio rin. Dapat ay may sariling pamansag ang mga Indio sa kapuluang ito.

Nang magsulat na si Chirino ng aklat tungkol sa pangangaral niya sa kapuluan, tinawag din niyang Indio ang mga katutubo sa kapuluang ito, dahil ganoon nga ang tawag nilang mga Espanyol sa mga ito. Subalit, may labindalawang pagkakataon sa kanyang aklat na tinawag niyang Filipino ang mga katutubo. Ang mga iyon ay ang mga sumusunod:

“Ginagamit ng mga Filipino ang mga [dahon ng balete] para sa kanilang pagluluto.”

“Ang mga [Ati] ay higit na barbaro at hindi pa napaaamo kaysa mga Bisaya at karamihan sa mga Filipino.”

“Tungkol sa pagpipitagan, paraan ng paggalang, at mabubuting asal ng mga Filipino. Kabanata XVI.”

“Sa kanilang mga kilos, ang mga Filipino ay hindi kasingkiyas ng mga Tsino at Hapones; subalit mayroon silang sariling mga akda ng pagkamagalang at mabubuting asal, lalo na ang mga Tagalo na kaygagalang sa salita at kilos.”

“Ang mga Titik [Alpabeto] ng mga Filipino. Kabanata XVII.”

“Tungkol sa mga huwad na paganong relihiyon, idolatriya, at pamahiin ng mga Filipino. Kabanata XXI.”

“Tungkol sa pag-aasawa, bigaykáya, at diborsiyo ng mga Filipino. Kabanata XXX.”

“Ang una at huling paraan ng paglutas ng mga Filipino sa mga suliranin ng pagkakasakit ay, gaya ng atin nang nabanggit, ang paghahandog ng mga alay sa kanilang mga anito o divata, na siyang mga panginoon nila.”

“Tungkol sa mga kasiyahan at paglalasing ng mga Filipino. Kabanata XXXIV.”

“Tungkol sa pagpapautang at pang-aalipin ng mga Filipino. Kabanata XXXXVI.”

“Hindi kailanman nagkaroon ang mga Filipino … .”

“Ang mga paraan ng pagbibigay ng pangalan ng mga Filipino. Kabanata LXXX.”

Para kay Chirino, ang mga Tagalog, Bisaya, Ati, at lahat ng iba pang katutubo sa kapuluan ay dapat ding tawaging Filipino, hindi lámang Indio.

Ang aklat na iyon ni Chirino, na pinamagatang Relación de las Islas Filipinas (Tungkol sa Kapuluang Pilipinas), ay natapos niya noong 1602 at nalathala sa Roma, Italya, noong 1604. Naitalâ sa aklat na iyon na ang isang pangkat ng mga tao ay tinawag na Filipino sa unang pagkakataon, at ang mga táong iyon ay mga katutubo ng Filipinas. Kayâ, malinaw na ang mga orihinal na Filipino—o ang mga táong unang tinawag na Filipino—ay walang iba kundi ang mga katutubo ng Filipinas.

Ang iba pang Espanyol na tumawag sa mga katutubo hindi lámang ng Indio kundi ng Filipino rin ay si Francisco Colin, isa pang Heswita, sa kanyang aklat na Labor Evangelica (Banal na Gawain) na nalathala sa Madrid, Espanya, noong 1663; at ang Pransiskanong si Juan Francisco de San Antonio, sa kanyang Descripción de las islas Philipinas (Paglalarawan sa Kapuluang Pilipinas) na inakda sa Maynila noong 1738.

Subalit dahil talagang mapanlait ang mga Espanyol, higit nilang pinili na tawaging Indio ang mga Filipino sa loob ng 333 taóng pananakop nila. Hindi naman matawag ng mga katutubo ang kanilang mga sarili na Indio, dahil nga sa masasangsang na kahulugan nito. Tinawag na lámang nila ang mga sarili batay pa rin sa kung ano ang kani-kanilang lahi at wika.

 

Españoles Filipinos

Bukod sa Filipinas, sinakop din ng mga Espanyol ang maraming bansa sa gitna at timog Amerika at ilang teritoryo sa Aprika. Maraming Espanyol ang isinisilang sa mga kolonyang iyon. Upang magkaroon ng wastong pagkakakilanlan ang mga Espanyol, gumamit sila ng kanya-kanyang mga pamansag batay sa mga sinilangan nilang pook. Ang ilan sa mga pamansag na iyon ay ang mga sumusunod:

Peninsulares o mga taga-peninsula—ang mga Espanyol na isinilang sa Espanya. Ang Espanya ay isang peninsula o lupain na nakausli papuntang dagat.

Insulares o mga taga-kapuluan—ang mga Espanyol na isinilang sa Filipinas. Ang Filipinas ay isang insular o kapuluan.

Españoles Filipinos o mga Espanyol na isinilang sa Filipinas—ang isa pang tawag sa mga insulares.

Españoles Americanos—ang mga Espanyol na isinilang sa gitna o timog Amerika.

 

“Mga Filipino Kami!”

Simula naman noong dekada 1880, marami nang mayayamang katutubong pamilya ang nagpapadala ng kanilang mga anak sa Espanya upang doon magkolehiyo. Iba’t iba ang lahi ng mga katutubong mag-aaral na iyon. May Iluko, Tagalog, Bisaya, at iba pa. Upang magkaroon sila ng sarili at iisang pagkakakilanlan habang nása ibang bayan, tinawag nila ang kanilang mga sarili na Filipino, na ang kahulugan ay “taga-Filipinas.” Iyon ang payak at tangi nilang layunin kung bakit nila tinawag ang mga sarili nang gayon. Ayon nga kay Jose Rizal sa isang liham na may petsang ika-13 ng Abril 1887, sila ay:

“… mga binata sa Filipinas, isinilang ng mga magulang na Kastila, mga mestisong Intsik at Malayo; datapuwa’t ang itinatawag namin sa isa’t isa ay Filipino.”

Ang mga mag-aaral na iyon ang mga katutubo na nagpasimuno sa pagtawag at pagturing sa kanilang mga sarili bílang mga Filipino.

 

Filipinas at Filipino

Ang karamihan sa mga katutubong alpabeto sa Filipinas ay may limang patinig at 15 katinig. Walang titik F ang mga ito.

Sa panahon ng pananakop ng Espanya, naging Romano ang palatitikan o ortograpiya ng mga katutubong alpabeto. Kayâ, bagama’t walang titik F ang mga alpabetong iyon, tinawag na ng mga katutubo ang kanilang kapuluan na Filipinas mula nang mag-umpisa ang pananakop ng mga Espanyol noong 1565, at ang kanilang mga sarili na Filipino mula noong dekada 1880.

Noong 1896, naghimagsik sila laban sa mga Espanyol. Nang sumunod na taon, nagtatag sila ng isang pamahalaan na tinawag nilang Republica de Filipinas. Noong ika-23 ng Hunyo 1898, pinalitan nila iyon ng Gobierno Revolucionario nang Filipinas. Tumagal ito hanggang noong ika-23 ng Enero 1899, nang pasinayaan nila ang Republica nang Filipinas. Tinawag na rin nila ang kanilang mga sarili na Filipino.

Subalit ipinagbili ng mga Espanyol ang kapuluan sa mga Amerikano noong Disyembre 1898. At hindi kinilala ng mga Amerikano ang republikang itinatag ng mga Filipino. Nauwi ito sa digmaan sa pagitan ng mga Filipino at Amerikano noong 1899-1901. Dahil nanaig ang mga Amerikano, binuwag ng mga ito ang republikang itinatag ng mga Filipino, at ang  pangalang las Islas Filipinas ay ginawa nilang The Philippine Islands.

 

Pilipinas at Pilipino

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang Filipino ay ginawa nang Pilipino ng mga katutubo, dahil wala ngang titik F ang mga katutubong alpabeto. Ang The Philippine Islands, na dating las Islas Filipinas, las Filipinas, o Filipinas, ay ginawa naman nilang Kapuluang Pilipinas o Pilipinas.

Kayâ, kung ang mga katutubo ay tinawag na Filipino ng ilang Espanyol sa panahon ng pananakop ng mga ito, at tinawag na ang kanilang mga sarili na Filipino mula 1880 hanggang 1901, tinawag naman na nila ang kanilang mga sarili na Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Tinawag naman sila ng mga Amerikano na Filipino, ang katumbas ng Pilipino sa Ingles.

 

Pagbabalik sa Filipinas at Filipino

Noong ika-4 ng Hulyo 1946, lumaya na ang Pilipinas mula sa mga Amerikano. Dahil diyan, ang Kapuluang Pilipinas ay opisyal nang naging Republika ng Pilipinas. Ang ikli nito ay Pilipinas. At ang mga mamamayan nito ay tinatawag pa rin ang kanilang mga sarili na Pilipino.

Noong 1959, ipinag-utos ng pamahalaan na ang Tagalog, na siyang wikang pambansa, ay tatawagin nang Pilipino simula sa taóng iyon. Sa ilalim naman ng bagong Saligang-Batas ng bansa na nagkabisa noong 1987, ang wikang Pilipino ay tinawag nang Filipino.

Sa ngayon, marami ang nagsusulong na ang pangalan ng bansa na Pilipinas ay gawin nang Filipinas, at ang mga mamamayan nito, ang mga Pilipino, ay tawagin nang Filipino. Isa itong hakbang na pagbabalik sa mga orihinal na opisyal na baybay ng pangalan ng bansa at ng mga katutubong mamamayan nito.

 

TALASANGGUNIAN

Cartas Entre Rizal y Otras Personas, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Comisión Nacional del Centenario de José Rizal, 1961.

Chirino, Pedro, Relación de las Islas Filipinas, Roma, 1604. Ang salin sa Ingles, “Relation of the Philippine Islands,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 12 at Tomo 13, Cleveland: The Arthur H. Clark Company, 1903. Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga patnugot.

Colin, Francisco, Labor Evangelica, Madrid, 1663. Ang salin sa Ingles, “Evangelical Labor,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.

“Expedition of Ruy Lopez de Villalobos—1541-43,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 2, 1903.

Mga Akdang Pampulitika at Pangkasaysayan ni Jose Rizal, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

Pagsusulatan nina Rizal at Blumentritt, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang Komisyon ng mga Bayani, 1963.

San Antonio, Juan Francisco de, Descripción de las Islas Philipinas, Maynila, 1738. Ang salin sa Ingles, “The Native People and Their Customs,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.

The Laws of the First Philippine Republic 1898-1899, Maynila: National Historical Institute, 1994. Sulpicio Guevarra, patnugot.



Sabado, Nobyembre 10, 2012

Kapatiran

Maikling Kuwento Ni Jon E. Royeca

(Nalathala sa Liwayway, Marso 1, 2010)


“KAILANGAN ba talagang sumali?” tanong ni Lee.

“Kailangan,” sagot ni Gary. “Para maging kapatid ka. Brad. Brother.”

Magkaklase sila sa ilang asignatura ng kanilang kursong pre-law o pang-abogasya. Dati, kapwa sila nasa Talaan ng Dekano o Dean’s List, pero sumabit si Gary nang magkaroon ng mga markang 2.75. Sanhi ang ganoon upang matanggal ito sa talaang iyon at upang hindi na magkamit ng ano mang karangalan. Dapat 2.5 pataas ang lahat ng mga marka. Nananatili si Lee sa talaang iyon, at malakas ang pag-asa niya na magkamit ng karangalan sa araw ng pagtatapos.

“Iba na ang nasa kapatiran,” sabi ni Gary. “Kung tapos ka na, sigurado na agad ang trabaho. Kasi ang mga tinatanggap ng mga law firms, mga ka-brad nila. Kung magkakaso ka, marami rin ang tutulong sa iyo. Mga koneksiyon sa gobyerno. Mga ka-brad sa frat.”

“‘Yan nga ang napagdidinig ko,” sabi ni Lee.

“Kaya, sali ka na. Ako, last year pang sumali. Hindi ko na tuloy intindihin pa ‘yan.”

“Paano ‘yan? May hazing.”

“Ganoon talaga sa fraternity. Kailangang dumaan sa initiation bago maging miyembro.”

“Nakayanan mo ang pahirap doon?”

“Hataw-hataw at palo-palo lang naman sa hita at likod.”

“Masakit?”

“Siyempre. Pero dapat indahin mo.”

Hindi nakaimik sa Lee, halatang niyayapos ng mga agam-agam.

“Huwag kang mag-alala. Naro’n ako pag hiniheysing ka na. Mababantayan kita.”

Bahagyang lumuwag ang kalooban ni Lee dahil sa paniniyak na iyon ng kaibigan. May magbabantay sa kanya. Maaaring umawat sa iba kung sakaling hindi na niya mababata pa ang mga pahirap. Maaaring pakiusapan ang mga nagheheysing na huwag naman siyang masyadong saktan, hatawin, paluin.

Ganyan daw sa mga fraternity. Kung may kaibigang tagaloob, hindi sasaktan nang labis sa oras ng initiation rites o ang ritwal ng pagtanggap sa isang nais maging kasapi.

“Kailan ba?” tanong ni Lee.

“Sekreto ‘to,” sabi ni Gary. “‘Wag mong basta-basta sabihin kung kani-kanino. Gagawin ang taunang initiation rites ngayong Huwebes.”

“Martes ngayon,” sabi ni Lee. “May dalawang araw pa ako para makapaghanda.”

Nangiti si Gary. Papayag na rin si Lee na umanib sa frat nila. Natampal nito ang balikat ni Lee. “Ayos!”

Natigil ang pag-uusap nila nang lumapit si Joyce, na isang kaklase rin nila sa maraming asignatura.

“Mamaya raw ang announcement ng mga candidates for honor,” pabatid nito. “I’m sure, Lee, kasama ka ro’n.”

Ngumiti lamang si Lee. “Para sa akin, may honor o wala, basta makatapos. Iyon ang mas mahalaga.”

“Pero, iba pa rin ang makatapos na cum laude, magna cum laude, o summa cum laude,” giit ni Joyce. “Ano sa tingin mo, Gary?”

Inabot ng ilang sandali bago sumagot si Gary. “Oo. Iba na ang graduate with flying colors.”

“Pagbutihan mo, Lee, para maging cum laude ka,” sabi ni Joyce. “Kaya, huwag ka munang maghanap ng girlfriend. Baka kasi masira ang pag-aaral mo. Pero kung gusto mo na, narito lang naman ako.”

Pumugik si Joyce, pero parang totoo na rin ang tinurang iyon. Lumulukso ang puso ni Lee. Kung puwede lang sanang maging kasintahan niya ito. Kaso, may mga nagkakainteres na rito na mga miyembro ng frat na sasalihan niya. Tataluhin ba naman niya ang kanyang magiging mga masters at magiging mga ka-brad?

“‘Yang tipo mo pa naman ang hinahanap ko,” tukso pa ni Joyce. “Iyong guwapo na, pogi pa.”

Napatingin si Lee kay Joyce. “Magkaiba ba ang mga iyon? Ang guwapo sa pogi?”

“Oo.”

“Paano?”

“Parehong guwapo ang guwapo at pogi. Kaso lang, ang guwapo, mas mataas sa pogi. Kaya ikaw, masuwerte, kasi guwapo na, pogi pa.”

Napangiwi si Lee, hindi maintindihan ang paliwanag ni Joyce.

“Pati ngiwi mo, pampogi pa rin,” sabi pa ni Joyce, na kinurot-kurot na siya sa pisngi.

Iniiwas ni Lee ang kanyang mukha; hindi kasi siya sanay na makipagharutan sa isang babae kung nasa isang mataong pook sila, gaya ng kanilang kampus. Bagama’t gustong-gusto niya ang malalambot na daliri ni Joyce.

“Sana,” sabi pa ni Joyce, “tayong dalawa na pag nakatapos na tayo.”

Tumikhim si Gary.

Naalala nina Lee at Joyce na naroroon pala ito. Gayon na lamang ang pagkaaliw nila sa isa’t isa dahil nakalimutan nilang may iba pa pala silang kaharap.

“Nar’yan ka pala, Gary,” pabirong sabi ni Joyce.

“Kanina pa. Natanong mo na nga ako,” sagot ni Gary.

“Sori. ‘Sensiya na, ampogi kasi nitong crush ko,” pabiro pang sabi ni Joyce. “Sige, may klase pa ako.”

Nakamasid ang dalawa sa papalayong si Joyce, hinahagod ang kabuuan nito, ang ganda, ang alindog, ang likuran. Maganda si Joyce. Habulin ng tingin, pero walang makapagtangkang digahan ito dahil nga may mga fratmen nang umaaligid dito.

“Ganda talaga n’ya,” sabi ni Lee.

“Ingat ka,” payo ni Gary. “Mahirap makabangga ang mga masters natin.”


TANGHALI ng Huwebes. Nakahanda na si Lee. Masigabo ang kanyang pakiramdam. Para kasing humuhugos ang mga biyaya sa kanya nitong mga dumaang araw.

Una, nanatili siyang pampito sa Dean’s List. Pampito sa mahigit 500 mag-aaral sa kanilang kolehiyo. Ikalawa, kandidato na siya sa pagka-cum laude. At ikatlo, nadarama niyang totoo ang mga sinasabi at ikinikilos ni Joyce para sa kanya.

Kahit panay pabiro ang mga iyon, iba pa rin, e. Pinipisil ba naman ang mga kamay niya. Kung nag-uusap sila. Kung nagkakasalubong sa koridor. Kung nasa kantina. Gagawin ba naman iyon ng isang magandang babae sa isang lalaki kung wala itong kakaibang pakay? Hinahayaan na lamang niya iyon. Makatatanggi ba naman kasi siya?

“Faye, pakisabi kina Mama, may outing kami,” sabi ni Lee sa nakababatang kapatid.

“Nakapagpaalam ka na ba?”

“Naitext ko na. Sabi ni Mama, hintayin ko raw ang uwi nila galing opis. E, gabi pa ang uwi nila.”

“Kaya?”

“Basta, alam na nila na para sa iskul ang outing namin.”

Hindi na umimik si Faye.


NAUNANG dumating si Lee sa itinakdang tagpuan. May ilang dumating din na sasailalim din sa initiation rites. Hindi kilala ni Lee ang mga iyon. Tahimik silang naghintay.

Nang dumating si Gary, sakay ito ng isang van at may dalawang kasama, na sa taya ni Lee ay hindi na mga estudyante. Maaaring mga frat masters ang mga ito.

Ipinakilala sila ni Gary sa dalawang kasama. “Master Roel, Master Jim, sila ang mga rekrut ko.”

Tumango lamang ang dalawa at hinudyatan silang pumasok na sa van. Bago sila umusad, piniringan sila nina Gary.

“Unang batas,” sabi ni Master Roel, “walang magsasalita ng kahit isa sa inyo kung hindi tinatanong. Naintindihan n’yo?”

Napatango lamang sina Lee.

“Ganyan ba ang tamang pagsagot sa inyong magiging master?” tanong ni Master Roel. “Sumagot kayo gamit ang bibig n’yo, hindi ang ulo!”

“Opo,” atubiling sagot nina Lee.

“Lakasan ninyo ang sagot n’yo! At laging gamitin ang salitang master sa dulo ng bawat sagot n’yo! Naintindihan?”

“Opo, master!” sabay-sabay na sagot nina Lee.

Mga ilang oras din ang kanilang nilakbay. Dinala sila sa isang malayong lugar. Siyempre, nang umayon sa gagawin sa kanila. Hindi akma kung gagawin iyon sa isang lugar na marami ang mga gusali o tao.

Nang madala na sila sa pagdarausan ng initiation rites, na isang malaking bulwagan, saka na ipinatanggal ang kanilang mga piring. Nalaman nila na bukod pala sa kanila, may iba pang mga rekrut na galing sa iba-ibang lugar.

Nagsuri si Lee. May mga nakilala siyang mga seniors at juniors ng kanilang kolehiyo. Nangakaupo sa dulo ng malaking bulwagang iyon. Hinanap niya si Gary. Hindi niya makita, samantalang kanina’y inaakay pa yata siya nito papunta sa bulwagang iyon.

Mayamaya, nagsalita ang isa sa mga nakaupo sa dulo ng bulwagan. “Kayo pala ang mga gustong sumali sa frat namin.”

Tumango sina Gary.

“Siya si Master Chris; isa siyang senior master,” sabi ni Master Roel. “Sumagot kayo sa kanya ng tama!”

Halos napasigaw ang mga rekrut. “Opo, master!

May binulungan si Master Chris. Umalis ang binulungan, at hinihintay ang muling pagsipot nito. Nang makabalik na ito, may mga kasama na. Nagtayuan ang lahat.

Napanganga ang mga rekrut. Mga tanyag kasing tao ang pumasok. May mga mambabatas, mga tanyag na negosyante, mga taong-pamahalaan, at mga batikang manananggol o abogado de campanilla. Ang nakagugulat, may isang mahistrado ng Korte Suprema.

Nagsiupo ang mga ito sa luklukang laan para sa kanila. Pangiti-ngiti lamang ang mga ito. Kampanteng-kampante. Walang pagmamadali o pag-aatubili.

“Magandang hapon po, elder masters,” bati ni Master Chris. Ipinakilala nito sina Lee. “Sila po ang mga rekrut.”

Ganoon pa rin ang tugon ng mga tinitingalang taong iyon. Pangiti-ngiti. Kampanteng-kampante. Parang hawak ang pag-inog ng mundo.

Muling nagsalita si Master Chris. “Magandang hapon sa inyong lahat. Naririto tayo sa taunang initiation rites para sa mga gustong umanib sa ating dakilang samahan. Pero bago ang lahat, magsitayo tayo upang awitin ang ating imno.”

Nagsitayo ang lahat. Itinapat ng mga ito ang kanilang mga nakatuwid na kanang kamay sa dibdib. At sabay-sabay na nag-awitan. Seryosong-seryoso. Sinisisid ang taimtim na seremonyang iyon. Muling nagsiupo ang mga ito nang tapos nang awitin ang imno.

Nakatingin lamang sina Lee. At nananatiling nakatayo. Wala kasi silang mauupuan habang nakatayo sa gitna ng bulwagan.

“Mga ka-brad,” sabi ni Master Chris, “ipinakikilala ko sa inyo si Senador Alberto De los Reyes!”

Palakpakan at tayuan muli.

“Magandang hapon sa inyong lahat,” panimula ni Senador De los Reyes. “Nakatutuwa dahil patuloy na lumalaki ang ating organisasyon. Kayong mga gustong maging miyembro, hindi kayo magsisisi.”

Mahaba ang talumpati ng senador. Tinalakay ang mga biyayang matatamasa sa pagsali sa organisasyong iyon, at ang kanilang mga adhikain, alituntunin, at balak para sa hinaharap.

Sinimulan na ang initiation rites nang tapos nang magtalumpati ang senador. Ang mga rekrut ay muling piniringan, pinaglayo sa bawat isa nang tig-iisang dipa, at saka pinaharap sa isang pader ng bulwagan.

“Gusto mong sumali sa frat namin?” tanong ng isang master sa isang rekrut.

“Opo, master!

Isang mahina-hinang hataw sa likod ng hita ang sumunod sa tanong na iyon. Pak!

Humiyaw ang hinataw. Isa-isang ginawa ang gayon sa iba pang rekrut.

“Gusto mong sumali sa frat namin?”

“Opo, master!” sagot ni Lee.

Napahiyaw din si Lee nang mahataw na. Masakit, pero kaya niya.

Sumunod pa ang mga tanong at mga hatawan.

“Kaya mong ipagtanggol ang mga ideals ng frat namin?”

“Opo, master!

Pak! Pak! Pak!

“Kung ininsulto ang frat namin, ipagtatanggol mo ba?”

“Opo, master!

Pak! Pak! Pak!

“Kung may ka-brad na inagrabyado, sasama ka sa pagtatanggol sa kanya ng frat?

“Opo, master!

Pak! Pak! Pak!

Pagkaraan ng isang oras, pinagpahinga sila pansamantala. Unang bugso pa lamang daw iyon. Masakit na ang mga hita ni Lee, pero lalo siyang ginaganahan.

Pinayagan silang alisin ang kanilang mga piring. Napapangiti sila sa isa’t isa nang magkakitaan. Maganda ang karanasang iyon. Kaya naman pala nila. Napansin nilang wala na roon ang mga nakatatandang pinuno o elder masters.


IKALAWANG bugso. Ganoon pa rin. Tanong. Hataw. Iba-ibang tanong, at hataw din sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang paisa-isa, padala-dalawa, at patatlo-tatlong hataw sa likuran ng kanilang hita ay naragdagan at napunta na sa mga braso at likod.

Pagsapit ng gabi, gutom na sina Lee. Pero hindi kasama sa pagpapahirap na iyon ang pakainin sila. Patuloy ang mga tanong at ang mga hatawan.

“Magsasakripisyo ka ba para sa frat namin?!” tanong kay Lee.

Nangiti si Lee. Pamilyar sa kanya ang tinig ng nagtatanong sa kanya ngayon. Kilalang-kilala niya kung kanino ang tinig na iyon. Sa tuwa niya, naging mahina ang sagot niya.

“Opo, master.”

Hindi niya sukat akalain ang sumunod. Malalakas na hataw sa kanyang likod.

“Ano ang sagot mo?!” pasigaw na tanong ng nanghataw.

Sa matinding gulat ay napahiyaw sa pagsagot si Lee.

“Opo, master!

“Kung sabihin ko sa ‘yong huwag kang manligaw sa isang babae, gagawin mo?”

“Opo, master!

Malalakas na hataw ang muling lumatay sa likod ni Lee.

“Huwag mong liligawan si Joyce kahit kailan, ha?”

“Opo, master!

Pak! Pak! Pak!

“At tigilan mo na ang paghahangad mong maging honor graduate, ha?”

“Opo, master!

Ilang ulit pa siyang tinanong at hinataw. Sa mga sumunod pang hataw sa kanya, wala na siyang naitutugon. Wala na kasing madama ang namamanhid at lamog na niyang katawan.


PAGKARAAN ng isang buwan, nagising na si Lee, sa isang ospital. Ligtas na siya mula sa kamatayan. May diwa na.

Ipinayo ng mga manggagamot na huwag munang usisain ang tungkol sa nangyari sa kanya. Kaya’t hinayaan siyang magpagaling ng mga ilang buwan pa.

Nang maiuwi na sa kanila, nakasakay na siya sa upuang de-gulong. Baldado na. Gulay na ang katawan. Mabuti na lamang at hindi naapektuhan ang kanyang pag-iisip.

“Anak, sino ang may gawa nito sa iyo?” Paulit-ulit na ang tanong na iyon ng mga magulang ni Lee. “Sabihin mo, anak. Maawa ka naman sa sarili mo.”

Hindi. Hinding-hindi magsasalita si Lee. Wala siyang sinumang ituturo. Hinding-hindi niya ilalagay sa alanganin ang kanilang fraternity. Ang kanilang kapatiran. Ipagtatanggol niya ito habang siya’y nabubuhay. ●