Sabado, Setyembre 1, 2012

Korupsiyon vs. korapsiyon


Sa pagbaybay ng mga hinihiram na salitang banyaga, isinaalang-alang ang dalawang di-nakasulat na pamantayang ito:

1. Kung ano ang madulas sa dila, at

2. Kung ano ang mainam sa pandinig.

Kaya, sa Filipino, ang Ingles na conscience at ang Espanyol na consciencia ay hindi konsiyensiya kundi konsensiya. Itong huli ang mas madaling bigkasin at mas mainam pakinggan. Nakapipilipit ng dila at nakapagpapaling ng ulo ang konsiyensiya. Dati, ipinagpipilitan ang konsiyensiya, subalit ang higit na tingganggap ng madla ay ang konsensiya.

Hindi tanggap: "Wala kang kakonse-konsiyensiya!"

Ang tanggap: "Wala kang kakonse-konsensiya!"

Naririto ang ilan pang halimbawa ng baybay ng mga hiram na salitang banyaga na siyang higit na niyakap ng publiko:

aplaya sa halip na playa.

hiyas sa halip na oyas (joyas).

kasilyas sa halip na kasiyas (casillas).

labi sa halip na labiya (labia).

pader sa halip na pared.

sundalo sa halip na suldado (soldado).

Maging ang ilan sa mga salitang katutubo na ginagawang kolokyal ay sumusunod din sa nabanggit na dalawang pamantayan. Narito ang ilang halimbawa:

Noong dekada 1960, nauso ang pagbaligtad ng mga salita. Ang father at mother ay ginawang erpat at ermat, ayon sa pagkakasunod.

Ang bahay ay ginawang hayba; subalit sa kalaunan, ito ay naging haybol, dahil mas bumabaon iyon sa dila at sa pandinig.

Ganoon din ang kotse. Sa una, sekot ito. Datapuwa, higit na nanaig ang tsekot sa kalaunan.

Nangyari rin ito sa hiya. Sa una, yahi lang muna ito. Ngunit higit na hiningi ng dila at tainga na ito ay maging dyahi.

Sa ngayon, ipinagpipilitan ang korupsiyon bilang ang wastong baybay ng hiram na salitang banyagang ito. Hinango ito mula sa Espanyol na corrupciĆ³n, hindi mula sa Ingles na corruption. Para sa marami, hindi yata ito madulas sa dila at mainam sa tenga. Mas maluwag bigkasin at mas mataginting ang korapsiyon.

Alin kaya sa dalawa ang higit na mananaig at tatanggapin ng publiko sa kalaunan?