Sabado, Setyembre 1, 2012

Kung nag-iingles tayong mga Pilipino, dapat ba tayong mag-isip bilang mga Amerikano?


Para sa ilan, kapag ang takbo ng isip ng isang Pilipino ay sa wikang Filipino, dapat lámang siyang magsalita o magsulat sa wikang Filipino rin. Hindi siya dapat magsalita o magsulat sa Ingles. At kapag ang takbo ng isip niya ay nasa Ingles na, doon na siya may karapatang magsalita o magsulat sa Ingles.

 

Tama ba naman ang ganitong pananaw?

 

Mahigit apat na bilyong tao sa buong mundo ang hindi katutubong Inglesero. Pero kung mag-iingles na sila, dapat ba muna nilang baguhin ang kani-kanilang mga pag-iisip at dapat ay itulad ang mga iyon sa pag-iisip ng mga katutubong Ingleserong Britaniko, Irlandes, Amerikano, Canadiano, Australyano, at Nueva Zealandes?

 

Para sa akin, ang isang Pilipino o sinupamang hindi katutubong Inglesero ay hindi na kailangang mag-isip bilang katutubong Inglesero kung siya ay nag-iingles. Hangga't wasto ang gamit niya ng balarila, balangkas ng pangungusap, baybay, at mga bantas, sapat na sapat na iyon upang siya'y makapag-ingles. Kasi, kung pipilitin pa niyang matulad sa mga Amerikano at iba pang katutubong Inglesero, hinuhubaran na niya ang kanyang sarili ng kanyang identidad. Bakit naman niya kailangang gawin iyon kung maaari naman siyang makapag-ingles sa paraang likas sa kanya, tama siya, at nauunawaan siya?

 

At hindi talaga kailangang matulad ang mga hindi katutubong Inglesero sa mga Amerikano at iba pang katutubong Inglesero kapag nag-iingles na. Bakit? Kasi, maging ang mga katutubong Inglesero ay may mga pagkakaiba rin ang kani-kanilang mga Ingles. Tunghayan:

 

Amerikano - Britaniko

hood - bonnet

trunk - boot

truck - lorry

on the weekend - at the weekend

on a team - in a team

please write me soon - please write to me soon

Pinangkunan:


 

Hayan, kung silang mga katutubong Inglesero ay may mga pagkakaiba ang Ingles, likas lamang na iba-iba rin kung mag-ingles ang mga hindi katutubong Inglesero. Muli, walang problema sa ganito hangga't wasto at nauunawaan ang kani-kanilang Ingles.

 

Ano ang nangyari kay Renato?

Pillipinong Ingles: What happened to Renato?

Amerikanong Ingles: What has come over Renato?

 

Inirapan ni Miriam si Conchita.

Pilipinong Ingles: Miriam glared at Conchita.

Amerikanong Ingles: Miriam gloated over Conchita.

 

Pumasok si Mang Serafin sa isang kuweba at pagkatapos ng tatlong oras ay lumabas nang nakangiti at pahimas-himas pa ng tiyan.

Pilipinong Ingles: Mr. Serafin entered a cave and after three hours came out of it grinning and caressing his stomach.

Amerikanong Ingles: Mr. Serafin went into a cave and three hours later got out of it smiling and caressing his belly.

 

Ilang taon ka na?

Pilipinong Ingles: How old are you?

Amerikanong Ingles: So, you're 15, 16, what--?

 

Anong kapatid mayroon ka, lalaki o babae?

Pilipinong Ingles: What do you have for a sibling, a brother or a sister?

Amerikanong Ingles: Do you have brothers or sisters?

 

Marunong kang magsalita ng Ingles?

Pilipinong Ingles: Do you know how to speak English?

Amerikanong Ingles: Do you speak English?