Biyernes, Agosto 3, 2012

Super Solar Flare: Ang Wakas ng Mundo?


Kahapon, napanood ko sa telebisyon ang balita tungkol sa solar flare, o ang pagbuga ng eherhiya ng Araw. Ang gayong pagbuga ng enerhiya (na binubuo ng mga electrons, ions, at atoms) ay biglaan at walang anumang babala. Mabuti na lámang at ang mga naibugang apoy ay hindi lubhang malawak. Hindi nadilaan ng mga iyon kahit man lang ang planetang pinakamalapit sa araw, ang Mercury.

 

Nakapagpapangalisag ng balahibo ang solar flare dahil, bukod nga sa nangyayari ito nang biglaan at walang anumang pasintabi, maaaring ito'y maging super solar flare at umabot sa Daigdig at sa iba pang planeta. Kapag nagkaganyan, aba'y ang lahat na ng nasa ibabaw ng lupa ay matutupok. O kayâ, ang mga mahahagip na planeta ay maaaring tuluyan nang lamunin, durugin, at gawing abo. Samakatuwid, ang super solar flare ang maaaring maging sanhi ng katapusan ng mundo at ng iba pang mga planetang umiinog sa araw.

 

Ang bagay na ito ang siyang paksa ng pelikulang Knowing, na pinagbidahan ni Nicolas Cage. Sa pelikulang iyon, nagkaroon ng super solar flare, na pumugnaw sa mga nilalang at iba pang nasa ibabaw ng Daigdig. Posible nga kayâ ito?

 

Pagkatapos kong mapanood ang balitang iyon kahapon, muli kong binalik-balikan sa alaala ang mga napag-aralan ko na sa Bibliya mula nang bata pa ako. Ganito ang mga mangyayari sa mga huling araw sa iba't ibang panig ng mundo, ayon sa Bibliya:

 

1. Magkakarooon ng mga digmaan, taggutom, salot, sakit, lindol, at ugong ng mga dagat;

 

2. Maglilipana ang mga bulaang propeta;

 

3. Aahon sa dagat ang halimaw na may pitong ulo at sinasakyan ng isang lasing na babae;

 

4. Lilitaw ang lalaking mukhang maamo ngunit may dalawang sungay at may numerong 666;

 

5. Magaganap ang Armageddon;

 

6. Susunod ang Dakilang Kapighatian;

 

7. At magaganap ang huling tanda ng katapusan ng mga kapighatian: Iitim ang araw at pupula ang buwan;

 

8. Saka na darating si Cristo upang maghari sa lupa sa loob ng 1,000 taon.

 

Ganoon daw ang mga mangyayari sa hinaharap. Pero paano na kung bukas ng umaga ay biglang magkaroon ng super solar flare na káyang tunawin ang ating planeta? Paano kung napulbos na ang ating kaisa-isang Daigdig at naglaho na ang lahat ng naririto? Wala nang babalikan pa si Cristo.

 

Sa akin naman, bagama't hindi ako nagpapakabanal, mas paniniwalaan ko pa rin ang Bibliya.