Lunes, Agosto 17, 2015

"Veneration Without Verifying:" Ang mga Pagkakamali ni Renato Constantino sa kanyang sanaysay na “Veneration Without Understanding”




“Ang táong nagpapaniwala sa sabi-sabi, walang bait sa sarili.”

—Matandang salawikaing Tagalog


Noong ika-30 ng Disyembre 1969, ang historyador na si Renato Constantino ang nagbigay ng panayam sa Ikatlong Lektura kay Rizal. Ang layunin ng panayam ay patunayan na si Jose Rizal daw ay American-sponsored national hero o ang pinili ng mga mananakop na Amerikano na maging ang pambansang bayani ng Pilipinas. Sa kalaunan, ang panayam ay inilathala bílang sanaysay sa anyong librito.

Ayon kay Constantino:

“It was Governor William Howard Taft who in 1901 suggested to the Philippine Commission that the Filipinos be given a national hero.”

Ano ang pinagbatayan ni Constantino sa sinabi niyang iyon? Ang isang editoryal ng lingguhang magasing Philippines Free Press, na nalathala sa ika-10 pahina ng isyu nito noong ika-28 ng Disyembre 1946. Ang buong editoryal ay nasusulat nang ganito:

 
“‘And now gentlemen, you must have a national hero.’

 
“In these fateful words, addressed by then Civil Governor Wm. H. Taft to the Filipino members of the civil commission ¾ Pardo de Tavera, Legarda, and Luzurriaga ¾ lay the genesis of Rizal day, which the Filipino people celebrate next Monday.

 
“In the subsequent discussion in which the rival merits of revolutionary heroes were considered, the final choice—now universally acclaimed a wise one—was Rizal. And so was history made.”



Ang Editoryal ng Philippines Free Press

 
Ano naman ang pinagbatayan ng sumulat ng nasabing editoryal ng Philippines Free Press? Wala. Basta sinabi lámang ng editoryal na iyon na may nangyari raw na púlong noong 1901, na pinili raw ni Taft na si Rizal ang maideklarang pambansang bayani, at ang pagkakadeklara raw na iyon ni Taft ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal (Rizal Day). Walang anumang binanggit na sanggunian bílang patunay—ni katiting na talâbaba (footnote) o talâdulo (endnote).

 
Ayon sa editoryal, sinabi raw ni Taft sa isang púlong na ang mga Pilipino ay dapat magkaroon ng isang pambansang bayani, at ang mga salitang iyon daw ni Taft (“And now gentlemen, you must have a national hero”) ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal.

 
Kung ang mga salitang “And now gentlemen, you must have a national hero” ay nauwi sa pagkakatatag ng Araw ni Bonifacio, Araw ni Mabini, o Araw ni Del Pilar, lilitaw na si Andres Bonifacio, Apolinario Mabini, o Marcelo del Pilar ang pinili ni Taft na maging ang pambansang bayani.

 
Subalit dahil ang mga salitang iyon ni Taft ay nauwi raw sa pagkakatatag ng Araw ni Rizal, pinalilitaw ng editoryal na pinili ni Taft na si Rizal ang maging pambansang bayani. At upang malaman ng publiko at maging pormal ang pagkakapili kay Rizal, dapat ay ideklara ni Taft—bílang ang Amerikanong Gobernador Sibil noon ng Pilipinas—sa pamamagitan ng isang batas, proklamasyon, o anupamang katulad na dokumento na si Rizal nga ang opisyal na pinili na maging ang pambansang bayani ng Pilipinas.

 


 

 
 


Ang Historyograpiya

Ang historyograpiya ay ang pamamaraan ng pananaliksik at pagsusulat ng mga aklat, sanaysay, o iba pang akda sa kasaysayan. Ayon sa disiplinang ito, kung may sasabihin o isusulat na paksa sa kasaysayan ang isang historyador o sinupamang tao, dapat ay may sasangguniin siyang mga batayan bílang mga patunay sa kanyang sasabihin o isusulat. At ang kanyang mga batayan ay dapat na mga primary sources (pangunahing sanggunian).

Ang mga halimbawa ng mga primary sources ay ang mga kautusan, proklamasyon, at batas na inisyu ng mga pinunò ng bansa at mga tanggapan ng pamahalaan; mga liham sa pagitan ng mga tao; at mga talaarawan. Ang ilang konkretong halimbawa ng mga primary sources:

Proklamasyon Blg. 652, serye ng 1934—ang dokumento na nagpoproklama sa sampaguita bílang ang pambansang bulaklak ng Pilipinas; nilagdaan ito ni Gobernador Heneral Frank Murphy noong 1934.

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134—ang atas na nagpoproklama sa Tagalog bílang ang basehan ng wikang pambansa; nilagdaan ito ni Pang. Manuel L. Quezon noong ika-30 ng Disyembre 1939.

Proklamasyon Blg. 1081—ang dokumento na nagpoproklama sa pag-iral ng batas militar sa Pilipinas; nilagdaan ito ni Pang. Ferdinand E. Marcos noong ika-21 ng Setyembre 1972.

Ang mga primary sources na ganyan ang dapat pagbatayan ng isang historyador sa kanyang sasabihin o isusulat na paksa. Kung wala namang makitang primary sources ang isang historyador para sa kanyang paksa, maaari siyang sumangguni sa mga secondary sources (ikalawang sanggunian).

Ang mga secondary sources ay ang mga aklat o artikulo na isinulat ng ibang historyador. Subalit upang maging kapani-paniwala ang mga secondary sources, ang mga ginamit dapat na batayan ng mga ito ay mga primary sources. Kung hindi gumamit ng mga primary sources, hindi kapani-paniwala ang mga secondary sources na iyon.


Ang Unang Pagkakamali ni Constantino

Ang sumulat ng editoryal na iyon sa Philippines Free Press ay nakagawa ng isang mabigat na pagkakamali sa historyograpiya, dahil wala siyang anumang pinagbatayan sa kanyang sinabi. Basta sinabi lámang niya na ganoon ang mga nangyari noong 1901. Ang editoryal na iyon ay hindi isang primary source kundi isang secondary source, at bílang isang secondary source ay hindi iyon kapani-paniwala, dahil wala ngang anumang batayan.

Nahulog naman si Constantino sa mabigat na pagkakamaling iyon, dahil ang naturang editoryal ang kanyang ginawang batayan sa pagsasabing si Rizal ang pinili ni Taft na maging ang pambansang bayani.

Dapat ang pinagbatayan ni Constantino ay ang batas o proklamasyon mismo ni Taft na nilagdaan nito at nagsasabing pinili nito si Rizal na maideklarang pambansang bayani. Subalit walang ganoong dokumento, dahil walang nilagdaan si Taft na batas, proklamasyon, o anupamang dokumento na nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani. Wala.


Ang Ikalawang Pagkakamali ni Constantino

May isang napakahalaga at napakarikit na dokumento sa kasaysayan ng Pilipinas—ang cautusan o decreto na nilagdaan ni Pang. Emilio Aguinaldo noong ika-20 ng Disyembre 1898. Ang kautusang iyon ay nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang araw ng pagluluksa upang gunitain ang kadakilaan ni Rizal at iba pang bayaning Pilipino.

Ang kautusan ding iyon ang kauna-unahang batas na nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal. Ang mga sumunod na batas tungkol sa Araw ni Rizal ay pagsang-ayon na lámang sa tradisyon na pinasimulan ng kautusang iyon—ang paggunita sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal.

Hindi sumangguni si Constantino sa dokumentong iyon, o hindi talaga niya alam na may ganoong dokumento. O maaaring nabása naman niya iyon, subalit iniwasang niyang banggitin iyon sa kanyang lektura upang marahil ay hindi mabatid ng kanyang mga tagapakinig na mayroon paláng ganoong dokumento.

Kayâ, nahulog na naman si Constantino sa isa pang pagkakamali: Ang umayuda sa pagpapakalat sa sabi-sabi na ang pasya raw ni Taft na ideklarang pambansang bayani si Rizal ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal.


Ang Ikatlong Pagkakamali ni Constantino

Ayon pa sa sanaysay ni Constantino, pinili raw ng mga Amerikano si Rizal na maging ang pambansang bayani, dahil salungat siya sa kasarinlan at madugong pakikibaka. Papabor daw ang ganoong imahe ni Rizal sa pananakop ng Amerika, dahil magsisilbing halimbawa iyon sa mga Pilipino na huwag lumaban sa Amerika. Kayâ, hindi raw hinikayat ng mga Amerikano na dakilain ang iba pang bayaning Pilipino. Ayon nga kay Constantino:

“The public image that the Americans desired for a Filipino national hero was quite clear. They favored a hero who would not run against the grain of American colonial policy. … The heroes who advocated independence were therefore ignored. For to have encouraged a movement to revere Bonifacio or Mabini would not have been consistent with American colonial policy.”

Si Rizal daw ang dapat dakilaing bayani. At ang mga katulad nina Bonifacio at Mabini ay dapat isantabi, dahil salungat at banta ang mga ito sa patakarang pananakop ng Amerika.


Pinayagang Maging Bayani si Bonifacio

Sa panahon ng pananakop ng Amerika sa Pilipinas (1898-1946), hindi lámang si Rizal ang dinakila bílang bayani. Maging ang mapusok at mapanghimagsik na si Bonifacio ay pinayagan ng mga Amerikano na dakilain. Ang mga sumusunod na batas at hakbang ay isinagawa upang opisyal na maitanghal na isang dakilang bayani si Bonifacio:

1. Akta Publika Blg. 2760—ang batas na magpapagawa ng isang Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan. Nilagdaan ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Francis B. Harrison upang ganap na maging batas noong 1918.

2. Akta Publika Blg. 2946—ang batas na nagdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre  (araw ng kapanganakan ni Bonifacio) bílang Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day), dahil ayon sa batas na ito, si Bonifacio raw ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan.” Nilagdaan din ito ni Harrison upang maging ganap nang batas noong 1921.

3. Akta Publika Blg. 3602—ang batas na naglalaan ng ₱97,000 para sa Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan. Nilagdaan naman ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Dwight F. Davis upang maging ganap na ring batas noong 1929.

4. Nob. 30, 1933—Binigyang-parangal na ang bágong-gawa na Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan.

Malinaw na pinayagan ng mga mananakop na Amerikano na ituring si Bonifacio na isang bayani. Kung banta si Bonifacio at ang kanyang diwang mapanghimagsik sa pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas, kung ang imahe ni Bonifacio ay ang makipaglaban para sa kalayaan at kasarinlan, at kung hindi hinikayat ng mga Amerikano na dakilain bílang bayani si Bonifacio, bakit opisyal na naitanghal si Bonifacio hindi lámang bílang isang bayani kundi bílang isang “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan?”

Kayâ, ang sinabi ni Constantino na isinantabi at hindi pinayagang dakilain ang mga bayaning katulad ni Bonifacio ay isang pagkakamali. Malakas at hindi kasi mabubuwag ang mga patunay na ginawang isang bayani si Bonifacio sa panahon ng pananakop ng Amerika, at ang mga mananakop na pinunòng Amerikano pa ang nag-apruba sa mga batas na opisyal na nagtatanghal kay Bonifacio bílang isang bayani.


Veneration Without Verifying

Marami pang matitisod na pagkakamali sa sanaysay ni Constantino, gaya ng pagsipi niya sa aklat na Between Two Empires (New Haven and London: Yale University Press, 1965) ni Theodore Friend, at ang paratang niya na si Rizal daw ay salungat sa kasarinlan at madugong pakikibaka. Hindi na tinalakay pa ang mga iyon dito, nang hindi na mapahaba nang husto ang blog na ito.

Ang sanaysay ni Constantino ay naging napakatanyag na, at ginagamit na ito ng maraming galít kay Rizal bílang awtoritatibong patunay sa kanilang paninirà kay Rizal na ito raw ay American-sponsored national hero. Ang pagtanggap sa sanaysay na ito ay nagmimistula nang veneration without verifying (lubusang paniniwala, pagtitiwala, at paghanga nang hindi muna inaalam kung kapani-paniwala ba ang mga pinagbatayan nito).

Ang veneration without verifying ay isang bulag na pagsamba, dahil ang mga naniniwala sa sanaysay ni Constanino ay hindi man lámang isipin na:

1. Walang anumang patunay na may naganap na púlong noong 1901 upang maghalal ng pambansang bayani ng Pilipinas, gaya ng minutes of the proceedings (mga talâ ng mga naganap) sa púlong na iyon, dahil hindi naman talaga naganap ang púlong na iyon.

2. Walang nilagdaan si Taft na batas, proklamasyon, o anupamang dokumento na nagdededeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.

3. Ang Araw ni Rizal ay isang tradisyon na itinatag ng mga Pilipino (hindi ng mga Amerikano) sa pamamagitan ng isang kautusan ni Aguinaldo noong ika-20 ng Disyembre na nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal.

4. At ang mga paninirà na ipinupukol kay Rizal—na si Rizal daw ay American-sponsored national hero, dahil ang mga batas daw na nagtatanghal sa kanya bílang pambansang bayani ay inaprubahan daw ng mga Amerikano—ay maipupukol din kay Bonifacio, dahil ang mga batas na opisyal na nagtatanghal kay Bonifacio bílang isang bayani ay inaprubahan ng mga Amerikano.


Maling Pangangatwiran

Payag na payag ang mga sumasamba sa sanaysay ni Constantino kung si Rizal ang sinisiraan na American-sponsored national hero. Subalit kung si Bonifacio na ang tinawag na American-sponsored hero, paglapastangan na raw iyon kay Bonifacio. Kung silá ang mamumukol kay Rizal, ikinatutuwa nila. Kung ibinabalik na kay Bonifacio ang mga ipinupukol nila kay Rizal, paninirà at ugaling talangka na raw iyon.

At ang pagiging American-sponsored national hero ni Rizal ay hindi na raw kailangan ng mga patunay. Basta ganoon na raw iyon. Samantalang si Bonifacio raw ay itinuturing nang bayani bago pa dumating ang mga Amerikano, at ang bagay na iyan ay hindi na rin daw kailangan ng mga patunay. Basta ganoon na rin daw iyon.

Anong uri ng mga argumento ang mga iyan? Patas at makatwiran ba?


Mga Dakilang Pilipino

Mga dakilang bayaning Pilipino sina Rizal at Bonifacio, at ang mga kababayan nila mismo ang kumilala at nagtanghal sa kanila bílang mga bayani, hindi ang mga Amerikano. Kung may sinang-ayunan man na mga batas ang mga mananakop na Amerikano na opisyal na nagtatanghal sa kanila bílang mga bayani, ang mga Pilipino naman ang nakaisip at nagpanukala sa mga batas na iyon.

Hangaan natin ang ating mga bayani, at pahalagahan ang kanilang mga ambag sa ating bansa at kasaysayan, sa halip na magpapaniwala táyo sa mga sabi-sabi na wala namang matitibay na patunay, gaya ng Veneration Without Understanding ni Renato Constantino.


Talâsanggunian

Constantino, Renato. Veneration Without Understanding (1969).

Public Laws, Annotated. Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng Pilipinas. Sulpicio Guevarra, patnugot.

“They Chose Rizal,” Philippines Free Press (Maynila) Disyembre 28, 1946, p. 10.