Biyernes, Agosto 7, 2015

Ang Unang Laban ni Andres Bonifacio noong ika-30 ng Agosto 1896: Isang Orihinal na Bersiyon ng Mamasapano Masaker


 

Noong ika-25 ng Enero 2015, tinugis ng mga pulis na kaanib sa Special Action Force (SAF) ang dalawang dayuhang terorista na nagtatagò sa Mamasapano, Maguindanao. Subalit nakasagupa nila ang mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Napások na kasi nila ang teritoryo ng MILF. Malagim ang kinalabasan ng engkuwentrong iyon.

 
Ang Masaker sa Mamasapano, Maguindanao
Linggo, Ika-25 ng Enero 2015
 
Resulta
SAF
 
MILF
Napatay
44
 
18
Nasugatan
0
 
14
 

Binatikos at Nilait-lait

 
Nasindak, nagálit, at nagluksa ang sambayanan, dahil sa pagkamatay ng 44 na pulis, na tinagurian nang SAF 44 o Fallen 44.

 
Ang pangunahing sinisi sa masaker na ito ay ang punò ng bansa, si Pang. Benigno Aquino III. Kasi, siya raw mismo ang nag-utos na isagawa ang naturang operasyon ng SAF.

 
Katákot-tákot na pambabatikos at panlalait ang inábot ng pangulo. Tinawag siyang “tanga,” “iresponsable,” “walang alam,” “ang pinakabobong naging presidente,” at kung ano-ano pang di-masikmurang salita.
 

Orihinal na Bersiyon ng Mamasapano Masaker

 
Kung bubuklatin ang kasaysayan ng ating bansa, mapapansin na ang isang orihinal na bersiyon ng Mamasapano Masaker ay naganap noong ika-30 Agosto 1896—ang araw na inilunsad ni Andres Bonifacio ang Himagsikan ng Pilipinas laban sa pananakop ng Espanya.

 
Personal na tinipon at pinamunuan ni Bonifacio ang aabot sa 1,000 Katipunero na lumusob sa mga imbakan ng mga armas at pulbura ng mga Espanyol sa San Juan, isang bayan na mahigit apat na kilometro ang layo sa Intramuros, Maynila. Malagim din ang kinalabasan ng labanang ito.

 
 
Ang Masaker sa Pinaglabanan, San Juan
Linggo, ika-30 ng Agosto 1896
 
Resulta
Mga Katipunero
 
Mga Espanyol
Napatay
153
 
0
Nasugatan
Di-matukoy
 
0
Nahúli nang Buháy
200 +
 
0

 
Ang nangyaring ito sa Pinaglabanan ay bibihirang ituro sa mga paaralan. Kayâ, maraming tao ang nagugulat kung nababása nila ito.
 

Hindi Binatikos Kundi Ginawang Bayani

 
Kung nangyari sa panahon natin ang Masaker sa Pinaglabanan, tiyak na aani rin si Bonifacio ng mga batikos at panlalait. Subalit dahil naganap ito noong 1896, nailigtas siya mula sa matatalim na pangil at kuko ng mga mapanlibak na naglipana sa ating modernong panahon.

 
Gayumpaman, sa kabila ng masamâng rekord ng pakikipagdigma ni Bonifacio, itinanghal pa rin siya bílang isang bayani. Noong 1921, nilagdaan ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Francis B. Harrison ang batas (Akta Publika Blg. 2946) na nagdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre (araw ng kapanganakan ni Bonifacio) bílang Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day).

 
Ayon sa nasabing batas, karapat-dapat na itanghal ang Araw ni Bonifacio, dahil si Bonifacio raw ang “bayaning pangalawa kay Rizal.”

 
Kahit talo si Bonifacio sa lahat ng mga labanang nilahukan niya, at kahit daan-daang Katipunero na personal niyang pinamunuan ang napugutan ng ulo, sumabog ang mga katawan, naputulan ng mga kamay o paa, nabaldado, nabúlag, o nabihag nang buháy ng mga Espanyol, napakapalad pa rin niya, dahil dinadakila siya bílang isang bayani.
 

Talâsanggunian

 
Agoncillo, Teodoro A. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Edisyong 1996. Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press, Inc., 1956.

 
Blanco, Ramon. Memoria que el Senado dirige acerca de los ultimos sucesos occuridos en la isla de Luzon. Madrid, 1897.

 
Foreman, John. The Philippine Islands. New York: 1903. Ikatlong edisyon.

 

 
Minutes of the Katipunan. Maynila: National Historical Institute, 1978.

 
Public Laws, Annotated. Tomo I-XI. Lungsod ng Quezon: University of the Philippines. Sulpicio Guevarra, patnugot.

 
Retana, Wenceslao E. Archivo del bibliofilo filipino. Madrid: 1895-1906.

 
Sastron, Manuel. La Insurreccion de Filipinas. Madrid: 1901.

 
Valenzuela Jr., Arturo E. Dr. Pio Valenzuela and the Katipunan. Maynila: National Historical Institute, 1996.
 

Kredit sa larawan