Sanaysay: Jon E. Royeca, “Sino ang mga Orihinal na Pilipino?”
Liwayway, Dis. 3, 2012, pp. 38-39.
|
Sa kanyang aklat na The Philippines: A Past Revisited
(Lungsod ng Quezon: Tala Publishing
Services, 1975), ipinagdiinan ni Renato Constantino na ang mga unang tao raw
na tinawag na Filipino ay ang mga insulares
o ang mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng
Espanya sa Pilipinas (1565-1898). Kayâ, ang mga Espanyol na iyon daw ang mga
orihinal na Pilipino, at hindi ang mga katutubo ng Pilipinas.
Sa
pagdiriin na iyon ni Constantino, wala siyang ipinakitang anumang batayan, lalo
na ang napakahalagang primary sources
(pangunahing sanggunian). Wala. Basta
sinabi lang niya na ang mga orihinal na Pilipino ay ang mga insulares.
Ang
ginawang iyon ni Constantino ay isang malaking pagkakamali sa principles of historical research and writing (mga pamamaraan ng pananaliksik at
pagsusulat sa kasaysayan). Kasi isang batas sa historiograpiya na kung may
sasabihin o isusulat ang isang historyador, dapat ay mayroon siyang
kapani-paniwalang batayan, gaya ng mga primary
sources, bilang patunay sa kanyang sasabihin o isusulat.
Heto
ang katotohanan. Sa kanyang aklat naman na Relación de las Islas Filipinas
(Roma, Italya: 1604), tinawag ng may-akda niyon na si Padre Pedro Chirino ang
mga Tagalog, Bisaya, Ita, at iba pang katutubo ng Pilipinas na Filipino.
Iyon ang unang pagkakataon na ginamit ang teminong Filipino, at ipinantukoy iyon sa mga katutubo ng Pilipinas.
Si
Chirino ay isang Heswita na inutusan ng kanyang Orden na magtungo sa Pilipinas
upang tumulong sa pagpapalaganap ng Katolisismo. Dumating siya sa bansa noong
1590. Labindalawang ulit na tinawag ni Chirino sa kanyang aklat na Filipino ang mga katutubo:
“Ginagamit ng mga Filipino ang mga [dahon ng balete] sa
kanilang pagluluto.”
“Ang mga [Ati] ay higit na barbaro at hindi pa napaaamo kaysa mga Bisaya at karamihan sa mga Filipino.”
“Tungkol sa pagpipitagan, paraan ng
paggalang, at mabubuting asal ng mga Filipino.”
“Sa kanilang mga kilos, ang mga Filipino ay hindi kasingkiyas ng mga
Tsino at Hapones; subalit mayroon siláng sariling mga akda ng pagkamagalang at
mabubuting asal, lalo na ang mga Tagalo
na kaygagalang sa salita at kilos.”
“Ang mga Titik [Alpabeto] ng mga Filipino.”
“Tungkol sa mga huwad na paganong
relihiyon, idolatriya, at pamahiin ng mga Filipino.”
“Tungkol sa pag-aasawa, bigay-káya,
at diborsiyo ng mga Filipino.”
“Ang una at huling paraan ng
paglutas ng mga Filipino sa mga
suliranin ng pagkakasakit ay, gaya ng atin nang nabanggit, ang paghahandog ng
mga alay sa kanilang mga anito o divata, na siyang mga panginoon nila.”
“Tungkol sa mga kasiyahan at paglalasing
ng mga Filipino.”
“Tungkol sa pagpapautang at
pang-aalipin ng mga Filipino.”
“Hindi kailanman nagkaroon ang mga Filipino … .”
“Ang mga paraan ng pagbibigay ng
pangalan ng mga Filipino.”
Hayan,
malinaw pa sa síkat ng araw na ang mga unang tao na tinawag na Filipino—o ang
mga orihinal na Pilipino—ay ang mga katutubo mismo ng Pilipinas.
Kayâ,
tungkol sa usaping kung sino ang mga orihinal na Pilipino, sino ang
paniniwalaan natin? Ang isang historyador na walang anumang kapuranggit na
patunay sa kanyang sinasabi? O ang isang aklat—ang aklat ni Chirino—na isang primary
source tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas?
Talâsanggunian
Chirino,
Pedro, Relación de las Islas Filipinas,
Roma, 1604. Ang salin sa Ingles, “Relation of the Philippine Islands,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 12 at
Tomo 13, Cleveland: The Arthur H. Clark Company, 1903. Emma Helen Blair at
James Alexander Robertson, mga patnugot.