— Unang nalathala sa Liwayway, Enero 12, 2009
NANG nabubuhay pa si Jose Rizal, tinitingala na siya ng kanyang mga kababayan bilang ang kanilang gabay tungo sa mga pagbabago, himagsikan, at kasarinlan mula sa pananakop ng Espanya. At nang pumanaw na siya, ang mga mamamayang Pilipino rin ang kumilala sa kanya bilang ang kanilang pinakadakilang pambansang bayani.
Nang mga taong 1880-89, ang mga propagandistang Pilipino sa Espanya at iba pang bansa sa Europa ay nagpahayag na si Rizal lamang ang natatanging may kakayahan na pag-isahin silang lahat, isang ulirang Pilipino, ang kinatawan ng Oceania-Española, ang ulong tagatangkilik ng mga Pilipino, ang marilag nilang kababayan, ang natatanging Pilipino sa panitik, at may katha ng iba’t ibang akda na naging karapat-dapat sa papuri ng madla.
Siya ay inihalal din nila nang buong pagkakaisa bilang ang pandangal na pangulo ng kanilang samahan, Asociación La Solidaridad (Kapatirang Pagkakaisa), na itinatag noong Disyembre 31, 1888, sa Barcelona, Espanya. Si Marcelo Del Pilar, ang pinakamahigpit niyang katunggali, ay pinagpugayan ang kanyang liredatong moral at intelektuwal.
Kultong Rizalismo
Sa Pilipinas, itinatag ni Andres Bonifacio ang kultong Rizalismo o ang tradisyon ng pagdakila kay Rizal. Bilang supremo ng Katipunan, ipinag-utos niya na gamitin ang salitang Rizal bilang banal na salita ng Bayani, ang pinakamataas na antas na Katipunero; isabit ang mga larawan ni Rizal sa mga bulwagang pulungan ng Kataastaasang Sanggunian ng Katipunan at iba pang pook-pulungan; at gamitin ang pangalan ni Rizal bilang sigaw ng Katipunan para sa pagkakaisa at kalayaan. Inihalal din niya si Rizal bilang ang pandangal na pangulo ng Katipunan, at kinalap ang mga pananaw ni Rizal tungkol sa kanilang mga balak laban sa Espanya.
Noong mga unang bahagi ng 1897, habang nasa Cavite at namamagitan sa mga lokal na pangkat ng Katipunan doon, nagpalabas si Bonifacio ng isang kalatas na kumukundena sa mga kahayupang pinaggagagawa ng mga Espanyol laban sa mga Pilipino, at sa “katampalasanang pagpatay sa ating pinakaiibig nating kababayan na si M. Jose Rizal.”
Pinakadakilang Bayaning Pilipino
Noong Marso 22, 1897, nahalal si Heneral Emilio Aguinaldo bilang pangulo ng pamahalaang rebolusyunaryo na pumalit sa Katipunan. Noong Disyembre 1897, matapos lagdaan ang isang kasunduang pakikipagpayapaan sa mga mananakop ng Espanyol, tumulak siya at ang kanyang mga kasama patungong Hong Kong; subalit dahil walang anumang hangad ang mga Espanyol na tumupad sa kasunduan, ipinasya nilang bumalik sa bansa. Noong Abril 1898, nagpalabas ang mga kasamahan nila ng isang proklamasyon, na ang pangwakas na bahagi ay nagsabing:
“Kasingwalang-saysay din ang mga walang halagang pangalan natin, subalit ang bawat isa sa atin at lahat tayo ay tumatawag sa pangalan ng pinakadakilang bayani na nasaksihan ng ating bansa, sa tiyak at lubos na pag-asa na ang kanyang diwa ay mapapasaatin sa mga oras na ito at gagabayan tayo tungo sa tagumpay?ang ating imortal na si Jose Rizal.”
Kinilala ng dokumentong ito, na nilagdaan ng mga kasapi ng Komite Sentral Pilipino na nakahimpil sa Hong Kong, si Rizal bilang ang pinakadakilang bayani ng mga mamamayang Pilipino. Batid ng mga pinunong manghihimagsik na siya ang kanilang inspirasyon, nag-aalab na sigaw, at walang kapantay na kababayan, kung kaya’t ang pinakadakilang bayani na umusbong sa kanilang bansang sinilangan.
Ang sambayanang Pilipino ang nakadama, kumilala, at nagbunyi na ang pinakaiibig na Pilipino at ang pinakatanyag na martir na Pilipino ang siyang pinakadakilang bayaning Pilipino.
Hula ni Rizal
Bumalik sa bansa si Aguinaldo noong Mayo 19, 1898, at nang sumunod na Hunyo 12, ay idineklara ang kasarinlan ng bansa mula sa Espanya. Ang isang bahagi ng Akta ng Proklamasyon ng Kasarinlan ng mga Mamamayang Pilipino ay nasusulat nang ganito:
“Kinikilala, sinasang-ayunan, at kinakatigan namin, kasama ang mga atas na naipalabas na, ang Diktadurya na itinatag ni Don Emilio Aguinaldo, na aming kinikilala bilang Kataas-taasang Pinuno ng Bansang ito, na simula sa araw na ito ay may sarili nang buhay, sa aming paniniwala na siya ang tao na pinili ng Diyos, sa kabila ng kanyang abang pinagmulan, upang maisagawa ang pagtubos sa aming walang-palad na bayan, na inihula ni Doktor Jose Rizal sa kanyang mga maiindayog na taludtod na binalangkas niya sa kanyang piitan bago siya barilin; pinalalaya ito mula sa pananakop ng mga Espanyol bilang parusa sa mga pagmamalupit ng mga tauhan ng pamahalaan na may pahintulot nito, at sa walang-katarungang pagbaril sa nasabing Rizal at sa iba pang isinakripisyo para sa katiwasayan ng mga walang-kasiyahang prayle. …”
Ayon sa bahaging ito, ang hula ni Rizal tungkol sa kalayaan ay naisasakatuparan na—ang bansa ay pinalalaya bilang parusa sa Espanya dahil sa mga pang-aabuso nito at sa pagpatay kay Rizal at iba pa. Ang hulang iyon ay nasa ikasiyam na saknong ng huling tula ni Rizal, na ganito ang pagkakasulat:
“Idalangin mo rin ang mga namatay na kinulang-palad,
“Ang nagsipagtiis ng mga pahirap na walang katulad;
“Mga ina namin na inihihibik ang kanilang saklap,
“Ang mga kapatid, balo’t napipiit sa madlang pahirap,
“At ang sarili mong nawa’y makakita ng paglayang ganap.”
Ang paglayang iyon ay walang iba kundi ang muling pagkakamit ng kasarinlan ng Pilipinas. Natamo iyon noong Hunyo 12, 1898, nang ipahayag na ng mga Pilipino sa buong mundo na sila ay malaya at magsasarili na bilang isang bansa. At hindi nalimutan ng mga ama ng bansa na si Rizal ang naghikayat at humula niyon.
Unang Araw ni Rizal
Noong Disyembre 20, 1898, nagpalabas si Pangulong Aguinaldo ng isang atas na nagtatalaga sa Disyembre 30 bilang isang pambansang araw ng pagluluksa “alang-alang sa manga daraquilang filipinong uagas magsilingap sa tinubuang bayan na si Dr. Rizal at iba pa, na pinasaquitan nang lumipas nang capangyarihang castila.”
Nilinaw ng atas na isasagawa ang pagluluksa sa pamamagitan ng paglalagay ng bandilang Pilipino sa kalahating tagdang nito mula ika-12:00 ng tanghali ng Disyembre 29 hanggang ika-12:00 ng tanghali ng susunod na araw, at sa pamamagitan ng pagpipinid sa lahat ng tanggapan ng pamahalaang rebolusyunaryo sa buong maghapon ng Disyembre 30.
Pinili ng mga ama ng bansa ang araw ng kamatayan ni Rizal bilang ang naaangkop na pista opisyal para sa mga bayaning Pilipino, sapagkat siya ang Pilipinong karapat-dapat na mabigyan ng isang natatanging araw ng pagkilala. Hindi nila pinili ang araw ng kamatayan nina Lopez Jaena (Enero 20), Del Pilar (Hulyo 4), o ng Gomburza (Pebrero 17). Ang iba pa ay hindi kasindakila niya at hindi karapat-dapat ng isang natatanging araw ng pagkilala; kaya, ang mga pagpapakasakit ng iba pang mga bayaning Pilipino ay sumabay na lamang sa pinapaging-banal na araw niya.
Ang mga panghimagsikang pahayagan ay naglabas ng mga isyung dinadakila ang Araw ni Rizal: ang La Independencia (Kasarinlan) noong Disyembre 29, 1898; at ang Republica Filipina (Republika ng Pilipinas) at El Heraldo de la Revolución (Taliba ng Himagsikan), ang opisyal na pahayagan ng pamahalaang Pilipino, noong Disyembre 30, 1898. Sa mga isyung ito, inilathala ang ilan sa mga tula at sanaysay ni Rizal, samantalang ang kanyang buhay, mga gawa, at kabayanihan ay tinalakay.
Ipinagdiwang ang pistal opisyal na iyon ng Samahang Filipino sa Maynila sa pamamagitan ng isang palatuntunang awitan-pampanitikan. May mga awit, pagpapatugtog ng piano at gitara, pagbasa ng mga tula, pagbigkas, at mga pagtalakay tungkol sa buhay at gawang pampulitika ni Rizal na isinagawa at sinaksihan ng mga tanyag na Pilipino noon, tulad nina Pedro Paterno, Telesforo Chuidian, Fernando Ma. Guerrero, at Antonio Luna.
Pinag-alab ng unang Araw ni Rizal ang dangal ng bayan. Naglaan ang mga tao ng isang tampok na araw upang ipagdiwang ang isang kamangha-manghang nakaraan ng pinakadakilang martir mula sa sariling lahi, at ang mga pagpapakasakit ng iba pang bayani ng lupang tinubuan. Binigyan iyon ng La Independencia ng isang tumpak na paglalarawan: “Ang Disyembre 30 ang unang kaguni-gunitang petsa na naitala sa ating pambansang kasaysayan.”
Yaon ang mga hakbang kung paano dinakila ng mga Pilipino si Rizal bilang ang kanilang pambansang bayani.
Isang Kabaliwang Haka-haka
May isang teoriya o haka-haka na nag-aangkin na ang mga Amerikanong mananakop na awtoridad, partikular na si William Howard Taft, ang nagdeklara kay Rizal bilang ang pambansang bayani, ang naghikayat sa kulto ng pagdakila kay Rizal bilang ang pinakadakilang bayani ng bansa, at ang nagtatag sa Disyembre 30 bilang isang pista opisyal.
Si Taft, na dumating sa bansa noong Hunyo 3, 1900, ay naglingkod bilang tagapangasiwa ng Ikalawang Komisyon ng Pilipinas, ang awtoridad na nilikha ng pangulo ng Estados Unidos na si William McKinley upang maging tagabalangkas ng mga batas ng pamahalaang kolonyal ng Amerika sa Kapuluang Pilipinas.
Ayon sa haka-haka, dahil si Taft, sa isang pulong ng Komisyon, ay nagpasya na si Rizal ang maging pambansang bayani, naging pista opisyal na ang Araw ni Rizal mula noon. Ang pasya ni Taft ang naging simula ng Araw ni Rizal.
Ang totoo ay: Walang batas, proklamasyon, o anupamang kasulatan na nilagdaan ni Taft at kung saan sinabi niyang, “Ako, si William Howard Taft, ay pormal na idinedeklara si Rizal bilang ang inyong pambansang bayani.” Wala.
Noong 1920-29 at 1930-39, ang ilang Amerikano na sumulat ng mga aklat tungkol sa Pilipinas ay walang muwang hinggil sa mga paghanga, papuri, at sa pista opisyal na iginawad na ng mga Pilipino kay Rizal. Ang kawalang-muwang nila ang naghatid sa kanila na maghinuha, magdiin, at sa bandang huli ay mag-angkin na ang mga Amerikanong mananakop ang nagluklok kay Rizal sa kadakilaan. Kaya, isinilang ang haka-hakang ito, at mula noon ay marami nang mga mambabasa, mag-aaral, manunulat, at iskolar ng kasaysayan ng Pilipinas ang nalinlang nito.
Ang haka-hakang ito ay isang kabaliwan, kung hindi man katangahan, dahil paanong ang di-umano’y pasya ni Taft na gawing pambansang bayani si Rizal ang magiging simula ng Araw ni Rizal gayong bago pa dumating sa bansa si Taft, ang mga Pilipino ay kinikilala na si Rizal bilang ang kanilang pinakadakilang bayani at ipinagdiwang na ang Disyembre 30 bilang ang kanilang kauna-unahang pambansang pista opisyal?
Kasaysayan ang may katha na ang sambayanang Pilipino ang nagdakila kay Rizal bilang ang gabay nila tungo sa kabansaan, ang propeta ng kanilang kasarinlan, ang pandangal nilang pinuno, ang sigaw nila para sa digmaan at kalayaan, ang pinakaiibig nilang kababayan, at ang kanilang pinakadakilang bayani—ang kanilang pambansang bayani.
Talasanggunian
Agoncillo, Teodoro A. The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan. Edisyong 1996. Quezon City: University of the Philippines Press, Inc., 1956.
Agoncillo, Teodoro A. The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Maynila, 1963.
F. G. “El Luto Nacional.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 2.
June 12, 1898 and Other Related Documents. Maynila: National Historical Institute, 1998.
“La Velada del 30 Diciembre de 1898.” Republica Filipina (Mandaloyon) Enero 1, 1899, pp. 3-4.
Mga Tula ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
Pakikipagsulatan ni Rizal sa mga Kasama niya sa Pagpapalaganap. Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
Robinson, Albert G. The Philippines: The War and the People. Nueva York, 1901, binanggit sa Teodoro A. Agoncillo, Malolos: The Crisis of the Republic. Edisyong 1996. Quezon City: University of the Philippines Press, Inc., 1960.
Villadez, P. P. “Notas de la semana.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 1.