SI Andres Bonifacio (1863-97) ay may isang kababayan na kanyang hinangaan o inidolo, at humubog sa kanyang mga ipinaglaban para sa sinilangang bayan, dahil sa paghangang iyon.
Ang kababayang iyon ay inidolo na
niya mula nang siya’y tin-edyer pa lamang. Hindi niya kailanman ito naging
kaibigan. Kilala niya ito, pero hindi siya kilala nito. Iisang ulit lamang sila
nagtagpo, nang itinatag ang Liga Filipina
(Katipunang Pilipino) sa Binondo, Maynila, noong gabi ng Hunyo 3, 1892, ngunit
hindi pa sila nagkausap. Ang idolong iyon ay walang iba kundi si Jose Rizal
(1861-96).
Unang natunghayan ni Bonifacio si
Rizal sa Diariong Tagalog, isang
pahayagan sa Tagalog at Espanyol, na inilalathala sa Maynila at mga kalapit na
lalawigan. Si Basilio Teodoro Moran ang may-ari nito; si Marcelo Del Pilar
naman ang patnugot. Nasa sirkulasyon ito mula Hunyo 1, 1882, hanggang sa
napilitan itong magsara dahil sa malaganap na kolera at sa isang mapaminsalang
bagyo nang sumunod na Oktubre.
Sa isyu ng Diariong Tagalog noong Agosto 20, 1882, nalathala ang sanaysay ni
Rizal na El Amor Patrio (Pag-ibig sa
Tinubuang Lupa). Nasusulat iyon sa Espanyol, ngunit ang salin niyon sa Tagalog
na ginawa ni Del Pilar ay kasabay na nalathala.
Nang mga panahong iyon, si Rizal ay
nasa Espanya. Noong Mayo 3, 1882, isa’t kalahating buwan bago ang kanyang
ika-21 taong kaarawan, umalis siya ng bansa upang tapusin sa Espanya ang dalawa
niyang kurso sa kolehiyo: pilosopiya at panitikan, at medisina.
Pagkarating niya sa Barcelona noong Hunyo 16, isinulat niya ang El Amor
Patrio, kung saan binanggit niya na
ang pag-ibig sa tinubuang-lupa ay:
“…isang damdaming tunay na katutubo; sapagkat
naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, isang masayang tulang awitin
na ang kabataan lamang ang nakakikilala, at sa mga bakas nito’y sumisibol ang
bulaklak ng kawalang-malay at ng kaligayahan. …
“Ito kaya’y dahil sa ang pag-ibig sa inang baya’y siyang
pinakawagas, pinakamagiting, at pinakadakila? Ang pagkalugod sa lahat ng
nakapagpapagunita ng ating mga kauna-unahang araw, ang lupang kinahihimlayan ng
ating mga nuno, ang templong kinaroroonan ng sinasamba nating Diyos sa
pamamagitan ng katapatan ng walang malay na kamusmusan. …”
Idinagdag ni Rizal na ang
pag-ibig sa bayan ay isang dakilang damdamin na inaawit sa loob ng mga siglo ng
lahat ng tao, malaya man o alipin, dahil ito:
“… ay hindi napaparam kailanman kapag nakapasok na sa puso, palibhasa’y
nagtataglay sa sarili ng tatak na [banal] na ikinapagiging walang kamataya’t walang hanggan. …
“Sinasabing ang pag-ibig [ang] siyang
pinakamakapangyarihang tagabunsod ng mga gawang lalong magiting; kung gayon, sa
lahat ng mga pag-ibig, ang pag-ibig sa inang-bayan [ang] siyang nakalikha ng
mga gawang lalong dakila, lalong magiting, at lalong walang halong pag-iimbot.”
Hiniling ni Rizal sa mga
mambabasa na tunghayan ang kasaysayan, ang mga tala, at ang mga alamat upang
mabatid na dahil sa pag-ibig na ito:
“Ipinara ng ilan ang kanilang kabataan, ang kanilang kaligayahan; ang
iba’y naghandog sa kanya ng kaningningan ng kanilang kadalubhasaan; ang mga
ito’y nagbubo ng kanilang dugo; ang lahat ay namatay at nagpamana sa kanilang
inang-bayan ng isang malaking kayamanan: kalayaan at kaluwalhatian.”
Ang El Amor Patrio ang unang akda na naglatag sa mga Pilipino ng isa sa
pinakamaningning na ilaw na kinakailangan nila noon—ang kamalayan ng kabansaan
at pag-ibig sa inang-bayan, o ang kaisipan na silang mga Pilipino ay may
sariling tinubuang lupa na dapat nilang kalingain at mahalin. At iyon ay ang
Pilipinas, hindi ang Espanya.
Bago ito, hindi pa
nakababasa ang mga Pilipino ng ukol sa pagmamahal sa bansa. Wala silang anumang
malay sa marangal na kabaitang ito. Lumikha ito ng walang humpay na bayo sa
puso ng mga nakabasa niyon, bayo na kikiyakis sa kanilang mga prinsipyo o
paninindigan.
Dahil sa ingay na nilikha
nito, naalarma ang mga awtoridad at kapariang Espanyol sa Pilipinas.
Pinag-ingat tuloy si Rizal ng isa nitong bayaw, si Silvestre Ubaldo, sa isang
liham na may petsang Enero 19, 1883:
“Ang balita co sa yo ay tila icao dao ay quina popootan ñg
mañga maputeng baro [prayle] dahil sa guinaua mo niong icao ay na sa Barcelona
na inencerta sa Diariong Tagalog, caya icao
ay bahala dian, mabute ren ang icao ay mag iñgat at tila icao ay na sa listahan
nila.”
Ang Manileñong si Bonifacio ay 18
taong gulang lamang nang mabasa niya ang El
Amor Patrio sa Diariong Tagalog.
Ito ang una sa mga akda ni Rizal na lililok at magpapatalas sa kanyang mga
pampulitika at panghimagsikang simulain.
Dahil lubusang nabigyan
ng inspirasyon ng sanaysay na ito, sumulat si Bonifacio ng isang tula na may himig nito,
at pinamagatan niya ang tulang iyon ng Pag-ibig
sa Tinubuang Lupa. Nalathala iyon
sa Ang Kalayaan, ang pahayagan ng
Katipunan, sa tanging isyu nito na may petsang Enero 18, 1896.
Malinaw na hinango mula
sa El Amor Patrio ni Rizal ang maraming ideyang nakapaloob sa Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Bonifacio, gaya
ng mga sumusunod na una, ikaanim, ikapito, at ikawalo nitong saknong:
“Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya?/sa pagka dalisay at
pagkadakila,/gaya
ng pag-ibig sa tinubuang lupa,/alin pag-ibig pa? wala na nga, wala.
“Bakit? Alin ito na sakdal ng laki/na hinahandugan ng buong
pag kasi/na sa lalung mahal na kapangyayari/at guinugugulan ng buhay na iwi.
“Ay! ito’y ang Inang bayang tinubuan/siya’y ina’t tangi na
kinamulatan/ng kawiliwiling liwanag ng araw/na nagbigay init sa lunong katawan.
“Sa kania’y utang ang unang pagtanggap/ng simuy ng hanging
nagbibigay lunas/sa inis na puso na sisingapsingap/sa balong malalim ng
siphayo’t hirap.”
Muling isinatitik ni Bonifacio ang
“ang pag-ibig sa inang-bayan ang siyang pinakawagas, pinakamagiting, at
pinakadakila” ni Rizal bilang “sa pagkadalisay at pagkadakila, wala nang
pag-ibig pa ang hihigit sa pag-ibig sa tinubuang lupa.”
Ang “ang inang-bayan ay sadyang
iniibig dahil ipinara ng ilan ang kanilang kabataan,
ang kanilang kaligayahan; ang kanilang kadalubhasaan, at maging ang kanilang
dugo” ni Rizal ay naging “ang inang-bayan ay sakdal
ng laki, na hinahandugan ng buong pagkasi, lalong mahal na kapangyayari, at
ginugugulan ng buhay na iwi” ni Bonifacio.
Ang “sa ating bansa
naroroon ang mga kauna-unahang alaala ng kamusmusan, at ang mga gunita ng ating
mga kauna-unahang araw” ni Rizal ay muling kinatha ni Bonifacio bilang “ang inang-baya’y
siyang ina’t tangi na kinamulatan ng kawiliwiling liwanag ng araw, na nagbigay
init sa lunong katawan.”
Ang nobelang El Filibusterismo ni Rizal ang tuluyang
humubog sa mga adhikain ni Bonifacio. Hinalaw mula rito ni Bonifacio ang kanyang mga estratihiya
para sa himagsikan.
Sa Fili, ang pangunahing layunin ni Simoun ay ang magtatag ng isang
lihim na kilusan ng mga pinagmamalupitang Pilipino, tulad ng mga magsasaka,
manggagawa, inuusig na walang sala, at iba pa, na magpapatalsik sa pananakop ng
mga Espanyol sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka (Kabanata 16, 19, 23, 33,
at 35).
Sa tunay na buhay, itinatag ni
Bonifacio noong Hulyo 7, 1892, ang isang lihim na lipunan (ang Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan
Nang Mañgá Anak Nang Bayan)
na ang layon ay ang madugong pagbuwag din sa pananakop ng Espanya sa Pilipinas.
Sa Fili, hinikayat ni Simoun ang mga kabataan na sumama sa kanyang
ipinaglalaban sapagkat naniniwala siya sa kanilang kakayahan bilang mga pag-asa
ng bayan (Kabanata 7).
Sa tunay na buhay, inakay rin ni
Bonifacio ang mga kabataan sa Katipunan. Pinalibutan niya ang sarili ng mga
kabataang tulad nina Emilio Jacinto, na 19 na taong gulang lamang nang hirangin
niya bilang kanang-kamay niya at piskal ng Katipunan; Jose Turiano Santiago, na
17 lamang nang mahalal na kalihim ng Katipunan; Restituto Javier, na 19 nang
mahalal na konsehal ng Katipunan; Pio Valenzuela, na 25 nang maitalagang
manggagamot ng Katipunan; at ang nakababata niyang kapatid na si Procopio, na
dadalawampuin lamang nang italaga niya bilang isa sa mga kanyang mga
pinagkakatiwalaang tauhan.
Sa Fili, ginatungan ni Simoun ang mga kabataan na lisanin na ang
pagnanais na matuto ng wikang Espanyol, at sa halip ay yakapin, kalingain, at
paunlarin ang katutubo nilang wika dahil ito ang pinakapagkakakilanlan nila
bilang isang bansa at bilang isang lahi.
Sa tunay na buhay, ginamit ni
Bonifacio ang wikang Tagalog sa halos lahat ng mga dokumento, transaksiyon, at
hakbang ng Katipunan (Kabanata 7).
Sa Fili, gumamit ang mga rebelde ng Cabesa at Tales bilang
banal na salita (Kabanata 19). Sa tunay na buhay, gumamit din ang mga
Katipunero ng mga banal na salita: Rizal,
Gomburza, at Anak ng Bayan.
Sa Fili, binanggit ni Simoun ang mga sumusunod:
“Sa loob ng isang oras, sasabog ang himagsikan sa isang hudyat ko, at
bukas, wala nang mga pag-aaral, wala nang Pamantasan, wala nang magaganap pa
kundi ang labanan at mga patayan. Pinaghandaan ko na
ang lahat, at wala nang makapipigil pa sa aking pagtatagumpay. Kung tayo’y nangagwagi na, lahat ng mga may
kakayahan ngunit hindi tumulong ay ituturing na kaaway …” (Kabanata 23).
“Sa tunog ng isang pagsabog, ang mga dukha, inuusig, yaong naging mga
hampas-lupa dahil pinag-uusig ng mga may kapangyarihan, ay lalabas nang armado
at sasama kay Kabesang Tales sa Santa Mesa upang lusubin ang lungsod [Maynila]. …
“Habang nagigimbal ang buong bayan, habang iniisip ng mga mamamayan na
pagpapatayin sila ng mga may kapangyarihan, mapupuspos sila ng takot dahil sa
nakamamatay na pagkagitla, at dahil wala silang mga sandata at walang
kahandaan, sila’y pamumunuan at pangungunahan mo [Basilio] at ng mga kasama mo
patungo sa tindahan ng Intsik na si Quiroga kung saan iniimbak ko ang aking mga
armas.
“Magkikita kami ni Kabesang Tales sa lungsod at lulusubin namin ito, at
kayong mga nasa arabal, sakupin ninyo ang mga tulay, magkuta kayo roon,
humandang tulungan kami, at patayin ninyo ang mga hindi lamang sasalungat sa
himagsikan, kundi maging ang lahat ng lalaking tatangging humawak ng sandata” (Kabanata 33).
Ang mga sinabing ito ni Simoun ay
halos kahawig ng sumusunod na manipesto na inilabas ni Bonifacio noong Agosto
28, 1896:
“Mga Pangulo, mga Kasanguni, mga Kapatid, kayong lahat ay aming
tinatawagan; kailangan sa madaling panahon ang pagsasangalang sa mga Anak ng
Bayan napipiit at pinahihirapan sa mga bilanguan, kaya pulungin ang mga Kapatid
at ipaunawa, na sa Sabado, ika-12 horas ng gabi ay sisimulan ang paghihimagsik,
sa kanikaniyang bayan, at ang pagpasok sa Maynila’y mangagaling sa Balara,
sasagui sa bundok ng Ugong at tatawid sa Guadalupe (San Pedro Makati) at
sasagian ang mga Guwardya Sibil sa Santa Ana. Ang Kapatid na
di sumangayon sa mga banal na adhika ng kalahatan ay aariing Lilo at ibibilang
sa kaaway; sa talagang may sakit ay igagawad ang pagtingin inauutos ng palatuntunan.”
Sa mga salita ni Simoun, at sa
manipesto ni Bonifacio, masisilayan kaagad ang mga pagkakatulad: ang
sabay-sabay na paglusob sa Maynila, ang mga salakay ni Simoun at ang pag-atake
ni Bonifacio, ang kawalan ng pag-asa ng mga mamamayan, at ang parusa sa mga
taksil at duwag. Kahit ang manipesto ay hindi ganoon kabagsik sa mga taksil at
duwag, malinaw na kinopya ito mula sa gawa ng iba.
Ang mga pagkakatulad na ito ay ilan
lamang sa mga bagay na nagpapatunay sa marubdob na paghanga ng naging Ama ng
Himagsikan ng Pilipinas sa naging pambansang bayani ng Pilipinas.
Talasanggunian
Mga Tala sa
Paglalakbay, Mga Alaala, at Iba
pa ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag.
Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
Pakikipagsulatan ni Rizal sa kanyang mga Kasambahay. Panandaang Taong Palimbag. Maynila:
Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1962.
Pakikipagsulatan ni Rizal sa mga Kasama niya sa
Pagpapalaganap.
Panandaang Taong Palimbag. Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni
Jose Rizal, 1961.
Pakikipagsulatan sa Iba’t Ibang Tao ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila:
Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
Mga Akdang Pampanitikan sa Tuluyan ni Jose Rizal. Panandaang Taong Palimbag. Maynila:
Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.
El Filibusterismo. Panandaang Taong Palimbag. Offset ng unang edisyong inilimbag sa Gante, Belhika, 1891.
Maynila: Comisión Nacional del Centenario de José Rizal, 1961.