Sabado, Disyembre 20, 2014

Walang Dagdag-Bawas sa Kumbensiyon sa Tejeros noong 1897


NAGANAP ang kauna-unahang halalan para sa pambansang pamunuan ng mga Pilipino sa isang púlong noong ika-22 ng Marso 1897 sa Brgy. Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite. Ang púlong na iyon ay dinaluhan ng mga pinuno ng mga Katipunerong taga-Maynila at taga-Cavite. Kilala na ito ngayon sa kasaysayan bilang ang Kumbensiyon sa Tejeros. Sa púlong na iyon, nahalal ang mga sumusunod:

 

Emilio Aguinaldo, Pangulo

 

Mariano Trias, Pangalawang Pangulo

 

Artemio Ricarte, Komandante Heneral ng Hukbo

 

Emiliano Riego de Dios, Direktor ng Digmaan

 

Andres Bonifacio, Direktor ng Interyor

 

Sa pagkapangulo, pinakamahigpit na magkalaban si Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, at si Aguinaldo, ang heneral na kinikilala nang lider ng nakararami sa mga Caviteño dahil sa mga tagumpay nito sa pakikipagdigma laban sa mga puwersang Espanyol mula nang mag-umpisa ang himagsikan noong Agosto 1896. Ang kinauwian ng botohan ay si Aguinaldo ang nahalal na kauna-unahang pangulo ng bansa. Samantalang napunta kay Bonifacio ang isang di-kasinghalagang posisyon.

 

Ang naturang púlong ay pinangasiwaan mismo ni Bonifacio. Wala roon si Aguinaldo, dahil ito ay nása Brgy. Pasong Santol, Imus, at naghahanda laban sa paglusob ng mga hukbong Espanyol. Si Bonifacio at ang iba pang Manileñong Katipunero ay sinusuportahan ng Magdiwang, ang sanggunian ng mga Katipunero sa Noveleta, Cavite. Nása likuran naman ni Aguinaldo ang Magdaló, ang sanggunian ng mga Katipunero sa Kawit, Cavite.

 

Nadungisan ang halalang ito, dahil sa iba’t ibang paratang na lumitaw doon mismo sa halalang iyon. May dalawang paratang na hindi naman naganap sa kumbensiyong iyon, subalit sa kalaunan ay lumabas na na naganap nga iyon doon. Ang dalawang iyon ay ang mga sumusunod:

 

Una. Bago raw naganap ang botohan, namudmod ang Magdalong si Daniel Tirona at ang mga kasama nito ng mga papel na gagawing balota sa botohan. May nakasulat na raw na pangalan sa mga papel na iyon—ang pangalan ni Aguinaldo. Kayâ, nang tapos na ang bilangan ng mga boto, natural lámang na si Aguinaldo ang mananalo. Dinaya raw si Bonifacio.

 

Ikalawa. Si Bonifacio raw ang nakakuha ng pangalawang pinakamaraming boto sa pagkapangulo, sunod kay Aguinaldo; kayâ, nagpanukala si Severino de las Alas, isang Madiwang, na si Bonifacio na ang ideklarang pangalawang pangulo. Subalit dahil walang umayon o sumalungat sa mosyon ni de las Alas, ipinasya ni Bonifacio na ituloy na ang halalan para sa pagkapangalawang pangulo, kung saan muling natalo si Bonifacio.

 

Ang dalawang paratang na ito ay mga salaysay ni Heneral Artemio Ricarte, na ginawa niya ilang taon matapos mangyari ang Kumbensiyon sa Tejeros. Ang mga salaysay na ito ay nagbunsod sa ilan na magsabing noong araw pa raw, uso na ang dagdag-bawas sa ating mga halalan.

 

 

Ang mga Tunay na Nangyari, ayon kay Bonifacio

 

Ganoon ba talaga ang mga naganap sa Tejeros? May mga namudmod ng mga balota bago ang halalan, nakasulat na ang pangalan ni Aguinaldo sa mga balotang iyon, nagbotohan, nagbilangán ng mga boto, at may idineklarang panalo?

 

Tunghayan natin ang mga sumusunod na bahagi ng liham ni Bonifacio kay Emilio Jacinto na may petsang ika-24 ng Abril 1897 (sa orihinal na pagkakasulat):

 

“Sapagka’t ang karamihan sa Pulong na itó ay minagaling na itayô ang isang Pamahalaan (Gobierno), bagama’t ipinauunawâ ko na ito’y hindi mangyayari sapagka’t wala doon ang pinakakatawan ng taga ibang hukuman at bukod pa sa ito’y ipinagsabi ko na mayroon nǧ pinagkayarian sa Pulong na ginawa sa bayan nǧ Imus; ang lahat ng ito’y niwawalan kabuluhan nǧ karamihan at di umano’y sa kagipitan tinatawid nǧmga bayang ito’y ay wala nǧpanahon ay makapag aantabay pa na dumating ang taga ibang bayan at yaong Pulong na guinawa sa Imus ay wala rin kabuluhan sapagka’t di ko nagawa ng Acta. Gayon ma’y akin ipinagsabi sa lahat na kaharap sa Pulong na yaon na kung kalooban nǧ mǧa taung bayan ang siyang masusunod na makapangyayari sa paghahalal ng mga Pinuno ako’y sumasanǧayon.

 

“Nǧ gawin ang paghahalal ay lumabás na Presidente de la República ay si M. Emilio Aguinaldo, Vice Presidente ay si M. Mariano Trias, General en Jefe si M. Artemio Ricarte, Director de guerra M. Emiliano R. de Dios. Ito’y isinigaw na lamang sapagka’t gabi na.

 

“Gayondin naman isinigaw akong pinagkaisahan Director del Interior na ipinag viva pa gaya nǧ ibang nahalal; datapuwa’t nǧ ito’y matapos na at sinimulan ang paghahalal nǧDirector de Hacienda si M. Daniel Tirona ay nagsabing may sumisigaw na ihalal sa katungkulan Director del Interior si M. José del Rosario; tuloy ipinagsabi na ang katungkulan Director del Interior ay totoong mabigat at kinakailangan ang isang marunong ang tungkulan nito, ito’y sinabi kapagkatapos na ipagturing na hindi sa paghamak niya sa akin.

 

“Ang kasagutan ko sa kanya ay sa lahat nǧ katungkulan yaon ay kinakailangan ang taong marunong, datapuwa’t sino ang wika ko sa nangagsilabas ang kanyang maituturong marunong? Gayon ma’y sumigaw rin ng ganito: Isigaw ninyo anya Director del Interior Jose del Rosario, Abogado! Wala rin sumusunod sa kanya hangan sa makaapat na ulitin kundi mangilan ngilan at sigaw rin ay ako.

 

“Sa kaguluhang itó ang Presidente nǧ Magdiwang ay ipinahayag na yao’y hindi kapulungan nǧ mǧa taong mahal, kaya’t sinabi niya na walang kabuluhan ang doo’y mǧa pinagusapan.

 

“Bukod dito’y bago sinimulan ang paghahalal ay natuklasan ko ang mǧa panguupat nǧ ilan taga Imus na di umano’y di nararapat na sila’y pamunuan ng taga ibang bayan. Kaya’t ipinaghahalal na maging Presidente ay si Capitan Emilio. Kapagkarakang ito’y nabatid ko ay akin sinabi rin na ang kapulungang iyon ay totoong marumi sapagka’t gayon ang ipinamamarali ako’y inahihibo sa tawo at itinanong ko na kung ibig nilang isa-isahin kong ituro nǧdaliri ang gumagawa nǧgayon ay aking ituturo, ang karamiha’y sumagot ng huwag na.

 

“Sinabi ko rin naman na kapag hindi nasunod ang talagang kálooban nang bayan ay hindi ako makakikilala sa kanino pa mang Pinuno lumabas at kapag di ako kumilala ay di rin naman kikilalanin nǧ mǧa tagarian sa atin. Ang lumabas na general na si M. Artemio Ricarte ay isinigaw rin sa kapulungang yaon na ang kanyang pagkahalal ay sa masamang paraan.”

 

 

Ang Pagkakasunod ng mga Pangyayari

 

Ang mga sinabing ito ni Bonifacio ay isang pangunahing talâ at saksi tungkol sa mga naganap sa halalang iyon. Makabubuti kung hihimayin ang mga pagkakasunod ng mga pangyayari, ayon sa liham mismo ni Bonifacio:

 

1. Itinutulak ng karamihan o mayorya sa púlong na iyon ang pagtatatag ng isang bagong pamahalaan na papalit sa Katipunan.

 

2. Tutol si Bonifacio sa bagay na iyon, subalit dinaig siya ng mayorya.

 

3. Naitatag ang isang bagong pamahalaan—isang republika.

 

4. Naghalalan para sa mga pinuno ng bagong pamahalaang iyon.

 

5. Ang paraan ng paghahalal ay idinaan na lámang sa pamamagitan ng pagsigaw ng pangalan ng kandidato, dahil sumapit na ang gabi.

 

6. Nahalal sina Aguinaldo, Trias, Ricarte, Riego de Dios, at Bonifacio sa kani-kanilang posisyon.

 

7. Tinutulan ni Tirona ang pagkakahalal kay Bonifacio.

 

8. Nagkasagutan sina Bonifacio at Tirona.

 

9. Isinigaw ni Tirona ang pangalan ni Jose del Rosario bílang Direktor ng Interyor nang apat na ulit.

 

10. Nanaig ang pasya ng nakararami na si Bonifacio ang ihalal; iilan lámang ang sumigaw para kay del Rosario.

 

11. Dahil sa kaguluhang iyon, pinawalang-bisa ni Mariano Alvarez, ang pangulo ng Magdiwang, ang mga napagkayarian sa pulong na iyon.

 

12. Ipinaalam ni Bonifacio sa mga naroroon na marumi ang pulong na iyon, dahil may mga táong nangangampanya laban sa kanya bago naganap ang botohan. Tinanong niya ang mga delegado kung gustong nilang ituro niya kung sino-sino ang mga táong iyon, subalit sinabi ng mga ito na huwag na.

 

13. Ipinaalam pa ni Bonifacio na kung hindi masusunod ang tunay na pasya ng bayan, hindi niya kikilalanin ang mga nahalal sa pulong na iyon.

 

14. Idinagdag naman ni Ricarte na ang pagkakahalal sa kanya ay sa marumi ring paraan.

 

Batay sa mga talâng ito, malinaw kung paano isinagawa ang halalan: pasigaw. Katulad ito ng pasigaw na pagboto ng “oo” o “hindi” na ginagawa sa mga batasan sa iba’t ibang bansa. Mga halimbawa:

 

“Ang mga panig sa mosyon ay sumigaw ng OO!”

 

“Ang mga hindi panig sa mosyon ay sumigaw ng HINDI!”

 

Ganyan din ang nangyari sa halalan sa Tejeros. Pasigaw ang pagboto, at walang anumang balota na sinulatan, binása, at binilang. Ang pinakamalakas na pangalang isinisigaw ay ang siyang naihahalal. Ganito ang paghahalal ng pangulo:

 

“Isigaw na Presidente si Emilio Aguinaldo!” panukala ng isang delegado.

 

“Emilio Aguinaldo!” sagot ng mayorya. “Viva!”

 

Ganyan din ang paraan ng paghahalal ng pangalawang pangulo, komandante heneral ng Hukbo, direktor ng digmaan, at direktor ng interyor. Sa pagtutol ni Tirona sa pagkakahalal ni Bonifacio, ganito ang naganap na tagpo:

 

“Ihalal na Director del Interior si Jose del Rosario,” sabi ni Tirona. “Totoong mabigat na tungkulin ito, at dapat ay isang marunong ang humawak nito. Ito’y hindi dahil sa paghamak ko sa inyo, Señor Bonifacio.”

 

“Sa mga lumabas na nahalal,” sangga ni Bonifacio, “sino sa kanila ang maituturo mong marunong?”

 

“Isigaw na Director del Interior si Jose del Rosario! Abogado!” banat ni Tirona.

 

“Jose del Rosario!” katig ng mangilan-ngilang delegado.

 

“Andres Bonifacio!” giit ng mayorya. “Viva!”

 

Malinaw ang ganoong sistema ng halalan sa Kumbensiyon sa Tejeros. Kayâ, ang paratang ni Ricarte na nagkadayaan daw o nagkadagdag-bawas daw sa pagbilang ng mga boto sa halalang iyon ay isang malaking kasinungalingan, dahil wala nga ni isa mang balota na ginamit at binilang doon.

 

 

Talasanggunian

 

Bonifacio, Andres, Liham kay Emilio Jacinto na may petsang ika-24 ng Abril 1897.

 

Ricarte, Artemio, Memoirs of General Artemio Ricarte, Maynila: Pambansang Komisyong Pangkasaysayan, 1965.