Martes, Disyembre 16, 2014

Kung Bakit Hindi si Bonifacio ang Unang Pangulo ng Pilipinas


MAY mga nagpapanukala na iproklama si Andres Bonifacio bílang ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas. Sa kasalukuyan kasi, si Emilio Aguinaldo ang kinikilála na may hawak ng naturang titulo. Para sa mga nagsusulong ng bagay na ito, panahon na upang ituwid ang isang malaking pagkakamali raw sa ating kasaysayan: Hindi si Aguinaldo ang unang pangulo ng bansa, kundi si Bonifacio.

 

Si Bonifacio ang isa sa mga nagtatag ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan Nang Manǧá Anak Nang Bayan (KKKNMANB) o Katipunan. Ang layunin ng samahang ito ay ang gapiin ang mga mananakop na Espanyol sa pamamagitan ng isang madugong himagsikan.

 

Ang Katipunan ay isang pambansang samahan; hindi ito isang pamahalaan mismo. Mayroon itong pamahalaan sa mga purok, bayan, at lungsod, at isang kataastaasang pamahalaan, ang Kataastaasang Kapulungan. Ang kataastaasang pamahalaan ang siyang pambansang pamahalaan ng Katipunan. Ito ang naghahalal sa Supremo o Pangulo, ang pinakamataas na pinunò ng Katipunan.

 

Ayon sa Mga Pinagtatalunang Akta ng Katipunan, ang Katipunan ay itinatag sa Trozo, Maynila, noong ika-19 ng Hulyo 1892, at sa hatinggabi nang araw ding iyon ay itinatag ang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan at inihalal si Bonifacio bílang ang unang Supremo o Pangulo ng Katipunan. Pinanghawakan ni Bonifacio ang posisyong iyon hanggang sa sumabog ang himagsikan noong Agosto 1896.

 

Ayon naman kina Ladislaw Diwa, Aguedo del Rosario, Dr. Pio Valenzuela, at iba pang personal na nakasáma ni Bonifacio, ang Katipunan ay itinatag sa Tondo, Maynila, noong ika-7 ng Hulyo 1892, at ang unang Supremo nito ay si Deodato Arellano, na nahalal sa posisyong iyon noong Oktubre 1892. Sumunod na Supremo si Roman Basa, na nahalal noong Setyembre 1893. Itinanghal si Bonifacio bílang ang ikatlo at huling Supremo sa mga halalan ng Kataastaasang Kapulungan noong Abril 1895 at Agosto 1896.

 

Si Aguinaldo naman ay nahalal na pangulo ng bansa nang ang mga pinunò ng Katipunan mula sa Maynila at Cavite ay nagsagawa ng isang púlong sa Brgy. Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite, noong ika-22 ng Marso 1897. Ang layunin ng púlong na iyon ay ang magtatag ng isang bágong pambansang pamahalaan o republika na papalit sa Katipunan. Naitatag ang isang republika, at ang nahalal ngang pangulo niyon ay si Aguinaldo.

 

Muling naluklok si Aguinaldo bílang pangulo ng bansa noong unang araw ng Nobyembre 1897 nang itatag sa Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan, ang bágong Republika ng Pilipinas; noong ika-23 ng Hunyo 1898, nang itatag sa Kawit, Cavite, ang Pamahalaang Rebolusyunaryo ng Pilipinas; at noong ika-23 ng Enero 1899 nang itatag sa Malolos, Bulacan, ang panibagong Republika ng Pilipinas.

 

Ang mga batayan ng mga nagsusulong na gawing unang pangulo si Bonifacio ay ang mga sumusunod:

 

1. Bago sumiklab ang himagsikan laban sa Espanya noong ika-30 ng Agosto 1896, nagtatag sina Bonifacio ng isang pambansang pamahalaan o republika.

 

2. Si Bonifacio ang nahalal na pangulo ng naturang republika.

 

3. Ang pangalan ng naturang republika ay Republika ng Katagalugan.

 

4. Si Aguinaldo ay isa sa mga heneral ni Bonifacio.

 

Ang mga batayang ito ay hinango sa isang ulat na nalathala sa pahayagang La Ilustracion Española y Americana sa labas nito noong ika-8 ng Pebrero 1897.

 

Ayon sa ulat, bago sumiklab ang himagsikan, ang mga manghihimagsik ay nagtatag ng isang pamahalaan, na ang pangulo ay si Andres Bonifacio. Sinabi rin sa ulat na ang generalissimo o pinakapunòng heneral ni Bonifacio ay si Aguinaldo.

 

Sa ika-88 pahina ng naturang pahayagan, may larawan si Bonifacio na ang nakalagay na kapsiyon ay: ANDRES BONIFACIO, Titulado Presidente de la Republica Tagala (Kinikilálang Pangulo ng Republikang Tagalog).

 

Sa labas din ng La Ilustracion Española y Americana noong ika-30 ng Marso 1897, sa ika-203 pahina, may isang nalathalang larawan ng iba’t ibang selyo ng mga manghihimagsik na nakumpiska ng mga may-kapangyarihang Espanyol. Ang isa sa mga selyong iyon ay nagtataglay ng inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN.

 

Ang kapsiyon ni Bonifacio at ang selyo ang pinakamatibay daw na mga ebidensiya na mayroon ngang itinatag na republika sina Bonifacio, at ang pangalan ng republikang iyon ay Republika ng Katagalugan.

 

Ang mga nabanggit na batayan ng di-umano’y pagiging unang pangulo ni Bonifacio ay hindi katanggap-tanggap, dahil:

 

1. Ang mga batayang iyon ay hindi nakasulat sa mga opisyal na dokumento ng Katipunan at ng mga pamahalaan na itinatag ng mga Pilipino, kundi nakalimbag sa isang pahayagan.

 

Ang pagiging pangulo ng isang tao ay dapat pinatutunayan ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan na kanyang pinamumunuan, at hindi dapat ibatay sa isang ulat o larawan sa pahayagan. Marami ang mga opisyal na dokumentong nilagdaan ni Aguinaldo, at ang nakalagay na pamagat niya sa mga iyon ay pangulo ng pamahalaan ng Pilipinas.

 

2. Papaano na kung ang may-akda ng naturang ulat sa La Ilustracion Española y Americana ay mali ang kanyang mga pinagbatayan, o di-kayâ’y mali ang kanyang pananaw sa mga kasalukuyang pangyayari noon?

 

Halimbawa, maaaring sa pananaw ng may-akda, ang Katipunan ay tinatawag na Republikang Tagalog, dahil mga Tagalog ang naglunsad ng himagsikan, at nakatutok ang himagsikan sa rehiyon ng mga Tagalog.

 

Maaaring pananaw pa rin ng may-akda na dahil si Aguinaldo ang pinakatanyag na heneral ng himagsikan nang mga panahong iyon (1896-97), si Aguinaldo na ang generalissimo ni Bonifacio. Mali ang pananaw na ito, dahil wala ni isang opisyal na dokumento na nagsasabing si Aguinaldo ang generalissimo ni Bonifacio.

 

3. Ang selyong may inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN ay hindi matiyak kung pag-aari nina Bonifacio, at kung iyon nga ang pangalan ng pamahalaan na kanilang itinatag bago sumiklab ang himagsikan.

 

Papaano kung ang inskripsiyon na iyon ay inimbento lámang ng isang pangkat ng mga Mason bílang pangalan ng kanilang lohiya? Ang mga Mason ay nakagawian nang bigyan ng mga romantikong pangalan ang kani-kanilang lohiya. Ang REPUBLIKA NG KATAGALUGAN ay maaaring isang romantikong pangalang panglohiya ng mga Mason.

 

4. Ang unang tawag ni Bonifacio sa kanyang pamahalaan ay Katipunan. Ang pangalang ito ang makikita sa mga dokumentong nilagdaan niya. Wala siyang anumang dokumentong nilagdaan na ang nakalagay na pangalan ng kanyang pamahalaan ay Republika ng Katagalugan. Kung gayon, hindi sina Bonifacio ang may-ari ng selyong may inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN.

 

5. Ang ikalawang tawag ni Bonifacio sa kanyang pamahalaan ay Haring Bayang Katagalugan. Ang Haring Bayang Katagalugan ay walang iba kundi ang Katipunan pa rin. Ito rin ang pangalan ng kanyang pamahalaan na nakalimbag sa iba pang mga dokumentong nilagdaan niya.

 

6. Nang maganap ang púlong sa Tejeros noong Marso 1897, walang ipinagtanggol na pambansang pamahalaan o republika si Bonifacio. Ang ipinagtanggol niya ay ang Katipunan.

 

7. Ang pamagat na ginamit ni Bonifacio sa buong panahon ng pamumuno niya ay una, Supremo o Pangulo nang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan, at sa huli, Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan. Ginamit niya ang huli matapos siyang magapi sa halalan sa pagkapangulo ng bansa na ginawa sa púlong sa Tejeros.

 

8. Ang pamahalaang itinatag nina Bonifacio noong bago sumiklab ang himagsikan ay isang bágong Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan. Katulad din ito ng mga nahalal na Kataastaasang Kapulungan noong Oktubre 1892, Setyembre 1893, at Abril 1895.

 

Kung palilitawin na ang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan ay ang pambansang pamahalaan o republika ng Pilipinas, lilitaw na si Deodato Arellano (ang unang Supremo ng Katipunan) ang siyang kauna-unahang pangulo ng bansa. Subalit hindi nga rin ito katanggap-tanggap, dahil ang Kataastaasang Kapulungan ay ang kataastaasang pamahalaan ng Katipunan. Hindi iyon ang pambansang pamahalaan o republika ng Pilipinas.

 

Dahil sa mga argumentong ito, malinaw na si Bonifacio ay hindi kailanman naging pangulo ng bansa. Naging pangulo siya ng Katipunan, hindi ng isang pambansang pamahalaan o republika. Kayâ, taglay pa rin ni Aguinaldo ang pamagat na unang pangulo ng Pilipinas.

 

 

Talasanggunian

 

Minutes of the Katipunan. Maynila: National Historical Institute, 1996.

 

The Laws of the First Philippine Republic 1898-1899. Maynila: National Historical Institute, 1994. Sulpicio Guevarra, patnugot.

 

The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Maynila, 1963. Teodoro A. Agoncillo, patnugot.