NANG kami ng aking pamilya ay nakatira
pa sa Northern Samar, sagana kami sa mga bungang-kahoy at gulay. Ang mga punòng
nagbubunga sa aming bakuran ay itinanim ng nanay ko nang dalaga pa siya; kayâ,
nang lumalaki na kaming magkakapatid, lagi kaming may mga napipitas at
nalalantakang bungang santol, abokado, pili, langka, guyabano, at mangga. Palagi
rin kaming magtanim sa aming bakuran ng mga gulay na ampalaya, sitaw, úpo,
kalabasa, talong, malunggay, saluyot, sayote, at lalo na ng kamote.
Kung gusto naming magkakapatid na
magmeryenda, namimitas lámang kami ng mga bungang-kahoy, o kayâ’y nagbubungkal
ng mga ugat ng kamote at sakâ ilalaga ang mga iyon. Kung gusto naming mag-ulam
ng gulay, pinupupol lámang namin ang mga dahon ng kamote, malunggay, o
ampalaya, ginisa ang mga iyon, at sinasahugan ng alimango, hipon, o bagoong.
Lumaki kaming magkakapatid na hiyang na hiyang sa mga bungang-kahoy at gulay.
Nag-alaga rin kami minsan ng mga manok
at itik, na nakapagbigay sa amin ng mga itlog at karne. Isa ako sa mga tagapag-alaga
ng mga iyon. Subalit natigil ang pag-aalaga naming iyon, dahil abala ang nanay
ko sa pagiging guro at abala rin ang tatay ko sa pagiging pulis.
Isang dukhang lalawigan ang Northern
Samar—sa aming barangay ay wala pang mga linya ng koryente, telepono, at tubig
nang nakatira pa kami roon hanggang noong taóng 1982—subalit hindi kami
kailanman nawalan ng makakain na bungang-kahoy at gulay. Hindi kami kailanman
nagutom.
Nang lumipat na kami sa Kamaynilaan
noong 1982, naibhan kaming magkakapatid, dahil hindi na kami makapagtanim ng
mga bungang-kahoy at gulay. Sa Kamaynilaan kasi, halos sementado na ang bawat
bakuran at lansangan. At mahal ang mga bungang-kahoy at gulay dito, samantalang
libre lámang sa aming lalawigan ang mga iyon.
Sa mga nayon at lalawigan sa ngayon,
marami pa ang mga espasyong maaaring tamnan at pag-alagaan ng mga manok, itik,
o pabo. Kayâ, naiinis ako tuwing makakikita ng mga programa sa telebisyon na
inilalarawan ang matitinding karukhaan daw sa mga kanayunan. Umaangal ang mga
taganayon, dahil mahihirap daw sila. At ang may kasalanan daw sa ganoong
kalagayan nila ay ang mga táong-gobyerno. Kung hindi raw talamak ang
pangungurakot sa pamahalaan, at kung hindi raw sila pinababayaan ng pamahalaan,
hindi raw sila magugutom.
Nakaiinis ang ganyang katwiran, dahil
nakikita namang malalawak ang kani-kanilang mga bakuran. Napakarami ng mga
espasyo na maaaring pagtamnan ng mga punòng nagbubunga at mga gulay, o kayâ ay
pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo.
Bakit hindi subukin ng mga taganayon ang
magtanim? Ang malunggay ay maaaring magsimula sa isang maliit na sanga na
itutundos lámang sa lupa. Pagkaraan ng tatlong buwan, malusog na iyon.
Pagkaraan ng isang taon, mayabong na iyon at ang mga dahon ay maigugulay na.
Ang mga patapong tangkay ng kamote ay ibinabaon lámang sa lupa, at pagkaraan ng
ilang linggo, ang mga talbos niyon ay mayabong na at maigugulay na rin. Kahit
sa mga pasô o timba lámang, maaari nang magtanim ng mga gulay.
Bakit hindi rin subukin ng mga taganayon
ang mag-alaga ng mga manok, itik, o pabo? Mga katutubong uri ng ganitong mga ibon
ang alagaan nila, dahil hindi mahirap palakihin. Gawan lámang ng kulungan at
bigyan ng mga patuka at inumin, kusang lalakí ang mga ibong ito at sa kalaunan
ay magbibigay na ng itlog at karne.
Kung walang pambili ng mga pananim o
alagaing sisiw ang mga taganayon, diyan na dapat pumasok ang tulong ng
pamahalaan. Bigyan ng mga lokal na pamahalaan ang mga taganayon ng mga libre o
pautang na pananim, alagaing sisiw, at kulungan at patuka sa mga sisiw. Magsagawa
rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga bara-barangay ng mga libreng
seminar-pagsasanay sa wastong pagtatanim at sa wastong pagpapalaki ng mga
alagaing sisiw.
Matapos mabigyan ang mga taganayon ng
mga binhing pananim, alagaing sisiw, kulungan at patuka sa mga sisiw, at mga pagsasanay,
masusubok na kung sino talaga ang nais magbanat ng buto at mabúhay nang labas
sa karukhaan.
Hindi naman kasi wasto ang katwiran na
ang pamahalaan at mga politiko na lámang lagi ang may kasalanan at ang siyang
dapat sisihin sa isyu ng karukhaan sa ating bayan. Kasi kung tama ang katwirang
ito, aba, ang mga susunod na uupô sa Malakanyang, Kongreso, lokal na
pamahalaan, barangay, at iba pang puwesto sa pamahalaan, kahit hindi pa nakauupô
sa mga puwestong iyon, ay makasalanan na at dapat nang sisihin.
Magkakaroon táyo ng halalan para sa
pangulo ng bansa sa taóng 2086. Ang mahahalal na pangulo sa taóng iyon ay hindi
pa isinisilang sa taóng kasalukuyan (2013). Kung wasto ang katwiran na ang
pamahalaan at mga politiko ang laging may kasalanan at dapat sisihin, aba, ang
magiging pangulo ng ating bansa sa taóng 2086 ay hindi pa isinisilang sa
ngayon, subalit makasalanan na siya at dapat nang sisihin. Wasto po ba ang
katwirang iyan?
Hindi ko naman sinasabing ang pagtatanim
at pagmamanukan ang siya nang nag-iisang lunas sa karukhaan sa mga kanayunan.
Subalit ang kaunlaran at pag-ige ng búhay ay nagsisimula sa bawat isa. Hindi po
ito nagsisimula sa mga politiko, sa halalan, at sa pamahalaan. Kung iaasa na
lámang lagi sa mga politiko, halalan, at pamahalaan ang bawat bagay, hindi
lubusang uunlad ang ating bansa, at patuloy na mababaon sa karukhaan ang marami
sa atin. Gayong naririyan at abot-kamay lámang naman ang isang mainam na lunas
sa mabigat na suliraning iyan. ●