Saan ba nanggaling ang Pinoy? Bakit ito ang naging palayaw ng Pilipino?
Ang mga mananakop na Espanyol ang nagbigay ng mga kolektibo o pangkalahatang pangalan sa mga katutubo ng Pilipinas: nativo (katutubo), indio (taga-Silangan), at Filipino (taga-Pilipinas). Hindi nila kailanman tinawag na Pinoy ang mga katutubo ng Pilipinas.
Nagkaroon lámang ng salitang Pinoy noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Nang mga panahong iyon, maraming Pilipino ang nakararating sa Estados Unidos bílang mga estudyante at manggagawa. Nang nása Amerika na ang mga Pilipinong iyon, likas lámang na magtanong ang mga Amerikano kung sino ang mga dayo na iyon. Ang naging sagot ng mga nakaaalam sa tanong nila ay:
“They are Filipinos (mga Pilipino sila).”
Ang baybay ng salitang Filipinos ay halos katulad ng baybay ng salitang Illinois. Ang Illinois ay isang estado sa Estados Unidos. Ang bigkas nito ay IH-luh-NOY.
Nang dumaragsa ang mga Pilipino sa Amerika, noon lámang nalaman ng karamihan sa mga Amerikanong nakakikita sa kanila na may mga mamamayan pala na kung tawagin ay Filipinos. At dahil hindi nila lubusang kilala ang mga ito, hindi nila alam ang wastong bigkas ng salitang Filipinos. Ang akala nila, ang bigkas niyon ay katulad ng bigkas ng Illinois. Kayâ, ang bigkas nila sa Filipinos ay Fi-li-pi-noy. Sa kalaunan, umikli iyon sa Pi-noy.
Iyan marahil ang pinagmulan ng salitang Pinoy.
Sa ngayon, palasak na ang paggamit ng salitang Pinoy, lalo na sa larangan ng medya. Sa halos lahat ng mga bagay na may kinalaman at tumutukoy sa mga Pilipino, ang salitang ipinantatapat ay Pinoy: musikang Pinoy, kulturang Pinoy, pagkaing Pinoy, kasuotang Pinoy, ugaling Pinoy, mga kababayang Pinoy. Nakalulungkot ito, dahil tila nawawalan tayo ng wastong identidad. Tayong mga katutubo ng Pilipinas ay mga Pilipino, hindi Pinoy.
Lalong nakalulungkot ito, kung mapatutunayan na ang pinagmulan nga ng salitang Pinoy ay ang maling bigkas ng mga Amerikano sa salitang Filipinos.