Sabado, Nobyembre 16, 2013

Paghahanda sa mga Kalamidad—Gawin nang Lifestyle


BAGO sumapit ang Bagong Taon, namili ng mga paputok at pailaw si Ernesto (di-tunay niyang pangalan), 37, may asawa at mga anak, at taga-Bohol. Nakasanayan na niya ang mag-ingay tuwing sumasapit ang Bagong Taon, upang maitaboy daw ang mga malas at upang maging masaya ang kanyang pamilya sa susunod na taon. Bukod sa mga paputok at pailaw, gumugol din siya para sa pam-Bagong Taóng salo-salo ng kanyang pamilya, mga kaanak, at kaibigan. Ang halaga ng nagugol ni Ernesto ay maaari nang ipambili ng tatlong sakong bigas.

Noong ikatlong kaarawan naman ng bunsong anak ni Miguel (di-tunay niyang pangalan), 26, may asawa at mga anak, at taga-Leyte, gumugol din siya para sa isang masaganang handaan. Isang baboy at sandosenang manok ang ipinakatay niya para sa handaang iyon. Umaapaw din ang mga mamahaling inumin. Ang nagugol naman ni Miguel ay káya nang ipambili ng pitong sakong bigas. Hindi mapalalampas ni Miguel ang kaarawan ng bawat isa sa lima niyang anak. Kailangang ipagdiwang daw talaga iyon, dahil iyon ang araw na iniluwal sila sa balát ng lupa.

Nang lumindol sa Bohol noong ika-15 ng Oktubre ng taóng ito, kabílang si Ernesto at ang kanyang pamilya sa mga lubhang napinsala. Nagiba ang kanilang tahanan, at wala silang makain sa loob ng ilang araw. Dahil walang anumang tulong ang agad na nakararating sa kanila, nagtiyaga si Ernesto na maghanap ng kanilang makakain. Ang mga kamoteng inani niya sa kung kaninong taniman ang tanging naipakain niya sa nagugutom niyang pamilya.

Nang humataw naman ang bagyong Yolanda sa Leyte noong ika-8 ng Nobyembre ng taon ding ito, kabílang din si Miguel at ang kanyang pamilya sa mga napuruhan. Rumagasa ang tubig-dagat patungo sa kanilang barangay. Mabuti na lámang at nakaligtas sila sa loob ng kanilang bahay. Ilang araw din silang nagutom, dahil hindi agad makarating sa kanila ang mga relief goods (mga tulong na pagkain, damit, gamot, at gámit).

 

Bagyuhin at Lindulin

Ang Pilipinas ay nakahimlay sa tinatawag na typhoon belt o daanan ng mga bagyo sa silangang bahagi ng Asya; kayâ sa isang taon, umaabot sa 20 ang bagyong dumaraan sa teritoryo nito. Nakahimlay din ito sa tinatawag na Pacific Rim of Fire o ang mala-singsing na hanay sa Karagatang Pasipiko ng mga bulkan at malalaking bitak sa ilalim ng lupa na siyang pinagmumulan ng mga lindol.

Dahil sa kinalalagyan nito,  ang ating bansa ay madalas bagyuhin at lindulin. Kasabay ng mga bagyo at lindol ang pagguho ng mga lupa at gilid ng bundok, at ang mga pagbaha. Ang mga sakunang ito ay pumipinsala ng maraming búhay, ari-arian, at kabuhayan.

Taon-taon na lámang, binabagyo táyo. At anumang sandali ay maaari táyong lindulin. Malaki ang magagawa ng bawat isa sa atin upang maiwasan ang higit na malaking pinsala at hinagpis kung may kalamidad. Iyan ay kung ang paghahanda sa mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad ay gagawin nating lifestyle o bahagi ng pamumuhay.

 

Mag-imbak

Sa unang araw pa lámang ng Bagong Taon, simulan na natin ang pag-iimbak ng mga pagkain, tubig, gamot, at gámit na kailangang-kailangan kung may kalamidad. Sa buong buwan ng Enero, sikapin nating mabili ang mga sumusunod na maiimbak:

1. Kalahating sako ng bigas.

2. Sampung kilo ng munggo.

3. Limang súpot ng hibe.

4. 100 litro ng sinalà na inuming tubig (purified water).

5. Tig-10 tableta ng gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Isang súpot ng benda sa sugat.

7. Tigsampung kandila, kaha ng posporo, at pansindi (lighter).

8. At tiglilimang sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

Sa susunod na buwan ng Pebrero, gawin uli natin ito. Gayundin sa mga buwan ng Marso, Abril, Mayo, at Hunyo. Bumili rin táyo ng isang de-bateryang radyo, 10 reserbang baterya ng radyo, at limang dram na malalagyan ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Pagsapit ng kalagitnaan ng taon, kung kailan nag-uumpisa na ang mga bagyo sa Pilipinas, ang bawat pamilyang Pilipino ay dapat mayroon nang imbak na:

1. Tatlong sako ng bigas.

2. 60 kilo ng munggo.

3. 30 súpot ng hibe.

4. 600 litro ng inuming tubig.

5. Tig-60 tableta ng mga gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Limang súpot ng benda sa sugat.

7. Tig-60 piraso ng mga kandila, posporo, at pansindi.

8. Tig-30 piraso ng sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

9. Isang de-bateryang radyo.

10. Sampung reserbang baterya ng radyo.

11. At limang dram ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Ang mga imbak na ito ay káyang itaguyod sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ang isang pamilya na may limang kasapi. Kahit pa sinalanta ang pamilyang ito ng isang bagyo o lindol, at kahit hindi agad sila maambunan ng mga relief goods, hindi sila magugutom, dahil mayroon silang bigas na maisasaing, munggo na maaaring ilaga at sahugan ng hibe, at tubig na maiinom.

Agad din nilang malalapatan ng lunas ang anumang sakít o sugat, dahil may imbak silang mga gamot at benda. Kung walang suplay ng koryente, hindi sila mangangapa sa gabí, dahil mayroon silang mga kandila, posporo, at pansindi. Hindi rin sila mawawalan ng balita, dahil mayroon silang radyo. At hindi sila mahihirapang maligo, maghugas ng mga lutuan at pinagkainan, at maglinis ng bahay, dahil mayroon silang dram-dram na imbak ng tubig.

Ang makukuha nilang mga relief goods, sakaling dumating na ang mga ito sa kanila, ay maaaring ipampalit sa mga nagámit nang imbak. Habang napapalitan ang mga nagámit nang imbak, hindi mawawalan ng suplay ang isang pamilya, at sa gayon ay hindi pa rin sila magugutom sakaling magtagal pa ang krisis na idinulot ng kalamidad.

Upang hindi naman mabulok ang mga imbak habang wala pang kalamidad, maaaring palitan ang mga ito tuwing ikatlong buwan. Halimbawa, ang mga imbak na pagkain na nabili sa buwan ng Enero ay maaaring gámitin sa buwan ng Mayo. Subalit, bago gámitin ang mga iyon, dapat ay nabili na ang mga imbak na pampalit sa mga gagámiting imbak.

 

Huwag Maging Palaasa sa Pamahalaan

Nakalulungkot ang mga sinasapit ng mga kababayan natin tuwing may mga kalamidad. Wala silang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit. Úhaw, gútom, págod, sakít, at matitinding hinagpis ang iniinda nila.

Ang lagi na lámang sinisisi tuwing may kalamidad ay ang pamahalaan, pambansa man o lokal. Hindi raw kasi agad nasasaklolohan ang mga tao, at hindi raw agad nakararating ang mga tulong sa kanila.

Kung may mga kalamidad, hindi agad maihahatid ang mga tulong sa mga tao ng pamahalaan, dahil una, maaaring nagkabitak-bitak ang mga daan at bumagsak ang mga tulay, nangaghambalang sa mga daan ang mga kalat na iwinasiwas ng bagyo, o kayâ’y may baha.

At ikalawa, ang mga tagasaklolo (rescuers) ay sinasalanta rin ng mga kalamidad. Dahil binaha, nilindol, o nasugatan din, hindi nila agad magagampanan ang kanilang mga tungkulin bílang mga tagasaklolo. Bukod diyan, may kanya-kanya rin silang mga pamilya at iba pang mga mahal sa búhay na iintindihin at sasaklolohan.

Kayâ, tuwing may kalamidad, wasto ba ang ugali na maging palaasa na lámang lagi ang mga mamamayan sa mga tulong ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang nagmamalasákit? Hindi po. Sa anumang panahon, pinakamahusay pa rin kung marunong táyo na tumayo sa sariling mga paa.

Tungkulin pong talaga ng pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng kagipitan. Subalit papaano nga kung ang mga tagasaklolo ng pamahalaan mismo ay napipinsala rin? At papaano na kung hindi agad maihatid ang mga tulong ng pamahalaan, dahil nga nawasak ang mga daan at tulay, o may baha?

Dapat, laging handa ang bawat pamilyang Pilipino. Kung nagagawa natin ang gumastos ng malalaking halaga tuwing sumasapit ang Bagong Taon, ang kaarawan ng isang mahal sa búhay, at iba pang okasyon, magagawa rin natin ang gumugol para sa mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit na siyang unang maaasahan natin kung may kalamidad.

 

Patibayin ang mga Bahay at Gusali

Noong isang taon, dumaan sa Kabisayaan ang isang malakas na bagyo. Inilipad ng bagyo ang mga bubong ng mga silid-aralan sa isang pambayang paaralan. Ang naiwan lámang na nakatindig ay ang mga pader ng mga iyon. Ipinaayos ng pamahalaan ang mga naturang silid-aralan. Ibinalik ang mga bubong.

Nang sumunod na taon, muling dumaan ang isang mabagsik na bagyo. Inilipad na naman ang mga bubong ng mga naturang silid-aralan, at ang muling naiwan na nakatindig pa rin ay ang mga pader ng mga iyon. Sa taóng ito, kinawawa ni Yolanda ang Kabisayaan, at sinapit na naman ng mga naturang silid-aralan ang mga pinagdaanan na nito sa mga lumipas na bagyo.

Kung paulit-ulit na lámang lagi ang ginagawang pangangalbo ng mga bagyo sa mga silid-aralan, ang nararapat sa ganyan ay gawin nang permanente ang solusyon. Hindi iyong ililipad ang mga bubong, at ibabalik ang mga bubong. Tapos, kakalbuhin ulit ang mga bubong, at ibabalik na naman ulit ang mga bubong.

Patibayin na natin ang ating mga paaralan at iba pang gusaling pambayan. Kapansin-pansin na ang naiiwan na nakatindig pa rin sa mga sinasalantang silid-aralan ay ang mga pader ng mga iyon na gawa sa bakal, bato, at semento. Matitibay kasi ang mga iyon. Kayâ, gawing bakal, bato, at semento rin ang mga bubong ng mga silid-aralan. Ang ganoong uri ng bubong ay maaari pang gawing sahig ng ikalawang palapag ng mga silid-aralan.

Patibayin din natin ang ating mga tirahan. Kung maaari rin na gawing hanggang apat na palapag ang mga ito, upang kung may mga baha, may mapagkakanlungan ang bawat pamilya. At sa ikatlo o ikaapat na palapag dapat ilagay ang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit upang hindi agad mapinsala ang mga ito ng baha.

Ang mga panukalang binabanggit sa artikulong ito ay ilan lámang sa mga bagay na maaari nating gawin upang ang paghahanda sa mga kalamidad ay maging bahagi na ng ating pamumuhay. Nawa, ngayon pa lámang, pagkatapos matunghayan ang artikulong ito, umpisahan na natin ang mga paghahanda. ●                                                         

Pagtatanim at Pagmamanukan—Isang Lunas sa Kahirapan sa Kanayunan


NANG kami ng aking pamilya ay nakatira pa sa Northern Samar, sagana kami sa mga bungang-kahoy at gulay. Ang mga punòng nagbubunga sa aming bakuran ay itinanim ng nanay ko nang dalaga pa siya; kayâ, nang lumalaki na kaming magkakapatid, lagi kaming may mga napipitas at nalalantakang bungang santol, abokado, pili, langka, guyabano, at mangga. Palagi rin kaming magtanim sa aming bakuran ng mga gulay na ampalaya, sitaw, úpo, kalabasa, talong, malunggay, saluyot, sayote, at lalo na ng kamote.

Kung gusto naming magkakapatid na magmeryenda, namimitas lámang kami ng mga bungang-kahoy, o kayâ’y nagbubungkal ng mga ugat ng kamote at sakâ ilalaga ang mga iyon. Kung gusto naming mag-ulam ng gulay, pinupupol lámang namin ang mga dahon ng kamote, malunggay, o ampalaya, ginisa ang mga iyon, at sinasahugan ng alimango, hipon, o bagoong. Lumaki kaming magkakapatid na hiyang na hiyang sa mga bungang-kahoy at gulay.

Nag-alaga rin kami minsan ng mga manok at itik, na nakapagbigay sa amin ng mga itlog at karne. Isa ako sa mga tagapag-alaga ng mga iyon. Subalit natigil ang pag-aalaga naming iyon, dahil abala ang nanay ko sa pagiging guro at abala rin ang tatay ko sa pagiging pulis.

Isang dukhang lalawigan ang Northern Samar—sa aming barangay ay wala pang mga linya ng koryente, telepono, at tubig nang nakatira pa kami roon hanggang noong taóng 1982—subalit hindi kami kailanman nawalan ng makakain na bungang-kahoy at gulay. Hindi kami kailanman nagutom.

Nang lumipat na kami sa Kamaynilaan noong 1982, naibhan kaming magkakapatid, dahil hindi na kami makapagtanim ng mga bungang-kahoy at gulay. Sa Kamaynilaan kasi, halos sementado na ang bawat bakuran at lansangan. At mahal ang mga bungang-kahoy at gulay dito, samantalang libre lámang sa aming lalawigan ang mga iyon.

Sa mga nayon at lalawigan sa ngayon, marami pa ang mga espasyong maaaring tamnan at pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo. Kayâ, naiinis ako tuwing makakikita ng mga programa sa telebisyon na inilalarawan ang matitinding karukhaan daw sa mga kanayunan. Umaangal ang mga taganayon, dahil mahihirap daw sila. At ang may kasalanan daw sa ganoong kalagayan nila ay ang mga táong-gobyerno. Kung hindi raw talamak ang pangungurakot sa pamahalaan, at kung hindi raw sila pinababayaan ng pamahalaan, hindi raw sila magugutom.

Nakaiinis ang ganyang katwiran, dahil nakikita namang malalawak ang kani-kanilang mga bakuran. Napakarami ng mga espasyo na maaaring pagtamnan ng mga punòng nagbubunga at mga gulay, o kayâ ay pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo.

Bakit hindi subukin ng mga taganayon ang magtanim? Ang malunggay ay maaaring magsimula sa isang maliit na sanga na itutundos lámang sa lupa. Pagkaraan ng tatlong buwan, malusog na iyon. Pagkaraan ng isang taon, mayabong na iyon at ang mga dahon ay maigugulay na. Ang mga patapong tangkay ng kamote ay ibinabaon lámang sa lupa, at pagkaraan ng ilang linggo, ang mga talbos niyon ay mayabong na at maigugulay na rin. Kahit sa mga pasô o timba lámang, maaari nang magtanim ng mga gulay.

Bakit hindi rin subukin ng mga taganayon ang mag-alaga ng mga manok, itik, o pabo? Mga katutubong uri ng ganitong mga ibon ang alagaan nila, dahil hindi mahirap palakihin. Gawan lámang ng kulungan at bigyan ng mga patuka at inumin, kusang lalakí ang mga ibong ito at sa kalaunan ay magbibigay na ng itlog at karne.

Kung walang pambili ng mga pananim o alagaing sisiw ang mga taganayon, diyan na dapat pumasok ang tulong ng pamahalaan. Bigyan ng mga lokal na pamahalaan ang mga taganayon ng mga libre o pautang na pananim, alagaing sisiw, at kulungan at patuka sa mga sisiw. Magsagawa rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga bara-barangay ng mga libreng seminar-pagsasanay sa wastong pagtatanim at sa wastong pagpapalaki ng mga alagaing sisiw.

Matapos mabigyan ang mga taganayon ng mga binhing pananim, alagaing sisiw, kulungan at patuka sa mga sisiw, at mga pagsasanay, masusubok na kung sino talaga ang nais magbanat ng buto at mabúhay nang labas sa karukhaan.

Hindi naman kasi wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko na lámang lagi ang may kasalanan at ang siyang dapat sisihin sa isyu ng karukhaan sa ating bayan. Kasi kung tama ang katwirang ito, aba, ang mga susunod na uupô sa Malakanyang, Kongreso, lokal na pamahalaan, barangay, at iba pang puwesto sa pamahalaan, kahit hindi pa nakauupô sa mga puwestong iyon, ay makasalanan na at dapat nang sisihin.

Magkakaroon táyo ng halalan para sa pangulo ng bansa sa taóng 2086. Ang mahahalal na pangulo sa taóng iyon ay hindi pa isinisilang sa taóng kasalukuyan (2013). Kung wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko ang laging may kasalanan at dapat sisihin, aba, ang magiging pangulo ng ating bansa sa taóng 2086 ay hindi pa isinisilang sa ngayon, subalit makasalanan na siya at dapat nang sisihin. Wasto po ba ang katwirang iyan?

Hindi ko naman sinasabing ang pagtatanim at pagmamanukan ang siya nang nag-iisang lunas sa karukhaan sa mga kanayunan. Subalit ang kaunlaran at pag-ige ng búhay ay nagsisimula sa bawat isa. Hindi po ito nagsisimula sa mga politiko, sa halalan, at sa pamahalaan. Kung iaasa na lámang lagi sa mga politiko, halalan, at pamahalaan ang bawat bagay, hindi lubusang uunlad ang ating bansa, at patuloy na mababaon sa karukhaan ang marami sa atin. Gayong naririyan at abot-kamay lámang naman ang isang mainam na lunas sa mabigat na suliraning iyan. ●