Ang Kristiyanismo ang pinakamalaking
relihiyon sa buong mundo. Ayon sa isang tala ng Wikipedia, umaabot sa
2.1-2.5 bilyong tao ang mga kasapi nito (31-35% ng 6.8 bilyon na populasyon ng
mundo). May kasaping 1.6 bilyon (23%) ang Islam, 900 milyon-1 bilyon (14%) ang
Hinduismo, 500 milyon (5.9%) ang Budhismo, at 1.1 bilyon (16%) ang kabilang sa
iba pang mga relihiyon.1
Ang Kristiyanismo ay binubuo ng
Iglesia Katolika, na pinamumunuan ng Papa sa Roma; ng mga Protestanteng gaya ng
mga Anglikano, Luterano, Adventista, Sabadista, at Baptista; at ng iba pang mga
kaugnay na relihiyong umusbong sa iba’t ibang bansa, gaya ng Iglesia ni Cristo
sa Pilipinas.
Ang mga makabagong kabihasnang
Kanluranin, Latino Amerikano, at Pilipino ay hinubog ng Kristiyanismo. Ang mga
sistema ng ating lipunan, pamahalaan, edukasyon, pagamutan, sining, agham, at
iba pang mga disiplina ay naimpluwensiyahan nang malaki ng relihiyong ito.
Ang Pinagmulan
ng Kristiyanismo
Bagama’t ang Kristiyanismo ang siyang
pinakamalaganap at pinakaimpluwensiyal nang relihiyon sa buong mundo, ito naman
ay nag-umpisa bilang isang maliit na kilusan lámang, at pinag-uusig pa nga ito
sa mga unang siglo nito.
Noong 30 A.D., itinatag ni Jesus ang
isang bagong pananampalataya sa Judea (bahagi na ngayon ng mga bansang Israel
at Palestina). Dahil sa bagong pananampalatayang ito, si Jesus ay inusig at
ipinako sa krus ng mga otoridad sa Judea.
Nang makaakyat nang muli sa langit si
Jesus, ang relihiyong itinatag niya ay ipinalaganap ng kanyang mga tagasunod,
mula sa Judea hanggang sa iba pang bahagi ng Gitnang Silangan, sa hilagang
Aprika, at sa Europa. Ang mga nananampalataya sa relihiyong ito ay unang
tinawag na Kristiyano sa Antioquia, isang bayan sa Anatolia (ang bansang
Turkey na ngayon).
Nakarating at yumabong ang
Kristiyanismo maging sa Roma, ang kabisera ng Imperyo Romano. Ang imperyong ito
ang pinakadakilang imperyo na umiral sa matandang kasaysayan ng daigdig.
Itinatag ito noong 27 B.C. at tumagal hanggang 476 A.D. Nasakop nito ang halos
buong Europa, ang hilagang Aprika, at ang Syria, Lebanon, at Judea.
Ang mga Romano noon ay matagal nang
sumasamba sa Araw bilang “Ang Kadaki-dakilang Diyos.” Sumasamba rin sila sa
napakarami pang ibang diyos. At ang emperador (kataas-taasang pinuno) ng
Imperyo Romano ay itinatangi at sinasamba rin bilang isang diyos. Kayâ, nang
mapadpad sa Roma ang Kristiyanismo, itinuring ito bilang kakatwa at tahasang
sumasalungat sa pananampalataya ng mga Romano.
Pang-uusig sa
mga Kristiyano
Noong 64 A.D., ang nakaupo sa trono
bilang emperador ay ang baliw na si Nero. Ang emperador na ito ang nagpasimula
ng mga pang-uusig sa mga Kristiyano. Ipinag-utos niya ang mga pang-uusig, dahil
sa kakaibang pananampalataya ng mga ito. Ang mga Kristiyano ay ipinakukulong,
ipinalalapa sa mga leon, ipinapako sa krus, sinusunog, o sinasamsaman ng mga
ari-arian.
Subalit sa halip na layasan ang
relihiyong ito dahil sa mga pang-uusig na iyon, lalong tumibay ang
pananampalataya ng mga Kristiyano. Kinamanghaan tuloy sila, dahil kumakapit pa
rin sila sa kanilang relihiyon kahit ang kapalit ng pagkapit na iyon ay ang
kanilang mga búhay na mismo.
Dahil sa ganoong marubdob na pananampalataya, maraming Romano ang naakit na
umanib sa kanila. Unti-unting nararagdagan ang mga Kristiyano, hanggang sa
umabot na sa libo-libo ang bilang nila.
Subalit nagpatuloy pa rin ang mga
pang-uusig sa kanila sa loob ng sumunod na 250 taon. Ang pinakamalagim na
pang-uusig ay naganap nang ang emperador ay si Diocletiano noong 284-305.
Libo-libong Kristiyano ang pinagpapatay at sinasamsaman ng mga ari-arian.
Krus sa Langit
Noong 312, dalawa ang magkaagaw sa
trono ng imperyo: si Constantino at ang bayaw niyang si Maximiano. Binalak ni
Constantino na digmain at gapiin si Maximiano upang mapasakanya na ang trono.
Nang lumulusob na siya at ang kanyang mga hukbo patungong Roma, si Constantino
ay biglang may namalas na pangitain sa kalangitan:
Isang Krus
na nag-aapoy, at sa itaas niyon ay ang mga salitang
In Hoc Signo
Vinces!
(Sa ilalim ng tandang ito, manlupig
ka!)
Naganap ito noong ika-28 ng Oktubre
312. 2
Pagkatapos makita ang pangitaing iyon,
tumulak na patungong Roma sina Constantino. At naganap ang Labanan sa Tulay ng
Milviano (sa hilaga ng Roma), kung saan ginapi nila nang buong husay si
Maximiano at ang puwersa nito.
Pagkatapos ng labanan, agad na tumuloy
sina Constantino papunta sa tirahan ni Miltiades, ang Obispo noon ng mga
Kristiyano sa Roma. Nang matanaw sina Constantino, ang akala ni Miltiades ay
huhulihin at ikukulong siya ng mga ito. Subalit isinalaysay ni Constantino ang
nakita nitong pangitain. Ang Krus, na siyang pangunahing simbolo ng
Katolisismo, ay binibigyang-halaga ng susunod na emperador ng Imperyo Romano.
Halos hindi makapaniwala si Miltiades.
Nang maluklok na bilang emperador si
Constantino, ipinahayag niyang isa nang legal na relihiyon ang Kristiyanismo,
at ang mga Kristiyano sa buong imperyo ay malaya nang maisasagawa ang kanilang
pananampalataya. Hindi na sila pag-uusigin. Pagkaraan pa ng 12 taon, o noong
324, idineklara ni Emperador Constantino na ang Kristiyanismo ang opisyal nang relihiyon
ng Imperyo Romano. Hindi na sinasamba ang Araw bilang “Ang Kadaki-dakilang
Diyos.”
Pagsapit ng 394, ipinagbawal na ng
emperador noon na si Theodosius ang pagsamba sa lahat ng iba pang mga
diyus-diyusan ng imperyo.
Ang
Kahalagahan ng Krus sa Langit
Ano kaya kung walang nakitang
pangitain si Constantino noong ika-28 ng Oktubre 312?
Maaaring nagpatuloy ang mga pang-uusig
sa mga Kristiyano, at maaaring tuluyang nalipol at naglaho ang Kristiyanismo.
Kung nagkagayon, ibang uri ng kabihasnan mayroon tayo ngayon. Maaaring
sinasamba pa rin ang Araw at iba pang diyus-diyusan. O kaya ay bihag na ang
buong mundo ng ibang relihiyon na maaaring mabagsik at walang pagpapahalaga sa
dangal at kaunlaran ng bawat indibiduwal na tao. Sa pangkalahatan, maaaring
hindi nalinang ang mga bunga ng Kristiyanismo, gaya ng modernong demokrasya,
karapatang sibil, Panahon ng Pagkamulat, industriyalisasyon, makabagong
medisina, telepono, radyo, kotse, eroplano, telebisyon, kompiyuter, at
Internet. Sa mga lupaing Kristiyano nagbuhat ang mga bagay na ito na lubhang
kapaki-pakinabang at tinatamasa natin ngayon.
Kaya, salamat sa pangitain na namalas
ni Constantino noong ika-28 ng Oktubre 312, o ngayong ika-28 ng Oktubre ng
taóng ito, 2012, ay eksaktong 1,700 taon na ang nakararaan.
Talasanggunian