Miyerkules, Disyembre 30, 2015

Kahit Sikát at may Ph.D, Nagkakamali pa rin ang mga Historians


Ang mga historians o historyador ay mga tao rin. Kahit sikát at may Ph.D (doktorado sa pilosopiya), nagkakamali pa rin silá.

Kayâ, kung may isang tao na nakapansin sa isang mali na sinabi o isinulat ng isang historyador, dapat bang hayaan na lámang niya ang pagkakamali na iyon, dahil sikát at may Ph.D ang historyador? Kung papansinin naman niya ang mali, tama bang ikatwiran ng ibang tao ang ganito:

“Sino ka para sabihin na mali ang sinabi o isinulat ng historyador na iyon? Sikát iyon at may Ph.D. Ikaw, sino ka at anong mayroon ka? Wala kang pangalan at karapatang kuwestiyon ang mga sinabi o isinulat niya.”

Ang anumang pagkakamali ay pagkakamali. Hindi dapat hayaan na lámang iyon, lalo na kung makapipinsala sa ibang tao.

 

Sina Hernandez at Zaide

Kunin nating halimbawa bílang mga nagkamaling historyador ang dalawang Pilipinong historyador na sikát at may Ph.D: sina Dr. Leandro H. Fernandez at Dr. Gregorio F. Zaide.

Si Dr. Leandro H. Fernandez (1889-1948) ay ipinadala noong 1909 ng gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos bílang isang pensionado o iskolar ng gobyerno. Nagtapos siya ng digring batsilyer sa pagtuturo sa Tri-State College sa Indiana noong 1910 at ng digring batsilyer sa pilosopiya sa University of Chicago noong 1912. Nakamit naman niya ang kanyang doktorado sa pilosopiya noong 1926 sa Columbia University. Ang aklat niyang A Brief History of the Philippines ay inilathala noong 1919 at naging isa sa mga unang aklat pangkasaysayan na isinulat ng isang Pilipino at ginamit sa mga paaralan sa Pilipinas.

Si Dr. Gregorio F. Zaide (1907-86) ay nagtapos ng Ph.B in History at MA in History sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 at 1931, ayon sa pagkakasunod. Natapos din niya ang kanyang Ph.D sa pilosopiya at kasaysayan sa Unibersidad ng Santos Tomas. Sa mga historyador na Pilipino, si Zaide ang pinakasikát at ang may pinakamaraming naisulat na aklat pangkasaysayan (mahigit 100). Mula pa noong dekada 1950, ang mga teksbuk pangkasaysayan na isinulat niya ay ginagámit na sa mga paaralang elementarya, sekondarya, at kolehiyo sa Pilipinas.

 

Ang Isang Pagkakamali nina Hernandez at Zaide

Dahil tao lámang sina Fernandez at Zaide, nagkakamali rin silá kahit mga sikát at may Ph.D. Heto ang isa nilang pagkakamali.

Sa kanyang aklat na Philippine History: Development of Our Nation (Maynila: Bookman, Inc., 1961), ganito ang isinulat ni Zaide sa p. 306:

“General Malvar, the guiding spirit of a dying cause, surrendered in Lipa on April 16, 1902. He was the last Filipino general to surrender to the Americans. …”

Ayon kay Zaide, si Malvar ang hulíng heneral na Pilipino na sumuko sa mga mananakop na Amerikano. Ilang dekada na itinuro sa mga paaralan ang impormasyong ito. Pero mali ito, dahil hindi si Malvar ang hulíng Pilipinong heneral na sumuko sa mga Amerikano. Inabot pa muna ng ilang dekada at maraming henerasyon ng mga mag-aaral na Pilipino ang naturuan ng maling impormasyong ito bago ito naituwid.

Si Zaide mismo ang nagtuwid sa kanyang pagkakamali. Sa isa pa niyang aklat, The Pageant of Philippine History, Ikalawang Tomo (Maynila: Philippine Education Company, 1979), ganito ang pagtutuwid ni Zaide sa p. 333:

“In former years Filipino historians, including the author of this book, were of the belief that General Malvar was the last Filipino general in the War of Philippine Independence to surrender to the Americans. This misconception was caused by (1) two early Filipino historians, Dr. Leandro H. Fernandez and Dean Conrado Benitez, who popularized the myth that General Malvar of Batangas was the last Filipino general to surrender and (2) lack of knowledge then of the life and role of General Simeon Ola of Albay Province in the war against the United States.

“The author of this book, after an intensive research on the pertinent sources, primary and secondary, sincerely believe that in the rewriting of Philippine history General Simeon Ola (1865-1952) should be accorded the honor of being the last Filipino general to surrender to the Americans. …”

Inamin ni Zaide ang pagkakamali niya tungkol sa kung sino ang hulíng Pilipinong heneral na sumuko sa mga Amerikano. Inamin pa niya na namana niya ang pagkakamaling iyon sa mga historyador na nauna sa kanya, sina Dr. Leandro Fernandez at Dekano Conrado Benitez.

Hayan, kahit sikát at may Ph.D, nagkakamali rin ang mga historyador. Mabuti na lámang at ang katulad ni Zaide ay umaamin at itinutuwid ang kanyang pagkakamali. Hindi tulad ng maraming historyador na matitigas ng ulo at ayaw pang magsiamin, kahit lantaran nang nakikita ang kanilang mga pagkakamali.

 

Ang Dapat Gawin sa Pagkakamali

Sipiin natin ang sinabi ng Amerikanong iskolar na si Dr. Michael Heiser tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa isang pagkakamali. Si Dr. Heiser ay nagsusulat ng mga blog na bumabatikos sa mga aklat tungkol sa mga di-umano’y sinaunang astronaut na isinulat ng mga pseudo-historyador na gaya ng Azerbaijani-Amerikanong si Zecharia Sitchin. Sa unang pahina ng kanyang website, ipinaliwanag ni Heiser kung bakit niya binabatikos si Sitchin:

“Welcome to the website devoted to addressing the claims of the ancient astronaut hypothesis popularized in the writings of Zecharia Sitchin. Who's behind this site? My name is Mike Heiser. Who am I?  The short answer is that I'm a scholar of biblical and ancient Near Eastern languages, cultures, and religions. Why do I bother with this stuff? Because I don't like ancient texts manipulated to promote false claims.

“If I were a lawyer I'd feel professionally obligated to tell you if someone was giving you bad legal advice. If I was a medical doctor, I'd owe you the truth if I knew the medicine you were taking was bogus or could kill you. If I was an accountant, I'd let you know if a neighbor's tax advice could put you in jail. I'm none of those things, but take the analogy to heart. I'm trying to provide the same service in my areas of expertise.

“I can tell you--and show you--that what Zecharia Sitchin has written about Nibiru, the Anunnaki, the book of Genesis, the Nephilim, and a host of other things has absolutely no basis in the real data of the ancient world. I don't doubt that Zecharia Sitchin is a nice guy; he's just wrong. Nothing personal.”

Tama si Dr. Heiser. Iwasto dapat ang isang pagkakamali. Iyan ang nararapat gawin sa isang pagkakamali. At hindi pamemersonal ang ganyan.

Kung nakita ng isang doktor na mali ang ibinibigay na gamot ng kapwa niya doktor sa mga pasyente, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya doktor. Kung hindi niya itutuwid, maaaring mapahamak ang mga pasyente.

Kung nakita ng isang inhinyero na mali ang bakal na inilagay ng kapwa niya inhinyero sa isang ginagawang tulay, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya inhinyero. Kung hindi niya itutuwid, maaaring bumagsak ang tulay at mapahamak ang mga táong tumatawid doon.

Kung nakita ng isang dentista na mali ang ginagawang pagbunot sa ngipin sa mga pasyente ng isang kapwa niya dentista, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya dentista. Kung hindi niya itutuwid, maaaring mapinsala ang mga pasyente.

Kung ikaw na isang mambabása, mag-aaral, guro, manunulat, iskolar, o simpleng mahiligin sa kasaysayan ng Pilipinas ay may napansin na maling sinabi o isinulat ng isang historyador na sikát at may Ph.D, hahayaan mo na lámang ba ang pagkakamali na iyon, dahil sa rason na ang historyador na iyon ay sikát at may Ph.D?

Kung gagawin mo iyan, papaano na ang makaririnig o makababása sa pagkakamali ng historyador? Isang maling impormasyon ang maitatatak sa isip ng táong nakaririnig o nakababása. Hahayaan mo lámang ba na makarinig o makabása ng mali ang kapwa mo? Kung may malasakit ka sa kapwa mo, itutuwid mo ang pagkakamali ng historyador, kahit pa siya sikát at may Ph.D.

 

Ang Pagtutuwid sa Mali

Papaano itutuwid ang isang pagkakamali ng isang historyador? Simple lámang. Suriing mabuti ang mga pangunahing batayan (primary sources) sa kasaysayan. Ang mga batayang iyan ang magagámit na mabisang kasangkapan upang maituwid ang mali.

Kayâ nga lamang, dapat ay may pampropesyonal na pagsasanay (professional training) sa kasaysayan ang isang magtutuwid. Kung wala siya nito, maaaring palalain pa niya ang mali.

May nakita akó sa Internet na isang tao na ang akala sa sarili ay napakahusay na niya sa kasaysayan ng Pilipinas. Subalit ang pagkakaalam niya ay ang artikulong pangulong-tudling (editorial article) ay isang ulat balita (news report) at dapat daw ay nakalagay sa artikulong pangulong-tudling ang pangalan ng sumulat ng artikulo.

Umabot na siya sa ganoong edad (60), pero hindi pa niya lubusang nalalaman kung ano ang news report at ang editorial article. Kapag ganyan ang antas ng utak ng isang magtutuwid sa isang pagkakamali ng isang historyador, bakâ ang susunod na mangyayari ay ang wakas na ng sangkatauhan.

Nakatatákot.

 

Talâsanggunian

Filipinos in History. Maynila: National Historical Institute. Ikatlong Tomo: 1994. Ikaapat na Tomo: 1994.


Zaide, Gregorio F. Philippine History: Development of Our Nation. Maynila: Bookman, Inc., 1961.

_______________. The Pageant of Philippine History. Ikalawang Tomo. Maynila: Philippine Education Company, 1979. ●

Linggo, Disyembre 27, 2015

Opisyal na Nagkaroon ng Araw ni Rizal Dahil sa Isang Pilipino






OPISYAL na nagkaroon ng pagdiriwang ng Araw ni Rizal (Rizal Day), dahil sa isang batas na inaprubahan ng isang pambansang lider na Pilipino.


Noong ika-20 ng Disyembre 1898, nilagdaan ni Pang. Emilio Aguinaldo ang isang cautusan o decreto na nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre (araw ng kamatayan ni Jose Rizal) bílang isang pambansang araw ng pagluluksa.


Si Aguinaldo ang pangulo noon ng Gobierno Revolucionario (Panghimagsikang Pamahalaan), ang pambansang pamahalaan ng mga Pilipino. Itinatag ang pamahalaang iyon noong ika-23 ng Hunyo 1898, sa Kawit, Cavite, at mula noong Setyembre 1898 ay nakahimpil na iyon sa Malolos, Bulacan.


Ang kautusang iyon ni Aguinaldo ang kauna-unahang batas na nagtatakda sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal. Ang mga sumunod na batas tungkol sa Araw ni Rizal ay pagsang-ayon at pagsunod na lámang sa pinasimulan ng kautusang iyon—ang pagdiriwang sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal.




Ang Kautusan

Ang naturang kautusan ni Aguinaldo ay may teksto sa Espanyol at Tagalog. Naririto ang buong teksto niyon sa Tagalog:


GOBIERNO REVOLUCIONARIO NANG FILIPINAS

________________

CAUTUSAN


G. EMILIO AGUINALDO AT FAMY

Presidente nang Gobierno Revolucionario nang Filipinas at Pañgulong General nang Caniyang Hocbo.

Sa paglingap sa ninanasá nang bayang Filipinas, at paghaha-yag nang mahal at dalisay niyang adhica, ay iniuutos co:

Una. Alang-alang sa manga daraquilang filipinong uagás magsilingap sa tinubuang bayan na si Dr. Rizal at iba pa, na pinasaquitan nang lumipas nang capangyarihang castila, ay itinuturing na arao nang paglulucsa nang boong sangcapuluan ang ica 30 nang Diciembre.

Icalaua. Dahil dito’y mulá pa sa tanghali ng ica 29, hangang sa tanghalian ng ica 30, ay ilalad-lad ang ating bandila hangang calahatian lamang ng tagdang, pinacatandá nang pag lulucsá.

Icatlo. Sa maghapon ng ica 30 ng Diciembre ay ualang pasoc ang lahat ng sacop nang Gobierno Revolucionario.

Icalat at ihayag ito upang matahó nang lahat.

Lagda sa Malolos nang ica 20 nang Diciembre nang 1898.

Emilio Aguinaldo

Ang kautusang ito ni Aguinaldo ay unang nalathala sa ikalawang pahina ng pahayagang Republica Filipina sa isyu nito noong ika-24 ng Disyembre 1898.


Ang Pagdiriwang ng Unang Opisyal na Araw ni Rizal

Noong Biyernes, ika-30 ng Disyembre 1898, ipinagdiwang ang kauna-unahang opisyal na Araw ni Rizal. Pangunahing isinagawa ito sa Malolos. Ang mga sumusunod ang isinagawang aktibidad para sa natatanging araw na ito:

1. Mula tanghali ng ika-29 ng Disyembre hanggang sa tanghali ng sumunod na araw, inilagay sa kalahating tagdan ang watawat ng Pilipinas.

2. Walang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa buong maghapon ng ika-30 ng Disyembre.

3. Sa gabi ng ika-30 ng Disyembre, nagdaos ang Club Filipino ng isang programang musikal-pampanitikan sa Maynila. Sa programang iyon, binása ang ilang tula ni Rizal, at may mga binigkas na talumpati tungkol sa búhay at mga akdang pampulitika ni Rizal.

4. At ang mga panghimagsikang pahayagang La Independencia at Republica Filipina ay naglabas ng mga espesyal na isyu noong ika-29 at 30 ng Disyembre, ayon sa pagkakasunod, upang dakilain ang natatanging araw na ito. Inilathala sa mga isyu na iyon ang ilang sanaysay at tula ni Rizal, at mga artikulong pumupuri sa búhay at kadakilaan ni Rizal.


Ang mga Anti-Rizal

Ang mga anti-Rizal ay ang mga táong galít kay Rizal at sa pagiging pambansang bayani nito. At dahil galít, marami ang mga ipinupukol nilang paninirà kay Rizal.

Ang pinakatanayag sa mga paninirà nila ay si Rizal daw ay American-sponsored national hero o ang pinili ng mga mananakop na Amerikano na maging ang pambansang bayani. Noong 1901, nagpúlong daw ang mga awtoridad na Amerikano at ang mga kasabwat nilang elitistang Pilipino upang pumili ng pambansang bayani ng Pilipinas. Ang púlong na iyon ay pinangasiwaan daw ni William Howard Taft, ang Amerikanong Gobernador Sibil ng Pilipinas.

Pinagpilian daw nila sina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Mabini, del Pilar, at iba pa. Matapos ang mga deliberasyon, pinili raw mismo ni Taft si Rizal na maideklarang pambansang bayani. Ang pagkakadeklara raw na iyon ni Taft ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal.

Ang mga patunay kung totoo man na nangyari ang púlong na iyon ay ang minutes of the proceedings (mga talâ ng mga pangyayari) sa púlong na niyon at ang batas mismo na nilagdaan ni Taft at nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.

Subalit hanggang ngayon, ang mga anti-Rizal ay wala pang maipakita ni isang katiting na dokumentong ganoon, lalo na ang batas na di-umano’y nilagdaan ni Taft at nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani. Nangamamatay na lámang ang marami sa mga anti-Rizal na hindi napatutunayan ang kanilang mga paninirà kay Rizal.


Ang Nagdudumilat na Katotohanan

Walang anumang dokumento na makapagpapatunay na may naganap noong 1901 na isang púlong na di-umano’y naghalal sa magiging pambansang bayani ng Pilipinas, at walang nilagdaan si Taft na batas, proklamasyon, o anupamang dokumento na nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.

Ang nagdudumilat na katotohanan ay isang pambansang lider na Pilipino ang lumagda sa kauna-unahang batas na nagtatanghal sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal (hindi isang Amerikano), at mga Pilipino ang nagpasimula sa pagdiriwang ng pista opisyal na iyon (hindi ang mga Amerikano).

Subalit pilit itong itinatanggi ng mga anti-Rizal, dahil sa hangad nilang matadyakan si Rizal mula sa pagiging pambansang bayani nito. Anuman ang gawing paninirà nila kay Rizal, mananaig pa rin ang katotohanan.


Talâsanggunian

Cautusan ni Hen. Emilio Aguinaldo na may petsang ika-20 ng Disyembre 1898, Republica Filipina, Dis. 24, 1898 (Mandaloyon), p. 2.

F. G. “El Luto Nacional.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 2.

Guevarra, Sulpicio. The Laws of the First Philippine Republic. Maynila: National Historical Institute, 1994.

“La Velada del Club Filipino.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 2.

Public Laws, Annotated. Una at Ikalawang Tomo. Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng Pilipinas. Pinamatnugutan ni Sulpicio Guevarra.

Villadez, P. P. “Notas de la semana.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31, 1898, p. 1. ●