Miyerkules, Disyembre 30, 2015

Kahit Sikát at may Ph.D, Nagkakamali pa rin ang mga Historians


Ang mga historians o historyador ay mga tao rin. Kahit sikát at may Ph.D (doktorado sa pilosopiya), nagkakamali pa rin silá.

Kayâ, kung may isang tao na nakapansin sa isang mali na sinabi o isinulat ng isang historyador, dapat bang hayaan na lámang niya ang pagkakamali na iyon, dahil sikát at may Ph.D ang historyador? Kung papansinin naman niya ang mali, tama bang ikatwiran ng ibang tao ang ganito:

“Sino ka para sabihin na mali ang sinabi o isinulat ng historyador na iyon? Sikát iyon at may Ph.D. Ikaw, sino ka at anong mayroon ka? Wala kang pangalan at karapatang kuwestiyon ang mga sinabi o isinulat niya.”

Ang anumang pagkakamali ay pagkakamali. Hindi dapat hayaan na lámang iyon, lalo na kung makapipinsala sa ibang tao.

 

Sina Hernandez at Zaide

Kunin nating halimbawa bílang mga nagkamaling historyador ang dalawang Pilipinong historyador na sikát at may Ph.D: sina Dr. Leandro H. Fernandez at Dr. Gregorio F. Zaide.

Si Dr. Leandro H. Fernandez (1889-1948) ay ipinadala noong 1909 ng gobyerno ng Pilipinas sa Estados Unidos bílang isang pensionado o iskolar ng gobyerno. Nagtapos siya ng digring batsilyer sa pagtuturo sa Tri-State College sa Indiana noong 1910 at ng digring batsilyer sa pilosopiya sa University of Chicago noong 1912. Nakamit naman niya ang kanyang doktorado sa pilosopiya noong 1926 sa Columbia University. Ang aklat niyang A Brief History of the Philippines ay inilathala noong 1919 at naging isa sa mga unang aklat pangkasaysayan na isinulat ng isang Pilipino at ginamit sa mga paaralan sa Pilipinas.

Si Dr. Gregorio F. Zaide (1907-86) ay nagtapos ng Ph.B in History at MA in History sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 at 1931, ayon sa pagkakasunod. Natapos din niya ang kanyang Ph.D sa pilosopiya at kasaysayan sa Unibersidad ng Santos Tomas. Sa mga historyador na Pilipino, si Zaide ang pinakasikát at ang may pinakamaraming naisulat na aklat pangkasaysayan (mahigit 100). Mula pa noong dekada 1950, ang mga teksbuk pangkasaysayan na isinulat niya ay ginagámit na sa mga paaralang elementarya, sekondarya, at kolehiyo sa Pilipinas.

 

Ang Isang Pagkakamali nina Hernandez at Zaide

Dahil tao lámang sina Fernandez at Zaide, nagkakamali rin silá kahit mga sikát at may Ph.D. Heto ang isa nilang pagkakamali.

Sa kanyang aklat na Philippine History: Development of Our Nation (Maynila: Bookman, Inc., 1961), ganito ang isinulat ni Zaide sa p. 306:

“General Malvar, the guiding spirit of a dying cause, surrendered in Lipa on April 16, 1902. He was the last Filipino general to surrender to the Americans. …”

Ayon kay Zaide, si Malvar ang hulíng heneral na Pilipino na sumuko sa mga mananakop na Amerikano. Ilang dekada na itinuro sa mga paaralan ang impormasyong ito. Pero mali ito, dahil hindi si Malvar ang hulíng Pilipinong heneral na sumuko sa mga Amerikano. Inabot pa muna ng ilang dekada at maraming henerasyon ng mga mag-aaral na Pilipino ang naturuan ng maling impormasyong ito bago ito naituwid.

Si Zaide mismo ang nagtuwid sa kanyang pagkakamali. Sa isa pa niyang aklat, The Pageant of Philippine History, Ikalawang Tomo (Maynila: Philippine Education Company, 1979), ganito ang pagtutuwid ni Zaide sa p. 333:

“In former years Filipino historians, including the author of this book, were of the belief that General Malvar was the last Filipino general in the War of Philippine Independence to surrender to the Americans. This misconception was caused by (1) two early Filipino historians, Dr. Leandro H. Fernandez and Dean Conrado Benitez, who popularized the myth that General Malvar of Batangas was the last Filipino general to surrender and (2) lack of knowledge then of the life and role of General Simeon Ola of Albay Province in the war against the United States.

“The author of this book, after an intensive research on the pertinent sources, primary and secondary, sincerely believe that in the rewriting of Philippine history General Simeon Ola (1865-1952) should be accorded the honor of being the last Filipino general to surrender to the Americans. …”

Inamin ni Zaide ang pagkakamali niya tungkol sa kung sino ang hulíng Pilipinong heneral na sumuko sa mga Amerikano. Inamin pa niya na namana niya ang pagkakamaling iyon sa mga historyador na nauna sa kanya, sina Dr. Leandro Fernandez at Dekano Conrado Benitez.

Hayan, kahit sikát at may Ph.D, nagkakamali rin ang mga historyador. Mabuti na lámang at ang katulad ni Zaide ay umaamin at itinutuwid ang kanyang pagkakamali. Hindi tulad ng maraming historyador na matitigas ng ulo at ayaw pang magsiamin, kahit lantaran nang nakikita ang kanilang mga pagkakamali.

 

Ang Dapat Gawin sa Pagkakamali

Sipiin natin ang sinabi ng Amerikanong iskolar na si Dr. Michael Heiser tungkol sa kung ano ang dapat gawin sa isang pagkakamali. Si Dr. Heiser ay nagsusulat ng mga blog na bumabatikos sa mga aklat tungkol sa mga di-umano’y sinaunang astronaut na isinulat ng mga pseudo-historyador na gaya ng Azerbaijani-Amerikanong si Zecharia Sitchin. Sa unang pahina ng kanyang website, ipinaliwanag ni Heiser kung bakit niya binabatikos si Sitchin:

“Welcome to the website devoted to addressing the claims of the ancient astronaut hypothesis popularized in the writings of Zecharia Sitchin. Who's behind this site? My name is Mike Heiser. Who am I?  The short answer is that I'm a scholar of biblical and ancient Near Eastern languages, cultures, and religions. Why do I bother with this stuff? Because I don't like ancient texts manipulated to promote false claims.

“If I were a lawyer I'd feel professionally obligated to tell you if someone was giving you bad legal advice. If I was a medical doctor, I'd owe you the truth if I knew the medicine you were taking was bogus or could kill you. If I was an accountant, I'd let you know if a neighbor's tax advice could put you in jail. I'm none of those things, but take the analogy to heart. I'm trying to provide the same service in my areas of expertise.

“I can tell you--and show you--that what Zecharia Sitchin has written about Nibiru, the Anunnaki, the book of Genesis, the Nephilim, and a host of other things has absolutely no basis in the real data of the ancient world. I don't doubt that Zecharia Sitchin is a nice guy; he's just wrong. Nothing personal.”

Tama si Dr. Heiser. Iwasto dapat ang isang pagkakamali. Iyan ang nararapat gawin sa isang pagkakamali. At hindi pamemersonal ang ganyan.

Kung nakita ng isang doktor na mali ang ibinibigay na gamot ng kapwa niya doktor sa mga pasyente, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya doktor. Kung hindi niya itutuwid, maaaring mapahamak ang mga pasyente.

Kung nakita ng isang inhinyero na mali ang bakal na inilagay ng kapwa niya inhinyero sa isang ginagawang tulay, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya inhinyero. Kung hindi niya itutuwid, maaaring bumagsak ang tulay at mapahamak ang mga táong tumatawid doon.

Kung nakita ng isang dentista na mali ang ginagawang pagbunot sa ngipin sa mga pasyente ng isang kapwa niya dentista, dapat niyang ituwid ang pagkakamali ng kapwa niya dentista. Kung hindi niya itutuwid, maaaring mapinsala ang mga pasyente.

Kung ikaw na isang mambabása, mag-aaral, guro, manunulat, iskolar, o simpleng mahiligin sa kasaysayan ng Pilipinas ay may napansin na maling sinabi o isinulat ng isang historyador na sikát at may Ph.D, hahayaan mo na lámang ba ang pagkakamali na iyon, dahil sa rason na ang historyador na iyon ay sikát at may Ph.D?

Kung gagawin mo iyan, papaano na ang makaririnig o makababása sa pagkakamali ng historyador? Isang maling impormasyon ang maitatatak sa isip ng táong nakaririnig o nakababása. Hahayaan mo lámang ba na makarinig o makabása ng mali ang kapwa mo? Kung may malasakit ka sa kapwa mo, itutuwid mo ang pagkakamali ng historyador, kahit pa siya sikát at may Ph.D.

 

Ang Pagtutuwid sa Mali

Papaano itutuwid ang isang pagkakamali ng isang historyador? Simple lámang. Suriing mabuti ang mga pangunahing batayan (primary sources) sa kasaysayan. Ang mga batayang iyan ang magagámit na mabisang kasangkapan upang maituwid ang mali.

Kayâ nga lamang, dapat ay may pampropesyonal na pagsasanay (professional training) sa kasaysayan ang isang magtutuwid. Kung wala siya nito, maaaring palalain pa niya ang mali.

May nakita akó sa Internet na isang tao na ang akala sa sarili ay napakahusay na niya sa kasaysayan ng Pilipinas. Subalit ang pagkakaalam niya ay ang artikulong pangulong-tudling (editorial article) ay isang ulat balita (news report) at dapat daw ay nakalagay sa artikulong pangulong-tudling ang pangalan ng sumulat ng artikulo.

Umabot na siya sa ganoong edad (60), pero hindi pa niya lubusang nalalaman kung ano ang news report at ang editorial article. Kapag ganyan ang antas ng utak ng isang magtutuwid sa isang pagkakamali ng isang historyador, bakâ ang susunod na mangyayari ay ang wakas na ng sangkatauhan.

Nakatatákot.

 

Talâsanggunian

Filipinos in History. Maynila: National Historical Institute. Ikatlong Tomo: 1994. Ikaapat na Tomo: 1994.


Zaide, Gregorio F. Philippine History: Development of Our Nation. Maynila: Bookman, Inc., 1961.

_______________. The Pageant of Philippine History. Ikalawang Tomo. Maynila: Philippine Education Company, 1979. ●