OPISYAL na nagkaroon ng pagdiriwang ng
Araw ni Rizal (Rizal Day), dahil sa
isang batas na inaprubahan ng isang pambansang lider na Pilipino.
Noong ika-20 ng Disyembre 1898,
nilagdaan ni Pang. Emilio Aguinaldo ang isang cautusan o decreto na
nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre (araw ng kamatayan ni Jose Rizal) bílang
isang pambansang araw ng pagluluksa.
Si Aguinaldo ang pangulo noon ng Gobierno Revolucionario (Panghimagsikang
Pamahalaan), ang pambansang pamahalaan ng mga Pilipino. Itinatag ang
pamahalaang iyon noong ika-23 ng Hunyo 1898, sa Kawit, Cavite, at mula noong
Setyembre 1898 ay nakahimpil na iyon sa Malolos, Bulacan.
Ang kautusang iyon ni Aguinaldo ang
kauna-unahang batas na nagtatakda sa ika-30 ng Disyembre bílang isang
pambansang pista opisyal. Ang mga sumunod na batas tungkol sa Araw
ni Rizal ay pagsang-ayon at pagsunod na lámang sa pinasimulan ng kautusang
iyon—ang pagdiriwang sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista
opisyal.
Ang
Kautusan
Ang naturang kautusan ni Aguinaldo ay
may teksto sa Espanyol at Tagalog. Naririto ang buong teksto niyon sa Tagalog:
GOBIERNO REVOLUCIONARIO NANG FILIPINAS
________________
CAUTUSAN
G. EMILIO
AGUINALDO AT FAMY
Presidente nang
Gobierno Revolucionario nang Filipinas at Pañgulong General nang Caniyang
Hocbo.
Sa paglingap sa
ninanasá nang bayang Filipinas, at paghaha-yag nang mahal at dalisay niyang
adhica, ay iniuutos co:
Una.
Alang-alang sa manga daraquilang filipinong uagás magsilingap sa tinubuang
bayan na si Dr. Rizal at iba pa, na pinasaquitan nang lumipas nang
capangyarihang castila, ay itinuturing na arao nang paglulucsa nang boong
sangcapuluan ang ica 30 nang Diciembre.
Icalaua. Dahil
dito’y mulá pa sa tanghali ng ica 29, hangang sa tanghalian ng ica 30, ay
ilalad-lad ang ating bandila hangang calahatian lamang ng tagdang, pinacatandá
nang pag lulucsá.
Icatlo. Sa
maghapon ng ica 30 ng Diciembre ay ualang pasoc ang lahat ng sacop nang
Gobierno Revolucionario.
Icalat at ihayag ito upang matahó
nang lahat.
Lagda sa
Malolos nang ica 20 nang Diciembre nang 1898.
Emilio
Aguinaldo
Ang kautusang ito ni Aguinaldo ay unang nalathala sa
ikalawang pahina ng pahayagang Republica
Filipina sa isyu nito noong ika-24 ng
Disyembre 1898.
Ang Pagdiriwang
ng Unang Opisyal na Araw ni Rizal
Noong Biyernes, ika-30 ng Disyembre 1898,
ipinagdiwang ang kauna-unahang opisyal na Araw ni Rizal. Pangunahing isinagawa
ito sa Malolos. Ang mga sumusunod ang isinagawang aktibidad para sa natatanging
araw na ito:
1. Mula tanghali ng ika-29 ng Disyembre
hanggang sa tanghali ng sumunod na araw, inilagay sa kalahating tagdan ang
watawat ng Pilipinas.
2. Walang pasok sa lahat ng tanggapan ng
pamahalaan sa buong maghapon ng ika-30 ng Disyembre.
3. Sa gabi ng ika-30 ng Disyembre, nagdaos
ang Club Filipino ng isang programang
musikal-pampanitikan sa Maynila. Sa programang iyon, binása ang ilang tula ni
Rizal, at may mga binigkas na talumpati tungkol sa búhay at mga akdang
pampulitika ni Rizal.
4. At ang mga panghimagsikang pahayagang La Independencia at Republica Filipina ay naglabas ng mga espesyal na isyu noong ika-29
at 30 ng Disyembre, ayon sa pagkakasunod, upang dakilain ang natatanging araw
na ito. Inilathala sa mga isyu na iyon ang ilang sanaysay at tula ni Rizal, at
mga artikulong pumupuri sa búhay at kadakilaan ni Rizal.
Ang mga Anti-Rizal
Ang mga anti-Rizal
ay ang mga táong galít kay Rizal at sa pagiging pambansang bayani nito. At
dahil galít, marami ang mga ipinupukol nilang paninirà kay Rizal.
Ang pinakatanayag sa mga paninirà nila ay si Rizal daw
ay American-sponsored national hero o ang pinili ng mga
mananakop na Amerikano na maging ang pambansang bayani. Noong 1901,
nagpúlong daw ang mga awtoridad na Amerikano at ang mga kasabwat nilang
elitistang Pilipino upang pumili ng pambansang bayani ng Pilipinas. Ang púlong
na iyon ay pinangasiwaan daw ni William Howard Taft, ang Amerikanong Gobernador
Sibil ng Pilipinas.
Pinagpilian daw nila sina Rizal, Bonifacio,
Aguinaldo, Mabini, del Pilar, at iba pa. Matapos ang mga deliberasyon, pinili
raw mismo ni Taft si Rizal na maideklarang pambansang bayani. Ang
pagkakadeklara raw na iyon ni Taft ang siyang pinagmulan ng Araw ni Rizal.
Ang mga patunay kung totoo man na nangyari
ang púlong na iyon ay ang minutes of the
proceedings (mga talâ ng mga
pangyayari) sa púlong na niyon at ang batas mismo na nilagdaan ni Taft at
nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang bayani.
Subalit hanggang ngayon, ang mga anti-Rizal ay wala
pang maipakita ni isang katiting na dokumentong ganoon, lalo na ang batas na
di-umano’y nilagdaan ni Taft at nagdedeklara kay Rizal bílang ang pambansang
bayani. Nangamamatay na lámang ang marami sa mga anti-Rizal na hindi
napatutunayan ang kanilang mga paninirà kay Rizal.
Ang
Nagdudumilat na Katotohanan
Walang anumang dokumento na
makapagpapatunay na may naganap noong 1901 na isang púlong na di-umano’y
naghalal sa magiging pambansang bayani ng Pilipinas, at walang nilagdaan si
Taft na batas, proklamasyon, o anupamang dokumento na nagdedeklara kay Rizal
bílang ang pambansang bayani.
Ang nagdudumilat na katotohanan ay isang
pambansang lider na Pilipino ang lumagda sa kauna-unahang batas na nagtatanghal
sa ika-30 ng Disyembre bílang isang pambansang pista opisyal (hindi isang
Amerikano), at mga Pilipino ang nagpasimula sa pagdiriwang ng pista opisyal na
iyon (hindi ang mga Amerikano).
Subalit pilit itong itinatanggi ng mga
anti-Rizal, dahil sa hangad nilang matadyakan si Rizal mula sa pagiging
pambansang bayani nito. Anuman ang gawing paninirà nila kay Rizal, mananaig pa
rin ang katotohanan.
Talâsanggunian
Cautusan ni Hen. Emilio Aguinaldo na may
petsang ika-20 ng Disyembre 1898, Republica
Filipina, Dis. 24, 1898 (Mandaloyon), p. 2.
F.
G. “El Luto Nacional.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31,
1898, p. 2.
Guevarra,
Sulpicio. The Laws of the First
Philippine Republic. Maynila: National Historical Institute, 1994.
“La
Velada del Club Filipino.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31,
1898, p. 2.
Public Laws, Annotated. Una at Ikalawang Tomo. Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng
Pilipinas. Pinamatnugutan ni Sulpicio Guevarra.
Villadez,
P. P. “Notas de la semana.” La Independencia (Maynila) Disyembre 31,
1898, p. 1. ●