Martes, Nobyembre 24, 2015

Opisyal na Nagkaroon ng Araw ni Bonifacio Dahil sa Isang Amerikano



OPISYAL na nagkaroon ng pagdiriwang ng Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day), dahil sa isang batas na inaprubahan ng isang mananakop na pinunòng Amerikano.
Noong 1921, nilagdaan ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Francis B. Harrison ang batas (Akta Publika Blg. 2946) na nagdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre (araw ng kapanganakan ni Bonifacio) bílang Araw ni Bonifacio, dahil ayon sa batas na ito, si Bonifacio ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan.”
Ang batas na iyon na nilagdaan ni Harrison ang kauna-unahang batas na nagtatakda sa ika-30 ng Nobyembre bílang isang pambansang pista opisyal. Ang mga sumunod pang batas tungkol sa Araw ni Bonifacio ay pagtalima na lámang sa pinasimulan ng batas na iyon—ang pagdiriwang sa ika-30 ng Nobyembre bílang isang pista opisyal.

Ang Paggawa ng mga Batas
Sa panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946), ang kagawaran ng pamahalaan na may kapangyarihang magpanukala, magbalangkas, at magpása ng mga batas ay ang batasan na tinatawag na Philippine Assembly (Kapulungan ng Pilipinas) noong 1907-16, Philippine Legislature (Batasan ng Pilipinas) noong 1916-35, National Assembly (Batasang Pambansa) noong 1935-40, at Congress (Kongreso) noong 1940-46. Ang mga kasapi nito ay mga Pilipino na inihahalal ng mga botanteng Pilipino.
Subalit ang may kapangyarihan na sang-ayunan o i-veto (hindi aprubahan) ang isang panukalang batas ay ang Gobernador Heneral na Amerikano, na siya ring tumatayông pinunò ng Pilipinas. Kung sang-ayon ang Gobernador Heneral sa isang panukalang batas ng mga mambabatas, lalagdaan niya iyon upang maging ganap nang batas. Kung ibe-veto niya, hindi magiging batas ang isang panukalang batas.
Sa panahon ng panunungkulan ni Harrison bílang gobernador heneral (1913-21), limang panukalang batas ng Philippine Legislature ang kanyang nai-veto. Ang pumalit sa kanya na si Leonard Wood ay may nai-veto na 16 na panukalang batas sa unang taon nito. Mahigit 100 panukalang batas ang nai-veto lahat ni Wood sa loob ng kanyang panunungkulan (1921-27).

Inaprubahan ng Isang Amerikano
Si Sen. Lope K. Santos ang nagpanukala sa Batasan ng Pilipinas ng isang batas na magdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre bílang Araw ni Bonifacio. At si Harrison ang nag-apruba sa panukalang batas na iyon.
Kung hindi nilagdaan ni Harrison, hindi magiging batas ang panukalang iyon. At kung sakaling ang panukalang batas na iyon ni Santos ay napabílang sa limang batas na nai-veto ni Harrison, hindi talaga magkakaroon ng Araw ni Bonifacio. Subalit dahil nga sa pagsang-ayon at lagda ng isang mananakop na pinunòng Amerikano, nagkaroon ng gayong pista opisyal.

Ang Opisyal na Pagtatanghal kay Bonifacio Bilang Bayani
Upang opisyal na maitanghal na bayani ang isang tao, may mga batas na ipinapása at ipinatutupad ang pamahalaan. Hindi kasi maaaring ang isang dakilang tao ay manatiling bayani sa salita lámang. Kailangang maging opisyal ang pagkilala ng pamahalaan at sambayanan sa pagiging bayani niya sa pamamagitan ng mga batas.
Ang mga sumusunod na batas at hakbang ay isinagawa upang opisyal nang maitanghal na isang bayani si Bonifacio:
1. Akta Publika Blg. 2760—ang batas na magpapagawa ng isang Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan. Nilagdaan ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Francis B. Harrison upang ganap na maging batas noong 1918.
2. Akta Publika Blg. 2946—ang batas na nagdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre  (araw ng kapanganakan ni Bonifacio) bílang Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day), dahil ayon sa batas na ito, si Bonifacio nga raw ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan.” Nilagdaan nga rin ito ni Harrison upang maging ganap nang batas noong 1921.
3. Akta Publika Blg. 3602—ang batas na naglalaan ng ₱97,000 para sa Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan. Nilagdaan naman ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Dwight F. Davis upang maging ganap na ring batas noong 1929.
4. Nob. 30, 1933—Binigyang-parangal na ang bágong-gawa na Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan.

Isang Kasinungalingan
May isang kasinungalingan tungkol kay Bonifacio na matagal nang ipinakakalat ng ilang tao. Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas, hindi raw pinayagan ng mga Amerikano na maideklarang isang bayani si Bonifacio, dahil banta raw sa pananakop ng Estados Unidos ang imahe niyang mapanghimagsik.
Kapag ginaya raw ng mga Pilipino ang imahe ni Bonifacio, magrerebelde raw silá laban sa pananakop ng Estados Unidos. Kayâ, sa pangkalahatan, hindi raw hinikayat ng mga Amerikano na dakilain bílang bayani si Bonifacio. Ipinagwalang-bahala at isinantabi raw siya.
Subalit kítang-kítang naman mula sa mga talâ ng kasaysayan na pinayagan ng mga mananakop na Amerikano na ituring si Bonifacio na isang bayani. Kung banta si Bonifacio at ang kanyang diwang mapanghimagsik sa pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas, kung ang imahe ni Bonifacio ay ang makipaglaban para sa kalayaan at kasarinlan, at kung hindi hinikayat ng mga Amerikano na dakilain bílang bayani si Bonifacio, bakit pumayag ang mga Amerikano na si Bonifacio ay:
1. Maitanghal bílang ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan”?
2. Magkaroon ng isang pambansang pistal opisyal?
3. Maging isa sa dadalawang Pilipino na may pambansang pista opisyal (ang isa pa ay si Rizal)?
4. Magkaroon ng isang pambansang monumento—monumento na makikíta at titingalain ng mga Pilipino?
5. At maging isa sa dadalawang Pilipino na may pambansang monumento (ang isa pa ay si Rizal)?

Mga Argumento
Ang argumento ng mga anti-Rizal ay si Rizal daw ay American-sponsored national hero o ang pinili ng mga Amerikano na maging pambansang bayani, dahil naging pambansang bayani raw siya sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at mga Amerikano raw ang nag-apruba sa kanyang pagiging pambansang bayani. Kung susundan ang argumentong iyan, mabubuo ang panibagong argumento na ito:
Dahil naitanghal si Bonifacio bílang isang bayani sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at mga awtoridad na Amerikano pa ang sumang-ayon sa pagtatanghal sa kanya bílang isang bayani, masasabi bang si Bonifacio ay isang American-sponsored hero o bayaning ang pagiging bayani ay inimbento ng mga Amerikano?

Talâsanggunian
Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People. Lungsod ng Quezon: R.P. Garcia Publishing Co., 1960.
Public Laws, Annotated. Lungsod ng Quezon: Unibersidad ng Pilipinas. Sulpicio Guevarra, patnugot.

Zaide, Gregorio F. The Pageant of Philippine History. Ikalawang Tomo. Maynila: Philippine Education Company, 1979.