Sabado, Nobyembre 16, 2013

Paghahanda sa mga Kalamidad—Gawin nang Lifestyle


BAGO sumapit ang Bagong Taon, namili ng mga paputok at pailaw si Ernesto (di-tunay niyang pangalan), 37, may asawa at mga anak, at taga-Bohol. Nakasanayan na niya ang mag-ingay tuwing sumasapit ang Bagong Taon, upang maitaboy daw ang mga malas at upang maging masaya ang kanyang pamilya sa susunod na taon. Bukod sa mga paputok at pailaw, gumugol din siya para sa pam-Bagong Taóng salo-salo ng kanyang pamilya, mga kaanak, at kaibigan. Ang halaga ng nagugol ni Ernesto ay maaari nang ipambili ng tatlong sakong bigas.

Noong ikatlong kaarawan naman ng bunsong anak ni Miguel (di-tunay niyang pangalan), 26, may asawa at mga anak, at taga-Leyte, gumugol din siya para sa isang masaganang handaan. Isang baboy at sandosenang manok ang ipinakatay niya para sa handaang iyon. Umaapaw din ang mga mamahaling inumin. Ang nagugol naman ni Miguel ay káya nang ipambili ng pitong sakong bigas. Hindi mapalalampas ni Miguel ang kaarawan ng bawat isa sa lima niyang anak. Kailangang ipagdiwang daw talaga iyon, dahil iyon ang araw na iniluwal sila sa balát ng lupa.

Nang lumindol sa Bohol noong ika-15 ng Oktubre ng taóng ito, kabílang si Ernesto at ang kanyang pamilya sa mga lubhang napinsala. Nagiba ang kanilang tahanan, at wala silang makain sa loob ng ilang araw. Dahil walang anumang tulong ang agad na nakararating sa kanila, nagtiyaga si Ernesto na maghanap ng kanilang makakain. Ang mga kamoteng inani niya sa kung kaninong taniman ang tanging naipakain niya sa nagugutom niyang pamilya.

Nang humataw naman ang bagyong Yolanda sa Leyte noong ika-8 ng Nobyembre ng taon ding ito, kabílang din si Miguel at ang kanyang pamilya sa mga napuruhan. Rumagasa ang tubig-dagat patungo sa kanilang barangay. Mabuti na lámang at nakaligtas sila sa loob ng kanilang bahay. Ilang araw din silang nagutom, dahil hindi agad makarating sa kanila ang mga relief goods (mga tulong na pagkain, damit, gamot, at gámit).

 

Bagyuhin at Lindulin

Ang Pilipinas ay nakahimlay sa tinatawag na typhoon belt o daanan ng mga bagyo sa silangang bahagi ng Asya; kayâ sa isang taon, umaabot sa 20 ang bagyong dumaraan sa teritoryo nito. Nakahimlay din ito sa tinatawag na Pacific Rim of Fire o ang mala-singsing na hanay sa Karagatang Pasipiko ng mga bulkan at malalaking bitak sa ilalim ng lupa na siyang pinagmumulan ng mga lindol.

Dahil sa kinalalagyan nito,  ang ating bansa ay madalas bagyuhin at lindulin. Kasabay ng mga bagyo at lindol ang pagguho ng mga lupa at gilid ng bundok, at ang mga pagbaha. Ang mga sakunang ito ay pumipinsala ng maraming búhay, ari-arian, at kabuhayan.

Taon-taon na lámang, binabagyo táyo. At anumang sandali ay maaari táyong lindulin. Malaki ang magagawa ng bawat isa sa atin upang maiwasan ang higit na malaking pinsala at hinagpis kung may kalamidad. Iyan ay kung ang paghahanda sa mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad ay gagawin nating lifestyle o bahagi ng pamumuhay.

 

Mag-imbak

Sa unang araw pa lámang ng Bagong Taon, simulan na natin ang pag-iimbak ng mga pagkain, tubig, gamot, at gámit na kailangang-kailangan kung may kalamidad. Sa buong buwan ng Enero, sikapin nating mabili ang mga sumusunod na maiimbak:

1. Kalahating sako ng bigas.

2. Sampung kilo ng munggo.

3. Limang súpot ng hibe.

4. 100 litro ng sinalà na inuming tubig (purified water).

5. Tig-10 tableta ng gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Isang súpot ng benda sa sugat.

7. Tigsampung kandila, kaha ng posporo, at pansindi (lighter).

8. At tiglilimang sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

Sa susunod na buwan ng Pebrero, gawin uli natin ito. Gayundin sa mga buwan ng Marso, Abril, Mayo, at Hunyo. Bumili rin táyo ng isang de-bateryang radyo, 10 reserbang baterya ng radyo, at limang dram na malalagyan ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Pagsapit ng kalagitnaan ng taon, kung kailan nag-uumpisa na ang mga bagyo sa Pilipinas, ang bawat pamilyang Pilipino ay dapat mayroon nang imbak na:

1. Tatlong sako ng bigas.

2. 60 kilo ng munggo.

3. 30 súpot ng hibe.

4. 600 litro ng inuming tubig.

5. Tig-60 tableta ng mga gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Limang súpot ng benda sa sugat.

7. Tig-60 piraso ng mga kandila, posporo, at pansindi.

8. Tig-30 piraso ng sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

9. Isang de-bateryang radyo.

10. Sampung reserbang baterya ng radyo.

11. At limang dram ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Ang mga imbak na ito ay káyang itaguyod sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ang isang pamilya na may limang kasapi. Kahit pa sinalanta ang pamilyang ito ng isang bagyo o lindol, at kahit hindi agad sila maambunan ng mga relief goods, hindi sila magugutom, dahil mayroon silang bigas na maisasaing, munggo na maaaring ilaga at sahugan ng hibe, at tubig na maiinom.

Agad din nilang malalapatan ng lunas ang anumang sakít o sugat, dahil may imbak silang mga gamot at benda. Kung walang suplay ng koryente, hindi sila mangangapa sa gabí, dahil mayroon silang mga kandila, posporo, at pansindi. Hindi rin sila mawawalan ng balita, dahil mayroon silang radyo. At hindi sila mahihirapang maligo, maghugas ng mga lutuan at pinagkainan, at maglinis ng bahay, dahil mayroon silang dram-dram na imbak ng tubig.

Ang makukuha nilang mga relief goods, sakaling dumating na ang mga ito sa kanila, ay maaaring ipampalit sa mga nagámit nang imbak. Habang napapalitan ang mga nagámit nang imbak, hindi mawawalan ng suplay ang isang pamilya, at sa gayon ay hindi pa rin sila magugutom sakaling magtagal pa ang krisis na idinulot ng kalamidad.

Upang hindi naman mabulok ang mga imbak habang wala pang kalamidad, maaaring palitan ang mga ito tuwing ikatlong buwan. Halimbawa, ang mga imbak na pagkain na nabili sa buwan ng Enero ay maaaring gámitin sa buwan ng Mayo. Subalit, bago gámitin ang mga iyon, dapat ay nabili na ang mga imbak na pampalit sa mga gagámiting imbak.

 

Huwag Maging Palaasa sa Pamahalaan

Nakalulungkot ang mga sinasapit ng mga kababayan natin tuwing may mga kalamidad. Wala silang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit. Úhaw, gútom, págod, sakít, at matitinding hinagpis ang iniinda nila.

Ang lagi na lámang sinisisi tuwing may kalamidad ay ang pamahalaan, pambansa man o lokal. Hindi raw kasi agad nasasaklolohan ang mga tao, at hindi raw agad nakararating ang mga tulong sa kanila.

Kung may mga kalamidad, hindi agad maihahatid ang mga tulong sa mga tao ng pamahalaan, dahil una, maaaring nagkabitak-bitak ang mga daan at bumagsak ang mga tulay, nangaghambalang sa mga daan ang mga kalat na iwinasiwas ng bagyo, o kayâ’y may baha.

At ikalawa, ang mga tagasaklolo (rescuers) ay sinasalanta rin ng mga kalamidad. Dahil binaha, nilindol, o nasugatan din, hindi nila agad magagampanan ang kanilang mga tungkulin bílang mga tagasaklolo. Bukod diyan, may kanya-kanya rin silang mga pamilya at iba pang mga mahal sa búhay na iintindihin at sasaklolohan.

Kayâ, tuwing may kalamidad, wasto ba ang ugali na maging palaasa na lámang lagi ang mga mamamayan sa mga tulong ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang nagmamalasákit? Hindi po. Sa anumang panahon, pinakamahusay pa rin kung marunong táyo na tumayo sa sariling mga paa.

Tungkulin pong talaga ng pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng kagipitan. Subalit papaano nga kung ang mga tagasaklolo ng pamahalaan mismo ay napipinsala rin? At papaano na kung hindi agad maihatid ang mga tulong ng pamahalaan, dahil nga nawasak ang mga daan at tulay, o may baha?

Dapat, laging handa ang bawat pamilyang Pilipino. Kung nagagawa natin ang gumastos ng malalaking halaga tuwing sumasapit ang Bagong Taon, ang kaarawan ng isang mahal sa búhay, at iba pang okasyon, magagawa rin natin ang gumugol para sa mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit na siyang unang maaasahan natin kung may kalamidad.

 

Patibayin ang mga Bahay at Gusali

Noong isang taon, dumaan sa Kabisayaan ang isang malakas na bagyo. Inilipad ng bagyo ang mga bubong ng mga silid-aralan sa isang pambayang paaralan. Ang naiwan lámang na nakatindig ay ang mga pader ng mga iyon. Ipinaayos ng pamahalaan ang mga naturang silid-aralan. Ibinalik ang mga bubong.

Nang sumunod na taon, muling dumaan ang isang mabagsik na bagyo. Inilipad na naman ang mga bubong ng mga naturang silid-aralan, at ang muling naiwan na nakatindig pa rin ay ang mga pader ng mga iyon. Sa taóng ito, kinawawa ni Yolanda ang Kabisayaan, at sinapit na naman ng mga naturang silid-aralan ang mga pinagdaanan na nito sa mga lumipas na bagyo.

Kung paulit-ulit na lámang lagi ang ginagawang pangangalbo ng mga bagyo sa mga silid-aralan, ang nararapat sa ganyan ay gawin nang permanente ang solusyon. Hindi iyong ililipad ang mga bubong, at ibabalik ang mga bubong. Tapos, kakalbuhin ulit ang mga bubong, at ibabalik na naman ulit ang mga bubong.

Patibayin na natin ang ating mga paaralan at iba pang gusaling pambayan. Kapansin-pansin na ang naiiwan na nakatindig pa rin sa mga sinasalantang silid-aralan ay ang mga pader ng mga iyon na gawa sa bakal, bato, at semento. Matitibay kasi ang mga iyon. Kayâ, gawing bakal, bato, at semento rin ang mga bubong ng mga silid-aralan. Ang ganoong uri ng bubong ay maaari pang gawing sahig ng ikalawang palapag ng mga silid-aralan.

Patibayin din natin ang ating mga tirahan. Kung maaari rin na gawing hanggang apat na palapag ang mga ito, upang kung may mga baha, may mapagkakanlungan ang bawat pamilya. At sa ikatlo o ikaapat na palapag dapat ilagay ang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit upang hindi agad mapinsala ang mga ito ng baha.

Ang mga panukalang binabanggit sa artikulong ito ay ilan lámang sa mga bagay na maaari nating gawin upang ang paghahanda sa mga kalamidad ay maging bahagi na ng ating pamumuhay. Nawa, ngayon pa lámang, pagkatapos matunghayan ang artikulong ito, umpisahan na natin ang mga paghahanda. ●                                                         

Pagtatanim at Pagmamanukan—Isang Lunas sa Kahirapan sa Kanayunan


NANG kami ng aking pamilya ay nakatira pa sa Northern Samar, sagana kami sa mga bungang-kahoy at gulay. Ang mga punòng nagbubunga sa aming bakuran ay itinanim ng nanay ko nang dalaga pa siya; kayâ, nang lumalaki na kaming magkakapatid, lagi kaming may mga napipitas at nalalantakang bungang santol, abokado, pili, langka, guyabano, at mangga. Palagi rin kaming magtanim sa aming bakuran ng mga gulay na ampalaya, sitaw, úpo, kalabasa, talong, malunggay, saluyot, sayote, at lalo na ng kamote.

Kung gusto naming magkakapatid na magmeryenda, namimitas lámang kami ng mga bungang-kahoy, o kayâ’y nagbubungkal ng mga ugat ng kamote at sakâ ilalaga ang mga iyon. Kung gusto naming mag-ulam ng gulay, pinupupol lámang namin ang mga dahon ng kamote, malunggay, o ampalaya, ginisa ang mga iyon, at sinasahugan ng alimango, hipon, o bagoong. Lumaki kaming magkakapatid na hiyang na hiyang sa mga bungang-kahoy at gulay.

Nag-alaga rin kami minsan ng mga manok at itik, na nakapagbigay sa amin ng mga itlog at karne. Isa ako sa mga tagapag-alaga ng mga iyon. Subalit natigil ang pag-aalaga naming iyon, dahil abala ang nanay ko sa pagiging guro at abala rin ang tatay ko sa pagiging pulis.

Isang dukhang lalawigan ang Northern Samar—sa aming barangay ay wala pang mga linya ng koryente, telepono, at tubig nang nakatira pa kami roon hanggang noong taóng 1982—subalit hindi kami kailanman nawalan ng makakain na bungang-kahoy at gulay. Hindi kami kailanman nagutom.

Nang lumipat na kami sa Kamaynilaan noong 1982, naibhan kaming magkakapatid, dahil hindi na kami makapagtanim ng mga bungang-kahoy at gulay. Sa Kamaynilaan kasi, halos sementado na ang bawat bakuran at lansangan. At mahal ang mga bungang-kahoy at gulay dito, samantalang libre lámang sa aming lalawigan ang mga iyon.

Sa mga nayon at lalawigan sa ngayon, marami pa ang mga espasyong maaaring tamnan at pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo. Kayâ, naiinis ako tuwing makakikita ng mga programa sa telebisyon na inilalarawan ang matitinding karukhaan daw sa mga kanayunan. Umaangal ang mga taganayon, dahil mahihirap daw sila. At ang may kasalanan daw sa ganoong kalagayan nila ay ang mga táong-gobyerno. Kung hindi raw talamak ang pangungurakot sa pamahalaan, at kung hindi raw sila pinababayaan ng pamahalaan, hindi raw sila magugutom.

Nakaiinis ang ganyang katwiran, dahil nakikita namang malalawak ang kani-kanilang mga bakuran. Napakarami ng mga espasyo na maaaring pagtamnan ng mga punòng nagbubunga at mga gulay, o kayâ ay pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo.

Bakit hindi subukin ng mga taganayon ang magtanim? Ang malunggay ay maaaring magsimula sa isang maliit na sanga na itutundos lámang sa lupa. Pagkaraan ng tatlong buwan, malusog na iyon. Pagkaraan ng isang taon, mayabong na iyon at ang mga dahon ay maigugulay na. Ang mga patapong tangkay ng kamote ay ibinabaon lámang sa lupa, at pagkaraan ng ilang linggo, ang mga talbos niyon ay mayabong na at maigugulay na rin. Kahit sa mga pasô o timba lámang, maaari nang magtanim ng mga gulay.

Bakit hindi rin subukin ng mga taganayon ang mag-alaga ng mga manok, itik, o pabo? Mga katutubong uri ng ganitong mga ibon ang alagaan nila, dahil hindi mahirap palakihin. Gawan lámang ng kulungan at bigyan ng mga patuka at inumin, kusang lalakí ang mga ibong ito at sa kalaunan ay magbibigay na ng itlog at karne.

Kung walang pambili ng mga pananim o alagaing sisiw ang mga taganayon, diyan na dapat pumasok ang tulong ng pamahalaan. Bigyan ng mga lokal na pamahalaan ang mga taganayon ng mga libre o pautang na pananim, alagaing sisiw, at kulungan at patuka sa mga sisiw. Magsagawa rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga bara-barangay ng mga libreng seminar-pagsasanay sa wastong pagtatanim at sa wastong pagpapalaki ng mga alagaing sisiw.

Matapos mabigyan ang mga taganayon ng mga binhing pananim, alagaing sisiw, kulungan at patuka sa mga sisiw, at mga pagsasanay, masusubok na kung sino talaga ang nais magbanat ng buto at mabúhay nang labas sa karukhaan.

Hindi naman kasi wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko na lámang lagi ang may kasalanan at ang siyang dapat sisihin sa isyu ng karukhaan sa ating bayan. Kasi kung tama ang katwirang ito, aba, ang mga susunod na uupô sa Malakanyang, Kongreso, lokal na pamahalaan, barangay, at iba pang puwesto sa pamahalaan, kahit hindi pa nakauupô sa mga puwestong iyon, ay makasalanan na at dapat nang sisihin.

Magkakaroon táyo ng halalan para sa pangulo ng bansa sa taóng 2086. Ang mahahalal na pangulo sa taóng iyon ay hindi pa isinisilang sa taóng kasalukuyan (2013). Kung wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko ang laging may kasalanan at dapat sisihin, aba, ang magiging pangulo ng ating bansa sa taóng 2086 ay hindi pa isinisilang sa ngayon, subalit makasalanan na siya at dapat nang sisihin. Wasto po ba ang katwirang iyan?

Hindi ko naman sinasabing ang pagtatanim at pagmamanukan ang siya nang nag-iisang lunas sa karukhaan sa mga kanayunan. Subalit ang kaunlaran at pag-ige ng búhay ay nagsisimula sa bawat isa. Hindi po ito nagsisimula sa mga politiko, sa halalan, at sa pamahalaan. Kung iaasa na lámang lagi sa mga politiko, halalan, at pamahalaan ang bawat bagay, hindi lubusang uunlad ang ating bansa, at patuloy na mababaon sa karukhaan ang marami sa atin. Gayong naririyan at abot-kamay lámang naman ang isang mainam na lunas sa mabigat na suliraning iyan. ●

Lunes, Oktubre 21, 2013

Ang Posibleng Pinagmulan ng Salitang Pinoy

Ang Pinoy ang palayaw ng Pilipino. Dahil sa palayaw na ito, napabílang ang mga Pilipino sa iilang lahi sa mundo na may palayaw. Ang iba pang mga panlahing palayaw ay ang Brit ng mga Brites, Indon ng mga Indones, Jap ng mga Hapones, Pole ng mga Polandes, at Yankee ng mga Amerikano.

Saan ba nanggaling ang Pinoy? Bakit ito ang naging palayaw ng Pilipino?

Ang mga mananakop na Espanyol ang nagbigay ng mga kolektibo o pangkalahatang pangalan sa mga katutubo ng Pilipinas: nativo (katutubo), indio (taga-Silangan), at Filipino (taga-Pilipinas). Hindi nila kailanman tinawag na Pinoy ang mga katutubo ng Pilipinas.

Nagkaroon lámang ng salitang Pinoy noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Nang mga panahong iyon, maraming Pilipino ang nakararating sa Estados Unidos bílang mga estudyante at manggagawa. Nang nása Amerika na ang mga Pilipinong iyon, likas lámang na magtanong ang mga Amerikano kung sino ang mga dayo na iyon. Ang naging sagot ng mga nakaaalam sa tanong nila ay:

“They are Filipinos (mga Pilipino sila).”

Ang baybay ng salitang Filipinos ay halos katulad ng baybay ng salitang Illinois. Ang Illinois ay isang estado sa Estados Unidos. Ang bigkas nito ay IH-luh-NOY.

Nang dumaragsa ang mga Pilipino sa Amerika, noon lámang nalaman ng karamihan sa mga Amerikanong nakakikita sa kanila na may mga mamamayan pala na kung tawagin ay Filipinos. At dahil hindi nila lubusang kilala ang mga ito, hindi nila alam ang wastong bigkas ng salitang Filipinos. Ang akala nila, ang bigkas niyon ay katulad ng bigkas ng Illinois. Kayâ, ang bigkas nila sa Filipinos ay Fi-li-pi-noy. Sa kalaunan, umikli iyon sa Pi-noy.

Iyan marahil ang pinagmulan ng salitang Pinoy.

Sa ngayon, palasak na ang paggamit ng salitang Pinoy, lalo na sa larangan ng medya. Sa halos lahat ng mga bagay na may kinalaman at tumutukoy sa mga Pilipino, ang salitang ipinantatapat ay Pinoy: musikang Pinoy, kulturang Pinoy, pagkaing Pinoy, kasuotang Pinoy, ugaling Pinoy, mga kababayang Pinoy. Nakalulungkot ito, dahil tila nawawalan tayo ng wastong identidad. Tayong mga katutubo ng Pilipinas ay mga Pilipino, hindi Pinoy.

Lalong nakalulungkot ito, kung mapatutunayan na ang pinagmulan nga ng salitang Pinoy ay ang maling bigkas ng mga Amerikano sa salitang Filipinos.

Sabado, Setyembre 14, 2013

Your country is called the Philippines, but why are you—its people—called Filipinos?

It’s because the original official name of our country was in Spanish—las Islas Filipinas, and from it did come our name as a people—Filipinos.

The Spaniards ruled our country from 1565 until 1898, and it was they who called it las Islas Filipinas, which meant “islands of Felipe.” They named it after Prince Felipe, who became king of Spain from 1556 to 1598. Las Islas Filipinas was sometimes shortened to las Filipinas or Filipinas. And the Spaniards called the inhabitants of the Philippines nativos (natives), Indios (Easterners), and Filipinos.

When the United States ruled our country from 1898 until 1946, they translated las Islas Filipinas into the Philippine Islands, and las Filipinas and Filipinas into the Philippines. But they offered no new translation for the name of its natives—the Filipinos. Thus, in English, our country was called the Philippine Islands or the Philippines, and we its people were called Filipinos.

When we became independent from the United States in 1946, the Philippine Islands officially became, in English, Republic of the Philippines or simply the Philippines. And we its people retained the name of Filipinos, in English.

But in our national language, called Filipino, our country’s name is Pilipinas, and we its people are called Pilipino.

For more, please visit: Sino Ang Mga Orihinal Na Pilipino?

Martes, Abril 2, 2013

Ang Sinaunang Pilipinas (a book in-progress and looking for a sponsor)

As a student of Philippine history, my area of concentration is on ancient history of the Philippines.

I have a book-in-progress on ancient Philippines, temporarily titled Ang Sinaunang Pilipinas (Ancient Philippines). Written in the Filipino language, half of it is already done and has been published in the weekly Liwayway magazine from August 2012 to February 2013.

Right now, I am looking for a sponsor who would finance the remaining research for the book. I am in dire need of money for the research.

Anyone interested may send me a message.

Below are some of the published parts of the book:



















Martes, Disyembre 11, 2012

Pambansang Aklatan: Hindi Marunong Mag-ingat sa mga Kasulatang Pambayan


Ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas, na nása Liwasang Rizal, Daang T. M. Kalaw, Ermita, Maynila, ay hindi lámang isang aklatan kundi isa rin itong imbakan ng mga kasulatan o dokumento na lubhang mahahalaga dahil may kinalaman sa kasaysayan ng ating bansa. Kabílang na sa mga dokumentong iyon ang mga sumusunod:

 

1. Ang mga manuskrito ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo na sinulat-kamay mismo ni Jose Rizal.

 

2. Daan-daang liham sa pagitan ni Rizal at ng kanyang mga magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan, kakilala, tagahanga, at kaaway.

 

3. Acta de la proclamación de independencia del pueblo Filipino (Akta ng Pagpapahayag ng Kasarinlan ng mga Mamamayang Pilipino), na binása noong Linggo, ika-12 ng Hunyo, 1898, sa Kawit, Cavite, bílang bahagi ng mga seremonya ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas mula sa Espanya.

 

4. Mga talâ ng paglilitis kay Andres Bonifacio.

 

5. At libo-libong mga talâ ng Himagsikan ng Pilipinas.

 

Dahil ang Pambansang Aklatan ang tapapag-ingat ng mga dokumentong iyon, isang napakahalagang ahensiya ito ng pamahalaan. At bílang isang mahalagang ahensiya, dapat ay dalubhasa ang mga tauhan nito tungkol sa pag-iingat ng mga ganoong dokumento.

 

Pero, alam ba ninyo kung ano-ano ang pinaggagagawa ng mga tauhan ng Pambansang Aklatan sa mga naturang dokumento? Masdan ang ilan:

 

1. Nilagyan ng masking tape ang napipilas nang sub-title page ng manuskrito ng El Filibusterismo.

 

Kahit sinong bihasa sa pag-iingat ng mahahalagang dokumento ay hindi papayag na malagyan ng anumang tape ang mga ganyang dokumento, dahil makasisira ang ganoong tape. Dapat ay hinayaan na lámang ang napipilas na pahina na manatili sa kinalalagyan nito, sa pagitan na pahinang nauuna at sumusunod dito. Pero dahil walang alam tungkol sa pag-iingat ng mga dokumento ang mga taga-Pambansang Aklatan, hayun, walang pakundangan na nilagyan ng masking tape ang naturang pahina!

 

2. Tinatatakan ng kung ano-anong selyo ang bawat pahina ng mga dokumento, gaya ng “Property of the National Library.”

 

Hindi ba puwedeng ikatalog na lámang ang bawat dokumento at hindi na tatakan pa ng kung ano-ano?

 

3. Nawawala o ninanakaw ang ilang mga dokumento mula sa mga vault o taguan ng Aklatan. Isang klasikong halimbawa nito ang mga talâ ng paglilitis ni Bonifacio. Nawala ang mga iyon noong mga huling bahagi ng dekada 1990, subalit dahil sa kung anong himala ay nabawi rin.

 

Sino kayâ ang nagnakaw? At bakit nang mabawi na ay hindi man lámang nadakip ang nagnakaw?

 

4. Matapos mabawi ang isang ninakaw na dokumento, tinatatakan ng panibagong mga selyo ang bawat pahina ng mga iyon, gaya nito: “Retrieved by the National Library, Date: _____________; Doc. No.: _____________; Certified by: _____________.”

 

Nabababoy na nang todo ang dokumento. Tinatatakan ng kung ano-ano at pinipirmahan ng kung sino-sino. At ang ipinampipirma pa ay simpleng bolpen na kulay itim o asul (mapusyaw na blue)! Susmaryosep!

 

Sana naman, magising na ang mga taga-Pambansang Aklatan. Ang mga hinahawakan nilang dokumento ay mga yaman ng sambayanan. Huwag na sana nilang tatakan, sulatan, at pirmahan ng kung-ano-ano ang mga iyon. Gumawa na lámang sana sila ng isang sistema kung saan mabibigyan ng mga kaukulang dokumentasyon ang mga kasulatang nása pag-iingat nila.

 

Itigil na sana nila ang pambababoy sa mga kasulatang pambayan. Pakiusap po.

 

At sana rin, i-displey o itanghal na nila sa publiko ang kahit man lámang ilan sa mga kasulatang iyon, partikular na ang mga manuskrito ng Noli at Fili at ang Acta. Sa ngayon kasi, ang mga manuskrito ng Noli at Fili at ang Acta ay nakatago lámang sa isang vault na nása sa tanggapan ng Direktor ng Pambansang Aklatan. At dadalawang tao lámang ang nakaaalam sa kombinasyon ng vault: ang Direktor at ang punò ng Sangay Filipiniana ng Aklatan. Silang dalawa lámang ang may akses sa mga manuskrito ng Noli at Fili at sa Acta. Samantalang ang milyong-milyong Pilipino ay hindi makatunghay sa mga ito. Ipinagkakait nila sa madla ang maririkit ang mahahalagang kasulatang pambayan na ito!

 

Sana, gumawa sila ng isang patanghalan sa unang palapag ng Pambansang Aklatan kung saan maipamamalas sa publiko ang mga manuskrito ng Noli at Fili at ang Acta. At ang patanghalan ay hindi dapat basta-basta lámang, kundi dapat gawing ligtas mula sa ulan, baha, sunog, lindol, at pagnanakaw. Halimbawa, ilagay ang mga iyon sa mga kahon na de-salamin, hindi tinatablan ng bala, hindi mapapasok ng tubig, at hindi agad matatanggal ng kung sino. Lagyan din ang mga paligid ng mga iyon ng mga CCTV, alarma, at awtomatik na rehas, upang kung may nais dumukwang sa mga iyon ay agad matitiklo.

 

Maaari ring maningil ang Aklatan mula sa mga tao na nais makakita sa tatlong kasulatang iyon. Kahit pasampu-sampung piso lámang bawat tao, ay di may kikitain pa ang ahensiyang ito.

Miyerkules, Nobyembre 28, 2012

Sino ang mga Orihinal na Pilipino?

Sanaysay Ni Jon E. Royeca
Nalathala sa Liwayway (Dis. 3, 2012)
For an English version of this essay, please click here.


MATAGAL nang nakatubog ang akademya ng Pilipinas sa teorya o haka na ang mga unang tao raw na tinawag na Pilipino ay hindi ang mga sinaunang katutubo ng Pilipinas kundi ang mga Espanyol na isinilang sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa (1565-1898). Kayâ, ang mga Espanyol na iyon daw ang mga orihinal na Pilipino, at hindi ang mga sinaunang katutubo. Ang mga katutubo naman daw ay sinimulang ituring ang kanilang mga sarili bílang mga Pilipino noon lámang 1898, nang naghihimagsik na sila laban sa Espanya.

Taliwas sa mga talâ ng kasaysayan ang teoryang ito.

 

Ang mga Katutubo

Ang mga sinaunang katutubo ng Pilipinas ay hindi nagmula sa iisang bansa. May kanya-kanya silang lahi at wika, at ang bawat lahi ay tinatawag ang kanilang sarili batay sa kung ano ang kanilang wika. Ang pagkakakilala at tawag ng mga sinauna sa kani-kanilang mga sarili ay gaya ng mga ito:

“Iluko ako.”

“Ibanag ako.”

“Ipugaw ako.”

“Kapampangan ako.”

“Panggalatok ako.”

“Tagalog ako.”

“Bikol ako.”

“Waray ako.”

“Sugbuanon ako.”

“Hiligaynon ako.”

“Bukidnon ako.”

“Maranaw ako.”

“Magindanawon ako.”

“Tausog ako.”

 

Felipinas

Noong 1543, nakarating sa mga pulo ng Samar ang ekspedisyong Espanyol na nása pamumunò ni Ruy Lopez de Villalobos. Pinangalanan nila ang mga pulong iyon ng Felipinas bílang parangal kay Prinsipe Felipe, ang tagapagmana ng trono ng kaharian ng Espanya. Sa kalaunan, iyon na rin ang naging pangalan ng kapuluang tinatawag na ngayong Pilipinas. Naluklok si Felipe sa trono ng Espanya bílang si Haring Felipe II noong 1556. Pagkaraan ng tatlong taon, nagpalabas ito ng utos na ganap nang sakupin ng Espanya ang Felipinas.

 

Las Islas Filipinas

Ang Felipinas ay isinusulat din nang Phelipinas o Philipinas, ngunit Filipinas ang naging opisyal nang baybay sa kalaunan. Dahil ang Filipinas ay pangalan nga ng isang kapuluan (isang pook na binubuo ng maraming pulo), kailangang dagdagan iyon ng las (ang mga) at islas (mga pulo). Kayâ, ang Filipinas ay naging las Islas Filipinas (Kapuluang Pilipinas).

Ang mga awtoridad na Espanyol sa las Islas Filipinas ay palagiang nagpapadala ng mga ulat sa hari ng Espanya tungkol sa kapuluan, at ang mga misyonerong Espanyol ay palagian ding naglalathala ng mga aklat tungkol naman sa mga pangangaral nila sa kapuluan din. Ang pangalan ng kapuluan na inilalagay nila sa pamagat ng kanilang mga ulat at aklat ay las Islas Filipinas, gaya ng mga sumusunod:

Relación de las Islas Filipinas (Cebu, [Walang petsa]) ni Miguel Lopez de Legazpi.

Relación de las Islas Filipinas (Maynila, 1576) ni Francisco Sande.

Relación de las Islas Filipinas (Roma, 1604) ni Pedro Chirino.

Sucesos de las Islas Filipinas (Mexico, 1609) ni Antonio de Morga.

May mga pagkakataon na dahil marahil sa mahaba ang las Islas Filipinas, isinusulat o binibigkas ito nang las Filipinas o Filipinas na lámang.

 

Indio

Dahil ang kapuluan ay tinatawag nang las Islas Filipinas, las Filipinas, o Filipinas, ang mga katutubo nito ay dapat na ring tawaging Filipino, anuman ang lahi at wika nila.

Subalit hindi tinawag ng mga Espanyol ang mga katutubo na Filipino. Tinawag nila ang mga ito na Indio, na ang payak na kahulugan ay “táong taga-Silangan.” Ang mga katutubo nga naman ay nása silangang bahagi ng daigdig. Samantalang ang mga Espanyol ay mga taga-Europa o taga-Kanluran. Nakasulat sa mga nabanggit na ulat at aklat ng mga Espanyol ang taguring Indio.

Sa paglipas ng panahon, binigyan na ng mga Espanyol ang Indio ng masasamang kahulugan: mga táong walang saysay, tamad, pangit, unggoy, walang pinag-aralan, marurumi, at iba pang panlalait.

 

Ang mga Orihinal na Filipino

Si Pedro Chirino ay isang Heswitang Espanyol na inutusan ng kanyang Orden na magtungo sa Filipinas upang tumulong sa pagpapalaganap ng relihiyong Katoliko. Dumating siya sa bansa noong 1590.

Naging palaisipan para kay Chirino kung bakit Indio ang tawag nilang mga Espanyol sa mga katutubo. Dapat tawaging Filipino ang mga ito, dahil ang pangalan ng kapuluan ay las Islas Filipinas nga. At hindi rin lámang naman ang mga tao sa kapuluang ito ang mga Indio o taga-Silangan. Ang mga Indian, Tsino, Hapones, Indones, Malayo, Siames, Biyetnames, at iba pa ay mga Indio rin. Dapat ay may sariling pamansag ang mga Indio sa kapuluang ito.

Nang magsulat na si Chirino ng aklat tungkol sa pangangaral niya sa kapuluan, tinawag din niyang Indio ang mga katutubo sa kapuluang ito, dahil ganoon nga ang tawag nilang mga Espanyol sa mga ito. Subalit, may labindalawang pagkakataon sa kanyang aklat na tinawag niyang Filipino ang mga katutubo. Ang mga iyon ay ang mga sumusunod:

“Ginagamit ng mga Filipino ang mga [dahon ng balete] para sa kanilang pagluluto.”

“Ang mga [Ati] ay higit na barbaro at hindi pa napaaamo kaysa mga Bisaya at karamihan sa mga Filipino.”

“Tungkol sa pagpipitagan, paraan ng paggalang, at mabubuting asal ng mga Filipino. Kabanata XVI.”

“Sa kanilang mga kilos, ang mga Filipino ay hindi kasingkiyas ng mga Tsino at Hapones; subalit mayroon silang sariling mga akda ng pagkamagalang at mabubuting asal, lalo na ang mga Tagalo na kaygagalang sa salita at kilos.”

“Ang mga Titik [Alpabeto] ng mga Filipino. Kabanata XVII.”

“Tungkol sa mga huwad na paganong relihiyon, idolatriya, at pamahiin ng mga Filipino. Kabanata XXI.”

“Tungkol sa pag-aasawa, bigaykáya, at diborsiyo ng mga Filipino. Kabanata XXX.”

“Ang una at huling paraan ng paglutas ng mga Filipino sa mga suliranin ng pagkakasakit ay, gaya ng atin nang nabanggit, ang paghahandog ng mga alay sa kanilang mga anito o divata, na siyang mga panginoon nila.”

“Tungkol sa mga kasiyahan at paglalasing ng mga Filipino. Kabanata XXXIV.”

“Tungkol sa pagpapautang at pang-aalipin ng mga Filipino. Kabanata XXXXVI.”

“Hindi kailanman nagkaroon ang mga Filipino … .”

“Ang mga paraan ng pagbibigay ng pangalan ng mga Filipino. Kabanata LXXX.”

Para kay Chirino, ang mga Tagalog, Bisaya, Ati, at lahat ng iba pang katutubo sa kapuluan ay dapat ding tawaging Filipino, hindi lámang Indio.

Ang aklat na iyon ni Chirino, na pinamagatang Relación de las Islas Filipinas (Tungkol sa Kapuluang Pilipinas), ay natapos niya noong 1602 at nalathala sa Roma, Italya, noong 1604. Naitalâ sa aklat na iyon na ang isang pangkat ng mga tao ay tinawag na Filipino sa unang pagkakataon, at ang mga táong iyon ay mga katutubo ng Filipinas. Kayâ, malinaw na ang mga orihinal na Filipino—o ang mga táong unang tinawag na Filipino—ay walang iba kundi ang mga katutubo ng Filipinas.

Ang iba pang Espanyol na tumawag sa mga katutubo hindi lámang ng Indio kundi ng Filipino rin ay si Francisco Colin, isa pang Heswita, sa kanyang aklat na Labor Evangelica (Banal na Gawain) na nalathala sa Madrid, Espanya, noong 1663; at ang Pransiskanong si Juan Francisco de San Antonio, sa kanyang Descripción de las islas Philipinas (Paglalarawan sa Kapuluang Pilipinas) na inakda sa Maynila noong 1738.

Subalit dahil talagang mapanlait ang mga Espanyol, higit nilang pinili na tawaging Indio ang mga Filipino sa loob ng 333 taóng pananakop nila. Hindi naman matawag ng mga katutubo ang kanilang mga sarili na Indio, dahil nga sa masasangsang na kahulugan nito. Tinawag na lámang nila ang mga sarili batay pa rin sa kung ano ang kani-kanilang lahi at wika.

 

Españoles Filipinos

Bukod sa Filipinas, sinakop din ng mga Espanyol ang maraming bansa sa gitna at timog Amerika at ilang teritoryo sa Aprika. Maraming Espanyol ang isinisilang sa mga kolonyang iyon. Upang magkaroon ng wastong pagkakakilanlan ang mga Espanyol, gumamit sila ng kanya-kanyang mga pamansag batay sa mga sinilangan nilang pook. Ang ilan sa mga pamansag na iyon ay ang mga sumusunod:

Peninsulares o mga taga-peninsula—ang mga Espanyol na isinilang sa Espanya. Ang Espanya ay isang peninsula o lupain na nakausli papuntang dagat.

Insulares o mga taga-kapuluan—ang mga Espanyol na isinilang sa Filipinas. Ang Filipinas ay isang insular o kapuluan.

Españoles Filipinos o mga Espanyol na isinilang sa Filipinas—ang isa pang tawag sa mga insulares.

Españoles Americanos—ang mga Espanyol na isinilang sa gitna o timog Amerika.

 

“Mga Filipino Kami!”

Simula naman noong dekada 1880, marami nang mayayamang katutubong pamilya ang nagpapadala ng kanilang mga anak sa Espanya upang doon magkolehiyo. Iba’t iba ang lahi ng mga katutubong mag-aaral na iyon. May Iluko, Tagalog, Bisaya, at iba pa. Upang magkaroon sila ng sarili at iisang pagkakakilanlan habang nása ibang bayan, tinawag nila ang kanilang mga sarili na Filipino, na ang kahulugan ay “taga-Filipinas.” Iyon ang payak at tangi nilang layunin kung bakit nila tinawag ang mga sarili nang gayon. Ayon nga kay Jose Rizal sa isang liham na may petsang ika-13 ng Abril 1887, sila ay:

“… mga binata sa Filipinas, isinilang ng mga magulang na Kastila, mga mestisong Intsik at Malayo; datapuwa’t ang itinatawag namin sa isa’t isa ay Filipino.”

Ang mga mag-aaral na iyon ang mga katutubo na nagpasimuno sa pagtawag at pagturing sa kanilang mga sarili bílang mga Filipino.

 

Filipinas at Filipino

Ang karamihan sa mga katutubong alpabeto sa Filipinas ay may limang patinig at 15 katinig. Walang titik F ang mga ito.

Sa panahon ng pananakop ng Espanya, naging Romano ang palatitikan o ortograpiya ng mga katutubong alpabeto. Kayâ, bagama’t walang titik F ang mga alpabetong iyon, tinawag na ng mga katutubo ang kanilang kapuluan na Filipinas mula nang mag-umpisa ang pananakop ng mga Espanyol noong 1565, at ang kanilang mga sarili na Filipino mula noong dekada 1880.

Noong 1896, naghimagsik sila laban sa mga Espanyol. Nang sumunod na taon, nagtatag sila ng isang pamahalaan na tinawag nilang Republica de Filipinas. Noong ika-23 ng Hunyo 1898, pinalitan nila iyon ng Gobierno Revolucionario nang Filipinas. Tumagal ito hanggang noong ika-23 ng Enero 1899, nang pasinayaan nila ang Republica nang Filipinas. Tinawag na rin nila ang kanilang mga sarili na Filipino.

Subalit ipinagbili ng mga Espanyol ang kapuluan sa mga Amerikano noong Disyembre 1898. At hindi kinilala ng mga Amerikano ang republikang itinatag ng mga Filipino. Nauwi ito sa digmaan sa pagitan ng mga Filipino at Amerikano noong 1899-1901. Dahil nanaig ang mga Amerikano, binuwag ng mga ito ang republikang itinatag ng mga Filipino, at ang  pangalang las Islas Filipinas ay ginawa nilang The Philippine Islands.

 

Pilipinas at Pilipino

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang Filipino ay ginawa nang Pilipino ng mga katutubo, dahil wala ngang titik F ang mga katutubong alpabeto. Ang The Philippine Islands, na dating las Islas Filipinas, las Filipinas, o Filipinas, ay ginawa naman nilang Kapuluang Pilipinas o Pilipinas.

Kayâ, kung ang mga katutubo ay tinawag na Filipino ng ilang Espanyol sa panahon ng pananakop ng mga ito, at tinawag na ang kanilang mga sarili na Filipino mula 1880 hanggang 1901, tinawag naman na nila ang kanilang mga sarili na Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Tinawag naman sila ng mga Amerikano na Filipino, ang katumbas ng Pilipino sa Ingles.

 

Pagbabalik sa Filipinas at Filipino

Noong ika-4 ng Hulyo 1946, lumaya na ang Pilipinas mula sa mga Amerikano. Dahil diyan, ang Kapuluang Pilipinas ay opisyal nang naging Republika ng Pilipinas. Ang ikli nito ay Pilipinas. At ang mga mamamayan nito ay tinatawag pa rin ang kanilang mga sarili na Pilipino.

Noong 1959, ipinag-utos ng pamahalaan na ang Tagalog, na siyang wikang pambansa, ay tatawagin nang Pilipino simula sa taóng iyon. Sa ilalim naman ng bagong Saligang-Batas ng bansa na nagkabisa noong 1987, ang wikang Pilipino ay tinawag nang Filipino.

Sa ngayon, marami ang nagsusulong na ang pangalan ng bansa na Pilipinas ay gawin nang Filipinas, at ang mga mamamayan nito, ang mga Pilipino, ay tawagin nang Filipino. Isa itong hakbang na pagbabalik sa mga orihinal na opisyal na baybay ng pangalan ng bansa at ng mga katutubong mamamayan nito.

 

TALASANGGUNIAN

Cartas Entre Rizal y Otras Personas, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Comisión Nacional del Centenario de José Rizal, 1961.

Chirino, Pedro, Relación de las Islas Filipinas, Roma, 1604. Ang salin sa Ingles, “Relation of the Philippine Islands,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 12 at Tomo 13, Cleveland: The Arthur H. Clark Company, 1903. Emma Helen Blair at James Alexander Robertson, mga patnugot.

Colin, Francisco, Labor Evangelica, Madrid, 1663. Ang salin sa Ingles, “Evangelical Labor,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.

“Expedition of Ruy Lopez de Villalobos—1541-43,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 2, 1903.

Mga Akdang Pampulitika at Pangkasaysayan ni Jose Rizal, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang Komisyon ng Ikasandaang Taon ni Jose Rizal, 1961.

Pagsusulatan nina Rizal at Blumentritt, Panandaang Taóng Palimbag, Maynila: Pambansang Komisyon ng mga Bayani, 1963.

San Antonio, Juan Francisco de, Descripción de las Islas Philipinas, Maynila, 1738. Ang salin sa Ingles, “The Native People and Their Customs,” The Philippine Islands 1493-1898, Tomo 40, 1906.

The Laws of the First Philippine Republic 1898-1899, Maynila: National Historical Institute, 1994. Sulpicio Guevarra, patnugot. ●