Sabado, Disyembre 20, 2014

Walang Dagdag-Bawas sa Kumbensiyon sa Tejeros noong 1897


NAGANAP ang kauna-unahang halalan para sa pambansang pamunuan ng mga Pilipino sa isang púlong noong ika-22 ng Marso 1897 sa Brgy. Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite. Ang púlong na iyon ay dinaluhan ng mga pinuno ng mga Katipunerong taga-Maynila at taga-Cavite. Kilala na ito ngayon sa kasaysayan bilang ang Kumbensiyon sa Tejeros. Sa púlong na iyon, nahalal ang mga sumusunod:

 

Emilio Aguinaldo, Pangulo

 

Mariano Trias, Pangalawang Pangulo

 

Artemio Ricarte, Komandante Heneral ng Hukbo

 

Emiliano Riego de Dios, Direktor ng Digmaan

 

Andres Bonifacio, Direktor ng Interyor

 

Sa pagkapangulo, pinakamahigpit na magkalaban si Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan, at si Aguinaldo, ang heneral na kinikilala nang lider ng nakararami sa mga Caviteño dahil sa mga tagumpay nito sa pakikipagdigma laban sa mga puwersang Espanyol mula nang mag-umpisa ang himagsikan noong Agosto 1896. Ang kinauwian ng botohan ay si Aguinaldo ang nahalal na kauna-unahang pangulo ng bansa. Samantalang napunta kay Bonifacio ang isang di-kasinghalagang posisyon.

 

Ang naturang púlong ay pinangasiwaan mismo ni Bonifacio. Wala roon si Aguinaldo, dahil ito ay nása Brgy. Pasong Santol, Imus, at naghahanda laban sa paglusob ng mga hukbong Espanyol. Si Bonifacio at ang iba pang Manileñong Katipunero ay sinusuportahan ng Magdiwang, ang sanggunian ng mga Katipunero sa Noveleta, Cavite. Nása likuran naman ni Aguinaldo ang Magdaló, ang sanggunian ng mga Katipunero sa Kawit, Cavite.

 

Nadungisan ang halalang ito, dahil sa iba’t ibang paratang na lumitaw doon mismo sa halalang iyon. May dalawang paratang na hindi naman naganap sa kumbensiyong iyon, subalit sa kalaunan ay lumabas na na naganap nga iyon doon. Ang dalawang iyon ay ang mga sumusunod:

 

Una. Bago raw naganap ang botohan, namudmod ang Magdalong si Daniel Tirona at ang mga kasama nito ng mga papel na gagawing balota sa botohan. May nakasulat na raw na pangalan sa mga papel na iyon—ang pangalan ni Aguinaldo. Kayâ, nang tapos na ang bilangan ng mga boto, natural lámang na si Aguinaldo ang mananalo. Dinaya raw si Bonifacio.

 

Ikalawa. Si Bonifacio raw ang nakakuha ng pangalawang pinakamaraming boto sa pagkapangulo, sunod kay Aguinaldo; kayâ, nagpanukala si Severino de las Alas, isang Madiwang, na si Bonifacio na ang ideklarang pangalawang pangulo. Subalit dahil walang umayon o sumalungat sa mosyon ni de las Alas, ipinasya ni Bonifacio na ituloy na ang halalan para sa pagkapangalawang pangulo, kung saan muling natalo si Bonifacio.

 

Ang dalawang paratang na ito ay mga salaysay ni Heneral Artemio Ricarte, na ginawa niya ilang taon matapos mangyari ang Kumbensiyon sa Tejeros. Ang mga salaysay na ito ay nagbunsod sa ilan na magsabing noong araw pa raw, uso na ang dagdag-bawas sa ating mga halalan.

 

 

Ang mga Tunay na Nangyari, ayon kay Bonifacio

 

Ganoon ba talaga ang mga naganap sa Tejeros? May mga namudmod ng mga balota bago ang halalan, nakasulat na ang pangalan ni Aguinaldo sa mga balotang iyon, nagbotohan, nagbilangán ng mga boto, at may idineklarang panalo?

 

Tunghayan natin ang mga sumusunod na bahagi ng liham ni Bonifacio kay Emilio Jacinto na may petsang ika-24 ng Abril 1897 (sa orihinal na pagkakasulat):

 

“Sapagka’t ang karamihan sa Pulong na itó ay minagaling na itayô ang isang Pamahalaan (Gobierno), bagama’t ipinauunawâ ko na ito’y hindi mangyayari sapagka’t wala doon ang pinakakatawan ng taga ibang hukuman at bukod pa sa ito’y ipinagsabi ko na mayroon nǧ pinagkayarian sa Pulong na ginawa sa bayan nǧ Imus; ang lahat ng ito’y niwawalan kabuluhan nǧ karamihan at di umano’y sa kagipitan tinatawid nǧmga bayang ito’y ay wala nǧpanahon ay makapag aantabay pa na dumating ang taga ibang bayan at yaong Pulong na guinawa sa Imus ay wala rin kabuluhan sapagka’t di ko nagawa ng Acta. Gayon ma’y akin ipinagsabi sa lahat na kaharap sa Pulong na yaon na kung kalooban nǧ mǧa taung bayan ang siyang masusunod na makapangyayari sa paghahalal ng mga Pinuno ako’y sumasanǧayon.

 

“Nǧ gawin ang paghahalal ay lumabás na Presidente de la República ay si M. Emilio Aguinaldo, Vice Presidente ay si M. Mariano Trias, General en Jefe si M. Artemio Ricarte, Director de guerra M. Emiliano R. de Dios. Ito’y isinigaw na lamang sapagka’t gabi na.

 

“Gayondin naman isinigaw akong pinagkaisahan Director del Interior na ipinag viva pa gaya nǧ ibang nahalal; datapuwa’t nǧ ito’y matapos na at sinimulan ang paghahalal nǧDirector de Hacienda si M. Daniel Tirona ay nagsabing may sumisigaw na ihalal sa katungkulan Director del Interior si M. José del Rosario; tuloy ipinagsabi na ang katungkulan Director del Interior ay totoong mabigat at kinakailangan ang isang marunong ang tungkulan nito, ito’y sinabi kapagkatapos na ipagturing na hindi sa paghamak niya sa akin.

 

“Ang kasagutan ko sa kanya ay sa lahat nǧ katungkulan yaon ay kinakailangan ang taong marunong, datapuwa’t sino ang wika ko sa nangagsilabas ang kanyang maituturong marunong? Gayon ma’y sumigaw rin ng ganito: Isigaw ninyo anya Director del Interior Jose del Rosario, Abogado! Wala rin sumusunod sa kanya hangan sa makaapat na ulitin kundi mangilan ngilan at sigaw rin ay ako.

 

“Sa kaguluhang itó ang Presidente nǧ Magdiwang ay ipinahayag na yao’y hindi kapulungan nǧ mǧa taong mahal, kaya’t sinabi niya na walang kabuluhan ang doo’y mǧa pinagusapan.

 

“Bukod dito’y bago sinimulan ang paghahalal ay natuklasan ko ang mǧa panguupat nǧ ilan taga Imus na di umano’y di nararapat na sila’y pamunuan ng taga ibang bayan. Kaya’t ipinaghahalal na maging Presidente ay si Capitan Emilio. Kapagkarakang ito’y nabatid ko ay akin sinabi rin na ang kapulungang iyon ay totoong marumi sapagka’t gayon ang ipinamamarali ako’y inahihibo sa tawo at itinanong ko na kung ibig nilang isa-isahin kong ituro nǧdaliri ang gumagawa nǧgayon ay aking ituturo, ang karamiha’y sumagot ng huwag na.

 

“Sinabi ko rin naman na kapag hindi nasunod ang talagang kálooban nang bayan ay hindi ako makakikilala sa kanino pa mang Pinuno lumabas at kapag di ako kumilala ay di rin naman kikilalanin nǧ mǧa tagarian sa atin. Ang lumabas na general na si M. Artemio Ricarte ay isinigaw rin sa kapulungang yaon na ang kanyang pagkahalal ay sa masamang paraan.”

 

 

Ang Pagkakasunod ng mga Pangyayari

 

Ang mga sinabing ito ni Bonifacio ay isang pangunahing talâ at saksi tungkol sa mga naganap sa halalang iyon. Makabubuti kung hihimayin ang mga pagkakasunod ng mga pangyayari, ayon sa liham mismo ni Bonifacio:

 

1. Itinutulak ng karamihan o mayorya sa púlong na iyon ang pagtatatag ng isang bagong pamahalaan na papalit sa Katipunan.

 

2. Tutol si Bonifacio sa bagay na iyon, subalit dinaig siya ng mayorya.

 

3. Naitatag ang isang bagong pamahalaan—isang republika.

 

4. Naghalalan para sa mga pinuno ng bagong pamahalaang iyon.

 

5. Ang paraan ng paghahalal ay idinaan na lámang sa pamamagitan ng pagsigaw ng pangalan ng kandidato, dahil sumapit na ang gabi.

 

6. Nahalal sina Aguinaldo, Trias, Ricarte, Riego de Dios, at Bonifacio sa kani-kanilang posisyon.

 

7. Tinutulan ni Tirona ang pagkakahalal kay Bonifacio.

 

8. Nagkasagutan sina Bonifacio at Tirona.

 

9. Isinigaw ni Tirona ang pangalan ni Jose del Rosario bílang Direktor ng Interyor nang apat na ulit.

 

10. Nanaig ang pasya ng nakararami na si Bonifacio ang ihalal; iilan lámang ang sumigaw para kay del Rosario.

 

11. Dahil sa kaguluhang iyon, pinawalang-bisa ni Mariano Alvarez, ang pangulo ng Magdiwang, ang mga napagkayarian sa pulong na iyon.

 

12. Ipinaalam ni Bonifacio sa mga naroroon na marumi ang pulong na iyon, dahil may mga táong nangangampanya laban sa kanya bago naganap ang botohan. Tinanong niya ang mga delegado kung gustong nilang ituro niya kung sino-sino ang mga táong iyon, subalit sinabi ng mga ito na huwag na.

 

13. Ipinaalam pa ni Bonifacio na kung hindi masusunod ang tunay na pasya ng bayan, hindi niya kikilalanin ang mga nahalal sa pulong na iyon.

 

14. Idinagdag naman ni Ricarte na ang pagkakahalal sa kanya ay sa marumi ring paraan.

 

Batay sa mga talâng ito, malinaw kung paano isinagawa ang halalan: pasigaw. Katulad ito ng pasigaw na pagboto ng “oo” o “hindi” na ginagawa sa mga batasan sa iba’t ibang bansa. Mga halimbawa:

 

“Ang mga panig sa mosyon ay sumigaw ng OO!”

 

“Ang mga hindi panig sa mosyon ay sumigaw ng HINDI!”

 

Ganyan din ang nangyari sa halalan sa Tejeros. Pasigaw ang pagboto, at walang anumang balota na sinulatan, binása, at binilang. Ang pinakamalakas na pangalang isinisigaw ay ang siyang naihahalal. Ganito ang paghahalal ng pangulo:

 

“Isigaw na Presidente si Emilio Aguinaldo!” panukala ng isang delegado.

 

“Emilio Aguinaldo!” sagot ng mayorya. “Viva!”

 

Ganyan din ang paraan ng paghahalal ng pangalawang pangulo, komandante heneral ng Hukbo, direktor ng digmaan, at direktor ng interyor. Sa pagtutol ni Tirona sa pagkakahalal ni Bonifacio, ganito ang naganap na tagpo:

 

“Ihalal na Director del Interior si Jose del Rosario,” sabi ni Tirona. “Totoong mabigat na tungkulin ito, at dapat ay isang marunong ang humawak nito. Ito’y hindi dahil sa paghamak ko sa inyo, Señor Bonifacio.”

 

“Sa mga lumabas na nahalal,” sangga ni Bonifacio, “sino sa kanila ang maituturo mong marunong?”

 

“Isigaw na Director del Interior si Jose del Rosario! Abogado!” banat ni Tirona.

 

“Jose del Rosario!” katig ng mangilan-ngilang delegado.

 

“Andres Bonifacio!” giit ng mayorya. “Viva!”

 

Malinaw ang ganoong sistema ng halalan sa Kumbensiyon sa Tejeros. Kayâ, ang paratang ni Ricarte na nagkadayaan daw o nagkadagdag-bawas daw sa pagbilang ng mga boto sa halalang iyon ay isang malaking kasinungalingan, dahil wala nga ni isa mang balota na ginamit at binilang doon.

 

 

Talasanggunian

 

Bonifacio, Andres, Liham kay Emilio Jacinto na may petsang ika-24 ng Abril 1897.

 

Ricarte, Artemio, Memoirs of General Artemio Ricarte, Maynila: Pambansang Komisyong Pangkasaysayan, 1965.

Martes, Disyembre 16, 2014

Kung Bakit Hindi si Bonifacio ang Unang Pangulo ng Pilipinas


MAY mga nagpapanukala na iproklama si Andres Bonifacio bílang ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas. Sa kasalukuyan kasi, si Emilio Aguinaldo ang kinikilála na may hawak ng naturang titulo. Para sa mga nagsusulong ng bagay na ito, panahon na upang ituwid ang isang malaking pagkakamali raw sa ating kasaysayan: Hindi si Aguinaldo ang unang pangulo ng bansa, kundi si Bonifacio.

 

Si Bonifacio ang isa sa mga nagtatag ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan Nang Manǧá Anak Nang Bayan (KKKNMANB) o Katipunan. Ang layunin ng samahang ito ay ang gapiin ang mga mananakop na Espanyol sa pamamagitan ng isang madugong himagsikan.

 

Ang Katipunan ay isang pambansang samahan; hindi ito isang pamahalaan mismo. Mayroon itong pamahalaan sa mga purok, bayan, at lungsod, at isang kataastaasang pamahalaan, ang Kataastaasang Kapulungan. Ang kataastaasang pamahalaan ang siyang pambansang pamahalaan ng Katipunan. Ito ang naghahalal sa Supremo o Pangulo, ang pinakamataas na pinunò ng Katipunan.

 

Ayon sa Mga Pinagtatalunang Akta ng Katipunan, ang Katipunan ay itinatag sa Trozo, Maynila, noong ika-19 ng Hulyo 1892, at sa hatinggabi nang araw ding iyon ay itinatag ang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan at inihalal si Bonifacio bílang ang unang Supremo o Pangulo ng Katipunan. Pinanghawakan ni Bonifacio ang posisyong iyon hanggang sa sumabog ang himagsikan noong Agosto 1896.

 

Ayon naman kina Ladislaw Diwa, Aguedo del Rosario, Dr. Pio Valenzuela, at iba pang personal na nakasáma ni Bonifacio, ang Katipunan ay itinatag sa Tondo, Maynila, noong ika-7 ng Hulyo 1892, at ang unang Supremo nito ay si Deodato Arellano, na nahalal sa posisyong iyon noong Oktubre 1892. Sumunod na Supremo si Roman Basa, na nahalal noong Setyembre 1893. Itinanghal si Bonifacio bílang ang ikatlo at huling Supremo sa mga halalan ng Kataastaasang Kapulungan noong Abril 1895 at Agosto 1896.

 

Si Aguinaldo naman ay nahalal na pangulo ng bansa nang ang mga pinunò ng Katipunan mula sa Maynila at Cavite ay nagsagawa ng isang púlong sa Brgy. Tejeros, San Francisco de Malabon, Cavite, noong ika-22 ng Marso 1897. Ang layunin ng púlong na iyon ay ang magtatag ng isang bágong pambansang pamahalaan o republika na papalit sa Katipunan. Naitatag ang isang republika, at ang nahalal ngang pangulo niyon ay si Aguinaldo.

 

Muling naluklok si Aguinaldo bílang pangulo ng bansa noong unang araw ng Nobyembre 1897 nang itatag sa Biak-na-Bato, San Miguel, Bulacan, ang bágong Republika ng Pilipinas; noong ika-23 ng Hunyo 1898, nang itatag sa Kawit, Cavite, ang Pamahalaang Rebolusyunaryo ng Pilipinas; at noong ika-23 ng Enero 1899 nang itatag sa Malolos, Bulacan, ang panibagong Republika ng Pilipinas.

 

Ang mga batayan ng mga nagsusulong na gawing unang pangulo si Bonifacio ay ang mga sumusunod:

 

1. Bago sumiklab ang himagsikan laban sa Espanya noong ika-30 ng Agosto 1896, nagtatag sina Bonifacio ng isang pambansang pamahalaan o republika.

 

2. Si Bonifacio ang nahalal na pangulo ng naturang republika.

 

3. Ang pangalan ng naturang republika ay Republika ng Katagalugan.

 

4. Si Aguinaldo ay isa sa mga heneral ni Bonifacio.

 

Ang mga batayang ito ay hinango sa isang ulat na nalathala sa pahayagang La Ilustracion Española y Americana sa labas nito noong ika-8 ng Pebrero 1897.

 

Ayon sa ulat, bago sumiklab ang himagsikan, ang mga manghihimagsik ay nagtatag ng isang pamahalaan, na ang pangulo ay si Andres Bonifacio. Sinabi rin sa ulat na ang generalissimo o pinakapunòng heneral ni Bonifacio ay si Aguinaldo.

 

Sa ika-88 pahina ng naturang pahayagan, may larawan si Bonifacio na ang nakalagay na kapsiyon ay: ANDRES BONIFACIO, Titulado Presidente de la Republica Tagala (Kinikilálang Pangulo ng Republikang Tagalog).

 

Sa labas din ng La Ilustracion Española y Americana noong ika-30 ng Marso 1897, sa ika-203 pahina, may isang nalathalang larawan ng iba’t ibang selyo ng mga manghihimagsik na nakumpiska ng mga may-kapangyarihang Espanyol. Ang isa sa mga selyong iyon ay nagtataglay ng inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN.

 

Ang kapsiyon ni Bonifacio at ang selyo ang pinakamatibay daw na mga ebidensiya na mayroon ngang itinatag na republika sina Bonifacio, at ang pangalan ng republikang iyon ay Republika ng Katagalugan.

 

Ang mga nabanggit na batayan ng di-umano’y pagiging unang pangulo ni Bonifacio ay hindi katanggap-tanggap, dahil:

 

1. Ang mga batayang iyon ay hindi nakasulat sa mga opisyal na dokumento ng Katipunan at ng mga pamahalaan na itinatag ng mga Pilipino, kundi nakalimbag sa isang pahayagan.

 

Ang pagiging pangulo ng isang tao ay dapat pinatutunayan ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan na kanyang pinamumunuan, at hindi dapat ibatay sa isang ulat o larawan sa pahayagan. Marami ang mga opisyal na dokumentong nilagdaan ni Aguinaldo, at ang nakalagay na pamagat niya sa mga iyon ay pangulo ng pamahalaan ng Pilipinas.

 

2. Papaano na kung ang may-akda ng naturang ulat sa La Ilustracion Española y Americana ay mali ang kanyang mga pinagbatayan, o di-kayâ’y mali ang kanyang pananaw sa mga kasalukuyang pangyayari noon?

 

Halimbawa, maaaring sa pananaw ng may-akda, ang Katipunan ay tinatawag na Republikang Tagalog, dahil mga Tagalog ang naglunsad ng himagsikan, at nakatutok ang himagsikan sa rehiyon ng mga Tagalog.

 

Maaaring pananaw pa rin ng may-akda na dahil si Aguinaldo ang pinakatanyag na heneral ng himagsikan nang mga panahong iyon (1896-97), si Aguinaldo na ang generalissimo ni Bonifacio. Mali ang pananaw na ito, dahil wala ni isang opisyal na dokumento na nagsasabing si Aguinaldo ang generalissimo ni Bonifacio.

 

3. Ang selyong may inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN ay hindi matiyak kung pag-aari nina Bonifacio, at kung iyon nga ang pangalan ng pamahalaan na kanilang itinatag bago sumiklab ang himagsikan.

 

Papaano kung ang inskripsiyon na iyon ay inimbento lámang ng isang pangkat ng mga Mason bílang pangalan ng kanilang lohiya? Ang mga Mason ay nakagawian nang bigyan ng mga romantikong pangalan ang kani-kanilang lohiya. Ang REPUBLIKA NG KATAGALUGAN ay maaaring isang romantikong pangalang panglohiya ng mga Mason.

 

4. Ang unang tawag ni Bonifacio sa kanyang pamahalaan ay Katipunan. Ang pangalang ito ang makikita sa mga dokumentong nilagdaan niya. Wala siyang anumang dokumentong nilagdaan na ang nakalagay na pangalan ng kanyang pamahalaan ay Republika ng Katagalugan. Kung gayon, hindi sina Bonifacio ang may-ari ng selyong may inskripsiyon na REPUBLIKA NG KATAGALUGAN.

 

5. Ang ikalawang tawag ni Bonifacio sa kanyang pamahalaan ay Haring Bayang Katagalugan. Ang Haring Bayang Katagalugan ay walang iba kundi ang Katipunan pa rin. Ito rin ang pangalan ng kanyang pamahalaan na nakalimbag sa iba pang mga dokumentong nilagdaan niya.

 

6. Nang maganap ang púlong sa Tejeros noong Marso 1897, walang ipinagtanggol na pambansang pamahalaan o republika si Bonifacio. Ang ipinagtanggol niya ay ang Katipunan.

 

7. Ang pamagat na ginamit ni Bonifacio sa buong panahon ng pamumuno niya ay una, Supremo o Pangulo nang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan, at sa huli, Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan. Ginamit niya ang huli matapos siyang magapi sa halalan sa pagkapangulo ng bansa na ginawa sa púlong sa Tejeros.

 

8. Ang pamahalaang itinatag nina Bonifacio noong bago sumiklab ang himagsikan ay isang bágong Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan. Katulad din ito ng mga nahalal na Kataastaasang Kapulungan noong Oktubre 1892, Setyembre 1893, at Abril 1895.

 

Kung palilitawin na ang Kataastaasang Kapulungan ng Katipunan ay ang pambansang pamahalaan o republika ng Pilipinas, lilitaw na si Deodato Arellano (ang unang Supremo ng Katipunan) ang siyang kauna-unahang pangulo ng bansa. Subalit hindi nga rin ito katanggap-tanggap, dahil ang Kataastaasang Kapulungan ay ang kataastaasang pamahalaan ng Katipunan. Hindi iyon ang pambansang pamahalaan o republika ng Pilipinas.

 

Dahil sa mga argumentong ito, malinaw na si Bonifacio ay hindi kailanman naging pangulo ng bansa. Naging pangulo siya ng Katipunan, hindi ng isang pambansang pamahalaan o republika. Kayâ, taglay pa rin ni Aguinaldo ang pamagat na unang pangulo ng Pilipinas.

 

 

Talasanggunian

 

Minutes of the Katipunan. Maynila: National Historical Institute, 1996.

 

The Laws of the First Philippine Republic 1898-1899. Maynila: National Historical Institute, 1994. Sulpicio Guevarra, patnugot.

 

The Writings and Trial of Andres Bonifacio. Maynila, 1963. Teodoro A. Agoncillo, patnugot.

Sabado, Nobyembre 16, 2013

Paghahanda sa mga Kalamidad—Gawin nang Lifestyle


BAGO sumapit ang Bagong Taon, namili ng mga paputok at pailaw si Ernesto (di-tunay niyang pangalan), 37, may asawa at mga anak, at taga-Bohol. Nakasanayan na niya ang mag-ingay tuwing sumasapit ang Bagong Taon, upang maitaboy daw ang mga malas at upang maging masaya ang kanyang pamilya sa susunod na taon. Bukod sa mga paputok at pailaw, gumugol din siya para sa pam-Bagong Taóng salo-salo ng kanyang pamilya, mga kaanak, at kaibigan. Ang halaga ng nagugol ni Ernesto ay maaari nang ipambili ng tatlong sakong bigas.

Noong ikatlong kaarawan naman ng bunsong anak ni Miguel (di-tunay niyang pangalan), 26, may asawa at mga anak, at taga-Leyte, gumugol din siya para sa isang masaganang handaan. Isang baboy at sandosenang manok ang ipinakatay niya para sa handaang iyon. Umaapaw din ang mga mamahaling inumin. Ang nagugol naman ni Miguel ay káya nang ipambili ng pitong sakong bigas. Hindi mapalalampas ni Miguel ang kaarawan ng bawat isa sa lima niyang anak. Kailangang ipagdiwang daw talaga iyon, dahil iyon ang araw na iniluwal sila sa balát ng lupa.

Nang lumindol sa Bohol noong ika-15 ng Oktubre ng taóng ito, kabílang si Ernesto at ang kanyang pamilya sa mga lubhang napinsala. Nagiba ang kanilang tahanan, at wala silang makain sa loob ng ilang araw. Dahil walang anumang tulong ang agad na nakararating sa kanila, nagtiyaga si Ernesto na maghanap ng kanilang makakain. Ang mga kamoteng inani niya sa kung kaninong taniman ang tanging naipakain niya sa nagugutom niyang pamilya.

Nang humataw naman ang bagyong Yolanda sa Leyte noong ika-8 ng Nobyembre ng taon ding ito, kabílang din si Miguel at ang kanyang pamilya sa mga napuruhan. Rumagasa ang tubig-dagat patungo sa kanilang barangay. Mabuti na lámang at nakaligtas sila sa loob ng kanilang bahay. Ilang araw din silang nagutom, dahil hindi agad makarating sa kanila ang mga relief goods (mga tulong na pagkain, damit, gamot, at gámit).

 

Bagyuhin at Lindulin

Ang Pilipinas ay nakahimlay sa tinatawag na typhoon belt o daanan ng mga bagyo sa silangang bahagi ng Asya; kayâ sa isang taon, umaabot sa 20 ang bagyong dumaraan sa teritoryo nito. Nakahimlay din ito sa tinatawag na Pacific Rim of Fire o ang mala-singsing na hanay sa Karagatang Pasipiko ng mga bulkan at malalaking bitak sa ilalim ng lupa na siyang pinagmumulan ng mga lindol.

Dahil sa kinalalagyan nito,  ang ating bansa ay madalas bagyuhin at lindulin. Kasabay ng mga bagyo at lindol ang pagguho ng mga lupa at gilid ng bundok, at ang mga pagbaha. Ang mga sakunang ito ay pumipinsala ng maraming búhay, ari-arian, at kabuhayan.

Taon-taon na lámang, binabagyo táyo. At anumang sandali ay maaari táyong lindulin. Malaki ang magagawa ng bawat isa sa atin upang maiwasan ang higit na malaking pinsala at hinagpis kung may kalamidad. Iyan ay kung ang paghahanda sa mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad ay gagawin nating lifestyle o bahagi ng pamumuhay.

 

Mag-imbak

Sa unang araw pa lámang ng Bagong Taon, simulan na natin ang pag-iimbak ng mga pagkain, tubig, gamot, at gámit na kailangang-kailangan kung may kalamidad. Sa buong buwan ng Enero, sikapin nating mabili ang mga sumusunod na maiimbak:

1. Kalahating sako ng bigas.

2. Sampung kilo ng munggo.

3. Limang súpot ng hibe.

4. 100 litro ng sinalà na inuming tubig (purified water).

5. Tig-10 tableta ng gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Isang súpot ng benda sa sugat.

7. Tigsampung kandila, kaha ng posporo, at pansindi (lighter).

8. At tiglilimang sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

Sa susunod na buwan ng Pebrero, gawin uli natin ito. Gayundin sa mga buwan ng Marso, Abril, Mayo, at Hunyo. Bumili rin táyo ng isang de-bateryang radyo, 10 reserbang baterya ng radyo, at limang dram na malalagyan ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Pagsapit ng kalagitnaan ng taon, kung kailan nag-uumpisa na ang mga bagyo sa Pilipinas, ang bawat pamilyang Pilipino ay dapat mayroon nang imbak na:

1. Tatlong sako ng bigas.

2. 60 kilo ng munggo.

3. 30 súpot ng hibe.

4. 600 litro ng inuming tubig.

5. Tig-60 tableta ng mga gamot sa ubo, sipon, sakít ng ulo, sinat, lagnat, trangkaso, pananakit ng kalamnan, at pagdurumi.

6. Limang súpot ng benda sa sugat.

7. Tig-60 piraso ng mga kandila, posporo, at pansindi.

8. Tig-30 piraso ng sabong pampaligo, shampu, sabong panlaba, at toothpaste.

9. Isang de-bateryang radyo.

10. Sampung reserbang baterya ng radyo.

11. At limang dram ng tubig na pampaligo, panghugas, at panlinis.

Ang mga imbak na ito ay káyang itaguyod sa loob ng isa hanggang dalawang buwan ang isang pamilya na may limang kasapi. Kahit pa sinalanta ang pamilyang ito ng isang bagyo o lindol, at kahit hindi agad sila maambunan ng mga relief goods, hindi sila magugutom, dahil mayroon silang bigas na maisasaing, munggo na maaaring ilaga at sahugan ng hibe, at tubig na maiinom.

Agad din nilang malalapatan ng lunas ang anumang sakít o sugat, dahil may imbak silang mga gamot at benda. Kung walang suplay ng koryente, hindi sila mangangapa sa gabí, dahil mayroon silang mga kandila, posporo, at pansindi. Hindi rin sila mawawalan ng balita, dahil mayroon silang radyo. At hindi sila mahihirapang maligo, maghugas ng mga lutuan at pinagkainan, at maglinis ng bahay, dahil mayroon silang dram-dram na imbak ng tubig.

Ang makukuha nilang mga relief goods, sakaling dumating na ang mga ito sa kanila, ay maaaring ipampalit sa mga nagámit nang imbak. Habang napapalitan ang mga nagámit nang imbak, hindi mawawalan ng suplay ang isang pamilya, at sa gayon ay hindi pa rin sila magugutom sakaling magtagal pa ang krisis na idinulot ng kalamidad.

Upang hindi naman mabulok ang mga imbak habang wala pang kalamidad, maaaring palitan ang mga ito tuwing ikatlong buwan. Halimbawa, ang mga imbak na pagkain na nabili sa buwan ng Enero ay maaaring gámitin sa buwan ng Mayo. Subalit, bago gámitin ang mga iyon, dapat ay nabili na ang mga imbak na pampalit sa mga gagámiting imbak.

 

Huwag Maging Palaasa sa Pamahalaan

Nakalulungkot ang mga sinasapit ng mga kababayan natin tuwing may mga kalamidad. Wala silang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit. Úhaw, gútom, págod, sakít, at matitinding hinagpis ang iniinda nila.

Ang lagi na lámang sinisisi tuwing may kalamidad ay ang pamahalaan, pambansa man o lokal. Hindi raw kasi agad nasasaklolohan ang mga tao, at hindi raw agad nakararating ang mga tulong sa kanila.

Kung may mga kalamidad, hindi agad maihahatid ang mga tulong sa mga tao ng pamahalaan, dahil una, maaaring nagkabitak-bitak ang mga daan at bumagsak ang mga tulay, nangaghambalang sa mga daan ang mga kalat na iwinasiwas ng bagyo, o kayâ’y may baha.

At ikalawa, ang mga tagasaklolo (rescuers) ay sinasalanta rin ng mga kalamidad. Dahil binaha, nilindol, o nasugatan din, hindi nila agad magagampanan ang kanilang mga tungkulin bílang mga tagasaklolo. Bukod diyan, may kanya-kanya rin silang mga pamilya at iba pang mga mahal sa búhay na iintindihin at sasaklolohan.

Kayâ, tuwing may kalamidad, wasto ba ang ugali na maging palaasa na lámang lagi ang mga mamamayan sa mga tulong ng pamahalaan, pribadong sektor, at iba pang nagmamalasákit? Hindi po. Sa anumang panahon, pinakamahusay pa rin kung marunong táyo na tumayo sa sariling mga paa.

Tungkulin pong talaga ng pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng kagipitan. Subalit papaano nga kung ang mga tagasaklolo ng pamahalaan mismo ay napipinsala rin? At papaano na kung hindi agad maihatid ang mga tulong ng pamahalaan, dahil nga nawasak ang mga daan at tulay, o may baha?

Dapat, laging handa ang bawat pamilyang Pilipino. Kung nagagawa natin ang gumastos ng malalaking halaga tuwing sumasapit ang Bagong Taon, ang kaarawan ng isang mahal sa búhay, at iba pang okasyon, magagawa rin natin ang gumugol para sa mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit na siyang unang maaasahan natin kung may kalamidad.

 

Patibayin ang mga Bahay at Gusali

Noong isang taon, dumaan sa Kabisayaan ang isang malakas na bagyo. Inilipad ng bagyo ang mga bubong ng mga silid-aralan sa isang pambayang paaralan. Ang naiwan lámang na nakatindig ay ang mga pader ng mga iyon. Ipinaayos ng pamahalaan ang mga naturang silid-aralan. Ibinalik ang mga bubong.

Nang sumunod na taon, muling dumaan ang isang mabagsik na bagyo. Inilipad na naman ang mga bubong ng mga naturang silid-aralan, at ang muling naiwan na nakatindig pa rin ay ang mga pader ng mga iyon. Sa taóng ito, kinawawa ni Yolanda ang Kabisayaan, at sinapit na naman ng mga naturang silid-aralan ang mga pinagdaanan na nito sa mga lumipas na bagyo.

Kung paulit-ulit na lámang lagi ang ginagawang pangangalbo ng mga bagyo sa mga silid-aralan, ang nararapat sa ganyan ay gawin nang permanente ang solusyon. Hindi iyong ililipad ang mga bubong, at ibabalik ang mga bubong. Tapos, kakalbuhin ulit ang mga bubong, at ibabalik na naman ulit ang mga bubong.

Patibayin na natin ang ating mga paaralan at iba pang gusaling pambayan. Kapansin-pansin na ang naiiwan na nakatindig pa rin sa mga sinasalantang silid-aralan ay ang mga pader ng mga iyon na gawa sa bakal, bato, at semento. Matitibay kasi ang mga iyon. Kayâ, gawing bakal, bato, at semento rin ang mga bubong ng mga silid-aralan. Ang ganoong uri ng bubong ay maaari pang gawing sahig ng ikalawang palapag ng mga silid-aralan.

Patibayin din natin ang ating mga tirahan. Kung maaari rin na gawing hanggang apat na palapag ang mga ito, upang kung may mga baha, may mapagkakanlungan ang bawat pamilya. At sa ikatlo o ikaapat na palapag dapat ilagay ang mga imbak na pagkain, tubig, gamot, at gámit upang hindi agad mapinsala ang mga ito ng baha.

Ang mga panukalang binabanggit sa artikulong ito ay ilan lámang sa mga bagay na maaari nating gawin upang ang paghahanda sa mga kalamidad ay maging bahagi na ng ating pamumuhay. Nawa, ngayon pa lámang, pagkatapos matunghayan ang artikulong ito, umpisahan na natin ang mga paghahanda. ●                                                         

Pagtatanim at Pagmamanukan—Isang Lunas sa Kahirapan sa Kanayunan


NANG kami ng aking pamilya ay nakatira pa sa Northern Samar, sagana kami sa mga bungang-kahoy at gulay. Ang mga punòng nagbubunga sa aming bakuran ay itinanim ng nanay ko nang dalaga pa siya; kayâ, nang lumalaki na kaming magkakapatid, lagi kaming may mga napipitas at nalalantakang bungang santol, abokado, pili, langka, guyabano, at mangga. Palagi rin kaming magtanim sa aming bakuran ng mga gulay na ampalaya, sitaw, úpo, kalabasa, talong, malunggay, saluyot, sayote, at lalo na ng kamote.

Kung gusto naming magkakapatid na magmeryenda, namimitas lámang kami ng mga bungang-kahoy, o kayâ’y nagbubungkal ng mga ugat ng kamote at sakâ ilalaga ang mga iyon. Kung gusto naming mag-ulam ng gulay, pinupupol lámang namin ang mga dahon ng kamote, malunggay, o ampalaya, ginisa ang mga iyon, at sinasahugan ng alimango, hipon, o bagoong. Lumaki kaming magkakapatid na hiyang na hiyang sa mga bungang-kahoy at gulay.

Nag-alaga rin kami minsan ng mga manok at itik, na nakapagbigay sa amin ng mga itlog at karne. Isa ako sa mga tagapag-alaga ng mga iyon. Subalit natigil ang pag-aalaga naming iyon, dahil abala ang nanay ko sa pagiging guro at abala rin ang tatay ko sa pagiging pulis.

Isang dukhang lalawigan ang Northern Samar—sa aming barangay ay wala pang mga linya ng koryente, telepono, at tubig nang nakatira pa kami roon hanggang noong taóng 1982—subalit hindi kami kailanman nawalan ng makakain na bungang-kahoy at gulay. Hindi kami kailanman nagutom.

Nang lumipat na kami sa Kamaynilaan noong 1982, naibhan kaming magkakapatid, dahil hindi na kami makapagtanim ng mga bungang-kahoy at gulay. Sa Kamaynilaan kasi, halos sementado na ang bawat bakuran at lansangan. At mahal ang mga bungang-kahoy at gulay dito, samantalang libre lámang sa aming lalawigan ang mga iyon.

Sa mga nayon at lalawigan sa ngayon, marami pa ang mga espasyong maaaring tamnan at pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo. Kayâ, naiinis ako tuwing makakikita ng mga programa sa telebisyon na inilalarawan ang matitinding karukhaan daw sa mga kanayunan. Umaangal ang mga taganayon, dahil mahihirap daw sila. At ang may kasalanan daw sa ganoong kalagayan nila ay ang mga táong-gobyerno. Kung hindi raw talamak ang pangungurakot sa pamahalaan, at kung hindi raw sila pinababayaan ng pamahalaan, hindi raw sila magugutom.

Nakaiinis ang ganyang katwiran, dahil nakikita namang malalawak ang kani-kanilang mga bakuran. Napakarami ng mga espasyo na maaaring pagtamnan ng mga punòng nagbubunga at mga gulay, o kayâ ay pag-alagaan ng mga manok, itik, o pabo.

Bakit hindi subukin ng mga taganayon ang magtanim? Ang malunggay ay maaaring magsimula sa isang maliit na sanga na itutundos lámang sa lupa. Pagkaraan ng tatlong buwan, malusog na iyon. Pagkaraan ng isang taon, mayabong na iyon at ang mga dahon ay maigugulay na. Ang mga patapong tangkay ng kamote ay ibinabaon lámang sa lupa, at pagkaraan ng ilang linggo, ang mga talbos niyon ay mayabong na at maigugulay na rin. Kahit sa mga pasô o timba lámang, maaari nang magtanim ng mga gulay.

Bakit hindi rin subukin ng mga taganayon ang mag-alaga ng mga manok, itik, o pabo? Mga katutubong uri ng ganitong mga ibon ang alagaan nila, dahil hindi mahirap palakihin. Gawan lámang ng kulungan at bigyan ng mga patuka at inumin, kusang lalakí ang mga ibong ito at sa kalaunan ay magbibigay na ng itlog at karne.

Kung walang pambili ng mga pananim o alagaing sisiw ang mga taganayon, diyan na dapat pumasok ang tulong ng pamahalaan. Bigyan ng mga lokal na pamahalaan ang mga taganayon ng mga libre o pautang na pananim, alagaing sisiw, at kulungan at patuka sa mga sisiw. Magsagawa rin ang mga lokal na pamahalaan sa mga bara-barangay ng mga libreng seminar-pagsasanay sa wastong pagtatanim at sa wastong pagpapalaki ng mga alagaing sisiw.

Matapos mabigyan ang mga taganayon ng mga binhing pananim, alagaing sisiw, kulungan at patuka sa mga sisiw, at mga pagsasanay, masusubok na kung sino talaga ang nais magbanat ng buto at mabúhay nang labas sa karukhaan.

Hindi naman kasi wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko na lámang lagi ang may kasalanan at ang siyang dapat sisihin sa isyu ng karukhaan sa ating bayan. Kasi kung tama ang katwirang ito, aba, ang mga susunod na uupô sa Malakanyang, Kongreso, lokal na pamahalaan, barangay, at iba pang puwesto sa pamahalaan, kahit hindi pa nakauupô sa mga puwestong iyon, ay makasalanan na at dapat nang sisihin.

Magkakaroon táyo ng halalan para sa pangulo ng bansa sa taóng 2086. Ang mahahalal na pangulo sa taóng iyon ay hindi pa isinisilang sa taóng kasalukuyan (2013). Kung wasto ang katwiran na ang pamahalaan at mga politiko ang laging may kasalanan at dapat sisihin, aba, ang magiging pangulo ng ating bansa sa taóng 2086 ay hindi pa isinisilang sa ngayon, subalit makasalanan na siya at dapat nang sisihin. Wasto po ba ang katwirang iyan?

Hindi ko naman sinasabing ang pagtatanim at pagmamanukan ang siya nang nag-iisang lunas sa karukhaan sa mga kanayunan. Subalit ang kaunlaran at pag-ige ng búhay ay nagsisimula sa bawat isa. Hindi po ito nagsisimula sa mga politiko, sa halalan, at sa pamahalaan. Kung iaasa na lámang lagi sa mga politiko, halalan, at pamahalaan ang bawat bagay, hindi lubusang uunlad ang ating bansa, at patuloy na mababaon sa karukhaan ang marami sa atin. Gayong naririyan at abot-kamay lámang naman ang isang mainam na lunas sa mabigat na suliraning iyan. ●

Lunes, Oktubre 21, 2013

Ang Posibleng Pinagmulan ng Salitang Pinoy

Ang Pinoy ang palayaw ng Pilipino. Dahil sa palayaw na ito, napabílang ang mga Pilipino sa iilang lahi sa mundo na may palayaw. Ang iba pang mga panlahing palayaw ay ang Brit ng mga Brites, Indon ng mga Indones, Jap ng mga Hapones, Pole ng mga Polandes, at Yankee ng mga Amerikano.

Saan ba nanggaling ang Pinoy? Bakit ito ang naging palayaw ng Pilipino?

Ang mga mananakop na Espanyol ang nagbigay ng mga kolektibo o pangkalahatang pangalan sa mga katutubo ng Pilipinas: nativo (katutubo), indio (taga-Silangan), at Filipino (taga-Pilipinas). Hindi nila kailanman tinawag na Pinoy ang mga katutubo ng Pilipinas.

Nagkaroon lámang ng salitang Pinoy noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946). Nang mga panahong iyon, maraming Pilipino ang nakararating sa Estados Unidos bílang mga estudyante at manggagawa. Nang nása Amerika na ang mga Pilipinong iyon, likas lámang na magtanong ang mga Amerikano kung sino ang mga dayo na iyon. Ang naging sagot ng mga nakaaalam sa tanong nila ay:

They are Filipinos (mga Pilipino sila).”

Ang baybay ng salitang Filipinos ay halos katulad ng baybay ng salitang Illinois. Ang Illinois ay isang estado sa Estados Unidos. Ang bigkas nito ay IH-luh-NOY.

Nang dumaragsa ang mga Pilipino sa Amerika, noon lámang nalaman ng karamihan sa mga Amerikanong nakakikita sa kanila na may mga mamamayan pala na kung tawagin ay Filipinos. At dahil hindi nila lubusang kilala ang mga ito, hindi nila alam ang wastong bigkas ng salitang Filipinos. Ang akala nila, ang bigkas niyon ay katulad ng bigkas ng Illinois. Kayâ, ang bigkas nila sa Filipinos ay Fi-li-pi-noy. Sa kalaunan, umikli iyon sa Pi-noy.

Iyan marahil ang pinagmulan ng salitang Pinoy.

Sa ngayon, palasak na ang paggamit ng salitang Pinoy, lalo na sa larangan ng medya. Sa halos lahat ng mga bagay na may kinalaman at tumutukoy sa mga Pilipino, ang salitang ipinantatapat ay Pinoy: musikang Pinoy, kulturang Pinoy, pagkaing Pinoy, kasuotang Pinoy, ugaling Pinoy, mga kababayang Pinoy. Nakalulungkot ito, dahil tila nawawalan tayo ng wastong identidad. Tayong mga katutubo ng Pilipinas ay mga Pilipino, hindi Pinoy.

Lalong nakalulungkot ito, kung mapatutunayan na ang pinagmulan nga ng salitang Pinoy ay ang maling bigkas ng mga Amerikano sa salitang Filipinos.