Biyernes, Agosto 7, 2015

Ang Pagiging Bayani ni Andres Bonifacio: Inimbento ng mga Amerikano







Ang Pagiging Bayani ni Andres Bonifacio: Inimbento ng mga Amerikano
 
 
 



 

Ang Kasinungalingan

 
Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas (1898-1946), hindi raw kailanman pinayagan ng mga awtoridad na Amerikano na maideklarang isang bayani si Andres Bonifacio, dahil banta raw sa pananakop ng Estados Unidos ang kanyang pagiging mapanghimagsik. Kapag ginaya raw iyon ng mga Pilipino, magrerebelde silá laban sa pananakop ng Estados Unidos.

 
Ang malaking kasinungalingang ito ay tuwang-tuwang niyayakap, lalo na ng mga táong bagama’t may mga pinag-aralan ay hindi naman nagsusuri nang malaliman kung totoo nga ito.

 

Ang Katotohanan

 
Naririto naman ang payak na katotohanan: Naging isang bayani si Bonifacio noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at ang mga awtoridad na Amerikano pa nga ang sumang-ayon sa bandang hulí sa pagtatanghal sa kanya bílang isang bayani.

 
Ang mga sumusunod na batas at hakbang ay isinagawa upang opisyal nang maitanghal na isang bayani si Bonifacio:

 
1. Akta Publika Blg. 2760—ang batas na magpapagawa ng isang Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan. Nilagdaan ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Francis B. Harrison upang ganap na maging batas noong 1918.

 
2. Akta Publika Blg. 2946—ang batas na nagdedeklara sa ika-30 ng Nobyembre  (araw ng kapanganakan ni Bonifacio) bílang Araw ni Bonifacio (Bonifacio Day), dahil ayon sa batas na ito, si Bonifacio raw ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan.” Nilagdaan din ito ni Harrison upang maging ganap nang batas noong 1921.

 
3. Akta Publika Blg. 3602— ang batas na naglalaan ng ₱97,000 para sa Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan. Nilagdaan naman ito ng Amerikanong Gobernador Heneral na si Dwight F. Davis upang maging ganap na ring batas noong 1929.

 
4. Nob. 30, 1933—Binigyang-parangal na ang bágong-gawa na Pambansang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan.

 

Pinayagang Maging Bayani

 
Malinaw mula sa mga talâ ng kasaysayan na pinayagan ng mga mananakop na Amerikano na ituring si Bonifacio na isang bayani—“bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan.” Pumayag din silá na siya ay maging isa sa dadalawang Pilipino na may pambansang pista opisyal (ang isa pa ay si Rizal).

 
Kung banta si Bonifacio at ang kanyang diwang mapanghimagsik sa pananakop ng Estados Unidos sa Pilipinas, bakit pinayagan ng mga awtoridad na Amerikano na maitanghal si Bonifacio bílang ang “bayaning pangalawa kay Rizal” at “bayani sa gawaing para sa kalayaan at kasarinlan”? At bakit din sila pumayag na magkaroon ng isang pambansang pistal opisyal para kay Bonifacio?
 
 
Saan kayâ napulot ang kasinungalingan na si Bonifacio raw ay hindi pinayagan na maideklarang bayani ng mga mananakop na Amerikano?

 
Ang kasinungalingang iyan ay kinatha ng mga táong galít kay Rizal at pabor na si Bonifacio ang maging pambansang bayani. Kung ano-ano ang ginagawa nilang sabi-sabi upang masipa si Rizal mula sa kinalalagyan nitó.

 

Inimbento ng mga Amerikano?

 
Bagama’t isang Pilipino—si Sen. Lope K. Santos—ang nagpanukala na maitanghal si Bonifacio bílang isang bayani, nangyari naman ang pagtatanghal na iyon sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at mga awtoridad na Amerikano, partikular na si Harrison, ang nag-apruba sa panukalang iyon.

 
Ang pagiging bayani ni Rizal ay pinasimulan ng mga kapwa niya Pilipino. Si Bonifacio mismo ang nagtatag ng pagdakila sa kanya bílang isang bayani. At si Hen. Emilio Aguinaldo ang nagtakda sa kauna-unahang batas na nagdedeklara sa ika-30 ng Disyembre (araw ng kamatayan ni Rizal) bílang isang pambansang pista opisyal.

 
Subalit ang mga galít kay Rizal ay nagpaparatang na si Rizal daw ay bayaning inimbento ng mga Amerikano, dahil ang mga Amerikano ay nagsagawa raw ng isang miting noong 1901 upang piliin na siya ang ideklarang pambansang bayani. Gayong wala naman siláng anumang patunay—gaya ng mga opisyal na dokumento ng pamahalaan—na naganap nga ang miting na iyon. Ang mga patunay nila ay mga aklat at mga artikulo sa mga pahayagan at magasin na walang maipakita ni katiting na mga basehan.

 
Naging pambansang bayani raw si Rizal sa panahon ng mga Amerikano at mga Amerikano raw ang nag-apruba sa pagiging pambansang bayani niya; kayâ, siya ay American-sponsored national hero. Kung susundan ang argumentong iyan ng mga galít kay Rizal, mabubuo ang tanong na ito:

 
Dahil naitanghal si Bonifacio bílang isang bayani sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at mga awtoridad na Amerikano pa ang sumang-ayon sa pagtatanghal sa kanya bílang isang bayani, masasabi bang si Bonifacio ay isang American-sponsored hero o bayaning ang pagiging bayani ay inimbento ng mga Amerikano?