Lunes, Pebrero 29, 2016

Ang Unang Himagsikang Lakas ng Bayan


ANG unang Himagsikang Lakas ng Bayan (People Power Revolution) ang isa sa mga pinakadakilang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito ang himagsikan na tumapos sa 20-taóng pamumunò ni Pang. Ferdinand Marcos at nagluklok kay Corazon “Cory” Aquino bílang ang ika-11 at unang babaeng pangulo ng bansa.

Naganap ang himagsikang ito noong ika-22 hanggang 25 ng Pebrero 1986 sa isang bahagi ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA), ang pinakamahabang daan sa Kamaynilaan. Ang bahaging iyon ng EDSA ay ang nása pagitan ng Kampo Aguinaldo at Kampo Crame sa Lungsod ng Quezon. Dahil pangunahing naganap sa EDSA, ang himagsikang ito ay tinatawag ding Himagsikan sa EDSA (EDSA Revolution).

Ang Kampo Aguinaldo ang kinalalagyan ng tanggapan ng noo’y Ministri ng Tanggulang Pambansa at ng punòng himpilan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas o Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang katabing Kampo Crame ang punòng himpilan naman ng Konstabularya ng Pilipinas/Integradong Pulisyang Pambansa o Philippine Constabulary/Intergated National Police (PC/INP), na ngayo’y Pulisyang Pambansa ng Pilipinas o Philippine National Police (PNP) na.

Makulay at kakaba-kaba ang himagsikang ito, dahil, una, ang mga pangyayari ay live na napapanood sa telebisyon at live ding napakikinggan sa radyo. At ikalawa, ang mga pangunahing tauhan nito ay ang mga lider ng bansa:

Ferdinand Marcos, ang pangulo ng Pilipinas;

Corazon “Cory” Aquino, ang nakalaban ni Marcos sa pagkapangulo sa biglaang halalan noong ika-7 ng Pebrero 1986;

Juan Ponce Enrile, ang Ministro ng Tanggulang Pambansa;

Hen. Fabian C. Ver, ang hepe ng AFP;

Ten. Hen. Fidel V. Ramos, ang ikalawang hepe ng AFP at ang hepe ng PC/INP;

Brig. Hen. Artemio Tadiar, ang hepe ng Hukbong Kawal Pandagat ng Pilipinas (Philippine Marines);

Jaime Cardinal Sin, ang Arsobispo ng Maynila.

 

Si Ferdinand Marcos

Si Marcos ay nahalal bílang ang ika-10 pangulo ng bansa noong Nobyembre 1965. Nagsimula siyang manungkulan noong ika-30 ng Disyembre 1965. Muli siyang nagwagi ng isa pang termino sa pagkapangulo sa halalan noong Nobyembre 1969.

Ang ikalawang terminong iyon ang hulí nang termino ni Marcos. Hindi na siya maaaring mahalal sa ikatlong termino, dahil ayon sa Saligang Batas ng 1935, ang isang tao ay maaaring manungkulan bílang pangulo nang hanggang dalawang termino lámang. Ang susunod na halalang pampanguluhan ay nakatakda sa Nobyembre 1973.

Sa simula ng ikalawang termino ni Marcos, nása bingit na raw ng kapahamakan ang kapayapaan, kaayusan, at demokrasya ng bansa. Tumataas ang mga halaga ng petrolyo at mga pangunahing bilihin, marami ang nawawalan ng trabaho, at umiigting ang banta ng komunismo. Anumang oras ay maaaring patalsikin na raw ng mga komunista ang pamahalaan ng bansa.

Masigabo rin ang panawagan noon na palitan na ang Saligang Batas ng 1935, dahil hindi na raw ito makatugon sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.

Sinamantala ni Marcos ang panawagang iyon. Inudyukan niya ang Kongreso na magbalangkas ng isang batas para roon. Naitatag nga ang isang Kumbensiyong Konstitusyunal na, mula unang araw ng Hunyo 1971 hanggang ika-30 ng Nobyembre 1972, ay sumulat ng isang bágong konstitusyon ng bansa.

Samantala, malala na raw ang banta ng komunismo. Ang pananambang sa kotse ni Min. Enrile noong gabi ng ika-21 ng Setyembre 1972 ang siyang nagtulak daw kay Marcos na lagdaan na nang gabi ring iyon ang Proklamasyon  Blg. 1081, na naglalagay sa buong bansa sa ilalim ng batas militar. Hindi sakay si Enrile sa kanyang kotse nang maganap ang pagtatangkang iyon sa kanyang búhay.

Sa ilalim ng Saligang Batas ng 1935, malakas ang kapangyarihan ng pangulo: kayâ, nagawa ni Marcos na ipasara ang Kongreso, kubkubin ang mga pahayagan at mga himpilan ng radyo at telebisyon, at ipakulong ang lahat ng mga sumasalungat sa kanya—mga politiko, peryodista, manunulat, propesor, kabataan, manggagawa, pari, madre, at iba pa. Umabot sa 10,000 tao ang nawala at hindi na muling nakita pa sa buong panahon ng batas militar (1972-81).

 

Ang Saligang Batas ng 1973

Noong ika-17 ng Enero 1973, iprinoklama ni Marcos na nagkabisa at epektibo na ang bágong Saligang Batas.

Sa ilalim ng dáting Saligang Batas ng 1935, ang sistema ng pamahalaan ay presidensiyal, kung saan ang pangulo ang siyang punò ng bansa, punòng ehekutibo ng pamahalaan, at punòng  komandante ng sandatahang lakas, at inihahalal siya ng mga botanteng táong-bayan.

Sa ilalim ng bágong Saligang Batas ng 1973, ang sistema ng pamahalaan ay ginawa nang parlamentaryo, kung saan ang pangulo ang siya pa ring punò ng bansa, subalit wala siyang kapangyarihan, dahil ang punòng ministro ang siyang punòng ehekutibo ng pamahalaan at ang punòng komandante ng sandatahang lakas. At ang pangulo at punòng ministro ay inihahalal hindi ng táong-bayan kundi ng mga kasapi ng Batasang Pambansa, ang pinaka-Kongreso.

Sa parehong saligang batas, ang may kapangyarihang magbalangkas o kumatha ng mga batas ng bansa ay ang Kongreso o Batasang Pambansa, hindi ang pangulo.

Maganda sana ang Saligang Batas ng 1973, dahil layunin nito na ireporma ang mga sistemang pampolitika, panlipunan, at pangkabuhayan ng bansa. Subalit ano ang ginawa ni Marcos? Ginamit niya ito upang mapalawig ang kanyang pananatili sa puwesto.

Bago ito tuluyang maipatupad, pinasusugan muna ito ni Marcos. Noong Oktubre 1976, matápos ratipikahan ng mga botante ang siyam na pagsususog dito, lumabas na ang pangulo ay siya na rin ang punòng ministro—iisang tao na lámang sa halip na dalawa, at ang pangulo ay makagagawa na rin ng mga batas—sa halip na ang Batasang Pambansa lámang ang makagagawa ng gayon.

 

Ganid

Naglaho ang orihinal na bersiyon ng Saligang Batas ng 1973, dahil si Marcos ay hindi lámang pangulo kundi punòng ministro rin, at tagabalangkas pa ng mga batas ng bansa! Naging diktadurya na ang pamumuno niya, dahil anuman ang kanyang naisin o idekta ay dapat masunod.

Gayon na lámang ang pagkaganid niya sa kapangyarihan, dahil ang maybahay niyang si Imelda ay kanyang hinirang bílang Gobernadora ng Kalakhang Maynila nang itatag iyon noong 1976, pinatakbo para sa Batasang Pambansa noong 1978, ginawang kasapi ng Gabinete dahil hinirang niya itong ministro ng pabahay, at itinalagang tagapangasiwa (chairperson) ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan.

Ang mga korporasyong pag-aari ng mga kamag-anak at kaibigan nila ay nagsiutang sa mga dayuhang bangko, at ginawang tagabayad ang pamahalaan. Nang maging pangulo si Marcos noong 1965, ang utang sa mga dayuhan ng Pilipinas ay US$599 milyon lámang. Lumubo ito sa US$2.9 bilyon noong 1970, US$24.7 noong 1982, at US$26.4 bilyon noong 1985.

Inilublob nina Marcos sa utang ang bansa. Hanggang ngayon, ang mga inutang ni Marcos at ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ay binabayaran pa rin ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga buwis na kinakaltas mula sa mga Pilipino.

Taon-taon, malaking bahagi ng pambansang badyet ay napupunta lámang sa pagbabayad ng mga utang na iyon, sa halip na magamit ang bahaging iyon para sa higit na maraming pambayang daan, tulay, silid-aralan, aklat sa mga pambayang paaralan, pagamutan, pabahay, gamot sa mga pambayang pagamutan, at iba pang serbisyong pambayan; para sa pandagdag sa mga sahod o benepisyo ng mga guro, pulis, kawal, kawani, at pensiyonado ng pamahalaan; at para sa marami pa sanang mga proyektong pangkaunlaran.

Kaawa-awang táong-bayan. Binabayaran nila, at babayaran pa rin ng mga kaapu-apuhan nila, ang mga utang na pinakinabangan at pinakikinabangan pa rin ng iilang tao lámang.

 

Kapit-tuko

Noong ika-17 ng Enero 1981, inalis na ni Marcos ang batas militar. At matápos na naman niyang pasusugan ang Saligang Batas, nagpatawag siya ng isang halalang pampanguluhan. Subalit binoykot siya ng oposisyon; kayâ’t ang nakalaban niya ay isang di-kilalang personalidad.

Si Marcos ay inihalal ng 18 milyong botanteng Pilipino, at nanumpa sa pagkapangulo sa ikatlong pagkakataon noong ika-30 ng Hunyo nang taon ding iyon. Isinuko na rin niya ang tungkulin ng punòng ministro, at hinirang para rito si Cesar Virata. Subalit nanatili siya bílang punò ng bansa, punòng ehekutibo ng pamahalaan, at punòng komandante ng sandatahang lakas.

May anim-na-taóng termino na naman si Marcos (hanggang 1987). At maaari pa siyang mahalal ng isa o marami pang termino pagkatapos niyon.

 

Si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino”

Si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino ang isa sa mga pinakamatunog na mananalo sa halalang pampanguluhan na nakatakda noong Nobyembre 1973. Hindi na naganap ang halalang ito, dahil idineklara na nga ang batas militar. Bílang ang pinakamahigpit na kalaban sa politika ni Marcos, agad na dinakip si Ninoy nang maibaba ang batas militar. Nilitis siya ng isang hukumang militar sa salàng sedisyon, at ang naging hatol sa kanya ay kamatayan. Dahil kinundena ng maraming bansa ang hatol, hindi iyon naipatupad ni Marcos.

Noong Marso 1980, matápos atakihin sa puso habang nakapiit, pinayagan ni Marcos si Ninoy na umalis ng bansa kasáma ang pamilya upang magpagamot sa Estados Unidos.

Noong ika-21 ng Agosto 1983, bumalik si Ninoy sa bansa. Nang pababa na siya sa eroplano na kanyang sinakyan, umalingawngaw ang mga putok ng baril. Bumulagta si Ninoy sa tarmak ng Internasyonal na Paliparan ng Maynila na duguan, sabog ang ulo, at wala nang búhay.

Nagimbal ang buong bansa. Umalingawngaw sa lahat ng sulok ng mundo ang mga putok ng baril na iyon. Ang naging pangunahing suspek sa pamamaslang: si Marcos. Subalit mabilis na itinanggi ni Marcos na may kinalaman siya roon, at mabilis ding itinuro na ang mga armadong komunista raw ang may kagagawan niyon upang guluhin ang sitwasyon ng bansa.

Sa libing ni Ninoy, dalawang milyong tao ang dumalo. Naglakad silá mula sa Simbahang Santo Domingo sa Lungsod ng Quezon hanggang sa Manila Memorial Park  sa Parañaque—mahigit 20 kilometro. Hindi silá natinag ng init ng araw, buhos ng ulan, gútom, at págod.

Sa telebisyon, nang tanungin si Gng. Marcos kung ano ang masasabi niya sa libing, binungisngisan lámang niya iyon. Naging katawa-tawa na raw.

 

Mga Krisis

Pinukaw ng kamatayan ni Ninoy ang damdamin ng sambayanan. Kung dati’y naduduwag ang mga tao sa kamay na bakal ni Marcos, naging palaban na silá.

Sinapol din ng pangyayaring ito ang sektor ng pagbabangko, ang pinakagulugod pa man din ng ekonomiya ng bawat bansa. Dumagsa sa mga bangko ang mga nag-iimpok upang bawiin ang kanilang mga deposito, kaysa maisáma pa ang mga iyon sa pagsasara ng mga bangko.

Nanginig at nagsilikas ng bansa ang maraming dayuhang mamumuhunan. Napilayan din ang mga paktorya, pagawaan, at iba pang uri ng bahay-kalakal.

Pagsapit ng kalagitnaan ng 1984, mahigit sa 500 bangko ang nangalugi at nangagsara na. Ang inflation rate (pangkalahatang pagtaas ng halaga ng mga bilihin) ng bansa ay umabot na sa 60%. At lampas isang milyong Pilipino ang nawalan na ng trabaho.

Nabangkarote na ang pamahalaan at pananalapi ng bayan; kayâ, napilitan si Marcos na magpataw ng mga bago at dagdag na buwis, at itaas ang halaga ng dolyar, mula P14 hanggang P21. Sa isang magdamag lámang, bumaba ng 50% ang halaga ng piso laban sa dolyar!

Palubog na si Marcos, at malala na rin ang kanyang kalusugan. May mga bali-balita noon na nawawala siya sa Malakanyang at palihim na inihahatid sa Estados Unidos upang ipagamot ang kanyang sakít sa bato.

 

Biglaang Halalan

Noong ika-23 ng Nobyembre 1985, upang maisalba ang kanyang bumubulusok na popularidad, nagpatawag si Marcos ng isang biglaang halalan (snap election) para sa pangulo at pangalawang pangulo. Itinakda ang halalang ito sa ika-7 ng Pebrero 1986.

Labag sa batas ang hakbang na iyon ni Marcos, dahil sa ilalim ng Saligang Batas ng 1973, ang susunod na halalang pampanguluhan ay nakatakdang ganapin sa Hunyo 1987 pa. Subalit dahil sanay nang magmaniobra si Marcos, nakuha pa rin niya ang kanyang gusto.

Sa pagkakataong ito, kinagat ng oposisyon ang hámon niya. Nagkaisa silá sa tiket ni Cory Aquino (ang biyuda ni Ninoy) bílang pangulo at Salvador Laurel bílang pangalawang pangulo.

Tinunghayan maging ng ibang bansa ang halalang ito—kung ano ang magiging laban ng isang biyudang baguhan sa politiko sa isang politikong bukod sa beterano na ay hawak pa ang gobyerno, ang sandatahang lakas, at ang halos lahat ng makinarya sa halalan.

Naganap ang halalan noong ika-7 ng Pebrero 1986. Ngunit inaasahan na noon na gagawin ni Marcos ang lahat upang siya ang manalo, kabílang na ang pandaraya. Habang nagaganap ang bilangán isang araw, may mga kawani ng Komisyon sa Halalan o Commission on Elections (COMELEC) ang biglang lumabas ng pangunahing pook ng bilangán, dahil may mga natuklasan daw siláng nagaganap na dayaan. Ang tugon ni Marcos ay ipinalipat ang bilangán mula sa COMELEC patungo sa Batasang Pambansa.

Sa bilangán sa Batasang Pambansa, may mga nabuksang kahon ng mga balota na ang nakatalâng boto nina Cory at Laurel ay zero o wala. Marami ang nagsabi na imposibleng mangyari na sa isang presinto ay wala ni isang bumuto kina Cory at Laurel. Ang kinauwian ng bilangán sa Batasan para sa pangulo: Marcos: 10,807,197 boto; Aquino: 9,291,716 boto. Para sa pangalawang pangulo: Tolentino: 10,134,130 boto; Laurel: 7,441,313 boto.

Para naman sa National Movement for Free Elections (NAMFREL), ang kinikilalang bantay-halalang organisasyon, panalo sina Cory at Laurel. Sa pagkapangulo, ang bílang nito ay Aquino: 7,835,070 boto; Marcos: 7,053,068 boto. At sa pagkapangalawang pangulo, Laurel: 7,441,313 boto; Tolentino: 6,613,507 boto.

Hindi matanggap ng oposisyon ang resulta ng bilangán sa Batasan. Subalit kahit ano ang panggigigil na gawin nila, iprinoklama pa rin ng Batasan noong ika-15 ng Pebrero 1986 sina Marcos at Tolentino bílang ang nanalong pangulo at pangalawang pangulo.

Ang akala ng lahat ay manunungkulan na naman si Marcos ng isa pang termino (1986-92). Hanggang sa maganap ang mga hindi inaasahan.

 

Sabado, ika-22 ng Pebrero 1986

Ika-3 n.h. Nagkuta sa loob ng Kampo Aguinaldo sina Enrile, Ramos, at 300 sa kanilang mga tauhan. Sinarhan at binarikadahan nila ang lahat ng mga gate ng kampo. Armadong-armado silá. Ginawa nilang himpilan ang gusali ng Ministri ng Tanggulang Pambansa.

Ika-6:45 n.g. Nagpatawag sina Enrile at Ramos ng isang pulong pambalitaan upang ipabatid ang kanilang hakbang. Sa harap ng mga lokal at dayuhang mamamahayag, ipinaalam nila na hindi na nila kinikilala si Marcos bílang ang pangulo ng bansa, dahil nandaya raw ito sa nakaraang halalan. Ayon kay Enrile, sa rehiyon daw niya, dinaya raw ni Marcos si Cory ng 300,000 boto. Ipinahayag din ni Enrile na ang pananambang sa kanya noong 1972 ay huwad at gawa-gawa lámang nilang dalawa ni Marcos upang magkaroon si Marcos ng dahilan na maiproklama ang batas militar.

Ika-8:00 n.g. Nagsalita sa telebisyon si Marcos, inuutusan sina Enrile at Ramos na itigil na “ang kawalanghiyaang iyon.” Tumanggi sina Enrile at Ramos.

Ika-9:00 n.g. Sumahimpapawid sa Radio Veritas ang panawagan ni Cardinal Sin sa mga tao na magtungo sa EDSA at Kampo Aguinaldo upang suportahan sina Enrile at Ramos.

Wala nga namang kalaban-laban sina Enrile, Ramos, at 300 tauhan nila kay Marcos, ang punòng komandante ng AFP, na may 140,000 tauhang nakatalaga sa mga hukbong katihan (navy) himpapawid (air force), dagat (navy), at konstabularya at kapulisan.

Hatinggabi. Libo-libo na ang dumagsa sa EDSA, karamiha’y mga maka-Cory.

 

Linggo, ika-23 ng Pebrero 1986

Umaga. Umabot na sa 100,000 tao ang nása EDSA. Lahat ng uri ng tao ay naroroon. Lalaki at babae. Bata at matanda. Propesyunal, kawani, at manggagawa. Mayaman at mahirap.

Nása likod pa ni Marcos si Hen. Ver at iba pang mga pangunahing heneral ng AFP. Hawak pa rin niya ang mga himpilan ng telebisyon: ang Channel 2, 4, 7, 9, at 13. Halos oras-oras ay ipinalalabas sa mga ito ang kanyang mga pahayag; kayâ, lumilitaw na kontrolado pa niya ang sitwasyon.

Sa isang pag-uusap sa telepono, inalok ni Marcos si Enrile ng patawad (amnesty). Tinanggihan iyon ni Enrile. Nagsimula na raw ang laban; wala nang urungan pa.

Ika-12:30 n.h. Lumipat sina Enrile at Ramos ng pagkukutahan. Sumakay silá ng mga trak at dyip na pangmilitar papuntang Gate 2 ng Kampo Aguinaldo. Nakaharap ang gate na ito sa EDSA at sa Gate 1 ng Kampo Crame. Nagsibaba silá nang makarating doon, lumabas ng Gate 2, at tinawid ang EDSA. Pinapalakpakan silá ng mga tao. Pumasok silá sa Gate 1 ng Kampo Crame. Sa kampong iyon na silá magkukuta. Mas madali raw kasing ipagtanggol ang Kampo Crame, dahil mas maliit ito kung ihahambing sa Kampo Aguinaldo. Ginawa nilang himpilan ang punòng gusali ng PC/INP.

Inutusan na ni Marcos ang Philippine Marines sa pamumuno ni Brig. Hen. Tadiar na lusubin na sina Enrile at Ramos. Ang himpilan ng mga Marines ay nása Kuta Bonifacio sa Taguig at mga pitong kilometro ang layo nito mula sa Kampo Crame.

Ika-5:00 n.h. Namataan na dumarating na sa interseksiyon ng EDSA at Ortigas Avenue ang hukbo ni Brig. Hen. Tadiar. Armadong-armado ang mga Marines, at naglalakihan ang mga tangkeng pandigma na dala nila.

Nagulat ang mga tao sa EDSA. Naghiyawan at sumugod silá papuntang EDSA-Ortigas upang magkapit-bisig, harangin ang mga papalusob na sundalo at tangke, at sa gayo’y maprotektahan sina Enrile at Ramos.

Tumindi ang tensiyon. At kalunos-lunos ang mga tagpo. Nag-iiyakan at nakikiusap ang mga tao sa mga Marines na huwag nang tumuloy upang maiwasan ang pagdanak ng dugo, ang “sagupaan sa pagitan ng mga magkakapatid sa tungkulin.” May mga nanalangin. May mga nag-alay ng mga bulaklak at pagkain sa mga sundalo. Dumagsa sa EDSA ang mga pagkain at tubig. (Pumasok na ang makinarya ng mayayamang kakampi ni Cory).

Hindi talaga makausad ang mga tangke, dahil hinaharang nga ng mga tao. Nanaig ang lakas ng mga mamamayan. Dahil sa mga tagpong iyon, umusbong na ang pariralang “people power” o “lakas ng mamamayan” at “lakas ng bayan.”

Nagkaroon na ng malinaw na direksiyon ang kilusan: Nagrebelde sina Enrile at Ramos laban kay Marcos, sinusuportahan silá ng táong-bayan, nauwi na iyon sa isang himagsikan ng sambayanan, at dapat ay bumaba na sa puwesto si Marcos at papalit na si Cory.

Ang mga nagaganap sa EDSA-Ortigas, kung saan patuloy na hinaharang ng mga tao ang nagpupumilit pa ring hukbo ni Brig. Hen. Tadiar, ay hindi ipinalalabas ng mga himpilan ng telebisyon, dahil hawak pa nga ni  Marcos ang mga himpilang iyon.

Subalit naipalalabas ang mga tagpong iyon sa mga telebisyon sa ibang bansa. Hinangaan ang giting ng mga tao laban sa mga tangke. Umapela si Papa Juan Pablo II na huwag sasaktan ang mga tao. Gayundin ang mga pamahalaan ng iba’t ibang bansa.

 

Lunes, ika-24 ng Pebrero 1986

Ika-5:00 n.u. Lumapag sa Kampo Crame ang limang helikopter ng 15th Strike Wing ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas. Silá ang mga unang grupong pangmilitar na pumanig sa mga rebelde.

Ika-8:45 n.u. Nilusob ng mga rebeldeng komando nina Enrile at Ramos ang Channel 4.

Ika-9:30 n.u. Isinailalim ni Marcos ang bansa sa “estado ng panganib.” Nagpatupad din siya ng karpyo mula ika-6:00 n.u. hanggang ika-6:00 n.g. Karpyo sa araw? Pinagtawanan siya.

Ika-1:45 n.h. Nawala sa ere ang Channel 4.

Ika-2:00 n.h. Sa kanyang tanggapan sa Malakanyang, nagsasalita si Marcos at live na napapanood sa Channel 2, 7, 9, at 13, nang biglang pumasok si Hen. Ver, nakapatig na.

“Handa na po ang mga eroplano,” pabatid ni Ver matápos sumaludo kay Marcos.

“Huwag, huwag,” pigil sa kanya ni Marcos. “Ayokong madamay ang mga tao.”

“Pero handa na po ang mga eroplano,” pilit ni Ver habang nakataas ang kanang hintuturo.

“Huwag, huwag, huwag,” pigil pa ni Marcos.

Nang mga sandaling iyon, umiikot-ikot na sa himpapawid sa Kampo Crame ang mga eroplanong pandigma na ipinalunsad ni Hen. Ver. Nakahanda nang bombahin ang kampo, kahit napakarami ng mga sibilyang nakapalibot doon. Pinanonood ng mga tao ang mga eroplano. Wala siláng magawa kundi ang mag-iyakan, matákot, at humandang ibuwis ang kanilang mga búhay.

Alam ni Marcos na kung pahihintulutan niya si Ver na bombahin na ang kampo, isang malagim na krimen ang magagawa niya: Ang pumatay ng mga táong walang kalaban-laban. Alam niyang uusigin maging ang kanyang mga kaapu-apuhan.

Ika-3:00 n.h. Sa isang púlong pambalitaan, ipinaalam ni Enrile na nagtatatag na si Cory ng isang bágong pamahalaan.

Ika-8:00 n.g. Bumalik sa ere ang Channel 4, subalit hindi na mukha ni Marcos ang nakikita kundi ang sa mga rebelde na sa pangunguna ni June Keithley, isa sa mga pangunahing sumusuporta kay Cory.

Naghanda na si Brig. Hen. Tadiar para sa hulí at sagarang paglusob sa Kampo Crame. Subalit hindi talaga nila magagawa iyon, dahil umabot na sa dalawang milyon ang tao sa EDSA.

 

Martes, ika-25 ng Pebrero 1986

Ika-7:00 n.u. Nilusob ng mga rebeldeng komando ang iba pang mga himpilan ng telebisyon. Nagsagupaan ang mga rebeldeng kawal nina Enrile at ang mga loyalistang sundalo ni Marcos.

Ika-10:00 n.u. Sa isang restawran sa Club Fiipino sa Greenhills, San Juan (malapit lámang ito sa Kampo Crame), nanumpa sina Cory at Doy bílang ang bágong pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. Kasáma sa mga sumaksi sina Enrile at Ramos.

Ika-11:00 n.u. Nanumpa rin si Marcos sa Malakanyang, sa harapan ng kanilang mga loyalista. Matápos iyon, inawit ni Imelda ang awit nila nila Marcos, ang “Dahil sa Iyo.” Naipalabas pa ang seremonyang ito sa Channel 7, 9, at 13.

Ika-12:30 n.h. Nakubkob na ng mga rebelde ang lahat ng iba pang istasyon ng telebisyon. Habang nagsasalita si Marcos sa kanyang tanggapan at live na napapanood sa Channel 9 at 13, bigla siyang nawala sa ere. Tuluyan nang iginupo ang kanyang rehimen.

Nang makita ni Brig. Hen. Tadiar na nawala na si Marcos sa alinmang himpilan ng telebisyon, bumigay na rin siya. Inutusan niya ang mga Marines na bumalik na sa Kuta Bonifacio. At tumawag siya kay Ten. Hen. Ramos upang ipaalam ang kanyang pagsuporta sa bágong liderato.

Hapon. Sa telepono, nagkaroon ng negosasyon sina Marcos at Enrile tungkol sa pagbaba sa puwesto ni Marcos.

Ika-9:45 n.g. Dalawang helikopter ang lumapag sa paligid ng Malakanyang upang sunduin sina Marcos at ang kanilang mga kaibigan. Dinala silá sa Clark Air Field, ang base militar noon ng Estados Unidos sa Pampanga. Mula roon ay inihatid silá ng isang eroplano ng Hukbong Himpapawid ng Estados Unidos patungong Honolulu, Hawaii. Tangay nila ang male-maletang salapi, alahas, ginto, at iba pang kayamanan.

Kinilala na ng Pransiya, Estados Unidos, at iba pang bansa ang pamahalaan ni Cory.

Nang matiyak na wala na sa Malakanyang ang mga Marcos, nilusob na ng mga tao ang palasyo. Doon, natunghayan nila ang mala-hari’t reynang pamumuhay ng mga Marcos, sa gitna ng malaganap na kahirapan sa bansa.

Nang sumunod na umaga, sumibol ang isang bágong pag-asa para sa bayan.

 

Bágong Kalayaan

Dahil sa himagsikang ito, lumaya ang bansa mula sa diktadurya. Nanumbalik ang demokrasya; kayâ, muling nagkaroon ng tinig ang mga mamamayan na maipahayag ang kanilang mga saloobin, at nawala na ang pangamba na dulot ng mapaniil na pamahalaan. Kung dati, takót ang mga tao na batikusin ang pangulo ng bansa, ngayon ay malaya na nila itong nagagawa.

Nagkaroon din ng bágong konstitusyon, ang Saligang Batas ng 1987. Nakapaloob dito ang mga natutuhan mula sa diktadurya: Nilimitahan sa iisang anim-na-taóng termino na lámang ang panunungkulan ng pangulo; kahit may proklamasyon ng batas militar ang pangulo, ang Kongreso ay magpapatuloy sa trabaho nito at hindi ito maaaring ipasara; bawal nang italaga ang asawa, mga anak, at mga kaanak ng pangulo sa anumang tungkulin sa pamahalaan o sa mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan; bawal din siláng pumasok sa anumang transaksiyong pananalapi ng pamahalaan; at binigyang-halaga ang mga karapatang-pantao.

May bágong kalayaan. Ngunit ang anumang uri ng himagsikan at pagbabago ay hindi nakasalalay lámang sa mga lider ng bayan. Hindi makakayanan noon ni Cory na maiahon agad ang bansa mula sa kinasasadlakan nito. Hindi rin ang pamahalaan na lámang lagi ang dapat sisihin sa karukhaan at iba pang suliranin ng bansa. Bawat isa ay dapat na mag-ambag para sa ikauunlad ng bayan, at hindi iyong iaasa na lámang ang pag-igi ng búhay sa pamahalaan.

Ang pagbabayad ng tamang buwis, ang pagtalima sa mga batas at alituntunin ng lipunan, at ang pagsusumikap at pagtitiyaga na ungusan ang dating hikahos na búhay ay mariringal na anyo ng pagmamahal sa bayan na lubusang makatutulong upang manatiling buháy ang layunin ng Himagsikang Lakas ng Bayan: Ang pagkakaisa para sa kalayaan, kapayapaan, at kaunlaran.

 

Mga Pansariling Karanasan

Nakatira kami ng aking pamilya noon sa loob mismo ng Kampo Crame, dahil nakatalaga ang tatay ko (pulis siya) sa tanggapan din mismo ni Ten. Hen. Ramos. Nagtin-edyer pa lámang akó noon, at nása unang taon sa Mataas na Paaralang Kampo Crame, isang paaralang pambayan sa loob din ng kampo.

Gabi ng Sabado, ika-22 ng Pebrero, naglalagablab sa radyo ang balita. Dinig na dinig din namin ang tinig ng mga tao sa labas ng kampo. Ang mga sundalo at pulis naman sa loob ng kampo ay armado, nakapatig, at tensiyonado. Alam nila na anumang oras ay magkakapatayan na.

Nagpaalam sandali ang tatay ko sa tanggapan ni Ten. Hen. Ramos upang puntahan kami at papaghandain sakaling kailangan naming tumakas ng kampo. Inutusan kaming magkakapatid ng nanay namin na magbalót ng mga damit. Narinig ko ang pag-uusap ng tatay ko at ng iba pang mga pulis at sundalo. Susuportahan daw nila sina Enrile at Ramos anuman ang mangyari.

Kinabukasan, Linggo, ika-23 ng Pebrero, sa labas ng Gate 1 at Gate 2 ng kampo ay punông-punô ng mga tao, samantalang ang Gate 3 at Gate 4 ay nakakandado at nahaharangan ng mga trak pangmilitar. Hindi tuloy kami makalabas ng kampo upang makapamalengke. Biglaan ang mga pangyayari, at hindi kami nakahanda. Mabuti na lámang at dumagsa sa EDSA ang sako-sakong tinapay. May mga nakarating sa bahay namin.

Lunes, ika-24 ng Pebrero, ang pinakakritikal na araw. Wala kaming pasok sa paaralan. Suspendido ang mga klase. Habang napapanood namin sa Channel 9 ang ginawang pagpasok ni Hen. Ver sa tanggapan ni Marcos upang humingi ng pahintulot na bombahin na ang Kampo Crame, lumabas kami ng bahay at sumáma sa mga tao na nangagtakbuhan patungo sa gusaling kinalalagyan nina Enrile at Ramos.

Kitang-kita ko ang mga eroplanong pandigma na paikot-ikot sa himpapawid at nakahandang tirahin na kami ng mga bomba. Mura pa ang isipan ko noon, pero doon akó unang nakaramdam ng tákot ng kamatayan. Humigpit na ang hawak ng mga sundalo at pulis sa kani-kanilang mga baril. Naramdaman ko kung papaanong natákot ang mga tao. Subalit pagkaraan ng isang oras, nawala ang mga eroplano. Tuwang-tuwa kami.

Martes, ika-25 ng Pebrero. Napapanood namin sa telebisyon na nanunumpa sina Cory at Laurel bílang pangulo at pangalawang pangulo. Napanood din namin ang panunumpa ni Marcos. Pagdating ng hapon, nawala na sa telebisyon si Marcos. At sa kalaliman ng gabi, ibinalita sa telebisyon na umalis na ng Malakanyang sina Marcos.

Kinabukasan, Miyerkules, ika-26 ng Pebrero. Matápos mag-almusal, kinuha ko ang aking bisikleta at pinuntahan ang Gate 1 ng Kampo Crame. Wala na roon ang mga tao. Balik sa dati ang EDSA; punô na naman ito ng mga sasakyan. Bukás na rin ang iba pang gate ng kampo.

Pinuntahan ko rin ang aming paaralan. Tahimik na tahimik ito. Wala pa kasi kaming pasok. Nananatiling suspendido ang mga klase.

Lunes, ika-3 ng Marso. May pasok na kami sa paaralan. Katákot-tákot at hindi matápos-tápos ang mga balitaktakan tungkol sa mga nangyari.

“Pumunta kami sa EDSA,” sabi ng isang kaklase na taghiyawatin. “Malápit lámang kami sa mga humarang sa mga tangke.”

“Kami naman, natákot,” sabi ng isang kaklase na makinis ang mukha, “kayâ, nása bahay lang kami.”

“Nása EDSA rin kami,” sabi ng isang kaklase na singkit. “Kitang-kita ko nga ang mga eroplano. Mabababa lang kasi ang lipad!”

“Nakita ko rin ang mga eroplano!” sabi ng isang kaklase na malalaki ang mga mata. “May mga inihulog daw na bomba. Pero hindi raw sumabog!”

“Nandoon din kami sa EDSA,” sabi ng isang kaklase na payat. “Kaso lang, nagútom kami. Umuwi na lang tuloy kami.”

“Kami rin, nása EDSA,” sabi ng isang kaklase na mataba. “Ang sasarap nga ng mga tinapay na nakuha namin doon e!”

Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa isipan ko ang mga pangyayaring iyon: Ang tensiyon, ang mga pangamba, ang tákot, ang giting ng sambayanan, at ang pagmamahal sa kalayaan.

 


Tagaytay City, Cavite, ika-14 ng Mayo 1984: Excursion ng staff ng noo'y si Lt. Gen. Fidel V. Ramos, hepe noon ng PC/INP (PNP na ngayon) at ikalawang hepe ng AFP. Nakaupo si Gen. Ramos katabi sa kanyang kaliwa ang kanyang maybahay na si Gng. Amelita "Ming" Ramos. Isa ako sa mga batang nasa harapan.



Talasanggunian:

Bangko Sentral ng Pilipinas.

Bulletin Today, People’s Journal, Philippine Daily Inquirer, Tempo, ika-23-26 ng Pebrero 1986.